Fearless, Fierce Love by Mar Mojica : Chapter Seven

1241 Words
"This is my only son, Dean,” pagpapakilala ng lalaki sa anak niya. Nag-angat muli ako ng tingin at nakita kong sinulyapan lamang ako ni Dean. "Anak, mga kaibigan natin sila,” ani inay. “Si Tito Brian mo ay matagal na naming kakilala ng iyong itay. Si Dean ay matanda sa ‘yo ng isang taon lang kaya sigurado akong magkakasundo kayong dalawa," mahinhing sabi ni inay na hinawakan ang kamay ko. Tumango lamang ako. Lumapit si Tito Brian sa kabaong ni itay. Nakita kong tahimik siyang umusal ng dasal. Pinanonood lamang siya ni Dean. Nagbalik ako sa aking upuan. Naroon na si Leni. Napansin kong may nadagdag na silya sa aming puwesto. Si Franklin na nanghila siguro sa kung saan ng mauupuan at doon sa amin tumabi. Nasaan kaya ang Thalia niya? Baka mamaya ay dito pa sa burol ni itay ako sabunutan ng babaeng iyon dahil sa selos. "Nasaan na si Thalia?" naitanong ko kay Franklin. "Umuwi na. Talagang sinamahan lang niya ako papunta rito. May lakad pa raw sila ng mga kaibigan niya, eh," paliwanag ni Franklin. Nagdikit ang labi niya at bahagyang ngumiti sa akin. "Mabuti at pinayagan ka?" tanong ni Leni at saka pinamulagatan si Franklin na katabi na niya ngayon. "Mabait naman iyon," kakamot-kamot sa ulong sabi ni Franklin. "Hindi halata," sabi naman ni Amanda kaya't siniko ko siya para huwag nang ituloy ang sasabihin. Marami pang mga tao ang nagdagsaan sa mga sumunod na araw. Umaapaw ang mga pakikiramay at talagang nagulat ako sa dami ng mga kaibigan ni itay. Ang ipinagtataka ko ay walang araw na hindi pumunta si Tito Brian at mga body guards niya sa buong lamay ni itay. Naroon siya palagi sa tabi ni inay. Minsan nagsasalita, minsan seryoso at minsan ay gustong makipagkuwentuhan sa akin. Naiilang naman ako sa kanya. Masakit pa para sa akin ang lahat at ang makipagkuwentuhan sa kakikilala lamang na tao ay hindi ko magawa. Ang anak niyang si Dean ang hindi ko na nakitang muli. Hindi naman sa umaasa akong makita siya pero maging sina Leni at Amanda ay ibig nilang makitang muli ang seryoso at guwapong mukha ng Dean na iyon. Libing ni itay at marami pa ring dumalo maging sa funeral procession. Magkatabi kami ni inay na naglalakad patungong sementeryo. Si Tito Brian ay naroroon pa rin at nasa likod namin, walang kibo. Hindi ko alam kung sino talaga siya sa buhay ni itay. Maaaring matalik na kaibigan dahil nakita ko kung gaano siya kalungkot sa nangyari. Panay ang hikbi ni inay at punas sa mga luha. Ito na ang huling araw na makakapiling namin si itay. Wala na ang masasayang sandali na puwede pa naming pagsaluhan bilang isang pamilya. Wala na akong ka-sparring tuwing umaga. Wala nang magtuturo sa akin ng mga bagong moves niya. Wala nang maghahatid sa akin sa eskuwela at susundo sa akin para makauwi. Wala na akong makakasabay na ama kapag naglakad ako patungong altar sa oras na ikasal ako. Hindi ko na rin napigilan ang pag-iyak. Ang sakit ng dibdib ko. Bakit sa mundong ito, kung sino pa ang mababait at walang tinatapakang tao, siya pa ‘yong maagang kinukuha? Araw-araw kong nakikitang umiiyak si inay. Alam kong ayaw niyang ipakita sa akin na nalulungkot siya. Pero madalas ko siyang mahuling lumuluha nang mag-isa. Mahirap mag-adjust kapag ganitong klaseng pangyayari ang naganap sa buhay mo. Ako nga, hindi pa rin mapagkatulog sa gabi. Dumaan ang pa-siyam pati pang-apatnapung araw at palaging narito sa bahay si Tito Brian. May kung ano-anong dala para sa amin ni inay. Tinatanggihan na nga namin pero makulit talaga. Naiilang na nga ako na palagi siyang narito pati na ang mga guwardiya niya. Pinag-uusapan na kami marahil ng mga kapitbahay. Hindi nga ako nagkamali. Nandito ako ngayon sa palengke para bumili ng baon ko para bukas. Sabi kasi ni inay ay puwede na akong pumasok sa eskuwela. Ayaw ko pa sana siyang iwan dahil mag-iisa lang siya sa bahay ngunit kung magmumukmok kaming pareho ay siguradong walang makakapag-move-on sa aming dalawa. "Kamag-anak n’yo ba iyong mayaman na may magarang kotse, Mel?" tanong sa akin ni Aling Mona na may maliit na sari-sari store rito sa palengke. "Hindi po, Aling Mona. Kaibigan po siya ni itay," sabi ko. Namimili ako ng mga biskwit na mura lang na pang miryenda ko pagpasok ko bukas sa Great Moon College. "Matalik na kaibigan pala, eh, 'di sabihin mo bayaran na ang utang n’yo sa akin." "P-Po?" Nagulat ako sa sinabi niya. Hindi ko alam na may utang kami kay Aling Mona. "Tatlong buwan nang puro next time ang nanay mo, ha. Tambak na ang utang n’yo sa akin. O heto tingnan mo." Ipinakita ni Aling Mona ang listahan ng mga groceries na utang daw namin. Bigas, de lata, toiletries at kung ano-ano pa ang nakalista roon. Nabigla ako sa haba ng listahan niya. Paano kami nagkaroon ng utang dito? Bakit hindi ko ito alam? Sampung libo na mahigit ang utang namin. Ngayon na wala na si itay, paano pa namin ito mababayaran? "Hindi ko lang kayo masingil kasi nga alam kong kagagaling n’yo lang sa gastusan dahil sa pagkamatay ng itay mo. Pero Mel, sabihin mo naman sa nanay mo na maghulog kahit paunti-unti lang." Mabait pa rin si Aling Mona. Naiintindihan pa rin niya ang kalagayan naming mag-ina. Tiningnan ko ang dala kong pitaka. Meron akong limang daang iniipit na kita ko sa pag-pa-part time sa library. Pamasahe ko sana pagpasok sa eskuwela. Hindi na ako nag-isip at iniabot ang lahat ng nalalabi kong pera kay Aling Mona. "Pasensiya na po kayo. Hayaan n’yo po, huhulug-hulugan po namin ang utang sa inyo. Sorry po." Hindi na ako bumili pa ng kahit ano. Ito ang isa sa kinatatakutan ko ngayong wala na si itay. Walang ibang pinagkakakitaan si inay maliban sa paggawa ng tosino at longganisa. Hindi naman marami ang suki niya at wala rin siguradong puhunan. Malaki ang nakalap namin mula sa mga abuloy. Pero magkano na lang ang natira dahil sa kabaong pa lang ni itay ay ubos-ubos na. Napabuntong hininga ako habang naglalakad pauwi. Tumigil muna kaya ako sa pag-aaral? Magtrabaho muna kaya ako hanggang sa makaipon ulit? Matalino naman ako. Siguradong hindi ako mahihirapan. Namataan ko ang kotseng itim ni Tito Brian. Nangingintab sa linis ang sasakyan niya na binabantayan ng unipormado ng itim na mga lalaki. Nandito na naman siya. Naiisip ko minsan na baka may ibang pakay si Tito Brian sa amin kaya parati siyang naririto. "Inay, nakausap ko po si Aling Mona," bungad ko pagkapasok ng pintuan. Nginitian ako ng mga kasama ni Tito Brian na nakatayo sa gilid ng aming munting pasilyo. Malalaki silang tao at talagang titingalain mo. Malaki siguro ang ibinabayad sa kanila. Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin alam kung ano ba talaga ang negosyo ni Tito Brian bakit ang yaman niya. Tumayo agad siya nang makita ako. "Mel, hija, kumusta ka?" nakangiting tanong niya. Guwapo naman si Tito Brian kahit medyo may edad na. Magaan ang loob ko sa kanya hindi katulad ng nararamdaman ko para sa anak niya na minsan ko pa lang nakita. "Okay lang po ako," sagot ko. "Wala ang inay mo. May pinuntahan yata." "Ganoon po ba? Hihintayin ko na lang po siya sa kuwarto ko. Iwan ko po muna kayo rito." Gusto ko man siyang alukin ng kahit ano, wala naman akong puwedeng ihain. Tubig lang at hindi pa malamig. "Hija, ikaw talaga ang gusto kong kausapin."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD