HINDI na rin naman kami nagtagal sa pagkwentuhan ni Cielo at nagpaalam muna itong manunuod ng telebisyon sa sala nila. Samantalang ako naman ay nanatiling nakatulala sa kisame ng kwarto niya. Naisip ko bigla si Aldrich. Bakit ang komplikado ng buhay ko? Magkakagusto na nga lang ako, sa lalakeng hindi ko pa kayang maabot. At bukod sa mahirap lamang ako, hindi rin pwedeng maging kami dahil sa sitwasyon ko ngayon. Madumi akong babae. Walang sinumang lalake ang tatanggap sa katulad ko. Nakakalungkot isipin ngunit iyon ang totoo. Napabuntonghininga ako. Ipinikit ko ang aking mga mata at sinubukang matulog na. At marahil dala na rin ng pagod ay kaagad akong dinalaw ng antok. Naggising ako kinabukasan, araw ng linggo na wala na si Cielo sa tabi ko. Pasado alas syete pa lamang ng umaga.

