ILANG ARAW din kaming nanatili sa Campo, bago kami naka alis ng Zamboanga. Ngayon ay narito na kaming mag-ama sa Maynila. Naka sakay ng Taxi, patungo sa bahay ng dating pamilya ni Daddy.
Ang lakas ng kaba ko, dahil hindi ko alam kung ano ang magiging reaction ni Tita Cion, kapag nakita niya kaming dumating sa kanyang bahay.
Hindi rin ako tumitigil sa pagdarasal. Sana pakinggan ng panginoon ang aking kahilingan na tanggapin kami ni Tita Cion, at payagang tumira doon. Nahihilo't nanghihina na ako, dahil sa sobrang pagod. Mula kagabi hanggang ngayon ay nasa biyahe pa rin kaming mag-ama.
"Anak, malapit na tayo sa bahay. Tingnan mong mabuti ang mga gamit mo. Baka may maiwan ka." saad sa akin ni Daddy.
"Opo, Daddy." sagot ko. "Dad, natatakot ako." sambit ko. Nanlalamig din ang kamay ko, at pinagpapawisan ang noo ko.
"H'wag kang mag-isip ng kung anu-ano, anak. Mabait ang Tita Cion mo. Sa bahay din nakatira ang Kuya Primo, mo, at pamilya niya. May makakasama't makakausap doon. Hindi ka malulungkot." sabi sa akin ni Daddy. Inakbayan din niya ako at hinalikan sa ulo. Niyakap ko na lang siya ng mahigpit, para mapanatag ang loob ko. Kailangan kong maging positive, para hindi ako maunahan ng takot at hiya.
Tumigil ang sinasakyan naming Taxi sa tapat ng isang bahay. Halatang luma na ito, dahil sa sinaunang design nito. Ngunit maganda pa rin tingnan, dahil alaga naman sa pintura. May tindahan din dito sa harapan, katabi ng Gate.
Bumaba kami ni Daddy sa Taxi at kinuha namin lahat ang mga maleta namin. Nasa tabi ng driver ang dalawang maleta, dahil hindi magkasya sa car boot. Matapos mabayaran ni Daddy ang Taxi Driver ay agad naming hinila ang mga bagahe at inilagay sa tabi ng gate. Nag-door bell na rin si Daddy at naghintay ng lalabas na tao, para pagbuksan kami. Tumayo lang ako sa harap ng tindahan, para hindi agad ako makita ng tunay na asawa ni Daddy. Kinakabahan pa rin ako. Natatakot at nahihiya.
"Nariyan na!..." narinig kong tinig ng isang babae. Galing pa ito sa loob ng bahay, at nagmamadaling lumabas. Baka ang akala nito'y may bibili dito sa tindahan. "Ano po'ng bibilhin nila?" tanong din niya, habang palapit sa gate.
"Steph, ako 'to. Ang Mamang mo nariyan ba?" sambit ni Daddy sa babae.
Napaisip ako kung sino ang babaeng kausap ni Daddy. Wala naman anak na babae si Daddy, maliban sa akin. Humakbang na rin ako palapit kay Daddy, para makita ko kung sino ang kausap niya.
"Papang!? Papang, kayo ba yan?" tanong ng babae kay Daddy. Humakbang siya palapit sa gate, para malapitan si Daddy.
"Oo, anak, ako nga. Si Primo, nariyan ba?" tugon ni Daddy. Halata na rin sa boses ng Daddy ko ang matinding pagod. Matanda na siya, kaya madali na siyang makaramdam ng pagod.
Napangiti ako, dahil ngayon ko lang naalala na siya ang asawa ni Kuya Primo. Taga Mindanao din ang napangasawa ni Kuya Primo. Pero noong magbuntis ito ay umuwi sila dito sa Manila, para mailayo sa magulong lugar ang asawa niya. Pugad kasi ng nga rebelde ang bayan ng asawa ni Kuya, kaya natakot sila na baka pati ang magiging anak nila ay madamay at masaktan.
"Wala pa po si Primo, Papang. Biyernes ng gabi pa 'yon u-uwi dito. Sa Camp Aguinaldo siya ngayon naka distino. Pasok po kayo, Pang, nasa kusina po si Mamang at ang apo niyo." tugon ng asawa ni Kuya Primo. Napatingin din siya sa akin at ngumiti.
Napangiti rin ako sa kanya. Mukhang mabait naman ang asawa ni Kuya. Kahit ngayon lang kami nagkita ay magaan na agad ang loob ko sa kanya.
