"Holiday vacation... Seryoso?"
Naiiling na tumingin sa ibang direksyon si Khari habang bumubuntong-hininga. Hindi kasi makapaniwala si Anton at nagsimula itong magreklamo pagkalabas na pagkalabas ng gate nila Allen. At hanggang ngayon ay naghihimutok ito.
"Ano'ng gusto mong sabihin ko sa kanila? Tumanggi naman ako, di ba? Gustong-gusto kasi nila si Kristof," namomroblema niya na ring sabi.
Bakit ba kasi naisip ng pamilyang ito ang mag out of town ng bagong taon?- isip-isip niya.
"So, ano? Miyembro na kayo pamilya nila ngayon? At bakit parang iba ang tingin sa 'yo ni Detective Allen?" himutok pa rin ni Anton. "Ano ba'ng mayro'n?"
"Iba?" Hindi malaman ni Khari kung napipikon o naiinggit si Anton dahil, natural, hindi siya kasama sa plano ng mga Del Rosario. Kaya naiintindihan niya rin ang tampo sa tono nito.
"Hindi ko alam ang sinasabi mo," sagot niya patungkol sa huling sinita nito kay Allen. "Isipin mo na lang 'yung tuwa nu'ng bata kanina," mahinang sagot niya. Maging siya ay di kasi komportable sa bakasyon na plano pero wala pa siyang naiisip na magagawa para harangin ito sa ngayon.
"Ako ang nag-aayang umuwi tayo sa Palawan. Tapos sa kanila kayo sasama..." halos pabulong na wika ng binata.
"Anton, alam mo'ng kung ako lang ang masusunod ay hindi ako sasama," mariing pabulong din na sagot ni Khari. Iniiwasan niyang marinig sila sa loob.
"Mag-iingat kayo. Tawag-tawagan mo na lang ako... kung di hawak ni detective 'yung phone mo," mahinang sita nito muli saka tumalikod.
"Anton..." habol niya ng tawag.
Wala siyang nagawa kung di panoorin ang kaibigan papalayo.
Ano nga ba'ng puwede niyang gawin?
Habang pumapasok ng bahay, nag-iisip pa rin si Khari kung papaano mahaharang ang lakad na naiplano. Ayaw niyang makalayo ang grupo nila Peter at mawala na naman sa radar niya ang lokasyon ng mga ito. At malaking hadlang ang ilang araw na bakasyon sa malayo.
Napahawak siya sa poste nang tila biglang umikot ang kaniyang paningin.
"Ma'am Khari, okay ka lang?" sabi ni Cecil na sumalubong. Ang yaya ni Cholo.
"Oo. Nawala lang sa balanse," mabilis niyang sagot dito habang inaayos ang sarili. "Saan ba kayo pupunta?" tanong niya nang makitang tila aalis ng sala ang magyaya.
"Ma'am upo ka muna," sabi nito na itinuro ang pinakamalapit na sofa. "Magsi-CR lang sana ako. Dadalhin ko si Cholo kay ma'am Amy," sagot ni yaya Nilda.
"Gano'n ba? Iwan mo na siya sa 'kin, ako nang bahala," prisinta niya.
"Talaga?"
"Oo. Bumalik ka lang kaagad," bilin niya.
"Ay sige, Ma'am, thank you, ha?" Dali daling umalis si yaya.
Natuon ang mata ni Khari kay Cholo. Napakaguwapo ng mistisong mukha nito. Maganda si Amy pero di nito ka-mata ang bata kaya hinuha niya ay nagmana ang hitsura nito sa ama.
Ngumiti sa kaniya si Cholo at humagikgik. Nagdugtong naman ang kilay niya habang nakatitig sa bata.
"Ano'ng nakakatawa?" Lumapit siya dito at tinanong ang isang taong gulang na baby.
"Sasagutin ka ba niyan?"
Napaupo nang maayos si Khari nang marinig ang papalapit na si Allen. Umupo ito sa tabi niya. Kahit maayos siya nitong inasikaso kaninang tanghali at maging nu'ng magpaalam siya bago sila umalis ni Anton ay hindi niya pa nakakalimutan ang pagtatalong nangyari sa kanila kagabi.
"I'm surprised as you are, you know? Hindi ko rin inaasahan ang biglaang plano nila," agad na paliwanag nito na patungkol sa bakasyon. "Ibinalita na lang nila ang plano, pagdating nila."
"Pero hindi ka sasama, di ba?" tanong niya. Tumingin siya kay Allen para makuha ang sagot.
