"Khari?"
Napadilat si Khari na mabigat ang ulo. Pakiramdam niya ay nakainom siya ng alak at ngayon ay may hangover siya.
"Khari?" muling tawag sa kaniya sa labas.
Pinilit niyang tumayo nang marinig kung sino ang kumakatok at tumatawag sa kaniya. Parang kulang pa siya sa tulog. Nananaginip ba siya? Alam niyang nasa kuwarto siya sa bahay ni Allen pero bakit si Anton ang naririnig niya.
Habang nahihimasmasan, mabilis na nagbalik sa kaniya ang nangyari kagabi. At ang binatang nasa labas ang siyang dahilan kung bakit siya ngayon andito pa sa bahay na ito.
Inayos niya ang sarili saka nagbukas ng pintuan. Sinalubong siya ng liwanag mula sa labas na halos ikasilaw pa niya.
Anong oras na ba? Bakit antok na antok ako?- bulong ng isip niya.
"Khari, masama raw ang pakiramdam mo?" bungad ni Anton.
"A-anton, bakit nandito ka?" Muli siyang lumingon sa loob kuwarto. Patay ang ilaw at sarado rin ang pintuan ng banyo kung saan sana ay may maliit na bintana na tinatagusan ng liwanag mula sa hardin.
"Mag-a-ala una na ng hapon. Alam mo ba na umalis ang pamilya nila at kasama na naman nila si Kristof?" tanong ni Anton.
"Ang ibig mo'ng sabihin... tayo lang ang nandito?" paglilinaw niya.
"Oo, bakit?" Lumitaw si Allen mula sa kusina, nakasuot ito ng apron at nagpupunas ng kamay dito . "Let's have lunch," aya nito sa kanila saka tumalikod.
Nagtaka si Khari sa sitwasyon niya. Napalingon din siya sa mga pumasok na may bitbit na malaking salamin. Inaayos na ang bintana sa may hagdan.
"Sinagot ni Allen ang tawag ko, Khari," bulong ni Anton sa kaniya habang sabay na naglalakad papunta sa dining area. "Akala ko nawala ang gamit mo sa bundok? At bakit hawak niya ang phone mo?" dugtong pa nito.
"N-nakita ko na. Bumalik ako doon," pagsisinungaling niya. " Naririnig niya sigurong nagri -ring kaya kinuha niya." Hindi niya masabi ang totoo kung bakit na kay Allen ang telepono niya. Ayaw niyang mag-alala ito at mag-panic na naman.
Pinanood niyang maglapag ng mangkok ng soup sa gitna ng mesa ang detective. Kumpleto na ang hapag-kainan. "Bakit ikaw ang nagluto? Hindi mo na lang ako ginising," tanong niya. Pilit siyang umaakto na normal sila ni Allen gayq ng reaction nito.
"It's fine. Let's eat." Umupo si Allen at tumango kina Khari at Anton.
Alanganing ngumiti pabalik si Khari at dinampot ang kubyertos. Napahinto na lang siya nang pumikit at yumuko ang dalawang binata.
"Khari, why don't you say grace?" sabi ni Allen.
Napahawak nang mahigpit si Khari sa kutsara. Pakiramdam niya ay nananadya si Allen.
"Ako na," wika ni Anton sabay pikit. "Panginoon maraming salamat sa mga oras na ito, sa biyaya at sa pagkaing nakahain. Lahat ng ito ay itinataas namin sa Inyo, sa matamis na pangalan ni Hesus, amen," mabilis na salo ni Anton sa pagdarasal.
Tahimik na naghintay si Khari na magsimulang kumain ang dalawa saka siya sumabay.
"Khari, okay na ba ang pakiramdam mo? Nakita mo ba ang gamot sa may side table mo?" wika ni Allen.
"A-ah, oo, salamat," simpleng sagot ni Khari kahit di niya alam kung papaanong inabot siya ng mahabang pagtulog buong umaga mula kagabi. Pain reliever lang naman ang ininom niya kagabi.