"Si Bridgette nga pala, bunsong kapatid nila Primo." pakilala sa akin ni Daddy.
Lumapit ako kay Ate Steph at nakipagkamay ako sa kaniya. "Hello, Ate, kumusta ka po?" pagbati ko sa kanya, habang magkalapat ang mga palad namin.
"Mabuti naman ako at masaya sa piling ng Kuya Mo." naka ngiting tugon niya sa akin. "Ikinagagalak kitang makilala, Bridgette. Pumasok tayo sa loob ng bahay. Papang, tulungan ko na kayo sa mga bagahe niyo. Ang init dito sa labas, doon na tayo sa loob mag-usap usap." pag anyaya sa amin ni Ate Steph. Agad din niyang hinila ang dalawang malalaking maleta at deretsong naglakad papasok sa loob ng bahay.
Bale anim na maleta ang dala namin ni Dad. Apat na malalaki at dalawang pang hand carry. May tag-isa pa kami ng backpack at sling bag. Halatang-halata na magtatagal kami dito sa Manila, dahil kung titingnan ay hinakot namin lahat ang mga gamit namin doon sa Villa Palais.
Pagpasok namin sa loob ng bahay ay bumungad sa akin ang mga photo frame ng mga kapatid kong lalaki. Mga picture nila noong nag-graduate sila sa High school ang nasa bandang taas at picture sa college naman sa bandang ibaba. Sina Kuya Primo at Kuya Santi ay parehong naka suot ng Military uniform, si Kuya Jun-jun naman ay naka black graduation robe. Ang guguwapo ng mga Kuya ko. Lalo na si Kuya Jun-jun. Ibang-iba ang mukha niya kina Kuya Primo at Kuya Santi. Para siyang artista. Nakita ko rin ang Family photo nila noong maliliit pa sina kuya. Mayroon ding wedding photo sina Daddy at Tita Cion. Muli akong humakbang papasok ng sala para ilagay sa tabi ng hagdan ang dala kong mga maleta. Ibinaba ko rin ang backpack ko, dahil mabigat ang laman nito. Dito ko kasi nilagay ang Laptop at Ipad ko, kasama ng mga papeles na kailangan ko para maghanap ng trabaho dito sa Manila.
"Mamang!... May bisita po tayo." pagtawag ni Ate Steph kay Tita Cion sa kusina.
Muli akong kinabahan, dahil magkikita na kami ng dating asawa ni Daddy. Agad naman na lumabas mula sa kusina si Tita Cion. May hawak pa siyang sandok, at nagpupunas ng pawis sa kanyang noo.
"Sinong bisita ang dumating? Wala naman akong alam na may dadalaw sa atin ngayon." nagtatakang tanong niya kay Ate Steph. Napatingin siya sa amin ni Daddy, pero hindi niya nakilala si Daddy.
"Cion, ako ito. Kasama ko si Bridgette; ang anak namin ni Brenda." sambit ni Daddy sa malumanay na boses.
Kitang-kita ko ang pagkabigla ni Tita Cion. Hindi siya nakagalaw at hindi rin nagsalita. Ilang sandali pa ang lumipas bago siya nakabawi. Kitang-kita ko ang pagkunot ng kanyang noo, dahil sa gulat sa biglang pagdating namin sa kanyang bahay. Nagbaba ako ng tingin, dahil nahihiya ako sa kanya. Para akong matutunaw sa sobrang hiya, dahil iniisip kong ako ang naging bunga ng pagkakasala ni Daddy.
"Alfonso!? Buhay kapa pala, hayop ka! Pero ngayon mo lang naalalang bumalik dito. Anong masamang hangin ang nagtaboy sayo, pabalik sa bahay na 'to?" tanong ni Tita Cion, kay Daddy. Naniningkit din ang mga mata niya, dahil sa galit o gulat. Hindi ko masabi, dahil hindi ko alam ang naging problema nila noon.
"Cion, alam kong galit ka pa rin sa akin. Ang laki ng nagawa kong kasalanan sayo, sa inyo ni Jun-jun. Patawarin mo sana ako, Cion." muling sambit ni Daddy. Humakbang siya palapit sa kinatatayuan ni Tita Cion, at biglang lumuhod sa harapan nito.
"Ay! Anong ginagawa mo!?" gulat na tanong ni Tita.