"Don't you want me to?" seryosong tanong ng detective na nakatitig sa kaniya.
Ibinalik ni Khari ang mata sa bata at kunwari'y nilaro ito. Hindi niya alam ang isasagot sa tanong ng binata.
"Call of duty, right? Paano kung makawala sila? Makalayo na naman sa radar ninyo?" sagot-tanong niya.
"Is that all you really care about?" pabulong na tanong ni Allen.
For seven long years, oo. Iyon at iyon lang ang nasa utak niya. Bawat plano, bawat hakbang. Araw araw. Habang sinusundan niya ang mga balita tungkol sa mga grupong gumagawa ng paglapastangan sa lipunan, habang sumusuong siya at pumapatay ng mga halang ang kaluluwa, she's hoping one day ay makita ang mukha ng mga taong walang kunsensiyang sumira ng kaniyang tahimik at perpektong pamilya.
"I understand how eager you are, catching them. But will you not worry for a moment? Ginagawa ng team ko ang lahat," muling sabi ng binata.
Nagulat si Khari nang bigla siyang iharap at hawakan ni Allen. Tumitig ito sa kaniya habang pinipisil pisil ang kaniyang mga kamay. And the way he does it, para itong naglalgay ng pressure sa kaniyang mga palad.
"Will a promise be enough?" wika nito.
"Ano'ng promise?" tanong niya.
"Na ihaharap ko sila sa 'yo, once mahuli sila ng team ko," sagot nito.
Pinilit basahin ni Khari ang mga mata ni Allen. Tinitigan siya nito nang may malamlam ngunit seryosong mga mata. Hindi man siya bihasa magbasa ng ibig sabihin ng mga titig alam niya na kumakalma ang pakiramdam niya sa ginagawa nito sa mga palad niya.
Kumilos si Khari para makalayo nang bahagya at magising sa nararamdamang nakakalito.
"Enough, para saan?" tila dudang tanong niya muli habang tumututok kay Cholo.
"Enough para palampasin muna ang bagong taon," derechong sagot ni Allen.
"Pero paano kung-" hirit niya agad. Nakaramdam siya ng kaunting panic.
"Khari, for your little brother's sake. Rest your heart, enjoy the holiday and spend it with him... with us," dugtong nito.
Napahinga nang malalim si Khari at di agad nakasagot. Pero paano? Hindi na siya marunong. Hindi niya alam kung kaya niyang magpahinga. Lalo na ang magsaya.
"Look, my team will not rest. Hindi mangyayari ang iniisip mo," wika ni Allen.
"Hindi ka ba talaga sasama?" tanong niya ulit.
May kung ano sa boses ni Khari na nagpaliwanag ng mukha ni Allen.
"Susunod agad ako. It's just so urgent that I need to do some things first." Sumilay ang maliit na ngiti sa sulok ng labi nito. "Gusto mo ba 'kong sabayan?"
Dugtong na kilay ang tanging naging sagot ni Khari sa tanong ng binata. Ngayon ay kaduda duda ang mga tingin nito.
****
"Ate, excited na 'ko talaga!" masayang kwento ni Kristof. Hindi ito mapakali maghapon kakaulit ng salitang iyon.
"Oo na, oo na. Dadaanan lang natin ang ilang gagamitin sa bahay," sagot niya ulit. Nakakapanibago kay Khari ang bagay na ito pero di niya maiwasan ang mapangiti sa pakikipagkwentuhan sa kapatid.
"Tawagin mo na sila para maghapunan," utos niya kay Kristof.
Ilang sandali pa ay nasa dining room na ang mag-asawa at nakangiting sumalubong sa kaniya.
"Wow, ang bango ng nilaga. Alam mo talaga ang favorite ni Allen, ha?" sambit ni Tita Rina.
Napakunot ang noo niya kahit nakangiti. Hindi niya alam na paborito iyon ni Allen. Niluto niya 'yun dahil request 'yun ng binata sa kaniya bago umakyat ng kuwarto niya.
"Hmmm, bango naman ng patis-kalamansi!" bungad ni Amy na palapit kasabay ni Kristof. "I think you need to bring Allen his meal to his room," dugtong nito na nakatingin sa kaniya.
"Bakit, hija, di ba bababa ang kapatid mo?" nag-aalalang tanong ni Tito Ed.
"I don't know, kinatok daw siya ni Kristof and sumagot lang ng 'mamaya na' without opening his door. Why don't you check on him?" Sabay baling nito kay Khari.
"Kumain ka na muna, hija. Baka busy lang sa trabaho niya 'yun," harang ni Tita Rina.