Ang huli niyang natatandaan ay naabutan siyang gatas sa side table niya nang bumalik siya mula sa pagbabanyo. Naengganyo siyang inumin ito dahil mainit pa ang hipo niya sa baso. Iyon ay matapos nila mag-usap ni Allen kagabi. Inisip niyang gustong bumawi ng binata sa init ng naging diskusyon nila. Ngayon ay nagdududa siya kung may gamot bang inilagay doon ang binata kaya di man lang siya nagising buong umaga.
Napatitig din tuloy siya sa kinakain. Pero dahil pareho lang silang tatlo ng kinakainan ay inalis niya ang dudang may inilagay na naman ito sa ulam nila.
Mas dapat yata siyang mag-ingat kay Allen ngayon.
"Detective Allen, kung hindi naman nakakatulong si Khari dito, mabuti pang iuwi ko na siya sa amin. Nag-aalala ako sa kalusugan niya. Isa pa, nasasanay ata si Kristof sa luhong di namin kayang ipagpatuloy ibigay sa kanya," sabi ni Anton.
"Mahilig kasi talaga ang parents ko sa mga bata. Isa pa, napakabait ni Kristof kaya natutuwa sila sa kaniya. Holiday naman, so treating him is just in the season," sagot ni Allen. "Well, siyempre depende pa rin 'yan kay Khari. Sa akin ay okay lang siyang narito kahit kasama si Kristof. Gusto mo bang umuwi, Khari?" Derechong tanong ni Allen sa kaniya.
Gusto niyang taliman ang tingin kay Allen, para b ito bigyan ito ng mensahe na wala naman siyang choice dahil sa blackmail niya. Pero kilala niya si Anton. Alam niyang makakaramdam ito ng kakaiba kapag nagbigay siya ng kahit katiting na reaksyon .
"Okay lang ako, Anton. Napagod lang talga ako kagabi dahil... Dahil naglinis ako habang wala sila dito." Sinamahan ng ngiti ni Khari ang mga salita. Ang inaasahan niyang bahagyang iling at tikhim kay Anton ay ginawa nito. Nablgbabadya na di ito komportable sa isinagot niya.
"Khari is doing great here, Anton. Nagagawa niya nang maayos ang kailangan ko sa kaniya dito," paniniguro ni Allen. "So huwag kang mag-alala."
"Hindi ako nag-aalala. Hindi na rin naman na magtatagal pa si Khari dito," sagot ni Anton na nagpalingon kay Allen sa dalaga.
"Bakit naman?" tanong ni Allen.
"Nangako siyang hanggang sa magbagong taon lang siya maninilbihan sa inyo. Kaya ko naman ang mga gastusin naming tatlo. Di ba, Khari?" Lingon ni Anton sa dalaga.
"O-oo. 'Yun naman ang plano," alanganing sagot ni Khari. Nagsalubong ang tingin nila ni Allen pero di na nagsalita pa ang detective. Tahamik silang nagpatuloy kumain.
"Sasamantalahin ko na rin sana ang pagkakataon, Detective Allen," biglang sabi ni Anton. "Ipagpapaalam ko sana si Khari na mailabas ngayong hapon, kung okay lang ay mag-day off muna siya," sabi nito
Hindi inaasahan ni Khari ang bagay na 'yun. Ayaw niyang isipin ni Allen na may binabalak sila ni Anton na pagtakas at maging rason para maalarma si Allen.
"Hm... Na kay Khari ang desisyon. Saan naman kayo pupunta?" tanong ni Allen.
"Matagal na kasi kaming hindi nakakalabas. May surpresa ako para sa kaniya." Lumitaw ang biloy sa pisngi ni Anton nang lingunin nito si Khari. Ngayon lang din niya napansin na kakaibang postura ng binata.
Gusto man niyang tugunin ang matamis na ngiti ng binata ay di niya magawa. Marahil ay sa kaba at tension ng sinasarili niyang sitwasyon. Paano kung umayaw si Allen? Ano'ng sasabihin niya kay Anton?
"Huwag kayong magpagabi," habilin agad ni Allen na ikinabigla ni Khari. "Baka hahanapin kayo ni Kristof." Tumayo na si Allen at umakyat ng kaniyang kuwarto.
