ALLISTER’s POV:
Ang lakas ng kabog ng dibdib ko. Ramdam ko ang panghihina ng mga tuhod ko. Nangangatal ang mga labi ko sa kaba at may kasamang takot.
“Tang ina!” Mahinang usal ko. Kasabay ng paghakbang ng mga paa ko papalayo sa opisina ni Sister Marites.
Ilang sandali pa pumasok ako sa room, lahat sila nakatingin sa akin, maliban kay Khamala. Naipiling ako.
“Upo na, Allister,” utos ni sister Marisol.
Natulala lang ako buong klase, accelerated na ako sa high school, may angking talino akong taglay pero parang bigla naging bobo ako.
Tumingin ako kay Khamala na abala sa pagsusulat. Kahit balot na balot siya ang ganda at ang kinis pa rin ng mukha niya. Tumikhim ako para kunin ang atensyon niya. Pero kahit isang segundo hindi man lang siya napatingin sa gawi ko.
“Kham,” mahinang tawag ko sa kanya. Tumigil siya pagsusulat pero saglit lang hindi pa rin siya tumingin sa akin.
“Kham…” Sabay dugsol ko sa braso niya. Pero tila balewala ang ginawa ko.
“Maganda ka sana pero ang taray mo!” Hindi ko mapigilan magkomento sa kanya.
Gaya ng dati hindi niya ako tinapunan ng tingin at hindi niya ako pinansin. Napabuntong-hininga na lang ako ng wala sa oras. Hanggang sa matapos ang klase namin, at tunog ng bell ang narinig ko hudyat na magla-lunch na kami.
Napatingin na lang ako kay Khamala habang nag-aayos siya ng gamit. “Ako na magdadala.” Alok ko sa kanya. Yes! Tinapunan niya ako ng tingin!
“Hindi ako inutil para kailangan ipadala ang gamit ko!” Agad siyang tumayo at umalis. Napailing na lang ako at nasundan siya ng tingin. Ang hirap mo naman kaibiganin! Wala sa loob kong komento.
Mabilis akong nagligpit ng gamit ko at sinundan siya. Hindi ako susuko. Buhay ng nanay ko ang nakasalalay dito. Kahit pa tarayan niya ako wala iyon sa akin! Pakunswelo ko sa aking sarili.
“Kham!” Malakas kong tawag sa kanya na siyang ikinalingon ng mga kaklase namin. Pero parang wala siya narinig at patuloy lang siya sa paglalakad. Tumakbo para abutan siya.
“Kham, anong lesson kanina ng wala ako?” Kaswal kong tanong. Pero hindi man lang siya sumagot. Hanggang sa humarang na ako sa dadaanan niya.
“Please naman Kham,” pinalamlam ko ang aking mga mata, at sinalubong ang mga mata niya. Nakita ko ang pag iba ng kulay ng mga mata niya segundo lang iyon, pero bumalik ulit sa dati ang malamig niyang tingin na wala man lang ka-emosyon-emosyon.
“Hindi ko responsibilidad iyon, at hindi ako ang dapat mong tanungin. Tanungin mo si sister Marisol.” Malamig niyang sagot. At binangga ang balikat ko, saka ako nilampasan. Mabilis kong hinawakan ang braso niya at nasangga ko ang kamay niya na akmang tatama sa gwapo kong mukha.
“Expected ko naman na sasampalin mo ako.” Sabi ko sa kanya. Maharas niyang hinila ang braso niya at pinakawalan ko naman iyon sabay taas ng aking dalawang kamay.
“Bakit ang hirap mong kaibiganin?” Tanong ko pero hindi ko na hinintay ang sagot niya at tumalikod na ako.
Pero sa loob-loob ko, nagtagumpay ako. Kita ko ang gulat sa mga mata niya. Kahit pa saglit lang iyon masaya pa rin ako.
****
Sa buong maghapon, aral kami at gawain sa bahay ampunan ang inasikaso namin. Iniwasan ko rin muna si Khamala dahil lalong mainit ang dugo niya sa akin.
Hanggang sumapit ang hapunan hindi ko siya nilapitan. Hanggang sulyap lang ako. Pero nakaka-putang ina naman hindi man lang nagtagpo ang mga mata namin.
Tahimik kaming kumain, sa dating pwesto, at nakatingin lang siya sa pagkain niya. Daig pa niya ang yelo sa sobrang lamig ng pakikitungo niya hindi lang sa akin kundi sa ibang kasama namin.
Nauna siyang matapos kumain naka tabi na sa plato niya ang kanyang mga kubyertos. Napatingin ako ng tumayo siya. Halos mabulunan pa ako dahil sunod-sunod ang subo ko matapos lang agad akong kumain.
Agad akong uminom ng tubig at tumayo sa likuran niya. “Khamala?” Tawag ko sa kanya. Bakit ba kasi hindi ko matiis ang babaeng ito. Nanlaki ang mga mata ko ng may pula sa palda niya.
“Khamala?” Tawag ko sa kanya, sabay tusok sa likod ng balikat niya.
“Khamala?” Ulit kong tawag. Lumingon siya na nagsalpukan ang mga kilay niya. Pero maganda pa rin.
“Allister napipikon na ako sayo!” Mahina pero mariin niyang sita sa akin.
