"Hindi! Allen!"
Sumisigaw na napabalikwas si Khari. Parang may kung ano'ng bagong takot ang kumakain sa katinuan niya.
"Yes?"
Hinihingal at pawis na pawis siyang bumaling ng tingin sa binatang nakaupo sa harapan niya. Nakatitig ito at parang naghihintay ng susunod niyang sasabihin.
Tulalang tumitig si Khari sa asul na sapin ng kama at pilit kinakalma ang kabog ng dibdib niya.
Okay si Allen.
Buhay siya.
At maliwanag na ang kuwarto. -
Isa isa niyang kinokolekta ang mga bagay na maghahatid sa kaniya sa matinong kamalayan.
"Are you okay?" tanong ulit ng binata. Bagamat kalmado ay seryosong nagmamasid ito sa kaniya.
Sinalo ni Khari ang mabigat na ulo. Tumitibok ito na parang sasabog.
"Hey, ito, inumin mo. Gising ka na ba?" sabi ni Allen na hinimas ang likuran niya.
Sinilip niya ulit ang binata habang inaabot nito sa kaniya ang mainit na kape. Malinaw na malinaw sa alaala niya ang pagbagsak ng binata sa sahig habang nakatitig sa kaniya ang walang buhay nitong mata.
Napatingin si Khari sa dibdib ni Allen. Umaagos ang dugo sa t-shirt nito kagabi at ngayon ay...
Ngayon ay makinis ito at walang butas ng bala. At wala rin itong damit pang-itaas!
Nag-iinit ang kaniyang mga pisngi habang inilalayo ang kape at mga mata niya papunta sa ibang direksyon. Pilit niyang binubura sa isip ang hitsura ng hubad na dibdib nito.
Nakita na rin naman niya nang ganoon si Anton at bukod sa kulay, di naman sila nagkakalayo ng matipunong dibdib. Pero ni minsan ay hindi siya nakaramdam ng ganito sa kaibigan.
Obviously, hindi totoo ang nasa alaala niya. Nag-register na rin sa kaniya ang hitsura ng paligid. Wala siya sa kuwarto niya at narito pa rin sa kuwarto ni Allen.
It's happening again. Wala siyang kontrol dito at ito ang pinakaayaw niya.
"Bakit ako nandito?" tanong niya kay Allen na nakalayo na at nagsusuot na ng t-shirt. Ngayon ay pansin na niya ang bagong paligo nitong hitsura. Lalo tuloy siyang nakaramdam ng pagkailang.
Nakatulog ba siya rito sa kuwarto ni Allen?
"You tell me. Tahimik akong natutulog nang bigla kang pumasok na parang magnanakaw at dumerecho dito sa wardrobe ko," sagot ni Allen na nasa harap mismo ng sliding mirror ng wardrobe niya.
Nagdugtong ang kilay ni Khari habang naiinis sa sarili. Lumubog ang gilid ng kama kaya napatingin siya ulit sa kaharap.
"You really sleepwalk still, don't you? And it's deep sleeping. Ginigising kita pero di ka magising. Tell me, ano'ng napanaginipan mo?"
Huminga nang malalim si Khari. Hiyang- hiya siya sa nagawa lalo na nang makita niya ang sapin at unan sa sahig.
"Ako ba ang naglabas niyan?" hula-tanong niya.
"Yes, bago mo ako sinunggaban at parang sasaksakin," sagot naman ni Allen. "I assumed na natuwa ka sa kama ko kahapon, kaya pinagbigyan kita matulog dito," sabi nito patungkol sa kama.
"D'yan ka natulog?" tanong ni Khari na nakaturo sa sahig.
"You can say that, sure, bumaba naman ako pero di lang ako ang natulog sa sahig," sagot ulit ni Allen. "You slept, sitting beside me... Cradling me while crying."
Hindi makapaniwala si Khari sa narinig. Inalala niya ang buong eksena kagabi. Hindi talaga siya makapaniwala that this is the second time na napanaginipan niya si Allen na nasaktan. At hindi siya komportable dito.
"Sabi ko, what did you dream about me?" Lumapit ang mukha ni Allen sa kaniya.
"Wala. Hindi ko maalala. 'Di ba may sakit ka?" Inalis ni Khari ang kumot na nakatabon sa kaniya at tumayo na. "Hindi ba't papasok ka pa?" dugtong niya.
"Tayo. Isasama kita," sabi nito.
Nasa pintuan na si Khari nang lumingon siya. "Tayo? Isasama mo ako sa presinto?" parang kinabahang sabi ng dalaga.
"Samahan mo na ako saka tayo dumeretso sa airport," sagot ni Allen. "At wala ako'ng sakit," sagot nitong may ngisi ang mata.
****
"Halika sa loob."
Tumingin nang seryoso si Khari kay Allen. Hindi kaya ako ang huling trabaho ni Allen? Ang ipakulong ako? - isip isip niya.
"Come on, pinosasan ba kita?" tanong- sagot ni Allen na parang nabasa ang nasa isip niya.
Napilitang lumabas ng kotse si Khari at sumunod kay Allen papasok ng presinto. Nilampasan nila ang front desk matapos salubungin ng saludo ang binata at pumasok sa isang de rehas na pinto.
"Sit here. Don't go anywhere, okay?" Itinuro ni Allen ang nag-iisang mesa na naka puwesto malapit sa bintana.
Nahulaan niya agad na mesa ito ni Allen dahil nakita niya ang naka-display na family picture nilang pamilya. Kung hindi niya ito kilala ay iisipin niyang mag -asawa sila ni Amy dahil magkatabi ang mga ito at si Allen ang may hawak kay Cholo.
"Sino 'yan?"
"Hindi siya 'yung nasa picture."
Narinig niya ang bulungan kaya nilingon niya ang mga ito. Dalawang babaeng naka-uniform ang biglang naghiwalay at umiwas ng tingin sa kaniya. Marahil ay iyon din ang akala ng mga ito sa detective.
Hindi ba nila inaalam na binata si Detective? -pagtataka niya.
Sinipat niya ang direksyon na pinuntahan ni Allen at ng mga tinawag nito. Nasa may dulo ito ng kuwartong may salamin. Parang signal na nagtagpo ang mata nila habang may itinuturo si Allen sa white board sa mga kasamahan. Tumango lang siya nang bahagya nang ngitian siya nito.
Napangalumbaba si Khari. Hindi niya alam kung gaano katagal ang hihintayin niya sa cubicle na iyon. Malinis naman ang lamesa at walang maililigpit. Tinatamad siyang tumipa-tipa sa keyboard ng computer nito. Natigil siya nang bumukas ang screen ng monitor.
Sakto namang may pumasok na dalawang bagong lalaki na tila bitbit ng mga pulis para imbestigahan. Medyo lasing ang mga ito at parang nagkasagupaan.
Pasimple siyang lumingon ulit sa paligid. Busy ang lahat. Pati mga nakakulong sa maliit na selda ay nakiingay para pag-awayin lalo ang dalawang bagong dating na lasing. Maging ang dalawang babaeng pulis kanina ay lumapit sa dumating para um-assist.
Huling sulyap kay Allen at nagsimulang gumalaw nang kusa ang mga kamay ni Khari. Nagbukas siya ng youtube sa google bago mabilis na naghagilap ng mga folder files ng binata. Una niyang pinag-initan ang may pangalang On going case update file.
May password!
Naiinis siyang nag-browse ulit sa desktop. Nagbabaka-sakaling may makita tungkol sa grupo ni Peter.
Nahinto siya nang makita ang Rizal files. Binuksan niya ito at may nakita ulit na apat na folder.
Binuksan niya ang reports folder at lumabas ang ilang word files.
Humelera sa mata niya ang mga file name na S.Laude, M.Giyang, S.Santos, S.de Dios, P.dela Cruz, at GA.dela Cruz
Binuksan niya ang unang magkasunod na pangalan at nakita ang mga mukha ng lalaking napatay niya sa may ilog. Mabilis na kumabog ang puso niya.
Tamang files ang nabuksan niya!
Agad niya 'yun pinagsasara at nanginginig na binuksan ang word file ng S.de Dios.
Inasahan niyang makita ang mukha ni Santiago na nakapikit at halos di makilalang katawan. Naroon nga ang picture nito noong huling mahuli ng awtoridad at ang larawan ng bangkay nito na nakita sa lumang pabrika kamakailan.