"Cion, parang awa mo na... Kailangan namin ni Bridgette ng matutuluyan. Kahit pansamantala lang, hanggang makahanap ako ng p'wede naming upahan. Umalis kami sa Mindanao, dahil nanganganib ang buhay ng anak ko. Gusto siyang patayin ng ampon na kapatid ni Brenda, para makuha nito lahat ang mga negosyo at ari-arian ng mga Vibar. Maawa ka sa bata, Cion. Wala kaming ibang mapuntahan dito sa Maynila, kung hindi dito sa bahay." pagmamakaawa ni Daddy, habang naka luhod sa harapan ni Tita Cion.
"Walang hiya ka talaga, Alfonso! Matapos mo akong ipagpalit sa ibang babae at iniwan dito mag-isa, ngayon babalik ka at magmamakaawa sa akin. Hala! Tumayo ka d'yan at maghugas ng mga plato sa kusina, kung gusto mong tumira dito." galit na galit na sagot ni Tita Cion. Hinila niya patayo si Daddy at itinulak patungo sa kusina.
"P'weding mamaya mo na ako utusan? Pagod na pagod kaya ako sa mahabang biyahe. Lalo na yung pauwi dito sa bahay. Mas matagal ang oras ang inilagi namin sa Taxi, kaysa sa pagsakay namin sa eroplano." sabi ni Daddy. Totoo naman kasi na ang tagal namin na naipit sa traffic. Halos hindi umusad ang sinasakyan naming Taxi, dahil napakaraming sasakyan sa mga kalsada.
"Magtiis ka, Alfonso, kung gusto mong patawarin kita. Bilisan mong hugasan ang mga iyan, para may magamit tayong kumain." muling sabi ni Tita, habang tinutulak ang likod ni Daddy palapit sa lababo.
"Lola, sino po siya?" narinig kong tanong ng isang batang babae. Siya siguro ang anak ni Kuya Primo. Bigla akong natuwa, dahil may pamangkin na pala ako.
"Siya 'yong nawawala mong Lolo, Apo." sagot ni Tita Cion.
"Ay, siya 'yong sinasabi mong Lolo ko na naligaw sa bundok at hindi nahanap ang daan pabalik sa kapatagan, Lola?" tuwang-tuwa na sagot ng bata.
Napangiti ako dahil sa narinig ko. Napatingin ako kay Ate Steph, dahil tumatawa din siya sa sinabi ng anak niya.
"Hello, Apo... Ang laki-laki mo na pala. Ano nga pala ang pangalan mo?" tanong ni Daddy sa bata.
"Apple, po." agad na sagot nito.
"Mamaya na kayo mag-usap ng Lolo mo. Maghuhugas muna siya ng plato, para may magamit tayong kumain." pagsaway ni Tita kay Apple.
Tuluyan na akong pumasok sa kusina, dahil gusto kong makita si Daddy na naghuhugas ng pinggan. Hinila naman ako ni Ate Steph, at pinapaupo sa harap ng lamesa.
"Ate, baka magalit si Tita sa akin." pabulong na wika ko.
"H'wag kang mag-alala, hindi yan magagalit sayo. Si Papang lang naman ang may kasalanan sa kanya, labas ka sa kasalanan ng ama niyo." pabulong din niyang sagot sa akin.
"Ayusin mong maghugas! Unahin mo ang mga baso, bago ang mga plato, para hindi mapunta ang amoy ng pagkain sa mga baso." napatingin ako sa gawi nina Daddy at Tita Cion, dahil sa lakas ng boses ni Tita. Parang laging galit kung magsalita. Nakakatakot.
"Heto na nga, oh!" sagot naman ni Daddy at ipinakita pa ang hawak niyang baso.
"Steph, ipaligpit mo na ang mga kalat ni Apple, para makapag sandok na ako." utos ni Tita kay Ate Steph.
"Opo, Mamang." mahinahon naman na tugon ni Ate. Agad din niyang sinabihan si Apple na iligpit nito ang mga kalat niya sa lamesa, para mapunasan niya at makahain na si Tita.
Kinuha ko naman ang pamunas, at mabilis kong pinunasan ang lamesa. Lumapit din ako sa lagayan ng mga plato at kumuha ako ng plato, para ilagay sa lamesa.
"Naku, Hija, h'wag ka ng mag-abala. Hayaan mo ang ama mo na siya ang maglagay ng mga plato sa lamesa. Umupo ka lang d'yan." saad ni Tita Cion. Kinuha din niya sa kamay ko ang mga platong hawak ko. "Ang ganda-ganda mo palang bata. Ano nga pala ang pangalan mo?" napangiti ako dahil sa sinabi ni Tita.
Nahihiya akong napatingin kay Tita Cion, dahil malumanay naman siyang makipag usap sa akin. "Bridgette, po, Tita..." nahihiyang sagot ko.
"Bridgette! Ang ganda, bagay na bagay sayo ang pangalan mo." sabi niya sa akin. "Buti't hindi mo namana ang ilong ng ama mo. Ang laki ng butas!" dagdag pa niya. Hindi ko napigilan ang sarili ko na hindi matawa, dahil sa sinabi ni Tita.
"Tigilan mo ako, Cion!" saad ni Daddy na may pagbabanta sa boses.
"Bakit, Alfonso, may reklamo ka? Totoo naman na malalaki ang butas ng ilong mo. Salamat talaga sa dios, dahil wala ni isa sa mga anak mo ang nakakuha ng ilong mo." bulyaw ni Tita kay Daddy. Nagkamot lang ng ulo si Daddy at muling hinarap ang mga hugasin sa loob ng lababo.
AGAD na naghain si Tita Cion ng tanghalian at sabay-sabay kaming kumain. Hindi ko napansin ang sarili ko na gutom na gutom na pala ako. Nag-kape lang kasi kami ni Daddy sa airport kanina, bago kami sumakay ng Taxi. Hindi naman naming inakala na aabutin kami ng ilang oras sa biyahe, dahil sa matinding traffic.
"Bridgette, kumain ka ng marami, ha! Marami akong nilutong Sinigang na Liempo." sabi sa akin ni Tita. "Ay, Sandali! Kumakain ka ba ng baboy, anak? Hindi ka ba Muslim!?" muli niyang tanong sa akin. Parang kinabahan din si Tita, dahil bigla niyang naalala na baka Muslim ako.
"Catholic po, ako, Tita. Kumakain po ako ng baboy." nakangiting tugon ko.
"Ay, mabuti naman. Kinabahan pa ako, sayo. Akala ko, bawal sayo ang baboy." sabi pa niya, habang hinahaplos ang kanyang dibdib.
"Thank you, Tita, ang sarap po ng luto niyo." pasalamat ko, matapos kong tikman ang sabaw ng sinigang.
"Mabuti naman at nagustuhan mo ang luto ko, anak. Bukas magluluto ako ng Kare-kare. Kumakain kaba no'n?" sambit niya sa akin. Magkatabi kasi kaming kumakain, kaya nakakapag usap kami.
"Opo, Tita. Favorite po namin 'yon ni Daddy." agad na sagot ko.
"Mag-aama nga kayo! Pare-parehong mahilig sa kare-kare." sabi ni Tita, kaya tumawa na lang kami.
Tahimik akong kumain ng tanghalian. Gutom na gutom ako. Pati si Daddy ay halata din na nagugutom, dahil kagabi pa kami huling kumain. Kahit may pera naman kaming pambili ng pagkain namin sa daan, pero hindi namin magawang kumain. Mas nangibabaw ang takot namin na baka may makakita sa amin na kakilala ni Uncle Arthuro, at pagtangkahan na naman kaming pat@yin.
"Alfonso, hindi ba kayo kumain ng anak mo sa daan? Mukhang gutom na gutom kayong mag-ama, ah!" tanong ni Tita kay Daddy. Napansin pala ni Tita kung gaano kami kabilis sumubo.
"Kumain naman kami sa Campo kagabi, bago kami ihatid ng mga tauhan ko sa airport, at nagkape kami kanina pagbaba namin sa eroplano. Sino bang gaganahan na kumain, kung alam mong may mga taong naghahanap sayo para-" sagot ni Daddy. Hindi niya itinuloy ang sasabihin niya, dahil kaharap namin si Apple.
"Ganon ba!" tanging nasabi ni Tita. Napatingin kami kay Apple, dahil napapatingin talaga siya sa amin, kapag mag-uusap kami.
Pagkatapos naming kumain ay dinala ako ni Tita Cion sa kanyang kuwarto. Mag-share na lang daw kami sa kama niya dahil malaki naman. Malaki nga ang kuwarto ni Tita. Ang dati nilang kuwarto ni Daddy noong nagsasama pa sila. Ibinigay din niya sa akin ang dating pinaglalagyan ng mga damit ni Daddy, para may malagyan ako ng mga damit ko. Ngayon ko napatunayan na totoong mabait ang unang asawa ni Daddy. Tinanggap niya ako, kahit hindi niya ako kaano-ano.
Si Daddy naman ay tumuloy sa kuwarto ni Kuya Santi. Iyon lang kasi ang bakanti, dahil wala dito sa Manila si Kuya Santi. Inilabas ko ang mga damit ko sa maleta at inayos ko ang pagkakalagay sa loob ng cabinet. Punong-puno ang cabinet, dahil sa dami kong dalang damit. Hindi ko pa nga nadala lahat ng gamit ko sa Villa Palais. Pinili ko lang ang mga kailangan ko.
