Nagconvoy kami nila Max at Lindsay pa-Maynila nung dumating ang weekend. Nag-aya si Lindsay na sa kanila muna tumuloy para maipakita naman daw sa amin ang bago nilang renovate na bahay. Ancestral house iyon nila Lindsay na pinamana na kay Lindsay. Literal na magkatalikod bahay lang ang magpinsan dahil sa likuran nila Lindsay nakatirik ang bahay nila Lenus.
Nararamdaman kong napipilitan lamang si Lenus dumaan sa bahay nila Lindsay ngunit wala namang magawa dahil si Lindsay mismo ang nag-insist na sumama raw kami. Halatang umiiwas ito kay Max sa hindi ko malamang dahilan.
Noong isang araw pa ako nahihiwagaan sa dalawang lalaki, nang biglaang umuwi si Lenus na hindi man lamang nagpaalam sa akin. Kami lamang ni Max ang nagkape. Tinanong ko si Max kung bakit nawala si Lenus, nangibit balikat lamang ito. Naghintay ako ng paliwanag ni Lenus ngunit wala naman itong binanggit sa akin. Nagtext lamang ito na bibiyahe na nga raw kami ngayong araw.
“Patring, if you need something at andito naman kami ni Lindsay sa Maynila, may gate diyan sa likuran nila Lenus patungo rito,” ika ni Max habang itinuturo nito ang isang covered pathway. May gate nga akong nasilip roon.
“Don’t hesitate to go here. Anytime ay pwedeng maglaro diyan si Brie kapag gusto niya.” Itinuro pa ni Max ang mini playground.
“Hindi naman mabobore si Brie sa kabila dahil may pinabili na akong mga laruan. Ako na bahala sa mag-ina, Max. Lahat ng pwede nilang kailanganin, I can provide,” mariing wika ni Lenus na makahulugang nakatingin kay Max.
“G-ganun ba? M-maganda ‘yun,” turan ni Max na may alanganing ngiti. May sasabihin pa sana ito ngunit nauwi lamang iyon sa pakikipagtitigan kay Lenus.
Kami ni Lindsay ay napapantastikuhang nagkatitigan dahil sa iniaakto ng dalawa.
Si Max na ang unang bumawi ng tingin nito. “Magpapahanda lang kami ng meryenda.” Umakbay pa ito kay Lindsay bago pumasok sa loob ng bahay.
Naiwan kami ni Lenus sa may terrace. Kinuha ni Lenus ang cellphone nito at nagbasa ng emails. Inihiga ko naman si Brie sa isang parte ng malaking kahoy na upuan sa isang gilid.
Tinitigan ko si Lenus na seryosong nakatuon sa cellphone nito. Nagdalawang-isip pa ako kung iistorbohin ko ito o hindi. Sa huli ay nanalo ang aking kuryosidad.
“Lenus?”
“Hmm?” sagot nito na hindi inaalis ang tingin sa cellphone nito.
“Uhmm… ano kasi…ahh…” Napakamot na ako sa aking noo sa kaiisip paano ako magtatanong.
“Yes?” Ibinaba na nito ang cellphone at itinuon na sa akin ang buong atensiyon nito.
“K-kanina ko pa napapansin ang ikinikilos ninyo ni Max. Kayo ba’y may, uhm, m-may m-misunderstanding?”
Tumaas ang kanang kilay nito habang parang nanunuot na tumingin sa akin. “Misunderstanding? Parang ang sagwang pakinggan, Patrice. Wala kaming ganung level ng relationship ni Max. Lalaking-lalaki ako. I dunno with Max,” pabirong sagot nito.
Pumiksi ako. “Lenus naman eh. Hindi ako nagbibiro. O, sige, may away ba kayo ni Max na hindi ko alam?”
Sumeryoso ang mukha nito. Tumitig muna ito nang matagal sa akin bago sumagot nang patalinhaga. “Let’s just say that Max and I had a… men’s pact.” Itinaas na ulit nito ang cellphone at nag-umpisa nang magtipa nang kung anuman.
Mas lalo akong napantastikuhan sa sagot nito. Tumayo na ako at tumabi rito. “Lenus… e-excuse me, p-pwede mo bang mas maipaliwanag pa ang sinabi mo?”
Nahinto ito sa pagtitipa at bumuntong-hininga bago humarap sa akin. Hinimas nito ang kaniyang baba habang nakatingin sa akin.
Naasiwa ako. “Yun ay kung… g-gusto mo lang naman i-share,” ika ko dahil nanunuot sa kalamnan ko ang titig nito. Napatuwid tuloy ako nang upo.
Ibinaba nito ang paang nakadekwatro. “Patrice, you don’t need to worry about Max or me. Usapang lalaki ‘yun at hindi ka naman siguro lalaki hindi ba?”
“Lenus naman e. Wala akong naiintindihan sa mga sagot mo,” maktol ko.
Kinindatan lang ako nito at tumitig na sa may screen door. Rinig na kasi namin ang paparating na mga yabag.
“Merienda na tayooo,” masayang anunsiyo ni Lindsay.
Dala-dala nito ang isang tray na naglalaman ng iba’t ibang klase ng sandwich. Nasa likuran nito si Max na may dala namang mga kape. Umaaso pa iyon at mukhang kagagaling lang sa coffee maker. Amoy na amoy ang tapang niyon. Idinistribute ni Lindsay ang mga sandwich at kape bago umupo sa tabi ni Max, na kaharap naman namin.
“Patring, nga pala, may naikwento sa akin si Max na pangarap mo rin daw maging doctor. Is that true?” pagbubukas ni Lindsay ng usapan.
Para akong pinawisan nang ang lahat ng mata nila ay sabay-sabay na tumuon sa akin. Nahiya ako bigla at may konting panliliit sa sarili. Nainsecure ako dahil narealize kong mga propesyunal na sila samantalang ako ay college undergrad lamang. Alanganin akong ngumiti.
“Y-yeah,” tipid kong sagot.
“Nacurious lang ako, bakit di mo tinuloy?” patuloy na tanong ni Lindsay.
Lumunok muna ako bago sumagot. “Wala kasi kaming pera,” simpleng sagot ko. “Saka pangarap na lang siguro iyon. Ilang taon na rin kasi ako saka kailangan ako ni Brie.”
Masaya na malungkot akong napasilip kay Brie na mahimbing pa ring natutulog. Marahil ay napagod sa naging biyahe namin.
“Nabanggit din ni Max na scholar ka pa raw noon. Kung mabibigyan ka ng chance to study again, will you grab it?” patuloy na pagtatanong ni Lindsay, hindi alintana ang pagkaasiwa ko.
“H-hindi ko alam,” tuliro kong sagot.
“Sweetheart, ‘wag mo na masyadong interbyuhin si Patring at hindi ‘yan sanay,” sabad naman ni Max na binigyan ako ng nakakaunawang ngiti. “Pero, Patring, may kilala akong foundation na…”
“Mauna na kami!” anunsiyo ni Lenus na ikinabigla naming lahat.
“Ha? Kuya Lenus, hindi pa tayo nagtatagal rito ah. Saka hindi pa namin kayo nalilibot sa loob,” pigil ni Lindsay.
Tumayo na si Lenus at tinungo ang kinaroroonan ni Brie. Maingat nitong binuhat si Brie.
“Bukas naman ay housewarming party na ninyo. Bukas na kami iikot ni Patrice. Lipat na kami sa kabila at nang makapagpahinga na. Napagod akong magdrive.”
“G-ganun ba? Dalin niyo na lang ang mga sandwich.”
“No need. Kung magutom kami, papagawa na lang ako kay Manay Vacion. Tara na, Patrice,” aya nito sa akin.
Mabilis na bumaba sa tatlong baitang na hagdanan si Lenus.
Nagmadali na rin akong tumayo at hinarap ang mag-asawa. “Sorry, Max, Lindsay, mauna na kami.” Ilang beses akong yumukod para manghingi ng pasensiya.
“No need to say sorry, Patrice. Ikaw na lang bahala kay Kuya. Minsan kasi weird talaga ‘yan, pagpasensiyahan mo na lang,” pang-aalo ni Lindsay sa akin.
“Sige na. Sundan mo na siya,” ika naman ni Max na hinaplos ang aking likuran.