Para akong binuhusan ng malamig na tubig. Nanginginig ang buo kong katawan ng muli kong makita ang isa sa mga lalaking bumaboy sa akin ng gabing iyon.
“Neng!”
Nagtuloy tuloy lang ako sa paglalakad dahil hindi ko naman alam kung ako ba ang tinatawag ng babaeng nadaanan ko.
“Hoy, Neng!”
Napakislot pa ako nang kalabitin ako nito. Nasa likod ko na pala siya.
“Gabing gabi na, ah! Saan ang punta mo?” tanong nito sa akin.
Tiningnan ko ang babae mula ulo hanggang paa. Makapal na make up, damit na hindi ko alam kung kinulang ba sa tela o sadyang ganoon lang ang style, at sapin sa paa na may mataas na takong. Para pa itong kambing dahil panay ang nguya ng bubble gum habang humihithit buga ng hawak na sigarilyo.
“Pauwi na po ako sa amin,” wika ko na lang.
Alam kong sa hitsura nito ay isa itong bayarang babae. Tumatambay sa kahabaan ng ganitong lugar para mag abang ng costumer.
“Wow, ha! Pagkatapos mo akong tingnan mula ulo hanggang paa!” Palatak nito. “Alam mo, ganyang ganyan din ako n’ong maglayas ako sa amin, eh! Naglayas ka ‘no?”
“Hindi!”giit ko.
“Mabait ako ‘no! Pokpok ako pero may pusong mamon ‘to. May bakanteng kwarto pa d’on sa inuupahan kong apartment kung gusto mo ng matutuluyan. Pera nga lang ang kailangan,” turan nito at wala na namang tigil sa paghithit buga sa kanyang hawak na sigarilyo.
At dahil nga pagod na ako sa maghapong byhae at paglalakad ay pumayag na akong sumama sa kanya. May dala akong pera kaya nakuha ko ang kwartong iyon.
“Kumain ka muna. ‘Yan lang meron ako, eh!” Inilapag nito ang isang cup noddless sa ibabaw ng maliit na mesa. “Ako nga pala si Happy.”
“Aly,” ani ko.
Simula ng araw na iyon ay nagkapalagayan rin kami ng loob ni Happy. Mukha lang s’yang matanda dahil sa mga kung anong kolorete sa mukha pero sa katunayan ay mas matanda lang siya ng isang taon sa akin. Namasukan rin ako sa isang bakery sa lugar na iyon at pang umaga ang duty ko hanggang alas syete ng gabi.
“Aly!”
“Oh! Happy, nandito ka?” ngiting wika ko. “Pauwi na ako. Ikaw? May raket ba?” tanong ko pa.
“Sinundo talaga kita kasi yayayain kitang kumain sa labas!” excited nitong sabi. “Nakapaldo ako sa isang costumer ko kanina. Malaki ang ibinigay na datung, te! Tara at ililibre kita!” Sabay hila na niya sa akin paalis.
“Busog pa naman ako, eh! Saka ipunin mo na lang ‘yan para ipadala mo sa anak mo,” turan ko.
May isang anak si Happy at nasa probinsya. Nanay n’ya ang nag aalaga sa bata, at ang alam sa kanila ay isa s’yang kasambahay dito sa Maynila. Noong una ay iyon talaga ang trabaho n’ya pero pinalayas s’ya ng amo niyang babae dahil pinagsi selosan siya nito.
“Okay lang! Malaki naman ‘to ‘no! Saka ano lang ba naman ang buy one take one na burger d’yan sa kanto natin at isang baso ng gulaman!” natatawa pa nitong sabi.
Pagdating sa isang burger shop ay pinaupo na niya ako sa isang bakanteng lamesa at siya na ang umorder ng burger at inumin naming dalawa.
“ito na!” Inilapag niya ang burger at inumin sa ibabaw ng lamesa. “Kain na!” aniya pa.
Bigla akong nagutom sa amoy ng burger ngunit nanaig ang pagkauhaw ko kaya halos napangalahati ko ang isang baso ng gulaman.
Maya maya pa ay nakaramdam ako ng pagkahilo. May sinasabi si Happy ngunit hindi maintindihan dahil liyung liyo ako. Hanggang sa mawalan ako ng malay.
Sobrang sakit ng ulo ko ng magising ako. Sapo ang aking ulo ay tumayo ako at unti unting naglakad patungo sana sa banyo nang matigilan ako.
Inilibot ko ang aking paningin at ganoon na lang ang pagtataka ko dahil wala ako sa bahay ko. Ibang kwarto iyon, ibang lugar.
“Happy…” sambit ko. “Happy! Happy!” tawag ko kay Happy.
Siya ang kasama ko kagabi bago ako mawalan ng malay. Pinihit ko ang door knob pero naka-lock iyon. Doon na ako kinabahan.
“Happy! Happy, buksan mo ‘yong pinto! Happy! Happy!” paulit ulit na sigaw ko ngunit walang Happy. “Happy! Happy!” Napapaiyak na ako sa kabang nararamdaman ko dahil pakiramdam ko ay may mali.
Nakarinig ako ng mga yabag mula sa labas kaya doon ako nabuhayan ng pag asa.
“Happy! Happy! Hap-“
Napaatras ako ng bumukas ang pintuan at pumasok ang isang babae.
“Ang ingay ingay mo naman! Nakakabulahaw ka, ah!” mataray na sabi nito sa akin.
“S-sino ka? Nasaan ako? Nasaan si Happy?” Sunod sunod kong tanong.