"Anak, magpahinga ka muna. Mamaya mo na ituloy ang pag-aayos sa mga gamit mo. Alam kong pagod na pagod ka. Matulog ka, nanlalalim na ang paligid ng mata mo." sabi sa akin ni Tita Cion. Kalalabas niya mula sa banyo.
"Sandali na lang ito, Tita. Hinahanapan ko lang ng space itong mga photo frame na dala ko." sagot ko kay Tita.
Napatigil sa paglalakad si Tita at bumalik dito sa kinauupuan ko. "P'wede ko bang makita ang mga 'yan, Anak?" tanong niya sa akin.
Tumango ako at ibinigay sa kanya ang hawak kong family picture namin. Bigla din akong nakaramdam ng kirot sa aking puso, dahil muli kong naalala ang Mommy ko.
"Ang ganda-ganda pala ng ina mo, at bata pa." sambit ni Tita. "Itong matandang lalaki, Lolo mo?" tanong din niya.
"Opo, Tita. Kuha 'yan noong graduation ko ng High school." sagot ko. "Iyan namang dalawa kami ni Daddy, noong graduation ko last June." sabi ko, pero biglang tumulo ang luha ko. Hindi ko mapigilan ang sarili ko. Umiyak ako sa harapan ni Tita Cion.
"Bakit ka umiiyak? May problema ka ba? May masakit ba sayo?" nag-aalalang tanong sa akin ni Tita. Hinaplos din niya ang likod ko, dahil humahagulgol na ako sa iyak. Hanggang sa niyakap na lang niya ako at pinakalma.
"Hindi ko pa rin matanggap, Tita!... Namatay ang Mommy ko sa mismong araw ng Graduation ko. Papunta na siya sa university noong araw na iyon, pero nawalan ng break ang kotse niya at bumangga sa isang puno at nasunog. Ang sakit-sakit Tita. Magkasunod lang silang namatay ni Lolo, tapos ako naman ngayon ang gustong pat@yin ni Uncle Arthuro, para makuha niya ang lahat ng naiwan sa akin nina Lolo at Mommy." umiiyak na sumbong ko kay Tita Cion.
Niyakap lang ako ng mahigpit ni Tita at hinayaan na ilabas ang lahat ng sama ng loob ko. Lahat ng galit na naipon sa puso ko ay nailabas ko, dahil pakiramdam ko ay safe ako sa piling ni Tita. Ang mga bagay na hindi ko kayang sabihin kay Daddy ay nasabi ko sa kanya.
"Alam kong masakit ang mga nangyari sa buhay mo. Mahirap mawalan ng ina, pero kailangan mong magpakatatag. Isipin mong pagsubok lang ang lahat ng nangyayari sayo. May dahilan ang dios, kaya niya kinukuha sa atin ang mga mahal natin sa buhay. Magpakatatag ka, anak. Nawalan ka man ng tunay na ina, pero narito naman ako, anak. Hayaan mo lang ako na alagaan ka at mahalin katulad ng pagmamahal sayo ng iyong ina. Alam mo bang ang tagal kong pinangarap magkaroon ng anak na babae, pero hindi ako biniyayaan. Pero ngayon dumating ka, gusto kong sayo ko maranasan ang magkaroon ng anak na babae. Basta hayaan mo lang akong mahalin at alagaan ka." pahayag sa akin ni Tita Cion.
"Thank po, Tita..." pasalamat ko. Niyakap ko rin siya ng mahigpit, dahil napapanatag ako habang yakap ako ni Tita.
"Gusto kong "Mamang" ang itawag mo sa akin, anak. Gusto kong marinig na tinatawag mo akong Mamang." saad ni Tita.
"Okay po, Mamang." nakangiting sagot ko. Naramdaman ko na hinalikan ako ni Mamang sa aking noo. Parang sina Mommy at Daddy. Gustong-gusto nila akong halikan sa noo o kaya sa ulo.
Nang kumalma ako at tumigil sa pag-iyak ay inalalayan niya ako at ipinahiga sa kama. Hinaplos pa niya ang mukha ko at tinuyo ang luha ko. Inayos niya ang buhok ko at nilagyan pa ako ng kumot, saka hinalikan sa noo. Nakatulog ako dahil sa matinding pagod, habang hinahaplos ni Mamang ang ulo ko.