“A—ano ka—si,” hindi ko alam paano sabihin sa kanya ang dugo sa palda niya.
“Hindi ka ba talaga titigil? Tatamaan kana sa akin!” Gigil na gigil niyang banta.
“May dugo sa palda mo!” Nanlaki ang mga mata niya at ipinatong ang plato niya sa plato ko sabay tingin sa palda niya!
“s**t!” Mabilis siyang umalis sa pila at tumakbo palabas ng kinakainan namin. Napangiti ako. One point, self!
Parang nakalutang ako sa alapaap habang naghuhugas ng platong pinagkainan ni Khamala, para sa akin parang prebilehiyo ang hugasan iyon. Parang ang buong paligid nagkulay berde na at hindi mapuknat ang ngiti sa labi ko.
“Hoy Ali, night dreaming ka, dre?” Sita ni Roldan sa akin sabay tapik sa balikat ko. Agad naman akong napakunot para itago ang pagkapahiya ko.
“Paano mo naman naisip yan, aber?” Lalong kumunot ang noo ko.
“Paano kong hindi iisipin eh plato yan ni Khamala, nakangiti ka habang nag huhugas, sa sobrang tagal mo mag hugas kumintab na at nagsasayang ka ng tubig!” Napatingin ako sa plato na may pangalan ni Khamala. Lalong lumapad ang ngiti ko.
“See? Luh! Good luck sayo, sa taray at angas noon ewan ko lang kung tatagal ka!” Babala ni Roldan sa akin.
“Bakit mo naman naisip yan?” Tanong ko. Sabay wisik ng natirang tubig sa plato at pumunta sa dish rack at inilagay ang plato namin ni Khamalang magkatabi.
“Paano naman hindi ko iisipin wala kanang ginawa kundi parang asong buntot ng buntot doon. Wala pa nga nakakalapit sa kanya. Balita ko noon ilang buwan din siyang hindi nagsalita. Noong nagsalita naman walang lumabas sa bibig niya kundi puro galit, bulyaw at kung anu-ano pa. Ang hirap kaya kausapin iyon.” Mahabang litanya ni Roldan.
“Bakit hindi siya nagsasalita noon?” Na curious kong tanong. Kibit balikat lang si Roldan at naglakad na.
“Bakit nga?” Tanong ko pa at sinabayan siya paglalakad.
“Hindi ko rin alam eh, basta may paso siya sa balikat. Kaya laging naka long-sleeves siya at mahabang palda na parang manang. Buti nga hindi rin nasunog ang mukha niya.” Komento ni Roldan.
“Siguro na trauma siya, ano?” Tanong ko.
“Malay ko, pero good luck sa balak mong pakikipagkaibigan sa kanya. Sana bumait siya!” Saktong nakarating na kami sa aming quarter. Napatingin ako sa kabilang silid kung saan ang mga babae natutulog.
Sabay-sabay na kaming naglinis ng katawan, at toothbrush at nagpalit ng damit pantulog. Sa unang pagkakataon meron na akong sistemang na sinusunod. Maayos na higaan, malamig at malambot na kama.
May tamang oras sa pagkain, gawain pang bahay-ampunan at pag-aaral. Hindi ko alam bakit Soesanto ang apelyido ko.
Nakatingin ako sa kisame. Madilim iyon at wala naman akong maaninag. Nagrereplay pa rin sa utak ko ang sinabi ni Roldan kanina tungkol kay Khamala. Parang nakaramdam ako ng awa bigla. Pumikit ako, kahit gising na gising ang diwa ko. Walang laman ang isip ko kundi si Khamala at kung paano ako mapapalapit sa kanya. Hanggang sa makatulugan ko na lang ang isiping iyon.
“Ali! Ali! Ali!” mahinang tawag sa akin. Ilang beses akong sumagot pero parang walang boses na lumalabas sa lalamunan ko.
“Ali, please tulungan mo ako,” parang Naninikip ang dibdib ko. Ang pagmamakaawa ng boses na iyon na parang nadudurog ang puso ko.
“Sino kayo?” Tanong ko.
“Sino kayo?!” Malakas kong tanong ulit. Gusto kong ihakbang ang mga paa ko pero tila walang lakas iyon.
“Ali, anak tulungan mo ako!”
“Nay! Nay! Nay!” Paulit-ulit kong tawag. Tumulo na ang luha ko dahil naninigas na ako sa aking kinatatayuan.
“Ali tulungan mo ako! Parang awa mo na!” Naninikip na ang dibdib ko at hindi ako makahinga.
“Nay! Nay nasaan kayo?” Pero gaya kanina, walang boses iyon.
“Ali! Ali gising!” Napabalikwas ako ng bangon, sumalubong sa akin ang nag-aalalang mukha ni Roldan.
“Binabangungot ka, dre!” Sabi niya. Kinapa ko ang mukha ko basa iyon ng luha pati noo ko pawisan. Habol ko rin ang aking paghinga…
“Okay, kana?” Paniguradong tanong ni Roldan, tumango ako at bumangon. Mabilis akong pumunta ng banyo, para maghilamos…
“Nay…” Mahinang usal ko habang nakatingin sa harap ng salamin. Ililigtas ko kayo. Pangako yan….