****
"Saan ba tayo pupunta? At kaninong kotse 'to?" tanong ni Khari habang tinitingnan papalayo sa side mirror ang bintana ni Allen sa itaas ng bahay nito. Iniisip niya kung nakasilip ito sa pag-alis nila ni Anton. Matapos ang nagkakabit ng salamin ay sumunod na sila ng alis.
Kanina, kumatok siya sa kwarto ni Allen para magpaalam. Binuksan lang nito nang maliit ang pinto para silipin siya at inulit ang habilin nito na huwag silang magpagabi.
Nalilito si Khari. Bakit siya pinayagan ni Allen kahit maari na siyang tumakas kasama si Anton? Dahil ba maiiwan naman si Kristof? Oo, siguro nga. Alam nitong babalik siya para sa kapatid.
"Hiniram ko lang 'to sa isang kaibigan," sagot ni Anton.
"Saan ba tayo pupunta?" ulit ni Khari.
Isang matamis na ngiti lang ang isinagot ni Anton. "Basta mag-relax ka lang at i-enjoy mo ang byahe," wika nito.
Hindi nagtagal ay nakarating sila sa isang overlooking matapos dumaan sa may katirikang daan. Pinasok nila ang isang private tourist area na kita ang buong syudad at ang Laguna lake. Ang kukulay tingnan ng mga palamuti sa bawat tiangge na nakahelera sa bungad ng gate.
"Bakit tayo nagpunta dito?" tanong ni Khari kahit di maikakaila sa kaniya ang kaginhawahan sa pakiramdam dahil sa tanawin.
"Gusto lang kitang pagpahingahin." Inabutan ni Anton si Khari ng juice mula sa bar ng lugar.
"Naaalala ko dito 'yung resort sa Palawan." Masayang inikot-ikot ni Khari ang baso na may bulaklak na garnish. Ganito rin ang mga isine-serve doon, mga non-alcoholic cocktails na iba-iba ang kulay.
"Naalala ko pa noong unang padpad natin doon. Sinabi ko sa 'yo na doon na muna tayo hanggang sa lumakas ka," sabi ni Anton. "Pero ang sabi mo-"
"Doon na tayo titira. Doon na ang bahay natin," dugtong ni Khari.
"Oo. Sinabi mo rin na doon na ulit magsisimula ang buhay natin," dugtong din ni Anton.
Naiiling na tumawa si Khari. Bumili sila ng bahay doon sa isang barangay sa Coron. Sa tulong ng abogado na kaibigan ng daddy niya, naiayos ang mga papel ng isang simpleng house property doon. Sa sobrang simple ay di ito mapag-iinteresan lalo na't maliit na bahay lang ang nakatayo at medyo malayo sa karamihan. Madalas ay si Anton lang din ang lumalabas para sa pangangailangan nilang to tatlo. Madalas pa ngang mapagkamalan silang teenager parents dahil bitbit nito lagi ay diaper at gatas. Tuwing walang trabaho si Anton ay bitbit naman nila si Kristof saan man sila magpunta.
"Umuwi na tayo, Kharizza. Doon na tayo ulit manirahan." Ngumiti si Anton sa suhestyon na para bang unang beses pa lang niya ito nababanggit.
Unti-unting nawala ang ngiti sa labi ni Khari. Oo, ilang beses na niyang ipinangako kay Anton ang bagay na 'yun. Na sa oras na matapos niya ang planong paghihiganti ay babalik na sila sa Palawan. Ilang taon na rin ang nakakalipas. Pero paano niya gagawin 'yun ngayong alam na ni Allen ang totoo niyang sitwasyon?
At paano niya gagawin 'yun nang hindi niya nadadamay si Anton?
"Sabi mo nawala ang una mong telepono. Paano nga 'yun nawala?" tanong niya kay Anton. Halatang nagulat ang binata sa tanong niya.
"Di ba sabi ko, nahulog?"sagot nito.
"Saan?"
"Hindi ko alam. Nung namalengke ako. Bakit mo ba tinatanong? May problema ba?" tanong nito pabalik.
"Wala. Wala naman. Naalala ko lang." Napalalim ng pag-iisip si Khari.
"Khari, ihinto na natin 'to. Alam kong maraming gumugulo ngayon sa isip mo," sabi ng binata.
"Anton..."
"Pakinggan mo muna ako. Magbagong- buhay na tayo, lumayo na tayo dito. Puwede pa nating patahimikin ang buhay natin. Ikaw, ako at si Kristof," pahayag nito.
"Hindi na gano'n kadali ang sinsabi mo, Anton." Totoo sa kaniya ang mga salitang iyon.
"Kailangan mo lang huminto. Tapos ang usapan," wika ni Anton.
May dinukot si Anton sa kaniyang bulsa na isang maliit na box. Inilagay niya iyon sa harap ni Khari.
"Nung bata ka pa, ang sabi mo, paborito mo ang rose," sabi ni Anton saka binuksan ang box. Lumabas doon ang isang singsing na rosas na may tinik na pumupulupot sa pinakasingsing nito. "Hayaan mong maging ako ang tinik na poprotekta sa 'yo."
Napangiti si Khari. "Lagi naman ikaw ang pumoprotekta sa akin, Anton. Mula pa nu'ng una, bago pa man ako magising. Hanggang ngayon."
Kaya ako naman ang poprotekta sa 'yo, sabi ni Khari sa isip niya. Hinding-hindi niya hahayaang madamay siya at masangkot sa gulo niya si Anton.
Masiglang inalis ni Anton ang singsing sa box at akmang aabutin ang kamay ni Khari pero iniwas 'yun ng dalaga. Bumuntong- hininga si Anton at muling inabot ang kamay ni Khari.
"Alam ko ang priority mo ngayon, Khari. At alam kong 'yun lang ang nasa isip mo. Pero gusto kong isuot mo ito. Para maalala mo ako... Maalala mo'ng hinding-hindi kita iiwan, hanggang sa handa ka na."
Kumunot ang noo ni Khari. "Handa saan?"
Namula ang buong mukha ni Anton bago sumagot, "Ang maging normal na pamilya tayo. Ikaw, ako at si Kristof," pahayag nito.
Hinwakan na rin ni Khari ang kamay ni Anton. "Ikaw na ang pamilya namin, alam mo 'yan. Hindi na magbabago pa 'yun, Anton. At gusto ko ring maging normal, kung mangyayari pa 'yun. Ang hindi ko lang maipapangako ay kung kailan," tugon niya.
Ngumiti si Anton na parang nakuha ang sagot na hinahanap
"Maghihintay kami. Maghihintay ako, Khari. Malakas ang pananalig kong hindi Niya tayo paghihiwalayin," sagot ni Anton. "Ito na ang pinaka-next best thing na mangyayari sa buhay natin," dugtong niya.
Natahimik si Khari. Gusto na niyang sabihin na mali talaga ang pinananaligan nito. Dahil ngayon pa lang ay may nagbabadya nang harang para paghiwalayin sila.
****
"Hey, you're back," salubong ni Amy kay Khari pagpasok ng gate.
"Sorry, sinamahan ko lang sandali si Anton. 'Yung kaibigan ko..." turo niya sa binatang nasa likuran. Bigla siyang nahirapan magpaliwanag nang hindi mag-iisip nang 'di maganda ang pamilya ni Allen at hindi magdududa si Anton. Hindi niya kasi maipaalam kay Anton ang sitwasyon nila ni Allen.
"It's alright, nasabi naman ni Allen. Pasok kayo," sagot ni Amy.
Nagkatinginan sina Anton at Khari. Sumama ulit si Anton dahil napagkasunduan nilang ipasama na si Kristof pauwi.
Nagulat siya nang maabutan ang lahat sa sala. At parang hinihintay siya.
"Hi ate Khari, kuya Anton!" masayang salubong ni Kristof.
"Naiwan mo raw ang phone mo, sabi ni Allen so hinintay ka na lang namin, " nakangiting salubong ni Tita Rina.
"B-bakit po?" Nilibot niya ang tingin sa lahat. Mula kay Tita Rina, Tito Ed, Amy at Kristof, lahat ay nakakapagtakang nakangiti.
Maliban kay Allen.
Nakakakaba kasi itong nakatingin nang seryoso sa kaniya at sa kaniyang kasama.
"Kanina sa mall, we realized we wanted to give you a gift," panimula ni Tito Ed.
"And I'm sure you'll love it!" dugtong ni Amy.
"Hindi niyo naman po kailangang gawin 'yon," magalang na sabi ni Khari kay Tito Ed. "Mrs. Del Rosario, sinabi ko naman po sa inyo-"
"Nonsense," harang ni Mrs. del Rosario sa dapat ay pag-amin niya ng totoo tungkol sa kanila ni Allen. "I told you to call me Tita Rina, hija. Isa pa, Kristof is so excited to volunteer his idea and so are we," wika ni Tita Rina.
"Ate, kuya Anton, magbabaksyon tayo, yeheeey!" masiglang balita ni Kristof.
"Bakasyon?" kunot-noong tanong ni Khari.
"Well, since we wanted a trip for the new year, we decided to go out of town," sabi ni Amy. "Siyempre kasama ka-"
"At ako po!" singit ni Kristof na itinaas pa ang kamay. Ikinatawa 'yon ng mag- asawa.
"Of course, bhe, kasama ka. Ikaw ang kalaro ni baby Cholo diba?" natatawa ring sabi ni Amy. "Sadly, 'yung isa r'yan, di makakasama because he still has work to do. Boo hoo..." pang-aasar ni Amy na tumingin kay Allen. "Pero susunod naman daw siya. Mauuna lang tayo."
Napakamot ng ulo si Khari. Habang tumatagal ay lumalayo ang oras niya sa mga plano niya. Kung maiiwan siya, siguradong ikukulong lang siya ni Allen dito sa bahay at di naman siya makakapayag ng gano'n kalayo ang kapatid niya sa kaniya. Pagdating sa pamilya ni Allen, nawawalan siya lagi ng option.
Lumingon siya kay Allen.
"Kawawa naman po si Allen," sagot niya.
"I knew you'd say that," nangingiting sabi ni Tita Rina na tumingin at ngumiti nang mkahulugan sa kaniyang asawa.
"But if magpapaiwan ka, baka hindi na kayo sumunod," natatawang dugtong ni Tito Ed. "So we insist na sumama ka," sabi nito.
Pasimpleng napaigtad si Khari nang maramdaman ang kurot ni Anton sa likuran niya. Napahiling siya sa hangin na sana'y huwag nang magsalita pa nang kung ano ano ang mag-asawa.
"Hija, we barely bond with Allen. So ikaw ang hostage namin to get his time to spend with us." Di maalis-alis ang ngiti sa labi ng mag-asawa .
"Pasensiya ka na, Khari, my parents are so excited as well. Si Kristof kasi, eh," tila sumbong ni Amy.
Napatingin si Khari sa kapatid na bumitiw sa kaniya at tumakbo kay Cholo na nasa stroller nito.
"Hindi ko po maintindihan," nakangiti ring sabi ni Khari.
"Ate, sabi ko, magbakasyon tayo sa atin," sagot ni Kristof.
Sa atin?!
" Yes, Khari. As a gift, we'll spend the holiday to your place, " sabi ni Tita Rina.
" Po? " Di siya makapaniwala sa naririnig.
"We're going to Palawan." Sa wakas ay nagsalita si Allen.
Halos mahulog ang puso ni Khari sa balita. At tila nakita iyon sa mukha niya nang mamutla siya.
"We booked a hotel in Coron, hija. You'll finally be home," malambing na wika ni Tito Ed na parang ibinigay niya ang pinakamatagal nang hiling ni Khari.
"Surprise!" masayang pahayag ni Tita Rina at Amy.
Pumalakpak si Kristof. Like they have given her the next best thing in her life this season.