Tumikhim ako at tinaasan sya ng kilay dahil sa sinabi nya. Magsasalita pa sana ako ng may tumawag sa kanya mula sa likod.
"Ice, kanina ka pa namin hinahanap nasa table na ang mga special guest mo." Sabay kaming napalingon sa nagsalita. Nagpalipat-lipat pa ang tingin nito sa amin.
Nakahubad ito at tanging shorts lang ang suot. Habang nakahawak sa bewang ng kaibigan kong si Jona na ngayon ay halos mapunit ang labi sa pagkakangiti.
"Sige susunod na lang ako, Bench."
Seryoso nyang sabi at muling ibinaling sa akin ang atensyon na parang hinihintay kung ano ang sasabihin ko kanina.
"Coligne, tara sa table nila alam kong kanina ka pa nabo-bored." Nakangising aya ni Jona sabay hila sa braso ko. Hindi na ako tumutol pa.
Dinala kami ni Bench sa isang circular couch. May mga nakaupo na roon at bawat lalaki ay may kaparehang babae na mukhang pinagkaitan ng suot.
Magkatabi kami ni Jona sa upuan at sa gilid nya naman ay si Bench na nakaakbay sa kanya.
Nagulat nalang ako nang pinalihis ni Vincent ang lalaking katabi ko saka sya ang pumalit.
Nagkukwentuhan lang sila tungkol sa game na naganap kanina. Tahimik lang akong nakikinig sa kanila dahil wala akong alam sa pinag-uusapan nila. Kaya bilib ako sa kaibigan kong si Jona na kayang makisabay sa trip ng mga ito.
"Napakagaling talaga ni Ice at Cole. Kahit na long service ay nakukuha paring ibalik ang bola." Puri ng lalaking kaharap namin.
Player si Kuya at Vincent ng table tennis, sigurado akong nanalo na naman sila.
Nagkibit-balikat lang si Vincent sa sinabi ng lalaki at iniangat ang basong hawak saka sumulyap sa akin.
"Ang gwapo talaga ni Cole kanina, kahit na naliligo na sya ng pawis." Nakangising saad ng isang babae.
"Yup, kaya maganda din itong bestfriend ko eh. Nagmana sa Kuya nya." Muntikan na akong masamid sa sarili kong laway dahil sa pagsabat na iyon ni Jona.
Sinamaan ko sya ng tingin, kahit kailan talaga papansin ito.
Nabaling tuloy ang atensyon nila sa akin at bahagyang naningkit ang mga mata. Sinusuri kung totoo ba ang sinasabi ng kaibigan ko. Yumuko lang ako at uminom ng tubig.
'Humanda sa akin mamaya ang bruha na yan.'
Banta ko sa kanya gamit ang isipan.
"No doubt, kaya pala maganda itong kasama mo Jona." Puri ng lalaki sa harap ko.
Binigyan ko lang sya ng isang tipid na ngiti. Inilahad nya ang isang kamay at nagpakilala sa akin.
"I'm Anthony." Agad kong tinanggap ang kamay nya.
"Coligne" Mahinhin kong sabi pagkatapos ay binitawan ko na din agad ang kamay nya.
Nakita ko ang kaunting pagkadismaya ng bawiin ko na ang kamay ko sa kanya.
"By the way, anong department ka?" Tanong naman ng isang katabi nya na medyo singkit.
Tumikhim ako bago sumagot. Pero bago pa man ako makapagsalita ay inunahan na ako ng katabi ko.
"Third year highschool palang ang dalawang yan." Sabay turo ni Vincent sa aming dalawa ni Jona.
"Ilang taon kana nga pala?" Painosente nyang tanong sa akin sabay pabirong umakbay saka ngumisi ng nakakaloko.
Kinagat ko ang pang-ibabang labi bago inalis ang braso nyang nakaakbay sa akin.
Nakita ko naman kung pano nawalan ng interes ang mukha ng mga lalaki sa harap ko dahil sa nalaman.
Pati ang pagkakaakbay ni Bench kay Jona ay unti-unting inalis na para bang napaso ito. Palihim akong napatawa sa itsura ni Jona na hindi maipinta.
Kung sa akin ay ayos lang na mawalan ng interes ang kausap ko pero itong kaibigan ko ay hindi.
"Ah, ganon ba? Ang akala ko ay mga freshman kayo. Pero hindi naman halata na mga bata pa kayo." Mahinang pagkakasabi ni Anthony sabay lagok ng alak.
Tumawa naman na tila nasisiyahan si Vincent habang si Bench ay nakakunot ang noong tinitigan si Jona.
Alam kong nao-offend si Jona dahil sa binanggit nilang salita na 'bata'. Kung papansinin nga naman ay hindi naman halata sa itsura nya na 16 palang sya. Dahil sa pananamit nito at sa matured nyang katawan.
"You lied." Hindi makapaniwalang sabi ni Bench habang si Jona naman ay namutla dahil sa naibunyag na katotohanan.
"Kumain ka ng madami." Bulong ni Vincent sa akin kaya napalingon ako sa kanya.
Ramdam ko ang mainit na hininga nya at ang matapang na amoy ng alak na nagmumula sa kanyang bibig. Agad naman itong nanuot sa aking ilong.
Sa halip na makaramdam ng pagkadismaya ay parang nagustuhan ko pa ang amoy. Marahas akong napalunok dahil doon.
Inilapit nya pa ang plato na maraming prutas sa harap ko saka marahang hinagod ang ulo ko na parang bata.
"Let's go, Coligne." Malamig na sabi ni Jona at walang sabi akong hinila palayo.
Nagpahila na lang ako dahil ayoko ng magtagal pa dito.
Nakakatatlong hakbang pa lang kami ng bumaling ulit sya sa banda nila Vincent.
"Mga gurang!" Sigaw nya saka mabilis na naglakad. Narinig ko pa ang malakas na tawanan ng grupo nila.
Hinila din nya si Marie na abala sa pakikipag-usap. Hindi na nagtanong si Marie kung bakit sya hinila ni Jona, kumaway na lang sya sa kausap para magpaalam.
"Where's Diary?!" Naiinis nyang tanong habang palinga-linga sa paligid. Sinabi kong nag-cr lang si Diary pero hindi ko na napansin kung bumalik sa puwesto namin kanina.
Nakarating na kami sa ibaba dahil nag-message naman na si Diary at sinabing nasa ibaba na ito kanina pa.
Papalabas pa lang kami ng bahay ay nakita na namin si Diary na blangko ang ekspresyon. Sa likod nya ay si Kuya na nakaigting ang panga at halata ang galit sa mga mata.
Nagtataka kong tinignan si Diary pero umiwas lang sya ng tingin.
"Ihahatid ko na kayo." Mariin ang pagkakasabi ni Kuya sa amin.
Walang sabing naglakad si Jona papasok sa sasakyan. Kami naman ay nagkatinginan lang ni Marie at Diary bago sumunod sa kanya.
Tahimik ang buong byahe hanggang sa makaratings sila sa kanya-kanyang bahay. Hindi na ako nagtangkang magtanong kung ano ang ginagawa ni Diary sa ibaba at kasama pa si Kuya.