“Ako? Ako si Madam Divine. Nasaan ka? Nandito ka sa Casa Aliwan. At si Happy? Wala na.”
“Anong ibig mong sabihin?”
“Ibinenta ka ni Happy sa amin.”
“Ano?!”
“Simula ngayon dito ka na titira. Ito na ang-“
“Hindi! Ayoko! Happy! Happy, tulungan mo ako. Happy!”
Hindi pa man ako tuluyang nakakalabas ng kwarto ay hinarang na ako ng dalawang lalaking malalaki ang katawan.
“Bayad ka na kaya hindi ka na makakalabas dito. Ito na ang magiging bagong mundo mo. Tawagin mo si Tanya at paayusan mo ‘to! Siguradong pagkakaguluhan ‘to mamaya.”
“Teka lang! Sandali! Ayoko dito! Sandali! Sandali lang!” Makailang beses kong kinalabog ang pintuan ngunit wala ng tao sa labas.
Nanghihina akong napaupo at doon na tuluyang humagulgol. Hindi ako makapaniwalang ibenenta ako ni Happy. Takot ang namamayani sa buong pagkatao ko ngayon dahil hindi ko alam kung ano ang naghihintay sa akin.
“Tigilan mo na nga ‘yang kakaiyak mo! Hindi na maayos ayos ‘yang make up mo, eh!” naiirita ng wika ni Tanya sa akin habang sinusunod ng brush ang natuluan ng luha ko.
“Tulungan mo naman ako, oh! Ayoko dito. Gusto ko ng umalis.” Pag mamakaawa ko sa kanya.
“Sa tingin mo ba makakaalis ka pa dito?” Inis niyang ibinagsak ang brush na hawak. “Kapag napasok ka na dito sa Casa Aliwan wala ng labasan. Unless kung patay ka na.” Tinitigan pa niya akong mabuti. “Walang nakakalabas ng buhay dito sa casa kaya kung ako sa ‘yo magpakabait ka na lang.”
Pagkatapos akong ayusan ni Tanya ay pinagsuot naman niya ako ng isang damit na ni sa hinagap ay hindi ko akalaing maisusuot ko. Kulang na lang ay maghubad na ako sa damit na iyon.
Ilang saglit pa ay muling dumating si Madam Divine. Pusturang pustura rin ito at kasama ulit ang dalawang lalaki kanina.
“Ilabas n’yo na ‘yan!” Utos niya. “Maghanda ka na, Tanya. May dance number ka pa.”
Tumango lang ang babae at iniligpit ang kanyang mga gamit.
“Tanya… Tanya, please…”
“Anong Tanya-Tanya ka d’yan! Hoy! Hindi kz n’yan tutulungan! Gagang ‘to! Hala dalhin na ‘yan!”
Pilit man akong magpumiglas ay wala akong laban sa dalawang malalaking lalaking ito. Kakayang kaya nila akong bitbitin ng walang kahirap hirap.
Pagdating sa isang malaking kwarto ay pabagsak akong iniupo ng isa sa mga lalaki. May isang malaking flat screen t.v sa harap. Marami ang babaeng naroon kasama ko. Ang iba ay tulad ko ring umiiyak. Ang iba naman ay nakukuha pang mag-retouch na parang wala lang sa kanila na may kasama silang nag iiyakan dito sa loob.
Ilang minuto na kami dito sa loob ng kwarto at wala namang nangyayaring kakaiba. Pero doon ako nagkamali. Dahil sa mga sumunod na segundo ay doon na nagsisipasukan ang mga lalaking nagdala dito sa akin kanina. Isa isa nilang kinukuha ang mga babaeng kasama ko.
Nagmamakaawa ang ilan, ang ilan naman ay tila tuwang tuwa pa. Ako naman ay nagsusumiksik dito sa isang sulok at nananalangin na hindi makuha.
“Ikaw!”
Para akong nalagutan ng hininga ng ituro ng lalaking pumasok.
“Maglalakad ka na palabas o gusto mong kaladkarin pa kita?!”
Nag unahan sa pagtulo ang mga luha ko at sunud sunod ang naging pag iling. Takot na takot na ako. Gusto ko na lang ay lamunin na ako ng kinatatayuan ko para hindi lang maabot ng lalaking unti unti ng lumalapit sa akin. Ngunit hindi umayon sa akin ang tadhana dahil halos makalas yata ang braso ko sa pagkakahila niya.
Paglabas ko ay nakita kong inabutan ng makapal na pera ng isang lalaki si Madam Divine. Malaki ang ngiti nito habang inaamoy pa ang pera.
“Magpakabait ka, ha,” anito sa akin at hinaplus haplos pa ang aking buhok. “Just take care of her, okay.” Baling naman nito sa lalaking nagbigay sa kanya ng malaking halaga.
“Ayoko po…” wika ko at mahigpit na hinawakan ang kamay ni Madam Divine.
Matamis siyang ngumiti at hinila ang braso. Bumaon ang kanyang kuko roon. “Umayos ka! Kung ayaw mong makita ang sarili nong palutang lutang sa ilog ‘wag akong bigyan ng sakit ng ulo!” mariing bulong niya sa akin. “She’s ready!” Hinaplos pa niya ang aking buhok.
Pagdating sa labas ay may truck na naghihintay sa amin. Bumukas iyon at pinapasok ako sa isang malaking kahon. Wala akong nagawa kundi ang tahimik na umiyak doon hindi alam kung ano ang kahihinatnan ko sa kamay ng taong kumuha sa akin.