Sinunod niya ang S.Santos. Si Simon. Tumambad sa kaniya ang demonyong may kadenang tattoo sa leeg. Sumikip nang husto ang dibdib niya. Parang kidlat na nagdaanan na sa isip niya ang pira-pirasong eksena nang gabing iyon.
Iginalaw niya ang mouse sa folder at tila naninigas ang kamay na pinidot ang file ng P.dela Cruz.
Ang tattoo'ng krus at bungo sa magkabilang dibdib ni Peter. Ang pilas nito sa tenga na bunga ng pagbaril niya.
"Khari-"
Tumalon sa gulat ang puso ni Khari nang marinig si Allen pero hindi siya agad natinag. Hindi niya magawang isara ang larawan ni Peter. Ngayon pa lang ay gusto na niyang basagin ang mukha nito sa monitor ng computer.
Ilang segundo pa ang itinagal niya sa pagkakatitig bago niya tuluyang tinakpan ng video ang monitor. Gusto pa sana niyang tingnan ang isa pang file pero nasa harap na niya ang binata.
Nakangiting lumapit si Allen at sinilip ang ginagawa niya sa monitor.
"Ready ka na ba?" tanong nito.
Nagbago ang ngiti ni Allen at napalitan sa pag-aalala nang hindi agad nakasagot si Khari. Muli itong bumaling sa monitor at nakita ang bukas na file sa taskbar. Lumitaw ulit ang mukha ni Peter nang isara niya ang browser tab.
"Khari..." Hinawakan ni Allen ang mga kamay ng dalaga na ngayon ay 'singlamig ng yelo. "Look at me, Khari. Just look at me," mahinang sabi nito habang pinapatay ang file.
Inilayo ni Khari ang mata sa monitor. "I-I'm sorry," wika niya.
"It's okay. Papatayin ko na 'to," sabi ni Allen na nag-shutdown ng computer. "Let's go."
Kinuha ni Allen ang kamay niya at hindi na niya iyon inalintana pa. Pagdating sa kotse ay saka lang nakapagsalita ulit si Khari.
"Hindi ko kayang umalis," sabi niya. "Hindi ko kayang magbakasyon o magsaya hangga't alam kong buhay sila, Allen." Nangilid at tuluyang tumulo ang luha ni Khari. Hindi na siya lumaban pa nang lumapit si Allen at yakapin siya.
"Yes, you can," mahinahong sabi ni Allen na ikinailing niya.
Paano siya magsasaya? Paano siya magpapahinga kung ang pumatay sa kaawa awa niyang mga magulang ay malaya pa?
"Hindi ko kaya..." impit niyang hikbi.
"Shhh..." Pilit siyang pinakalma ni Allen. "Khari, nangangako ako sa 'yo. Magkakahustisya ang nangyari sa inyo." Iniharap siya ng binata at inayos. "Mangyayari 'yun without you, risking your precious life. I have the authority. Let me do it for you." Pinunasan ni Allen ang mga luha ni Khari.
"Ngayon ko lang sila nakita ng gano'n kalinaw. Nanginginig ang buong hibla ng pagkatao ko," confess niya habang humihiwalay sa binata.
"I know how you feel, trust me. Pero may tamang paraan. Kung ikakapahamak mo naman sa huli, talo ka pa rin. Don't let anger get the best out of you. Do you understand?"
Hindi na umimik si Khari kahit gusto niyang sabihin na wala na siyang pakialam sa maaring mangyari sa kaniya. Na gusto lang niyang mapatay sila Peter para sa ikatatahimik ng kalooban niya.
"Khari, I made a promise to you, didn't I?" Nagtagpo ulit ang tingin nila. "We got orders of a shoot-to-kill to their group. And my team are on the move twenty-four seven. So please. Hm?"
Tahimik na tumango si Khari.
Shoot to kill.
Ito marahil ang pinakamalapit na puwedeng mangyari bukod sa pinapangarap niya. Hindi man sa mga kamay niya ay mamamatay pa rin ang mga 'to.
"Ihaharap mo sa 'kin ang mga bangkay nila?" mahinahon ngunit madiin niyang tanong.
"Pangako."
****
"Samahan na kita."
Palabas na ng kotse si Allen pero pinigilan siya ni Khari.
"Ako na lang. Sandali lang naman ako," sabi niya.
Tumitig sa kaniya si Allen kaya nag-react si Khari.
"Hindi ako tatakas, okay?" sabi niya.
"I didn't say that you will," sagot ni Allen.
Hindi na pinatulan ni Khari ang depensa ng detective. Mabilis siyang tumalikod at umakyat ng bahay.
"Anton?" tawag niya.
Kumatok siya nang pihitin niya ang door knob at naka-lock iyon. Kinapa niya ang susi sa ilalim ng rug at binuksan ang pinto. Inikot niya ang paningin. Malinis ang buong bahay katulad ng dati. Pero sobrang linis nito ngayon at walang sign ng tao sa loob.
Sinilip niya ang kuwarto ni Anton bago dumeretso ng sariling silid. Hinugot niya ang maliit na travel bag saka kumuha ng ilang pares ng panloob at pang- alis. Pagdukot niya ng isang pantalon ay sumabit at nahulog ang isa niyang patalim.
Dinampot niya iyon at naisip ang mga nasa bag niya na ngayon ay na kay Allen. Madalas ay may dala siyang ganito tuwing aalis para depensa. Pero palagay niya ay wala siyang paggagamitan nito ngayon.
Bago lumabas ay muli niyang sinilip ang kuwarto ni Anton habang dina-dial ang number nito.
Napansin niya ang nakasulat sa maliit nitong kalendaryo.
"Surprise gift" saad ng note na katabi ng nakabilog na petsa uno. Nakaramdam siya guilt para sa binata.
"Wala si Anton sa itaas," salubong ni Khari kay Allen. Nakasandal ito sa kotse at naghihintay.
"Sinubukan mo ba siyang tawagan?" tanong ni Allen.
"Oo, kanina pa. Pero di niya sinasagot," reklamo ni Khari.
"Baka nasa mga kaibigan or nagtampo?" suhestyon ni Allen.
Hindi na sumagot si Khari. Mabait na tao si Anton at palakaibigan. Pero dahil sa sitwasyon niya ay iniwasan nitong makipagbarkada o makipaglapit kanino man.
Tahimik silang bumyahe hanggang sa makarating ng airport.
"Umidlip ka muna," utos ni Allen nang makapasok sa eroplano.
"Hindi na," sagot niya kahit ang totoo ay inaantok siya. Madalas kapag nananaginip siya nang gano'n kalalim ay nagigising siyang pagod na pagod.
"I said, sleep." Isinandal ni Allen ang ulo niya sa balikat nito and lock her shoulder na parang paakbay. "Tulog muna," utos nito.
Umiwas si Khari sa akbay ni Allen pero dahil napaka-inviting ng balikat ng binata ay inaantok na nga siya. Kaya di man siya sumunod na higaan ang inaalok na balikat nito ay sumandal na rin siya sa braso ni Allen at pumikit.
"Just so you know, Detective del Rosario, hindi ako natatakot sa 'yo," sabi niya nang hindi na tumitingin.
Ramdam ni Khari ang pag-uga ng braso ni Allen sa tabi niya.
"I know that, Miss Crisostomo," natatawang sagot nito.
Her lips involuntarily smirked.
****
Nadilat si Khari sa mahinang turbulence ng eroplano. Umupo siya nang maayos nang mapansin niyang halos nasa ibabaw na siya ng dibdib ni Allen.
"We're here," nakingiting silip ni Allen sa kaniya.
Tumango lang siya habang pasimpleng pinupunasan ang gilid ng kaniyang labi. Just in case.
Sumalubong sa kaniya ang airport ng Coron town. Isang pamilyar at malayong alaala at the same time. Halos wala itong ipinagbago. Maaliwalas ang mga papamuti at ilaw sa paligid. Marami pa ring tao at dayuhan lalo na't nasa holiday season ngayon.
Palabas na sila ng airport para hanapin ang nirentahan ni Allen na service papunta sa hotel kung saan nag-stay ang pamilya ni Allen.
"It should be here by now," saad ni Allen habang may tinatawagan sa telepono.
"Ano'ng sasakyan ba?" tanong ni Khari.
"I'm not sure but they mentioned a white van as an option."
Nagdugtong nang kilay ni Allen na parang naiirita.
"Kung hindi mo sila makontak , marami namang sasakyan dyan," paniguro ni Khari. "Saan ba tayo dederetso?"
Biglang may humintong L300 sa kanilang harapan at nagbukas ng bintana.
"Khari!"
Nagdugtong ang kilay ni Khari nang makilala ang tumawag. Halos mapanganga siya sa di inaasahang pangyayari.
"What are you doing here?" tanong ni Allen.
"Good morning detective, hi Khari."
Naiiling na nangiti si Khari sa binatang nagbaba ng sunglasses nito. "Anton, hindi ako makapaniwala," natatawa nang sagot ni Khari. Nahawa na siya sa maaliwalas na mukha at ngiti ni Anton. As usual.
"Pinadpad ako ng dasal ko rito," sagot ni Anton. "Wala ba kayong sundo? Dito na kayo," anyaya nito.
Bumusina ang isang grandia sa likuran ng L300.
"It's okay. Andito na ang sundo namin," tanggi ni Allen.
"Pero teka-" harang ni Khari sa pag-alalay ni Allen.
"Huwag mo 'ko alalahanin. May raket ako. Saan ba kayo mag-stay?" nakangiting tanong ni Anton.
Napangiti na rin si Khari.
****
Ilang sandaling pinanood ni Khari ang hitsura ni Allen. Parang hindi kasi ito komportable.
"Masikip ba?" tanong na niya sa detective.
"Umusog ka nang kaunti sa 'kin Khari," agad namang alok ni Anton na nasa kanan niya.
Uusog na sana siya pero pinigilan siya ni Allen.
"It's okay. Hindi lang ako sanay na naka-ipit," paliwanag ni Allen.
Ito kasi ang pinauna ni Khari sumakay para makita nito ang view sa labas. Nabanggit kasi ni Allen na ngayon pa lang siya makakarating dito sa Coron.
Hindi pa siya nakakasakay ay nasa likod na niya si Anton at iniwan na sa kakilala ang sasakyan para sumama sa kanila.
"Are you sure nandoon pa sa Secret Paradise ang kaibigan mo?" tanong ni Allen kay Anton.
"Oo naman, Detective. Sure na sure," nakangiting sagot ni Anton.
"Masaya ako'ng masaya ka, Anton," sinserong sabi ni Khari.
Tinapatan niya ang masaya at excited na aura ni Anton. Oo, masaya siya dahil di na ito nagtatampo, ibig sabihin ay bati na sila. Hindi rin naman siya makatagal na may tampuhan sila nito. Wala na rin ang bigat at dilim sa hitsura ng binata.
"At sisiguruhin kong magiging masaya ang mga araw mo dito," sinsero ding sagot ni Anton. "Una na 'to." Nag-abot ito ng supot ng kasoy sa kaniya. Isa ito sa mga paborito niyang kainin noong andito sila.
"Thank you," sagot niya.
Nakangiting sumandal nang maayos si Khari sa pagitan ng dalawang binata. Medyo may kasikipan dahil nagsiksikan sila sa isang helera pero ayaw naman niyang nasa likod o nasa harap si Anton. Nakakahiya rin iwan si Allen sa harap dahil ito talaga ang kasama niyang bumyahe. At siguradong tatabi sa kaniya si Anton kahit saan siya umupo.
Tahimik naman na nakatingin sa labas si Allen. Seryoso ang mukha nito kaya kinalabit niya. Nang lumingon ang binata ay kinuha niya ang kamay nito at itinihaya ang palad. Dumukot siya ng ilang kasoy at inlagay sa kamay nito.
"Paborito ko 'to, tikman mo. Teka-" sabay cover niya sa kamay nito. "-may allergy ka ba sa ganito?" tanong niya.
Umiling si Allen at napangiti. Inabot nito ang kamay niyang nasa ibabaw at ibinaba bago sumubo ng kasoy.
"Thank you sa concern. I'm fine."
Nahawa rin si Khari sa paraan ng ngiti ni Allen. Tahimik siyang kumain ng paborito niyang kasoy. Hindi pa natatapos ang araw na ito ay napakarami na niyang napagdaanang pakiramdam. At feeling niya ay di pa maratapos iyon.
Takot. Galit. Pagod. Saya. Mayro'n pa ba?