Ang Matandang Tiktik
1997.
Nagtanan si Jonas at Pia sa isang liblib na lugar sa Leyte kung saan doon nakatira ang kanyang Lola Ising. Isang magandang babae si Pia, may kahawigan kay Antoinette Taus noong kabataan nito.
Nang makarating sila sa bahay ni Lola Ising ay pinagsabihin nito si Pia na huwag masyadong maglalabas. Takaw kako sa Kulam. Maganda kasi at napakaputi.
Nagtrabaho si Jonas sa isang katatayo lamang na resort, 8 am to 5 pm ang kanyang schedule. Dahil na din sa naglilihi na si Pia ay madalas siyang bumibili muna sa isang maliit na talipapa ng "maputlang mansanas" dahil iyon ang gustong gusto kainin nito.
Habang namimili siya ng mansanas ay may nakita si Jonas na matandang babae na nagtitinda ng okra. Hindi niya ito masyadong pinapansin dahil na din siguro sa marungis nitong itsura.
"Nay, dalawang tali po." Sabi niya at sabay abot ng 20 pesos. Pinili ng matanda ang pinaka magagandang okra para kay Jonas at hindi na din hiningi ni Jonas ang sukli.
Si Jonas at Pia ay disi siyete anyos pa lamang ng magtanan sila kaya di pa sila masyadong maalam sa buhay. Nang dumating na si Jonas mula sa trabaho at talipapa ay nakita niya si Lola Ising na nagsasaboy ng asin sa harap ng bahay nila. Tinanong niya kung bakit, ang sagot ni Lola Ising para walang mangyaring masama sa baby ni Pia.
Hindi pa naman masyadong kita ang pag umbok ng tyan ni Pia at lalong nagtaka si Jonas kasi paano itong asin ang makakapangligtas sa baby nila?
Pinayuhan ni Lola Ising na magsaboy din ng asin sa kwarto nila pero hindi yun ginawa ni Jonas.
Mga 3:30 am ay gumising na ito, tutulong kasi siya sa bukid pero nagulat siya dahil bukas ang bintana ng kanilang kwarto!
Mabilis siyang tumakbo papunta sa bintana dahil minsan may pumapasok na unggoy sa loob ng bahay na madalas nagnanakaw ng pagkain at nangangalmot ng mga tao.
Nang isasara na niya ito ay nakita ni Jonas na parang may matanda na mabilis na tumatakbo palayo sa bintana. Kitang kita niya na isang tao talaga iyon dahil nakasuot pa ito ng saya at hukot ang likod nito tulad sa isang tao na may katandaan na. Kinilabutan si Jonas nang makita mismo ng mata niya na umakyat yun sa isang mataas na puno na walang kahirap hirap!
Akmang haharap ang matanda kaya mabilis niyang sinara ang bintana at kinuha ang asin na nasa side table at sinaboy doon. Simula noon lagi na siya nagsasaboy ng asin at naglalagay ng bawang sa bintana at sa lahat ng sulok ng kwarto nila.
Kabuwanan na ni Pia at pauwi palang sila galing check up, babae daw ang anak nila. Nagpunta ulit muna silang talipapa at gusto sana na isda ang iulam para sa tanghalian.
Habang naglalakad madaming nakatingin sa kanila, medyo naiilang si Pia kaya sabi niya kay Jonas ay bilisan ang pagbili at nagpaiwan na lamang siya sa bungad ng talipapa.
May matandang babae na bumati kay Pia at hinawakan ang tyan niya. Dahil hindi komportable ay mahinhin niyang tinanggal ang kamay nito. "Magandang batang babae." Magiliw na sabi nung matanda at saka umalis. Nanlamig ang buong katawan ni Pia nang hawakan siya nito at hindi din niya maipaliwanag ay sumakit bigla ang balakang niya.
Manganganak na yata siya!
Malakas niyang tinawag si Jonas at nagpahatid sa ospital. Hindi nga siya nagkamali dahil ng gabi din niyon ay nanganak siya. Baby girl nga at napakaputi din tulad ni Pia.
Dahil sa pagmamadali ay wala silang ibang dalang gamit kaya napagpasyahan ni Jonas na umuwi muna at iwan ang kanyang mag ina sa Ospital at dadaan na lamang siya sa isang talahiban na nagsisilbing shortcut papunta sa kanilang barrio.
Sinabi niya sa nurse ang balak niya, "Sir taga Barrio Derosa kayo diba?" Tanong ng nurse tumango naman siya. Nagtaka siya ng bigyan siya nito ng maliit na bibliya at isang rosaryo.
Tinanong niya dito kung ano ang gagawin doon.
Ito ang naging sagot ng nurse.
"Hindi po ba dadaan ka sa maliit na kalye na hindi pa patag? Nasa gitna ka ng mga nagtataasang talahib maglalakad, diba? hindi mo alam kung ano ang nagtatago sa mga talabib na iyon, at mas mabuti nang hindi mo malaman. Ganito ang gawin mo:
Kapag dadaan ka na sa talahiban simulan mo nang pumikit. At kahit anong mangyari, kahit anumang marinig o maramdaman mo wag na wag mong ididilat ang iyong mata hanggat nararamdaman mo pang lupa ang iyong nilalakaran.
