Fearless, Fierce Love by Mar Mojica : Chapter Eight

1189 Words
"Hija, ikaw talaga ang gusto kong kausapin." Napatingin ako sa seryoso niyang mukha. Bahagya siyang ngumiti sa akin at muling naupo. Doon naman ako pumuwesto sa bakanteng silya sa harap ng sopa na kinaroroonan niya. "Ako po?" nagtataka kong tanong. "Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa, Mel. Gusto ko kayong kunin ng iyong inay… sa bahay ko." Hindi ko napigilan ang pagkunot ng aking noo. Ano ang sinabi niya? Pakiulit nga? "Nangako ako sa itay mo na hindi ko kayo pababayaan. Ito na ang tamang panahon para tuparin ko ang pangakong iyon." Napalunok ako. Puwedeng paki-explain? Ang gulo, eh. Anong pangako iyan? "W-Wala pong nababanggit ang itay ko sa akin." Pansin ko ang pagkadeterminado ng tinig niya. Hindi siya nagbibiro. Kaya ba parati siyang narito? May pangako raw siyang dapat tuparin. At gusto niya kaming kunin sa bahay niya? Ano ba talaga? "Matagal na kaming magkakilala ng iyong mga magulang. Hindi ka pa isinisilang, magkakaibigan na kami. Umalis ako ng Pilipinas at..." Nakita kong parang nahihirapang magpatuloy si Tito Brian. "At doon ko nalaman na buntis ang inay mo sa ‘yo." Napakagat labi siya. Napansin kong napatungo siya at itinutok ang paningin sa sahig. "Nandoon ako nang isilang ka. You were such an angel. A baby girl I have always dreamt of." Kinilabutan ako sa sinabi niya. Ganoon pala kalalim ang pagkakaibigan nila ng mga magulang ko. Mula pa noong isinilang ako'y naroroon na si Tito Brian at kasa-kasama ng pamilya ko. "From then on, I promised your father that I would take care of you and your mom if he left you. And I have never forgotten that promise." Nakita ko ang pangingislap sa mga mata ni Tito Brian. Naaalala siguro niya si itay at ang pagkakaibigan nila. Naiintindihan ko siya. Masakit mawalan ng isang kaibigan. Lalo na kung halos buong buhay mo na itong kakilala at kasama. "Please hija, hayaan mong tuparin ko ang pangako ko sa iyong itay. Come with me. Convince your mom. I promise that I will give you the life that you deserve," aniya. Pinagsalikop niya ang kanyang mga kamay at diretsong tumingin sa akin. Nagbaba ako ng paningin at huminga ng malalim. Itay, ano po ba ang dapat kong isagot? Dinala mo ba talaga si Tito Brian sa buhay namin ni inay para tulungan kami dahil wala ka na? "Mag-isa na lang ako sa buhay, Mel. It's been three years since Dean's mother died. Gusto ko sanang maging parte kayo ng pamilya ko. Alam kong ito rin ang gusto ng itay mo. I can only fulfill my promise if you'll both come with me." Naguguluhan pa ako sa mga sinasabi niya. May bahagi sa akin na natutuwa at may bahagi rin na nag-aalinlangan. Kailangan naming pag-usapan ito ni inay. "Bukas babalik ako, hija. At inaasahan kong kasama ko na kayo sa aking pag-uwi." Nag-angat muli ako ng tingin sa kanya at nasilayan ko ang malungkot na ngiti mula sa kanyang labi. "P-Pag-iisipan po namin, Tito Brian," tanging naisagot ko. Tumayo siya at dinama ang ulo ko. "If only you were my real child," pabulong niyang sabi na dinig na dinig ko naman. Umalis si Tito Brian at iniwan akong nalilito. Napasandal ako sa kinuupuan ko at nakita ang puting kisame. Nakita ko ang mukha ni Aling Mona. Ang listahan ng mga utang namin. Ang pag-aaral ko. Si Inay. Paano na nga ba kami ngayong wala na si Itay? Saan kami pupulutin? Paano kami mabubuhay? Magkatabi kami ni inay sa kama ngayon. Kanina pa siya hindi kumikibo simula nang banggitin ko sa kanya ang nangyari kanina. Ayaw kong magdesisyon kami pareho nang hindi sigurado. Siguro naman ay kaya naming mabuhay ng kami lang at hindi umaasa sa iba. Ng walang tulong ni Tito Brian. "Okay lang naman po tayo, inay ‘di ba? Magtutulungan po tayo. Puwede po akong tumigil muna sa pag-aaral." Napatingin sa akin si inay. "H-Hindi puwede, Mel. Hindi ka titigil sa pag-aaral mo!" mariin niyang sabi. "Kahit isang taon lang para makaipon po muna tayo. Mabuti nga at sa atin na itong bahay at lupa. Walang sinomang makapagpapaalis sa atin dito." Bumalikwas si inay at umupo. Nagitla ako nang yumugyog ang katawan niya at narinig ang kanyang paghikbi. Bumangon din ako at hinaplos ang kanyang likod. Naaalala siguro niya si itay. Kailan pa kaya kami makababawi sa pagkawala ni itay sa aming buhay? "Nakasangla ang bahay natin, anak…” Napanganga ako. Tama ba ang narinig ko? Anong klaseng rebelasyon na naman ito? "I-Inay, ano po'ng sinabi n’yo?" usisa ko. "Matagal nang nakasanla ang bahay at lupa natin. Tadtad tayo ng utang," pagtatapat ni Inay saka humagulgol sa kanyang mga palad. Nanlamig ako sa aking nalaman. Wala akong natatandaan na ganito na pala kami kahirap. Nagtratrabaho naman si itay noon. Araw-araw siyang umaalis. Kaya alam kong araw-araw din siyang may ipinapasok na pera sa aming pamilya maski paano. "Pinag-initan ang itay mo sa trabaho. May isang artistang idiniin siya sa isang pagnanakaw at pinagbayad siya ng kalahating milyon! Anak, umutang kami ng itay mo kung kani-kanino para huwag siyang makulong," nanginginig ang boses ni inay. Gusto kong sabunutan ang sarili ko. Naipunas ko ang dalawa kong kamay sa aking mukha. Bakit nila inilihim sa akin ang lahat ng ito? Sino ang artistang nagdiin kay itay? Bakit ang itay ko pa na walang ginawa kundi puro kabutihan? Hindi puwede ito? Ibig sabihin, namatay si itay na may mabigat na dinadala. Namatay siyang nag-aalala at nangangamba. "S-Sinong artista ang sinasabi mo, inay? Sino?!" napataas ang boses ko. Hindi ko alam pero galit na galit ako. Gusto kong sumigaw sa mundo. Panay na ang daloy ng mga luha sa mata ko. Hindi ko na mapigilan ang sarili ko. "Hindi na mahalaga, anak. Wala rin naman tayong magagawa. Maimpluwensiya sila. Sikat sila. Tayo lang lalo ang mapapasama." Niyakap ako ni inay. Napahikbi ako lalo sa yakap niya. "P-Paano na inay? P-Paano na tayo?" Hindi ko na talaga alam kung paano na kami. Gulong-gulo ang utak ko. Litong-lito ako sa lahat ng nalaman ko ngayong gabi. Pinunasan ni inay ang luha ko. Suminghot siya at kagat labing ngumiti sa akin. "Sasama tayo kay Tito Brian mo. Ayokong huminto ka sa pag-aaral anak. Iyan lang ang puwede mong maipagmalaki sa mandarayang mundong ito. Kung kinakailangang pagsilbihan sila araw at gabi, gagawin ko, anak." Niyakap akong muli ni inay. Wala akong maisagot kundi ang humikbi. Siguro nga. Siguro nga ito ang tamang desisyon. Niyakap ko na lang si inay. Bakasakaling may mahugot kaming lakas mula sa isa't-isa sa pamamagitan ng aming mga yakap. Hindi pa rin ako pumasok sa eskuwela kinabukasan. Hapon ay narito na si Tito Brian sa bahay. Masayang-masaya siya sa naging desisyon namin ni inay. Alam kong may madadagdag na naman na pagbabago sa aming buhay. Sa isang linggo nga ay lilipat na kami sa bahay ni Tito Brian. Iiwan namin ang bahay na ito na nakasangla sa kung kanino. Gusto ko man na umayaw sa mga nangyayari ay hindi ko magawa. Wala na ba talagang ibang paraan? Pero kagabi pa ako isip nang isip. Hindi na nga ako nakatulog pero wala pa ring pumapasok na solusyon sa utak ko… maliban kay Tito Brian.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD