NEW FAMILY‼️

2633 Words
TWO WEEKS LATER... UNTI-UNTI akong nasanay sa simpleng buhay dito sa Maynila. Masaya din ako na makasama si Mamang at sina Kuya Primo at Ate Steph. Lalong-lalo na ang napaka bibo kong pamangkin na si Apple. Pakiramdam ko rin ay parang nabuhay si Mommy, dahil kay Mamang. Napakabait kasi niya sa akin at damangdama ko ang pagmamahal niya sa akin bilang anak na babae. Ngunit kung gaano kagiliw sa akin si Mamang, ay kabaliktaran naman kay Daddy. Dahil araw-araw niyang pinapagalitan si Daddy, dahil hindi ito marunong sa trabahong bahay. Hinahayaan lang namin silang dalawa. Matatanda na sila, alam na nila ang tama at mali. "Cion!...." narinig kong pagtawag ni Daddy kay Mamang. Nasa kusina si Daddy at magluluto daw ng mixed fried rice para sa tanghalian namin. "Ano ba, Alfonso!? Hindi ako bingi, para sigawan mo. Para kang nakasunog d'yan sa kusina, dahil sa lakas ng bunganga mo!" pasinghal na sagot ni Mamang. Nasa labas naman ng kusin si Mamang at nagsasampay ng mga nilabhan niya. "Nasaan ba ang mantika? Nasunog na ang kawali, pero hindi ko naman makita kung saan mo tinago ang mantika." sagot ni Daddy. Napapailing na lang ako, habang nagta-trabaho sa pamamagitan ng Laptop ko. Kahit narito ako sa Maynila ay naka monitor pa rin ako sa mga negosyo namin na naiwan sa Mindanao. "Tingnan mo d'yan sa lagayan ng mga recado! Ang laki-laki ng mata mo, pati butas ng ilong mo. Mantika lang, hindi mo makita!" malakas ang boses na sagot ni Mamang. "Eh, wala namang laman itong bote dito. Ang ang gagamitin kong mag gisa ng mga sahog sa fried rice ngayon? Wala naman tayong mantika!" sagot ni Daddy. "Eh, di, bumili ka sa tindahan!" sagot ni Mamang. "Parang may nakita pala akong grasa sa garahe kaninang umaga, no'ng nagwalis ako doon. Iyon na lang ang kunin ko, para pang gisa dito." saad ni Daddy. Bigla akong napatigil sa ginagawa ko, dahil sa narinig kong sinabi ni Dad. Marahas akong napakamot sa aking ulo, dahil sa kapilosopuhan ng ama ko. Hindi talaga siya tumitigil sa pang-aasar kay Mamang, kaya lagi itong nagagalit sa kanya. Ewan ko ba naman kay Daddy. Hindi naman siya ganito noon sa Mindanao. Ni minsan ay hindi niya inasar si Mommy. "Subukan mong gamitan ng grasa ang lulutuin mo, Alfonso! Ikaw ang gagawin kong mantika, para hindi maubusan ang kusina natin ng pang gisa. Sa laki ba naman ng katawan mo, eh, siguradong marami akong maiipon na mantika galing sa taba mo." sagot ni Mamang. Pumasok na rin siya sa loob ng kusina at siya ang naghanap ng pang gisa. "Oh, ayan ang margarine! Yang ang gamitin mong mag gisa, para masarap ang fried rice na lulutuin mo." sabi pa ni Mamang. Narinig ko rin ang malakas na tunog ng ginawang pagbagsak ni Mamang sa lalagyan ng margarine. "Hindi mo naman kasi sinabi agad na may margarine pala tayo." paninisi ni Daddy. "Nagtanong ka ba, Alfonso!?" asik ni Mamang. "Hindi!" sagot naman ni Daddy. Hay! Ewan ko sa kanila. Para silang aso't pusa. Pero pag wala na silang ginagawa ay hindi naman sila nag-iingay. Madalas ko rin silang makitang magkatabi sa upuan at nagkakape. Mukhang sa pag-inom ng kape lang sila magkasundo. Pati sa panunuod ng TV ay hindi sila magkasundo. "Incarnacion! Ilipat mo nga sa balita! Titingnan ko lang kung ano na ang nangyari sa mga nawawalang sundalo sa Basilan." saad ni Daddy kay Mamang. Kinuha din niya ang remote, para ilipat sa balita ang TV. "Nanunuod ako Alfonso Senior! H'wag kang magulo!" singhal naman ni Mamang. "Sandali lang naman, Incarnacion!... May gusto lang akong malaman." pamimilit ni Daddy. "Subukan mong ilipat ang chanel, Alfonso Magtibay Senior! Itatapon ko sa labas ng gate ang mga gamit mo." panakot naman ni Mamang kay Daddy. Gusto ni Daddy manuod ng balita, pero si Mamang ay gustong manuod ng Drama. Pero magkatabi naman silang naka upo sa mahabang sofa at naka akbay pa si Daddy kay Mamang. Hanggang sa hinayaan na lang ni Daddy si Mamang na manuod ng inaabangan niyang Drama. Kapag naglalaba naman si Mamang ay nakabantay sa kanya si Daddy at tinutulungan niyang magbanlaw ng mga damit namin. Ayaw kasi akong payagan ni Mamang na maglaba. Baka daw magkasugat-sugat ang kamay ko. Tumutulong na lang ako sa paglilinis ng bahay. Lalo na sa kuwarto namin ni Mamang. Lagi akong nagpupunas at nagwawalis, dahil ayaw ko ng maalikabok. Araw-araw ko ring pinupunasan ang mga gamit dito sa sala, para malinis tingnan. Namili din ako ng mga pang-display, para mas magandang tingnan ang loob ng bahay namin. Tumutulong din ako sa pagluluto, para matuto din ako at hindi laging naghihintay ng ipapakain sa akin sina Daddy at Mamang. Nasanay kasi ako na mayroong nagsisilbi sa akin mula pagkabata kaya ngayon ay wala akong alam sa trabahong bahay. NGAYON ay magkakasama kaming tatlo na namalingke. Namili kami ng mga ilulutong ulam, para mamayang gabi. Ngayon daw darating si Kuya Jun-jun, sabi ni Mamang, kaya magluluto daw siya ng kanyang specialty na Kare-kare. Pati sa bibilhin na karne at isda, nagtatalo sina Mamang at Daddy. Gusto ni Mamang bumili sa suki niya, pero si Daddy ay sa iba niya gustong bumili dahil mas maganda daw ang paninda sa kabila. Unang pagkakataon din na nanalo si Daddy, dahil agad na binayaran ni Daddy ang mga pinili niyang karne ng baka sa kabilang meat stall. Pati ang mga binili naming isda at pusit. Si Daddy ang nasunod, para daw matuwa ang dalawang Kuya ko na kakain sa mga pinamili namin. Ngayong naghahanda naman kami ng mga lulutuin ay hindi na sinasalungat ni Daddy ang gusto ni Mamang. Kare-kare ang niluluto ni Mamang, para sa dinner namin. Darating din si Kuya Primo ngayong gabi, kaya naghahanda kami ng masasarap na ulam para sa dalawang Kuya ko. Excited na rin akong makilala si Kuya Jun-jun. Sana lang tanggapin din niya ako, katulad ng pagtanggap sa akin ni Mamang. Pero kinakabahan pa rin ako, dahil hindi pa daw niya alam na nandito kami ni Daddy sa bahay nila. GABI na ay hindi pa rin dumarating sina Kuya Primo at Kuya Jun-jun. Nagsimula na kaming kumain, dahil hindi alam ni Mamang kung matutuloy na umuwi dito si Kuya Jun-jun. Si Kuya Primo naman ay mali-late ng uwi, dahil may operasyon daw sila ngayong gabi. Nag bilin na lang siya kay Mamang na ipagtira siya ng Kare-kare, para