Dalhin mo din sa iyong kamay ang bibliya at rosaryo huwang mong bibitawan kahit anong mangyari.
Kapag naramdaman mo nang nasa sementado ka na na kalye pwede mo nang buksan ang iyong mata pero HUWAG NA HUWAG MONG TANGKAIN LUMINGON KUNG SAAN KA DUMAAN. Dahil aswang o mas higit pang nakakatakot na nilalang ang pwede mong makita. Bumalik kang ligtas para sa baby mo.”
Yun ang payo ng nurse sa kanya. Dahil masunurin si Jonas at muntika na din siyang maka engkwentro ng aswang ay ginawa niya ang sinasabi ng nurse.
Nilagay niya sa dobleng plastic ang rosaryo at bibliya at itinali yun sa kamay niya. Nang makarating na siya sa talahiban, madilim doon at mga tunog lang ng kuliglig ang maririnig.
Bumuntong hininga si Jonas at pumikit na. Aabutin siya ng ilang oras kung maghihintay pa siya ng tricycle dahil madalang na ang dumadaan sa ganung oras.
Nagsimula na siyang maglakad.
Mejo nagulat sya ng maramdaman na hindi na patag ang nilalakaran niya pero nagpatuloy pa din siya.
May sumitsit. Ramdam niya na galing yun sa kaliwang side ng talahiban. Mahigpit niyang hinawakan ang bibliya at rosaryo.
Nagpatuloy pa din siyang maglakad.
Nang biglang parang may dumaan sa mismong harapan niya, ramdam niya yung bilis nun maglakad. Pero mas lalo niyang diniinan ang pagpikit sa mata niya.
Sumunod naman ay parang hinahampas siya ng mga talahib sa braso, sa mukha, sa likod, at sa binti. Kahit na mejo masakit at makati ay patuloy pa din si Jonas sa paglalakad.
May malakas na bulungan siyang naririnig pero hindi niya maintindihan kung ano ang sinasabi ng mga iyon. Muli, di niya pinansin. Nang maramdaman niyang sementado na ang daan, para makasigurado ay pumadyak siya ng tatlong beses at nang maramdaman na sementado ito ay dinilat na niya ang kanyang mga mata.
Nagulat siya ng makita na halos nabalutan ang braso at mga binti niya ng lupa, kaya agad siyang nagpagpag at tumakbo na sa pinakamalapit na terminal na nakita niya.
Hindi siya lumingon kung saan siya dumaan pero alam niyang mga mga matang naghihintay na lumingon siya.
*** Ilang araw din ay nakauwi na sila sa bahay, doon nila napagpasyahan na umuwi na sa Maynila dahil ang dami nang katatakutan na nangyari sa kanila.
Pero nung gabing iyon bago sila umuwi may nangyari na namang nakakakilabot.
Sa kabilang dulo ng kwarto ay nandoon ang arinola kung saan doon umiihi si Pia dahil hirap pa itong mag akyat baba sa hagdan.
Sandali lang nagbawas si Pia at kumuha ng undies sa lumang cabinet na may salamin sa harap nito.
Binuksan niya yun at imbis na underwear ang mahanap ay isang nakakalat na rosaryo ang nakita niya. Kumuha pa din siya ng underwear, at itatanong sana niya kay Jonas kung bakit may naka kalat na rosaryo sa cabinet nila at hindi ilagay sa altar.
Nang pag harap niya ay bumungad ang hindi inaasahan sa kama nila kasama ng baby. Isang maitim na nilalang na halos kasing laki ng tao may mahahabang kamay at kuko, mapulang mata at nanlilisik na mata!
Sa sobrang takot ni Pia ay sumigaw siya ng pagkalakas lakas at lumapit doon sa aswang. Pinaghahampas niya iyon ng hawak niya, yung rosaryo at umaatungal daw iyon sa sakit.
Si Jonas naman ay dali daling pumasok sa kwarto, (bumaba ito para kumuha ng pagkain) at nang makita ang itim na aswang ay hinampas niya ng upuan. Saka lamang umiyak ang baby nila nang buhatin ito ni Pia.
Pumasok agad sa loob ang lolo ni Jonas na may dalang buntot pagi ngunit nakatalon na ito sa bintana bago pa man tumama dito ang buntot pagi.
Hindi alam ng aswang na may naghihintay sa kanya sa paglapag niya.
Nanduon na din ang mga kapitbahay na may dalang buntot pagi at anting anting, kinuha nila ang aswang at dinala daw sa bundok habang unti unting sinusunog. Bawat iyak ng aswang naririnig daw nilang may mahinang ingay na sumasabay. Parang iyak ng kapwa nito aswang.
Nang buhat na ni Pia ang baby ay doon lang nakita ni Jonas na may dugo ang night gown na suot nito. Sobrang taranta nila ng makita nila na hindi si Pia ang may tama kundi si Baby!
Natapyas ang kaunting parte ng tenga nito. Agad silang pumunta ng ospital at sinabi ng mga doctor na parang tao ang kagat sa tenga nito. Dahil doon ay nagpasya na talaga silang umuwi at di na kahit kailan bumisita sa Leyte.