"Ah, kinatok ko rin siya actually, he's lying on his bed nang silipin ko. Ang init nga pero nakakumot," kuwento ulit ni Amy.
"Naku... I think my son is acting," natatawang sabi ni tito Ed.
"Ano ka ba naman," sita ni Tita Rina. "He does look different kanina. Matamlay siya pagdating namin," kuwento pa nito kay Khari.
"Well, I thought it's just because Khari went out with her friend that he's-"
"Sisilipin ko na lang po siya," paalam ni Khari bago pa maituloy ni Tito Ed ang sasabihin.
"Okay, sure. We'll wait," sagot ni Tita Rina.
"Okay po," sabi niya saka umakyat sa itaas.
Kumatok siya nang mahina sa pintuan ni Allen bago niya pinihit ang doorknob at pumasok.
"Detective?" mahinang tawag niya. Hindi ito sumagot.
Saglit niyang nilibot ng tingin ang kuwarto ng binata na ngayon lang niya napasok. Maaliwalas ito sa alternate na blue at white nitong pader. May drop ceiling at warm light na ilaw. May built-in cabinet ito na mirror sliding ang pintuan na bahagyang nabukas. May nagreflect na ilaw sa loob kaya napasilip siya doon. Nakita niya ang kwintas na nakasabit. Ang kuwintas na hawak ni Allen kagabi at gustong ipasuot sa kaniya.
Napailing siyang tumalikod.
Tinalikuran niya ang cabinet at muling nagmasid. Malinis ang binata. Walang mga nakasabit na damit o pantalon maliban sa jacket nitong nasa may single sitter na sofa chair. Andoon din sa katapat na center table ang baril nitong nasa holster.
Sa king size nitong kama ay nasa gilid na gilid nakapuwesto si Allen at nakakumot.
Sa wakas ay lumapit na siya sa binata. Mainit nga ang loob ng kuwarto. Bagamat bukas ang bintana ay walang hangin na umiikot dahil patay ang aircon at electric fan.
Kinalabit niya ang binata. Nakatagilid ito palayo sa kama at nakapaharap sa kaniya. Nakapikit. Butil-butil ang pawis nito sa noo.
"Detective Allen?" mahinang tawag niya. Napansin niya ang bimpo na nasa likuran ng ulo nito. Kinuha niya iyon at umupo sa harap ni Allen saka pinunasan ang noo ng binata.
Napatitig siya sa tulog nitong hitsura. Dumampi ang towel sa kaniyang nakapikit na mata at tila kumurap ito. Sinubukan niyang alalahanin ang mukha ng binatang nag-angkas sa kaniya noon sa bike sa kanilang subdivision, seven years ago, at nakasama niyang kumain sa ice cream house isang araw bago magbisperas ng Pasko.
Hindi niya na matandaan ang batang mukha ng detective kaya di siya makakuha ng resemblance nito ngayon. Ang alam lang niya ay cute ang batang binata noon at ang mamang binata naman ngayon ay... guwapo?
Ewan.
Nagulat si Khari nang bigla itong dumilat. Nakadama siya ng taranta kaya napahawak siya sa pisngi nito.
"M-may lagnat ka ata kaya kita-"
Hinawakan ni Allen ang kamay ni Khari na nasa pisngi nito. "Kakain na ba?" tanong nito.
"O-oo." Tumayo na siya para makalayo pero di binitiwan ni Allen ang kamay niya.
"Help me up," wika nito.
Hindi handa si Khari nang umupo si Allen gamit ang kaniyang kamay para pangtayo kaya napasubsob si Khari sa balikat ng binata.
"Allen-" sita niya.
Kumunot ang noo niya pero napukaw ng iba ang kaniyang atensyon.
"Mainit ka talaga, ah," dugtong niya.
"Am I?" Kinapa-kapa rin nito ang sariling leeg at noo.
"Nah, I'm fine. Let's have diner," wika nito sabay ubo. Tumayo ito kasabay ni Khari. " Let's go."
Nasa may hagdan sila nang kumapit si Allen sa kaniya. "Sorry, parang nahihilo ako," paumanhin ni Allen.
Nagtataka man ay hinayaan niyang umakbay ito sa kaniya para maalalayan. Lahat ay nakatingin sa kanila pagdating sa dining area.
"Oh, you don't look good, son. Do we need to take you to the hospital?" salubong ng ina ni Allen.
"Seriously? As if papasok ng hospital si kuya," sagot ni Amy. "You know how he hates the place."
"I'm fine. Natuyuan lang ako ng pawis kahapon sa operation namin. Let's eat," sagot ni Allen.
Nilagyan siya ni Khari ng kanin at ulam sa mangkok. Tiningnan siya ni Allen and almost whispered his
"Thank you."
"We already prayed, kumain ka na," wika ng ama ni Allen.
"This is not right. Maybe we need to cancel our plan," reaction ni Tita Rina.
"No!" mabilis na sagot ni Allen." I mean, no need. Why? Papasok lang ako bukas to file my leave and endorse then susunod naman ako. Really, I'm fine, " sagot nito sabay pigil ng pag- ubo.
Bahagyang kumunot na naman ang noo ni Khari. Okay daw siya pero mukha namang may trangkaso. Tapos hindi pa ipa-cancel yung plano, pero akala mo may taning- wika ni Khari sa isip niyang naguguluhan.
"Allen Enrico Del Rosario, you're so stubborn. Mabuti pa, Khari, since he gives us no choice, sabayan mo na lang si Allen, " utos ni Tito Ed.
Tumingin siya kay Allen at sinalubong iyon ng binata. Seems like masasabayan niya nga itong bumyahe.
Ang weird.- bulong ng isip ni Khari.
"K-kayo po'ng bahala," sagot niya.
*****
9:30pm.
"Mag-ingat po kayo." Humarap siya sa kapatid at sinuklay ang buhok nito. "'Yung bilin ko sa 'yo," paalala niya.
"Huwag po magpasaway. Huwag po bibitiw at lalayo kina Tita Amy," bibong sagot ni Kristof sabay yakap sa bagong bag nito na bili sa kaniya ng mga Del Rosario.
"Are you sure ayaw ninyong magpa-drive?" ulit ni Allen.
"It's okay. Iiwan naman itong sasakyan sa Airport," sagot ni Amy. "Pagaling ka my dear brother," dugtong nito sabay kindat sa kapatid.
Isinara na ni Allen ang pinto ng sasakyan at kumaway sa pamilya. Sabay nilang pinanood ang paglayo ng mga ito bago pumasok ng gate.
Pagpasok ng bahay ay pinauna na siya ni Allen sa loob at nagsabing ito na ang bahalang magsara ng gate at mga pinto sa bahay.
"Bibigyan muna kita ng gamot," prisinta ni Khari.
"Meron ako sa kuwarto. Magpahinga ka na," sagot ni Allen.
Hindi nagpumilit si Khari at dumeretso na ng kwarto. Pinatay na ang ang ilaw para magpahinga. Nang makahiga ay agad siyang pumikit. Nakaramdam siya ng pagod at antok. Pumihit siya pakanan nang napansin niyang may umilaw sa side table. Ang cellphone niya. Agad niya 'yun kinuha. Ni hindi niya alam kung kailan ito ibinalik ni Allen. Binuksan niya ang text message.
Goodnight Khari. Sleep well so you can enjoy your vacation starting tomorrow - Allen
Naisip niyang mag-reply pero hindi niya itinuloy. Hindi niya alam ang isasagot. Ano nga ba? Kinapa niya ang sugat sa ulo at muling pumikit.
Makakapag-enjoy ba siya talaga sa bakasyong na 'to? Kasama ang ibang tao? Kasama si Allen?
***
Nagising si Khari sa mga tila kaluskos. Madilim ang paligid kaya makailang beses siyang kumurap para i-adjust ang mga mata. Napatingin siya sa direksyon ng pintuan nang makarinig ulit ng mahinang ingay. Agad siyang nakaramdam ng kaba. Kinapa niya ang patalim sa ilalim ng kaniyang unan saka maingat na lumabas.
Madilim ang pagilid. Dumako ang mata niya patungo sa kusina pero tahimik doon. Lumingon siya sa may sala at tahimik na tinunton ang papunta sa hagdan.
Mula sa ibaba, malapusa siyang umakyat hanggang sa marating ang pintuan ng kuwarto ni Allen. Nakaawang ito kaya marahan siyang sumilip. Patay ang ilaw sa loob maging ang lamp kaya madilim din doon. Tanging ilaw mula sa poste sa labas ang malamlam na liwanag na meron ito.
"Detective?" pabulong niyang tawag. Di niya alam kung may dapat nga ba siyang ikakaba o wala.
"Allen?" muli niyang tawag.
Nang walang marinig na sagot ay pumasok siya sa loob. Mahigpit niyang kinapitan ang kaniyang kutsilyo at mas tinalasan ang pakiramdam.
Sa kan'yang pagpasok nakapukaw ng pansin niya ang isang sinag sa isang sulok. Mabilis niyang nilingon iyon ngunit nawala ang liwanag.
Lumingon siya sa kabilang direksyon. Nagulat na lang siya nang may biglang humawak sa kanya at hatakin siya paatras.
Automatiko niyang idinuyan ang kamay na may patalim ngunit nasalo iyon ng nasa likuran niya at iniharap siya.
"Shhhhh..." bulong ng boses sabay takip sa kaniyang bibig.
Si Allen.
Hinila siya nito sa isang sulok at isinara ito. Nasa loob sila ng cabinet ni Allen.
"Ano'ng -"
"-Shh."
Pareho silang nakiramdam at tumahimik nang makarinig ulit ng mahinang kaluskos. Nagtagpo ang paningin nila. Mula sa labas ay tagos ang ilang linya ng ilaw sa loob ng cabinet. Iniangat ni Allen ang daliri sa kaniyang labi. Pareho sila ng tiningnang direksyon. Ang ingay ay nasa kabilang kuwarto. Sa kuwarto ng mga magulang ni Allen.
Umusog ang binata at inipit siya papasok pa sa loob. Napasandal siya sa tila bungkos ng mga comforter saka tuluyang naglapat ang pintuan ng cabinet.
"Don't move," bulong ni Allen sa kaniyang tenga.
Hindi alam ni Khari kung ang pagbulong ni Allen ang nagpagtayo ng balahibo niya at paninigas ng kaniyang balikat o nang igapang ng binata sa parteng iyon ang magkabilang kamay nito. Aalma sana siya pero dumiretso ang kamay nito sa loob ng malambot na tela. Tila may kinapa ito sa dulong parte na parang may hinahanap. Kita ni Khari ang pagdugtong ng kilay ng kaharap.
"Ano ba'ng-" Nahinto na siya ng sasabihin nang bawiin ni Allen ang kamay, hawak ang isang malamig na bagay na dumikit sa kaniyang balat. Pamilyar ang pakiramdam nito at tama ang hinala niya. Maingat nitong ikinasa ang pistol.
Dahan-dahang dumistansiya si Allen at umikot para humarap sa pintuan ng cabinet. Nakaramdam sila ng pagbukas ng pintuan ng kuwarto ni Allen. Bahagyang sumandal ang binata sa kanya na parang ihinaharang ang sarili sa kaniya.
Mabilis na hinawakan ni Allen ang sliding door at inilapat. Ramdam ni Khari ang higpit ng pagkakawak nito dito dahil sa tensyon ng braso ng binata. Pinilit ni Khari makisilip sa awang. Hawak pa rin niya ang patalim at inihahanda ang sarili sa anumang maaring mangyari.
Unti unti na ring natensyon ang kaniyang buong katawan. Ngayon ay nare-realize na niya na kung magnanakaw ang mga ito, maaring grupo ito nila Peter. Halos umikot ang sikmura niya sa kaba. Magkahalong nerbyos at excitement ang kumakabog sa dibdib niya.
Muling napasandal si Allen. Mukhang papalapit ang pumasok sa kanilang kinalalagyan. Kumapit siya sa kaliwang balikat ni Allen at naghanda.
Gumalaw ang pintuan ng cabinet. May nagbubukas na nga nito! Saglit na tumigil ang nagtatangka pero bigla ulit itong pumwersa at nabuksan ang wardrobe. Mabilis na itinutok ni Allen ang kaniyang hawak na baril. Kasabay noon ay ang bahagya ring pagtulak ni Khari pagilid sa detective para abutin ng saksak ang nasa labas.
Pumutok ang baril. Naabot ni Khari ang dibdib ng kaaway at tumagos ang patalim sa sentro nito. Bumagsak ang di kilalang lalaki sa sahig. May takip na bonnet ang mukha nito pero kita ang tattoo'ng rosario sa leeg. Lalabas na sana si Khari pero kasabay no'n ay ang pagbagsak din ni Allen sa kaniya. Napasandal sila.
"A-Allen..." Nautal siya nang maramdaman ang mainit na likido sa kaniyang dibdib.
"K-Khari... Tumakbo ka na. Humingi ka ng tulong-" At tuluyang bumagsak sa sahig ang binata.
Gimbal na inabot ni Khari si Allen. Ramdam niya sa kaniyang pisngi ang tumalsik na dugo mula sa bibig ng binata.
"Hindi! Allen, gising! Allen!"