Halatang nagulat o mas tama sigurong sabihing nasindak si Lio sa sigaw niya. Bumakas rin ang labis na hindi pagkapaniwala sa anyo ng binata. Para itong nakakita ng maamong tupang biglang naging mabangis na tigre. Kung sa ibang pagkakataon siguro niya nakita ang anyo ni Lio, malamang natawa siya. Pero sa halip ay lalo lang siyang nagalit. Hindi lang sa lalaki kung hindi maging sa sarili niya.
Bakit nga naman hindi magugulat si Lio gayong kahit noong makipaghiwalay ang binata sa kanya two months ago ay hindi tumaas ng ganito ang boses niya? Halos pabulong na tinanong lang niya ang binata kung may naggawa ba siyang mali kaya tinatapos na nito ang magda-dalawnag taong relasyon nila. At nang aminin ni Lio na hindi siya nito gustong patuloy na paasahin na balang-araw ay aalukin siya nitong kasal, tahimik na nag-unahan lang sa pagbagsak sa magkabilang pisngi niya ang mga luha niya. Hindi siya nagprotesta. Hindi siya nang-akusa na baka may ipapalit na ang binata na ibang babae sa kanya. Sa halip, tahimik at lumuluhang hinayaan lang niya ang binata na payapang iwanan siya. Kaya hindi kataka-taka na magulantang si Lio ngayon sa mga salitang dalawang buwan niyang kinimkim at pinilit ikubli.
Ilang beses na kumurap-kurap ang mga mata ng binata habang nakatitig sa kanya. Saka unti-unting lumambot ang anyo ni Lio. Iglap ay naglaho ang galit at pang-aakusa sa anyo ng binata. At sa halip ay napalitan iyon ng matinding pagsisisi, lungkot, sakit at pagdurusa. Pero ang pinaka-ayaw niyang makita ay naroon din. Awa. It was the very emotion that she never ever wanted to see on his face or evenhear from his voice. Kaya nga hindi na siya nakiusap, nagmakaawa o lumuhod sa harapan ng lalaki noong araw na nakipaghiwalay ito sa kanya. Kahit pa iyon ang isinisigaw sa kanya ng sugatang puso niya sa kanya na gawin niya.
Mariing pumikit siya. Mariing kinagat niya ang pang-ibabang labi at mahigpit na iniyakap sa sarili ang mga braso niya. bigla siyang gininaw. Parang bigla siyang ikinulong sa loob ng nagyeyelong walk-in freezer kaya nanlamig ang buong katawan niya. Nang mga sandaling iyon, pakiramdam niya ay kayang-kaya niyang kamuhian ang lalaki. Hindi niya kailangan ang awa ni Lio. Hindi siya kaawa-awa.
“Didi, I’m sorry. I’m so sorry. That was an asshole thing to say, please forgive me,” bigla ay bumaba ang tono ni Lio.
Pinilit niyang imulat ang mga mata at tingnan ang binata kahit ayaw niya. Umangat ang mga kamay ng binata na para bang gusto siyang abutin at hawakan.
But she was done. She didn’t want to talk to him anymore. She didn’t even want to look at him anymore.
“Umalis ka na!” mariing utos niya sa lalaki.
Napangiwi si Lio at muli ay nagsusumamo ang anyo na umangat ang kanang kamay sa direksyon niya. Malinaw na gusto siya nitong lapitan at hawakan. Marahil gusto siyang yakapin. Para aluin o amuin dahil naaawa ang lalaki sa kanya? Hindi, hindi nito kailangang gawin iyon. The last thing she wanted and needed was a pity hug from the man who broke her heart into a million tiny pieces and made it worse by feeling sorry for her.
“I’m sorry. I didn’t mean what I said. It was just the asshole in me,” muling hingi ng tawad ni Lio.
Nagdulot ng mapait na lasa sa bibig niya ang ideyang iyon. Lio had never acted like an asshole to her. Oo, aaminin niya, may pagka-sarkastiko nga ang binata sa mga taong kina-aayawan nito. Minsan pa, brutal ang pagiging prangka ng binata. Hindi kasi ito plastik na tao na makikipagngitian o magpapanggap na gusto nito ang isang tao gayong kabaligtaran naman iyon ng tunay na nararamdaman at opinyon nito para sa partikular na taong kaharap.
And he had never shown her that tough, cynical and brash side of him because he liked her. Until now, that is.
“Didi, I’m sorry. Hindi ko dapat---“
“Leave! Now!”
Pinagmasdan siya ng nagsusumamong mga mata ng binata pero pinanatili niyang blangko ang sariling ekspresyon. Marahang napabuntung-hininga si Lio bago ito tumango at tumalikod. Parang biglang nawalan ng lakas ang mga tuhod na sumandal si Didi sa kitchen sink sa likuran niya.
Ini-start ni Lio ang makina ng kotse niya. Pero sa halip na paandarin na ang sasakyan ay muling bumalik ang tingin niya sa saradong puting gate ng two-storey townhouse ni Didi. Sinumang makakita sa bahay ng dalaga ay iisa ang iisipin, isang mahinhin at maamong babae ang nakatira roon. Bukod kasi sa white at pastel pink ang kulay ng bahay, mukha pang higanteng dollhouse ang disenyo niyon. May flower pots sa bawat bintana. Pale yellow na puno ng mga pink and white na bulaklak ang mga lace curtains. May nakasabit na windchimes pa sa tapat ng front door. At higit sa lahat, pale pink ang kulay ng kotseng nakaparada sa garahe. Everything just screams that the owner was feminine, dainty and lovely.
Mga katangiang eksaktong lumalarawan kay Didi.
Lio should not be this upset about the news of Didi going out and dating that asshole Johnny Pedrozo. Wala na silang relasyon ng dalaga. Wala na siyang karapatan pang magselos sa kung sinumang lalaki ang magustuhan ng dalaga. Lalo pa at siya mismo ang gumawa ng hakbang para mawalan siya ng karapatang magselos sa mga lalaking nakakasalamuha ng dalaga.
Pero nang marinig niya mula kay Johnny mismo ang tungkol sa date nito at ni Didi kagabi, awtomatiko ang naging reaksyon niya. Gusto niyang sapakin, tadyakan sa mukha at ihagis palabas ng bar ang lalaki. Wala na siyang pakialam kahit pinsan pa ito ng magiging bayaw niya na si Miong Pedrozo. Lumabas siya kagabi at nagtungo sa isang restaurant and bar kasama ang mga nakababatang kapatid na sina Alex at Ivy. Siyempre kasama rin nila ang asawa ni Alex na si Edda, ang fiance ni Ivy na si Miong at ang mga pinsan ni Miong na sina Johnny, Tonio at Drico. At habang hinihintay niya sa tapat ng counter ng bar ang inorder ng grupo nila ay nilapitan siya ni Johnny.
Matagal na niyang kilala si Johnny Pedrozo. And not because the man is now the famous lead guitarist and vocalist of a rock band called Pizzaz. Kung hindi dahil matagal nang matalik na kaibigan ng nakababatang kapatid niyang si Alex si Miong Pedrozo, ang pinsan ni Johnny. At ngayon ay fiance na ng isa pa niyang kapatid na si Ivy si Miong kaya naman lalong dumalas ang mga pagkakataon na nakikita niya si Johnny. Si Miong rin kasi ang band manager nina Johnny.
Hindi siya malapit kay Miong. Miong was Alex’s bestfriend, not his. Pero mas lalo namang hindi siya malapit kay Johnny. Parehong mas bata kaysa sa kanya ang magpinsang Pedrozo. Pero mula nang maging nobyo ni Ivy si Miong, kung umasta si Miong at ang mga pinsan nito ay para bang miyembro na rin ang mga ito ng pamilya niya. The whole Pedrozo clan seems to be everywhere he turns.
Lalo na si Johnny na akala yata ay isa siya sa mga kabarkada nito na inakbayan pa siya nang lapitan siya sa bar. Ni hindi natinag ang lalaki nang pukulin niya ng masamang tingin ang braso nitong naka-akbay sa kanya. Pero ang mas hindi niya nagustuhan ay ang sumunod na sinabi ni Johnny.
“Look, man, I’m pretty sure this is nothing to you now pero gusto ko pa ring personal na ipaalam ito sa iyo bilang respeto sa pagkakaibigan natin. I know she’s your ex, man, and this goes against the bro code. But I really like her, man. Pero dahil nga kayo pa noon, hindi ako sumawsaw sa relasyon ninyo. Ngayong break na kayo, wala naman na sigurong dahilan para pigilan ko pa ang sarili ko,” mahabang pasakalye pa ni Johnny na kumukumpas-kumpas pa ang isang kamay sa ere habang ang isang kamay ay tinatapik siya sa balikat.
Hindi natagalan si Lio sa pag-unawa sa ipinahihiwatig ni Johnny. Agad niyang natumbok ang sinasabi ni Johnny hindi pa man ito tapos magsalita. Pero sadyang hindi niya maapuhap ang mga salitang isasagot sa lalaki. Una, dahil hindi siya makapaniwala sa lakas ng loob nitong sabihin ng harapan sa kanya iyon. At pangalawa, dahil hindi talaga siya makapaniwalang sinasabi ng lalaki sa kanya na gusto nitong ligawan si Didi. Kung may pangatlo pa, natitiyak niyang pareho rin ng dalawang naunang dahilan ang isasagot niya.
“Just wanna tell you that Didi and I have a date on Sunday night. Alright? Okay! That’s all, man. Whew! Glad I finally told you about it. Oh, hey, ito na ang order natin,” ani Johnny na bumaling sa bartender na inilapag sa ibabaw ng counter ang tray na naglalaman ng mga order ng grupo nila.
Maswerte si Johnny at sa puntong iyon ay iniabot na ng bartender sa kanya ang mga order ng grupo nila. Kung hindi umigkas na ang kamao niya sa nguso ng lalaki. Buong gabi ay pigil na pigil siyang paulanan ng suntok ang mukha ni Johnny. Sa isip niya ay hindi mabura ang imahe ng lalaki kasama si Didi sa isang mesa habang inaaliw ng lalaki si Didi sa mga kwento nitong laging ito ang bida. Hindi siya nalasing dahil imbes na uminom, natuon ang isip niya sa pag-iisip ng iba’t ibang paraan kung paano maitatago ang walang buhay na katawan ni Johnny sakaling magkamali ang lalaki na paiyakin o saktan si Didi.
Nagsinungaling siya kanina kay Didi. Maaga siyang dumating dito sa bahay ng dalaga hindi dahil napaaga siya ng gising. Maaga siyang dumating dito sa bahay ng dalaga dahil wala pa siyang tulog. Magdamag lang siyang nakahiga sa kama niya at nakatitig sa kisame. Imagining and dreading the idea of Didi going out with Johnny on Sunday night. Nang makita niyang alas-kwatro na ng umaga, bumangon na siya at agad umalis ng bahay para pumunta sa bahay ni Didi. Gusto niyang makausap agad si Didi upang kumpirmahin mula sa dalaga mismo kung totoo ngang makikipag-date ito kay Johnny sa Linggo ng gabi.
Nang tanungin niya kasi si Ivy tungkol sa sinabi ni Johnny kagabi ay tumangging sumagot ang kapatid niya. Ang totoo, halos hindi nga siya kinikibo ni Ivy nitong nakalipas na dalawang buwan mula nang maghiwalay sila ni Didi. Sa kaibigan kasi nito kumampi si Ivy. At siya ang tanging sinisisi ni Ivy kung bakit nasaktan ang kaibigan nito. Bagay na aminado naman siya at dahilan ng ilang gabi ring pagngatngat ng konsensya sa dibdib niya.