"Kuya gusto kitang panoorin mag-practice."
Sabi ko sabay abot sa kanya ng sapatos. Umupo sya at kahit nagtataka ay inabot pa rin nya ang hawak ko.
Tuwing Sabado ay umaalis si Kuya para mag-practice sa University nila. Sigurado akong kasama nya si Vincent.
Kaya gusto kong sumama dahil alam ko naman na hindi nya rin ako papayagan na sumama kila Jona. Dahil sa pagpunta namin sa party ng hindi man lang nagpaalam sa kanya. Grounded lang naman ako hanggang ngayon.
"Hindi pwede maiinip ka lang doon."
Walang gana nyang sabi, tumalungko ako at tinulungan syang magsintas ng sapatos.
"Sige na Kuya, gusto ko din kasing matutong maglaro ng table tennis. Nag-iisip na kasi ako kung anong sports club ang sasalihan ko sa college." Pinagdaop ko ang dalawang palad at kumurap-kurap pa.
Huminga sya ng malalim bago tumayo at tumingin sa relo nya.
"Ok, I'll give you 5 minutes to prepare." Mabilis akong tumakbo paakyat sa taas at kinuha ang shoulder bag at nagsapatos.
Wala pang 2 minutes ay nakababa na ako. Kanina pa kasi ako nakagayak.
Nang makarating kami sa gym ay inilibot ko kaagad ang paningin para hanapin ang taong sinadya ko dito. Hindi naman ako nabigo dahil natanaw ko agad sya mula sa malayo.
Nakaitim na t-shirt at white na jersey short sya na tinernuhan ng puting rubber shoes. Habang papalapit ako sa pwesto nila ay mas lalong nadedepina ang perpekto nyang mukha.
Nakatutok ang atensyon nya sa paglalaro. Kaya hindi nya napansin ang panonood ko sa bawat kilos nya.
Walang hirap nyang naibabalik sa kalaban ang bola. Nadedepina ang mga ugat sa braso nya dahil sa sobrang higpit ng pagkakahawak sa raketa.
"Ilagay mo na lang ang gamit mo doon." Narinig kong sabi ni kuya mula sa likuran ko.
Sabay turo nya sa mga upuan kung saan nakalagay na rin ang gamit nya. Isang tango lang ang isinagot ko sa kanya at muling ibinalik ang atensyon kay Vincent.
Tumikhim ako para maagaw ko ang atensyon nya nang matapos ang laro. Agad naman syang napalingon sa akin habang hinahagod ang basang-basa nyang buhok paitaas.
Bakas sa mukha nya ang pagkagulat sa presensya ko. Umawang ang labi nya kalaunan ay naningkit ang mga mata.
"Congrats, ang galing mo pala." Nakangiti kong puri sa kanya sabay abot ng malamig na tubig.
Tipid na pagtango lang ang ginawa nya. Naririnig ko pa ang mabibigat na paghinga nya dahil sa sobrang pagod.
Nagtataka man ay inabot nya agad ang tubig na inalok ko. Bahagya pang may tumapon na tubig sa bibig nya kaya naagaw nito ang atensyon ko.
Palihim na napasunod ang mga mata ko sa dinadaanan ng takas na tubig. Mula sa mapupula nyang labi pababa sa leeg. Wala sa sariling napalunok ako at napakagat sa pang-ilalim na labi.
"Anong ginagawa mo dito?"
Tanong nya gamit ang malalim na boses.
Naglakad sya patungo sa upuan kung saan nakalagay ang bag nya. Sumunod lang ako at saka umupo.
"Gusto kong magpaturo kung paano maglaro ng table tennis."
Diretso kong sabi, umangat lang ang kanan nyang kilay na tila hindi naniniwala sa sinabi ko.
Bago pa man sya makapag-salita ay may umagaw na ng atensyon naming dalawa.
"Oh, nandito ka pala, Coligne. Magpapaturo kang mag-table tennis?"
Ulit ni Bench sa sinabi ko.
Pilit akong ngumiti sa kanya kahit na hindi ko gusto ang inasta nya sa kaibigan ko noong nakaraan.
"Oo sana, sino ba ang pinakamagaling dito bukod sa Kuya ko?" Inosente kong tanong, kunwari'y sinulyapan ko pa ang kapatid na abala sa pagpa-practice.
"Si Ice ang pinakamagaling sa amin pero hindi ka nyan tuturuan. Hindi matiyaga magturo yan, pwede naman ako kung ayos lang sayo. Hindi ako masyadong magaling pero siguradong matututo ka." Paliwanag nya at kinindatan pa ako habang may malawak na ngiti sa labi.
"Ako na ang magtuturo sayo." Seryosong sabi ni Vincent bago ako sulyapan.
Naka-headband na ang nakasabog nitong buhok mas lalo tuloy syang gumawapo.
"Ayos na sa akin si Bench, mukhang magkakasundo kami." Nakangiti ko pang sabi. Inilabas ko na ang dalang raketa bago nagsimulang tumayo.
Nagsalubong ang makapal nyang kilay at matalim akong tinignan.
"Hindi sya marunong, basketball ang nilalaro nya." Madiin ang pagkakasabi nya na parang nauubusan na ng pasensya.
Tumawa naman si Bench at napakamot sa batok. Humingi naman ng pasensya si Bench sa akin bago sya umalis at iwan kaming dalawa. Mas lalo tuloy kumulo ang dugo ko kay Bench.
Nauna syang naglakad patungo sa court table habang ako ay tahimik na nakasunod sa kanya.
"Service muna ang ituturo ko sayo."
Pinaliwanag nya muna sa akin ang iba't ibang klaseng service bago ipinosisyon ang katawan ko sa harap ng lamesa.
"I-relax mo lang ang katawan mo. Huwag mong masyadong bigatan ang pagkakahawak sa raketa."
Payo nya sa akin tumango lang ako at sinimulan ng mag-serve pero kahit isa ay walang pumasok.
Kaya itinukod ko ang kamay sa lamesa dahil sa pagod na naramdaman.
"Hindi itinutukod ang kamay sa table, Coligne. Bawal iyon kapag in-game ka."
Istriktong paliwanag nya.
Lilingunin ko sana sya pero nagulat ako nang nakadikit na ito sa likuran ko. Hinawakan nya ang dalawa kong kamay para alisin sa pagkakapatong sa lamesa. Bahagya nya akong inilayo at ipinosisyon ng maayos ang kamay at katawan ko.
Napasinghap ako ng madikit ang likod ko sa dibdib nya. Agad akong pinamulahan dahil siguro hindi ako sanay na ganito kami kalapit sa isa't-isa. Ang init ng katawan nya at nalalanghap ko pa ang panglalaking pabango nya.
"Stay focus, gaanan mo lang ang paghampas sa bola."
Bulong nya sa aking tainga.
Ramdam ko ang mainit nyang hininga doon kaya mariin akong napapikit ng hindi sinasadyang lumapat ang labi nya sa ibabaw ng tainga ko.
Init at kakaibang sensasyon ang bumalot sa sistema ko para bang gustong-gusto ito ng katawan ko dahil mas lalo ko pang idinikit ang sarili sa katawan nya.
Humigpit ang pagkakahawak nya sa kanang kamay ko at marahang iginalaw iyon para ituro ang tamang paggalaw.
"Lower your body." Bulong nya ulit sa akin.
Ang mainit nyang palad ay lumapat sa hita ko para bahagya itong iposisyon. May kung anong humalukay sa aking tyan.
Sinunod ko naman ang sinabi nya at bahagyang binabaan ang katawan. Suminghap ako bago hampasin ang bola mula sa ere.
Nang pumasok iyon ay napatakip pa ako sa bibig. Wala sa sariling humarap ako sa kanya hindi alintana ang maliit na distansya namin sa isa't-isa. Halos magdikit na ang aming mga dibdib sa sobrang lapit.
"Pumasok yung bola." Masaya kong sabi sa at pilit na inalis ang nararamdamang pagkailang.
"Good service." Mahina nyang usal na halos pabulong na lang.
Isang matamis na ngiti ang iginawad nya sa akin. Ibinaba nya ang isang kamay sa aking bewang at ang isa naman ay hinawi ang takas na buhok na tumatabing na sa aking mukha.
Bumigat ang paghinga ko dahil sa klase ng titig nya. Dati ay hindi ganito ang reaksyon ko sa tuwing tinititigan nya ako. Pero iba na ngayon, parang nag-iinit ang buo kong sitema.
Dahil ba iyon sa pagkakahawak nya o baka naman dahil sa klase ng titig nya?
Ipinilig ko ang ulo para mawala ang init na nararamdaman.
"Ice, let's talk." Parehas kaming napatingin kay Kuya na kanina pa yata nakatingin sa amin.
Tila ngayon lang ako napaso sa init na dala ng hawak nya. Bigla ko syang itinulak pero ako pa ang muntikan nang mabuwal.
Mabilis ang pagkilos nya at nagawa pa akong alalayan sa bewang. Tumikhim ako ng hindi pa nya inaalis ang pagkakahawak doon.
Kaya ako na ang nagkusang magtanggal ng kamay nya. Ibinaling ko ang atensyon kay Kuya na seryoso ang tingin sa aming dalawa. Naghihintay kung kailan namin sya papansinin.
"Magpahinga ka muna Coligne. Mag-uusap lang kami saglit."
Sabi ni Kuya sa seryosong boses. Tumango lang ako at umupo na muna.
Bahagyang lumayo ang dalawa, sapat lang para hindi ko marinig ang pag-uusapan nila.
Uminom muna ako ng tubig habang pinapanood sila mula sa malayo. Nakatalikod sa akin si Vincent at si Kuya ang nakaharap sa banda ko.
Kaya kitang-kita ko ang seryosong mukha ni Kuya habang may sinasabi. Bahagya namang tumutango si Vincent at mukhang nagpapaliwanag din sya. Biglang nagsalubong ang kilay ni Kuya at halata ang pagkainis sa sinabi ng kausap.
Ano kayang pinag-uusapan nila?
Napanguso ako at nag-iwas na ng tingin sa kanila.