Kalaliman ng gabi.
Gumewang ang motor ni Khari at tuluyang bumagsak sa lupa. Nanlalabo na ang paningin niya at nanginginig na ang kaniyang mga braso dahil sa kaniyang mga sugat. Dumiretso siya sa madilim na gusali para makapagtago.
Mula sa subdivision ng ginulo niyang plano, tinakbo niya ang lugar na ito para makakuha ng kaunting oras. Ito ang tamang lugar kung saan magagawa niyang ituloy ang pakay niya kay Santiago at sa mga tauhan ng bagong grupo nito.
Pumasok si Khari sa nakaawang na kalawangin na gate ng isang luma at abandonadong pabrika na malapit sa quarry. Hawak-hawak ang brasong may malalim na sugat, walang pag-aalinlangang dumiretso si Khari sa loob. Madilim at nakasusulasok na amoy ng kemikal ang hangin na bumabalot sa paligid nito ngunit di niya 'yun inalintana. Gagamitin niya ang mga ito para masukol niya na nang tuluyan ang kaniyang mga kaaway.
Naririnig na niya ang nagsunurang motorsiklo sa labas.
Sunod-sunod na putok ang umalingawngaw sa kaniyang likuran. Nagtalsikan ang maliliit na sementong nadudurog sa pader na nasa tabi niya dahil sa tama ng mga bala.
Mabilis na kumilos si Khari at nagkubli sa dilim. Hindi siya maaring magpadalos-dalos sa kaniyang mga kilos kung hindi ay mapapahamak siya.
"Hindi ka na makakalabas nang buhay dito, hayop ka, kung sino ka man! Kumalat kayo!" sigaw ni Santiago pagkapasok ng gusali.
Hinigpitan ni Khari ang pagkakatali sa pinunit niyang tela ng kaniyang laylayan na nasa kaniyang braso ngayon. Dapat ay sumapat 'yun para maampat ang dugo at magmanhid ang kaniyang braso mula sa sakit ng kaniyang sugat. Inilabas niya ang kaniyang baril at naghandang protektahan ang sarili.
Hindi ako rito mamamatay. Una ka pa lang, Santiago- usal niya.
Nilibot niya ang paningin. Pinag-aralan ang susunod na gagawin at nakiramdam. Tahimik niyang inakyat ang hagdan sa sulok. Mas madali niyang makikita ang mga kalaban sa itaas.
At namataan na niya ang una niyang itutumba. Ikinabit niya nang maayos ang silencer sa kaniyang forty-five caliber at inasinta ang lalaking dahan-dahang binabaybay ang isang pasilyo sa ibaba. Bumagsak ang lalaki sa unang kalabit ng kaniyang gatilyo. Patay. Apat pa.
Kumalabog ang pagbagsak ng lalaki kaya nakakuha ito ng atensyon. Agad lumipat ng puwesto si Khari. Doon niya namataan ang isa pang kasamahan ng grupo na nasa pareho niyang palapag. Mabilis ngunit tahimik siyang kumilos. Kumuha siya ng tiyempo para makaikot sa likuran ng malaking lalaki na sinisilip siya ngayon sa dati niyang puwesto. Mabilis niyang hinablot ang buhok nito at itinutok ang baril sa batok sabay putok. Dalawa. Tatlo pa.
Napasandal siya kasama ng lalaking nawalan ng buhay. Naatrasan niya ang isang lamesa at nakagawa ng malakas na kalabog. Lumitaw ang pangatlong lalaki na agad niyang naasinta. Tinamaan ang lalaki sa binti. Banaril niya ito ulit at napaputukan niya sa noo. Tatlo. Dalawa na lang!
"Sa itaas!" dinig niyang sigaw.
Itinulak niya ang nakadagang bangkay sa kaniya ngunit nahirapan siya sa bigat nito. Agad niyang nilingon ang papaakyat na lalaki at inasinta. Hindi na ito nakatungtong sa huling baitang at bumagsak na ulit pababa. Tatlo. Isa na lang...
Nakawala siya sa wakas sa mabigat na katawan ng lalaking hawak niya. Patakbo sana siya para magtago ulit nang may humatak ng buhok niya at ihagis siya sa kabilang direksyon. Humampas siya sa pader bago bumagsak sa sahig.
"Mamamatay ka ngayon!" sigaw ni Santiago. Nanginginig ito sa galit.
Tila narinig niya ang mahinang pagkabali ng buto sa loob ng katawan niya nang gumulong siya. Sinubukan niyang huminga nang malalim pero nauwi ito sa impit na iyak dahil kinaladkad siya ni Santiago, gamit ulit ang buhok niya. Pilit siyang kumawala.
"Inubos mo ang mga bata ko, tarantado ka! Isusunod kit--Aaah!"
Napahiyaw sa sakit si Santiago nang itarak ni Khari ang isang patalim sa alak-alakan nito na nahugot niya sa kaniyang sapatos. Buong lakas niyang idinuyan ang isang paa sa hangin para isipa kay Santiago. Nang mabitiwan siya nito ay mabilis siyang nakatayo at muling at pumwersa ng sipa. Tuluyang natumba ang kalaban. Nag-ipon siya ng lakas para makalaban ulit at makalapit sa demonyong hinagilap niya nang napakatagal.
Pumaibabaw siya kay Santiago matapos damputin ang nalaglag na kutsilyo. Inundayan niya ito ng suntok para hindi na makabawi ngunit nagawa nitong gantihan siya ng isang bigwas sa tagiliran.
Namilipit si Khari sa sakit pero pinilit niyang kumilos. Isang hawi at suntok ang ginawa niya dito bago siya nagkaroon ng pagkakataon na maibaon ang patalim sa dibdib nito. Kasabay noon ay ang pagkirot ng kaniyang tagiliran na ikinahirap niyang huminga.
Pareho silang dumadaing sa sakit ngunit walang gustong magpatalo. Walang gustong sumuko. At hindi talaga siya susuko. Simula pa lang ito ng kaniyang totoong misyon sa kinokonsidera niyang pangalawang buhay.
Kumilos si Santiago.
Kumilos si Khari.
Nasa sahig ang kanilang mga armas. Unang naabot ni Santiago ang baril ngunit pumutok na ito bago pa naitutok kay Khari dahil sa paghihingalo. Agaw-buhay na ito. Ginamit ni Khari ang pagkakataon para madampot ang kaniyang baril. Inalis niya ang silencer bago ito itinutok sa kalaban.
"Makakarating ka na sa dapat mong kalagyan," madamdamin niyang wika.
Nagpakalunod siya sa malalakas na putok ng kaniyang baril nang kalabitin niya ito nang sunod-sunod. Walang tigil hangga't di nauubos ang laman ng magazine.
Umubo ng dugo si Santiago. Pilit na humihinga sa butas na niyang lalamunan. Napaupo si Khari at tuluyang napasandal sa pader na nasa likuran niya.
Tila idinuyan siya ng daing ng paghihirap ng lalaking nilalabanan ang sariling kamatayan. Duyan na nagtulak kay Kharizza para pumikit at makaramdam ng kaunting kapayapaan.
Kapayapaan sa kamatayan ng isang hayop na nilalang.
************
"Gising... "
Naalimpungatan si Kharriza nang maramdaman ang paghimas sa kaniyang katawan. Agad siyang napabalikwas. Hindi niya alam kung totoong nangyayari ito o nananaginip siya.
"S-sino po k-kayo?" nangangatal niyang sabi sa isang aninong di niya maaninag nang husto.
"Ssshhh... Huwag kang matakot. Titikman lang kita," kahila-hilakbot nitong sambit sabay hila sa kaniya.
"Eeeiiii! Hhmmmmp!"
Nanlaki ang mata ni Kharriza nang takpan ng malaking palad ang bibig niya. Ngayon ay alam niyang hindi siya nananaginip. Hindi niya alam kung ano'ng susunod na mangyayari , pero alam niyang hindi ito kakayanin ng kaniyang pag-iisip.
Help , Papa Jesus! Help me! Don't let this be real!