may Kainin siya pag-uwi niya. Kasalukuyan kaming kumakain nang may marinig akong malakas na busina ng sasakyan. Bigla akong kinabahan, dahil sa excitement ko na makita at makilala si Kuya Jun-jun. Narinig ko rin ang matinis na boses ni Apple, dahil sa tuwa niyang makita si Kuya. Ayaw ngang kumain ni Apple, dahil hinihintay nito si Kuya Jun-jun. Nasanay daw ang bata na laging binibilhan ni Kuya ng mamahaling laruan ang bata. Kaya tuwing sabado ng gabi ay naghihintay ito sa may pinto. Nang marinig ko ang boses ni Kuya Jun-jun na kausap si Apple at Ate Steph ay agad kong ibinaba ang hawak kong kutsara at tinidor. Hindi na rin ako maka kain, dahil sa kabang nararamdaman ko. Hanggang sa pumasok na sila dito sa kusina. Karga ni Kuya si Apple na pumasok sa pinto ng kusina, kasunod si Ate Steph. Kitang-kita ko ang biglang paglaho ng matamis na ngiti ni Kuya ng makita niya si Daddy sa upuan nito. Agad din siyang nagbawi ng tingin at muling humakbang palapit sa upuan at ibinaba niya si Apple. Agad namang tumayo si Mamang at nagsandok ng ulam. Nilapitan siya ni Kuya at agad itong nagmano kay Mamang at hinalikan pa niya ito sa noo. "Magandang gabi, Mamang, Kumusta ka dito? Hindi ka ba nahihirapan, o napapagod sa pagsisilbi sa bahay na ito? Sabihin mo lang, kung na maaga, kung nagsasawa kana dito para ma-i-alis kita dito. Doon kana lang tumira sa bahay ko, para hindi ka nahihirapan dito." tanong ni Kuya Jun-jun kay Mamang. "Ano ka ba naman, Anak! H'wag mo akong alalahanin dito. Masaya ako dito sa bahay natin, kaya h'wag mo akong alalahanin." malumanay na tugon ni Mamang. Nakangiti din itong binuhat ang malaking bowl at muling inilapag sa harapan namin. "Tito, p'wede po ba akong sumama sa 'yo sa bahay mo? Gusto ko po'ng tumira sa bahay mo, para lagi kitang makita at makasama, Tito, please!..." tanong ni Apple kay Kuya. "Sige, sweetie. Pero kailangan mo munang kumain ng dinner, para mabilis kang lumaki. Alam mo bang mabagal ang paglaki ng batang nagpapalipas ng gutom, at hindi natutulog ng maaga? Bilisan mo nang kumain, para mapatunog kana ng Mommy mo." sagot ni Kuya. Agad namang kumain si Apple. Ang bilis nitong magnguya, kaya napangiti kaming lahat. Masunurin nga talaga si Apple, kapag si Kuya na ang nagsabi sa kanya ng mga dapat gawin. Umupo si Kuya sa tabi ni Mamang, para kumain ng hapunan. Nakatingin lang kaming apat sa kanya, dahil tila hindi niya kami nakikita ni Daddy. "Anak, hindi mo ba babatihin ang Papang mo?" malumanay na tanong ni Mamang sa kanya. "Nagugutom na ako, Mamang! Baka naman gusto mo muna akong pakainin?" sagot ni Kuya, kasabay ng pag-abot niya sa lagayan ng kanin at nagsandok. Binuhat din niya ang malaking bowl ng Kare-kare at nilagyan ang plato niya, saka mabilis na kumain. Nagkatinginan na lang kaming lahat, dahil sa inasal ni Kuya Jun-jun. Napa-iling na lang si Daddy, dahil sa lantarang pagbalewala sa kanya ni Kuya. Pati ako ay hindi rin niya pinansin. Hindi ko lang alam kung nakita niya ako o Hindi. Hinayaan na lang namin si Kuya, dahil baka nabigla lang siya sa bigla namin pagdating ni Daddy sa buhay nila. Kung sabagay, matagal na panahon na rin na hindi sila dinalaw dito ni Daddy. Parang fifteen ako noon, yung natatandaan kong umuwi dito sa Maynila si Daddy, para sunduhin sana si Kuya Jun-jun. Pero ayaw daw sumama sa kanya ni Kuya, dahil ayaw maging sundalo. MATAPOS kumain ni Kuya Alfie ay agad siyang tumayo at walang imik na pumasok sa loob ng kanyang kuwarto. Nasundan na lamang namin siya ng tingin, dahil sa kanyang inasal sa harapan namin. "Pagpasensyahan mo na ang ang anak mo, Alfonso. Nabigla lang 'yon, kaya ganon ang inasal niya kanina. Hayaan mo't kakausapin ko siya mamaya, para maliwanagan ang isip niya." saad ni Mamang. "Hindi na. Hayaan mong ako mismo ang kumausap sa kanya. Alam kong napakalaki ng kasalanan ko kay Jun-jun, dahil sa pag-abandona ko sa inyong mag-ina noon. Pupuntahan ko na lang siya mamaya sa kuwarto niya, para magkausap kami ng masinsinan, at makahingi rin ako ng tawad sa kanya." tugon ni Daddy. Awang-awa ako kay Daddy, dahil sa ginawang pagbalewala sa kanya ni Kuya. Ngunit nauunawaan ko rin ang pinanggagalingan ni Kuya Jun-jun, kaya hindi ko rin siya masisi. Matapos kaming kumain ay agad kaming nagligpit ng mga pinagkainan. Tumulong din ako kina Dadda at Mamang, para mabilis matapos ang mga ligpitin. "Hayaan mo na yan, Anak. Umakyat kana sa kuwarto at magpahinga." saad sa akin ni Mamang, dahil balak ko sanang punasan ang mga plato para mabilis matuyo. "Sandali lang naman po ito, Mamang." sagot ko. "Hayaan mo na, matutuyo naman ang mga yan d'yan sa lagayan. Bukas na natin ibalik sa cabinet ang mga yan. Magpahinga na tayong lahat. Linggo bukas, kaya kailangan nating gumising nang maaga, para makapag simba tayong buong pamilya na sama-sama." sabi ni Mamang, kaya nagpaalam na ako sa kanila. Sana bukas pag gising ko ay pansinin na ako ng Kuya ko at kausapin. Gustong-gusto ko na siyang makilala at makayakap. Pagkatapos kong maligo ay naupo muna ako dito sa tapat ng bintana, habang sinusuklay ang mahaba kong buhok. Nakasanayan ko itong gawin gabi-gabi, para madali akong makatulog mamaya. Tumigil lang ako sa pagsusuklay nang marinig ko ang pagbukas ng pinto. Pumasok na rin si Mamang dito sa loob, para magpahinga. Nagpaalam siyang magbabanyo muna, kaya hindi pa ako tumayo sa aking kinauupuan. Muli kong sinuklay ang buhok ko, para lalo akong antukin. Nang lumabas si Mamang sa banyo ay muli kong naalala si Kuya Jun-jun. "Mamang!... Galit din ba si Kuya sa akin?" tanong ko. Kanina ko pa talaga iniisip kung galit ba sa akin si Kuya, katulad ng nararamdaman niyang galit kay Daddy. "Hindi naman siguro, Anak. Mabait ang Kuya mo, kaya naniniwala akong lalambot din kaagad ang puso niya sa ama niyo. Nagdaramdam lang ang Kuya mo, Anak. Hindi 'yon galit sa Papang niyo. Nagulat lang siguro, dahil hindi niya inaasahan na madaratnan niya kayong dalawa dito sa bahay." paliwanag sa akin ni Mamang. "Sana nga po, Mamang, dahil gustong-gusto ko na siyang kausapin at yakapin. Gusto ko siyang tawaging Kuya, tapos-" hindi ko natuloy ang sasabihin ko, dahil bigla akong napatingin sa labas ng bintana. May mga sasakyan kasing tumigil sa harapan ng bahay at mabilis na naglabasan ang mga lalaking may dalang mga bar*l. "Mamang!...." malakas na sigaw ko, saka ko niyakap si Mamang at hinila padapa sa sahig. "Aaay! Ano bang?" gulat na tanong ni Mamang, ngunit hindi rin niya natuloy, dahil sa magkakasunod na put0k ng bar*l sa labas. Tumatagos din ang mga bala ng bar*l dito sa loob ng kuwarto namin, dahil kalahati lang ng pader ang concrete. Ang kalahati naman ay mga kahoy, kaya tumatagos ang mga bala ng bar*l dito sa loob ng kuwarto namin. Pareho kaming umiiyak ni Mamang, habang magka akbay na nakadapa sa sahig. Hinawakan kong mabuti si Mamang, para hindi siya tumayo at mahagip ng b@la. "Dios kong mahabagin! Iligtas mo kaming lahat sa mga kampon ni s@tan@s." umiiyak na dasal ni Mamang. "Mommy!... Lolo!!... Tulungan niyo kaming lahat dito. Alam kong binabantayan n'yo ako. H'wag niyong ipahintulot na magtagumpay si Uncle Arthuro sa masama niyang balak sa akin." sambit ko. Parang nararamdaman ko sila na nasa tabi ko, dahil sa malakas na hangin na biglang pumasok dito sa loob ng bahay. Nabasag na ang mga salamin ng bintana, kaya nakakapasok na dito ang malakas na ihip ng hangin. "Mamang! Mamang!...." napatingin ako sa pintuan, dahil sa malakas na pagtawag ni Kuya Jun-jun, kay Mamang. "Kuya!.... Kuya ko!...." pasigaw na pagtawag ko kay Kuya. Mabilis na gumapang si Kuya Jun-jun, palapit sa amin ni Mamang. "Mamang, nasaktan kaba!?" nag-aalalang tanong ni Kuya kay Mamang. Tiningnan din niya ang buong katawan ni Mamang, para masigurong walang nangyaring masama kay mamang. "Hindi, Anak. Nagulat at natakot lang ako sa mga put0k ng bar*l. Mabuti na lang at nandito ang kapatid mo. Nahila niya agad ako, at pinadapa, kung hindi baka natamaan na ako ng bala kanina." tugon ni Mamang kay Kuya. "Kuya!... Kuya, natatakot ako. Nasundan na nila kami ni Daddy dito. Papat@y*n nila kami, Kuya. Tulungan mo kami. Ayaw ko pa'ng mamat@y." umiiyak at nanginginig sa takot na turan ko kay Kuya Jun-jun. Agad naman akong niyakap ni Kuya, kaya muli akong napaiyak at yumakap din sa kanya ng mahigpit. "Tama na... H'wag ka nang umiyak. Hindi ko hahayaan na may mangyaring masama sa inyo ni Papang. Dadaan muna sila sa mga bangkay ko, bago nila kayo masaktan. Tahan na... H'wag kang matakot, nandito kami ni Kuya Primo, para protektahan kayong lahat." tugon sa akin ni Kuya, habang hinahaplos niya ang likod ko. "Anak, ang Papang mo? Sina Ate mo at Apple, baka kung napa'no na ang mga 'yon!" nag-aalalang tanong ni Mamang. "H'wag mo silang isipin Mang, Nasa kuwarto ko si Papang. Sina Ate naman ay kasama ni Kuya Primo." sagot ni Kuya kay Mamang. "Dito lang kayong dalawa. H'wag kayong lalabas dito. Babalikan ko kayo dito sa kuwarto." bilin din niya, saka siya mabilis na gumapang pabalik sa pinto. Kahit natatakot ako sa mga naririnig kong malalakas na putukan sa labas ay pinatatag ko na lang ang loob ko. Naniniwala din ako sa sinabi ni Kuya Jun-jun na po-protektahan niya kami. Hindi na ako mag-isa ngayon, dahil nariyan ang mga kuya ko na handang tumulong sa akin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD