1
NAPAHAWAK si Clinton sa tiyan niya. Gutom na gutom na siya. Nang nagdaang gabi pa siya huling kumain at hapon na ngayon. Wala silang gaanong napulot na basura ng mga kaibigan niya na maaari nilang ibenta kaya wala silang pambili ng pagkain. Napasandal siya sa pader at nanghihinang napadausdos paupo. Niyakap niya ang kanyang mga binti at isinubsob ang mukha niya sa mga tuhod niya. Naluluha na siya sa sobrang gutom. Nais na niyang kumain.
Bigla siyang napatingala nang may sumipa sa kanya. Ang nakangising mukha ni Bogart ang bumungad sa kanya. Kasama nito ang mga alipores nito na mayayabang ding umasta katulad nito.
Napaungol siya. “Sa ibang araw ka na lang makipag-away, Bogs,” aniya sa malamyang tinig. “Wala akong gana ngayon. Saka na tayo mag-upakan kapag may laman na ang sikmura ko.” Naiwasan niya ang sunod na sipa nito.
Si Bogart ang laging kaaway nila sa kalyeng iyon. Kinse anyos na ito. Ito ang siga ng mga batang palaboy. Lahat ay takot dito maliban sa grupo niya. Hindi nila ugaling magpaapi. Sawa na siyang magpabugbog kaya natuto na siyang lumaban. Kapag sa kalye nabubuhay, kailangang matutong maging matatag. Kailangang lumaban nang husto para mabuhay.
Iyon lang, mahirap tiisin ang pangangalam ng sikmura.
“Walang kuwenta,” tuya sa kanya ni Bogart. “Magiging mabait ako sa `yo ngayon. Wala namang kuwentang kaaway ang malamya. Walang thrill.” May dinukot ito sa bulsa nito at ibinato iyon sa kanya. “Regalo ko sa `yo. Huwag mo nang tiisin `yan. Nakikinig ka kasi kay Scott, eh. Wala namang alam `yon. Iwan mo na ang grupo mo at sumama ka sa akin. Hindi ka magugutom, pangako.”
Umiling siya. “Umalis ka na kung wala ka nang ibang sasabihin.”
“Pag-isipan mong maigi.”
“Wala akong enerhiyang mag-isip. Saka na kapag busog na `ko,” tugon niya.
“Walang kuwenta,” sabi nito bago siya iniwan.
Napatingin siya sa bagay na iniwan nito sa kanya. Isang supot iyon ng rugby. Ayon sa ibang mga bata, nakakawala raw ng gutom ang rugby kapag sinisinghot iyon. Magiging maganda raw ang pakiramdam niya.
Natutukso na siyang pulutin iyon. Nais niyang subukan kung nagsasabi ng totoo ang mga batang sumisinghot niyon. Nais niyang kalimutan ang gutom niya kahit sandali lamang.
Pinulot niya ang supot. Napabuntong-hininga siya bago niya iyon itinapon palayo sa kanya. Hindi niya iyon magagawa. Hindi lamang dahil nangako siya kina Scott, David, at Teodoro na hindi niya gagawin iyon kahit kailan. Ginawa niya iyon para sa sarili niya. Nakalugmok na siya, mas ilulubog pa ba niya ang kanyang sarili? Kung mamamatay siya sa gutom, iyon na marahil ang kapalaran niya. Ngunit hindi siya papayag na mamatay siyang hindi nilalabanan ang gutom.
Alam niya ang epekto ng rugby sa katawan dahil may nag-lecture noon sa kanila sa kalye. Isang samahan iyon ng mga kabataang tumutulong sa mga batang-kalye. Nakakasira daw ng pag-iisip ang pagsinghot ng rugby at ayaw niyang mangyari iyon sa kanya. Nais pa niyang makabalik sa pag-aaral para magkaroon siya ng maraming pera, at kailangan niya ang utak niya para doon.
Napabuga siya ng hangin habang iniikot niya ang kanyang paningin sa paligid. Marumi, maingay, magulo, at mabaho ang lugar na kinaroroonan niya. Matao roon at maraming mga batang palaboy. May mga nakikita siyang namamalimos. Nakita rin niya ang isang alipores ni Bogart na dinudukutan ang isang walang kamalay-malay na ale.
Napailing siya. Kailan kaya sila makakaalis sa lansangan?
“Hindi tayo habang-buhay ganito.”
Napatingin siya sa nagsalita—si Scott. Umupo ito sa tabi niya at iniabot sa kanya ang isang supot ng lugaw.
Nagtatakang napatingin siya rito. “Ikaw?”
“Tapos na ako. Sige na, sa `yo na `yan. Ibinigay mo kay Teodoro ang kalahati ng pagkain mo kagabi kaya walang laman ang tiyan mo.”
Kinagat niya ang dulo ng supot upang mabuksan iyon. Nakaramdam siya ng hindi maipaliwanag na kaligayahan. Sa wakas ay malalamnan na ang kanyang sikmura. Mula nang maging palaboy sila, bawat pagkaing isinusubo niya sa kanyang bibig ay napakahalaga. Hindi niya alam kung kailan uli siya makakakain kaya sinisikap niyang maging masaya sa kung anumang pagkain mayroon siya. Kahit lugaw lamang iyon na walang sahog, pagkain pa rin iyon.
Ugali na talaga nilang ibigay kay Teodoro kung minsan ang kanilang pagkain. Naaawa kasi sila rito tuwing umiiyak ito sa gabi dahil kulang ang kinain nito sa hapunan. Sa kanilang apat, ito ang hindi sanay na magutom. Ito ang nakaranas ng medyo magandang buhay. Mabait kasi ang lola nito noong buhay pa ito. Ito rin ang pinakabata sa kanila kaya pinagbibigyan na nila ito.
Nang mapangalahati niya ang lugaw ay ibinalik niya iyon kay Scott. Alam niyang hindi pa ito kumakain.
Umiling ito. “Sige na. Sa iyo talaga `yan. Naubos ko na `yong akin.”
“Nasaan sina Dave at Teodoro?” tanong niya. “Saan ka nakakuha ng pambili ng lugaw?”
“Nagbuhat ako sa palengke,” tugon nito. “Naghahanap sila ng poso. Gustong maglaba ni Dave. Alam mo naman `yon.”
Natawa siya. Hanggang maaari ay sinisikap ni David na may maisuot silang malinis na damit. Kung may pagkakataon, maglilinis ito ng katawan. Hindi kasi sila namamalimos. Kung may nagbibigay, tinatanggap nila. Mas gusto nilang maghalungkat sa basurahan ng maaari nilang ibenta sa junk shop.
Hindi rin sila sumubok magnakaw o mandukot ng mga wallet. Sinisikap nilang maging mabuting bata upang hindi magkaroon ng batik ang pagkatao nila. Para kapag nakaalis na sila sa lansangan ay maipagmamalaki nila sa iba na hindi sila gumawa ng masama.
Nag-umpisa na ring magbuhat-buhat si Scott sa palengke. Ito ang lubos na naniniwalang makakaalis din sila sa lansangan at magiging maayos ang mga buhay nila. Siya naman ay ayaw gaanong umasa. Sa murang edad niya ay hindi niya maisip kung paano mangyayari iyon.
Paano sila makakaahon? Sa palagay niya ay sa lansangan na sila mamamatay. Pinagbibigyan lamang nilang tatlo si Scott sa pantasya nito. Tutal ay libre lang naman ang mangarap.
Mula nang masunog ang squatters’ area na tinitirhan nila ay hindi na sila nagkahiwa-hiwalay. Mas malapit siya kay Scott. Bukod sa pareho silang sampung taong gulang, halos pareho rin sila ng pinagdaanan sa buhay.
Pareho silang anak ng mga babaeng mababa ang lipad. Kaya raw ito pinangalanang “Scott” ay dahil Scottish ang tatay nito na naging customer ng ina nito. Marami ang nagdududa na anak nga ito ng isang banyaga. Hindi naman daw ito mukhang banyaga at maputi lamang daw kaysa sa karaniwan. Ang totoo ay mas kamukha nito ang ina nito.
Sa murang edad nila, alam na nila kung ano ang mga ina nila. Sa lugar na kinalakhan nila, maaga talagang namumulat ang mga mata ng mga bata sa kapangitan ng buhay.
Hindi na sila bumalik sa lugar nila pagkatapos ng sunog. Mas pinili nilang magpalabuy-laboy sa kalye. Hindi na nila inalam kung may buhay pa sa mga kaanak nila. Para sa kanya, paglaya ang nangyaring sunog. Kahit hindi nasunog ang tinitirhan nila, alam niyang lalayas din siya sa lugar na iyon at hindi na babalik.
Mula pagkabata ay pulos kalupitan na lang ang nararanasan niya. Hindi siya mahal ng kanyang ina at ama. Palagi siyang sinasaktan ng mga ito. Maraming pagkakataon na hindi siya nakikilala ng mga ito dahil wala sa sarili ang mga ito. Minsan, himala nang nagigising pa siya pagkatapos siyang gulpihin ng mga ito na nakasanayan na yata siyang gawing ashtray at punching bag.
Si Scott ay ganoon din ang pinagdaanan. Ang pagkakaiba lang ay hindi tunay na ama ni Scott ang nananakit dito kundi kinakasama lamang ng ina nito.
Mas maigi na iyong nasa lansangan sila at nagugutom kaysa nasa isang tahanan nga sila na may bubong ngunit impiyerno naman ang buhay nila. Sa lansangan ay natuto siyang lumaban. Hindi na niya hinahayaang saktan siya ng iba. Kailangan niyang mabuhay kaya kailangan niyang lumaban.
Ang mga kaibigan niya ang itinuturing niyang pamilya. Nangako sila sa isa’t isa na walang iwanan. Kung nasaan ang isa, naroon silang lahat. Mga kapatid na nga ang turingan nila sa isa’t isa. Ang isa’t isa na lang ang mayroon sila.
Tinapik ni Scott ang tuhod niya. “Samahan mo ako.”
“Saan?” tanong niya.
“Basta.”
Tumayo na siya at sinamahan na lamang ito. Labis na nagtaka siya nang makarating sila sa isang eskuwelahan. Hindi sila gaanong lumapit sa gate dahil baka sitahin sila ng guard.
“Ano ang ginagawa natin dito?” nagtatakang tanong niya kay Scott.
“Basta maghintay lang tayo rito.”
Nami-miss ba nito ang dating eskuwelahan nila? Kahit madalas siyang lumiban noon sa klase dahil sa mga pasa at sugat niya, gustung-gusto niyang mag-aral. Ang sabi kasi ng matatanda, kapag nagtapos sa pag-aaral ang isang tao ay magiging maayos ang buhay nito. Magkakaroon ito ng maraming pera.
Kahit alam niyang tila imposible, nais pa rin niyang bumalik sa paaralan. Kung maghihimala ang langit at makapag-aral uli siya, pag-iigihan niya ang pag-aaral. Iaahon niya sa hirap silang magkakaibigan. Hindi na sila magugutom.
Mayamaya ay napansin niyang naging maganda ang ngiti ni Scott. Sinundan niya ang tinitingnan nito. Nakatingin ito sa isang batang babae na akay-akay ng isang malaking lalaki. Maganda ang batang babae. Nakangiti ito habang nakatingala sa kasama nito na malamang ay tatay nito.
“Sino siya, Scott?” tanong niya. May kakaiba sa anyo nito. Hindi niya mabigyan ng pangalan ang mga emosyong nababasa niya sa mukha nito. Tila nais nitong takbuhin ang batang babae at yakapin iyon nang mahigpit na mahigpit. Tila pamilyar din ang mukha ng bata sa kanya. Saan nga ba niya ito nakita?
“Ang pinakamamahal kong tao sa buong mundo,” sagot nito nang makasakay na ang mag-ama sa isang puting sasakyan.
Lalo siyang naguluhan. Ang pinakamamahal nitong tao sa buong mundo?
“DITO na lang tayo matulog.”
“Baka magalit sa atin ang may-ari ng shop na ito, Scott,” sabi ni Clinton. Nasa harap sila ng isang machine shop. Sarado na iyon dahil hatinggabi na. Mukhang hindi basta-basta ang shop dahil maganda ang harapan niyon.
“Gusto ko rito,” sabi ni Teodoro na kaagad nang umupo sa semento at isinandal ang likod sa pader. “Hindi tayo mababasa rito. Mukhang kaunti rin ang lamok dito. Sige na, dito na lang tayo.”
“Baka nga magalit sa atin ang may-ari,” sabi ni David.
“Maaga na lang tayo umalis. Hindi naman nila tayo mapapansin. Sige, dito na tayo. Baka kasi lumakas ang ulan, magkakasakit pa tayo sa paghahanap ng matutulugan,” sabi ni Scott na umupo na rin sa tabi ni Teodoro.
Kahit nag-aalala siya na baka magalit sa kanila ang may-ari ng magandang shop ay humanap na rin siya ng puwesto niya. Pagod na pagod na silang apat. Baka nga lumakas ang ambon at mabasa pa sila. Hindi sila maaaring magkasakit.
“Bad talaga si Bogart,” himutok ni Teodoro. Nakahiga na ito sa malamig na semento. “Kung hindi sana niya giniba ang bahay natin at kung hindi sana niya tayo inaaway, hindi tayo aalis sa lugar natin.”
“Hayaan mo na,” sabi ni Scott. Kumuha ito ng isang T-shirt sa bag kung saan naroon ang lahat ng gamit nila at ikinumot iyon kay Teodoro.
Ang tinutukoy ni Teodoro na bahay nila ay ang ginawa nilang tent gamit ang ilang tarpaulin na napulot nila upang kahit paano ay may masilungan silang apat.
Nang hindi siya sumapi sa grupo ni Bogart ay lalo lamang nitong pinag-initan ang grupo nila. Palagi nitong hinaharang si Teodoro at sinasaktan por que alam nitong si Teodoro ang pinakamahina sa kanila. Hindi kasi sanay makipag-away ang “bunso” nila. Siniraan din ni Bogart si Scott sa palengke. Ipinagkalat nitong malikot ang kamay ni Scott kaya wala nang nagpapabuhat dito.
Nagpasya silang umalis na lang ng lugar nila. Maghahanap na lamang sila ng bagong lugar kung saan walang Bogart na manggugulo sa kanila.
Magaganda ang establisimyento sa lugar na kinaroroonan nila. Pero baka bawal doon ang mga pulubi at mahuli sila. Kailangan talaga ay maaga silang magising at makaalis doon bago pa man sila ipagtabuyan ng may-ari ng shop.
“Magpahinga na tayo,” sabi ni Scott bago ito pumikit.
Humiga na rin siya. Kailangang magising sila nang maaga.
MARAHIL dala ng sobrang pagod kaya hindi nagawang gumising nang maaga nina Clinton. Sabay-sabay na napabalikwas sila ng bangon nang biglang bumukas ang pinto ng shop at lumabas ang isang lalaki.
Inihanda niya ang kanyang sarili sa gagawing pagtataboy sa kanila.
“Pasensiya na po. Nakitulog lang po kami. Umuulan po kasi kagabi,” magalang na sabi ni Scott. “Maraming salamat po. Aalis na po kami.”
Dinampot niya ang bag nila at nagsimula na silang lumakad palayo.
“Sandali lang,” pigil ng lalaki.
Nagtatakang lumingon silang apat dito.
“Gusto n’yong mag-almusal muna?” tanong nito.
“Opo!” mabilis na sagot ni Teodoro.
Pero siya ay naghinala. Baka may balak itong hindi maganda sa kanila. Hindi ganoon ang normal o tipikal na reaksiyon ng isang tao sa mga katulad nila. Nasanay na sila na itinataboy at pinandidirihan. Hindi sila sanay na pinapakitaan sila ng kabutihan. O baka naman naaawa ito sa kanila?
Hindi niya alam kung ganoon din ang nararamdaman ng mga kasama niya, pero tinanggap na rin nila ang alok na almusal ng lalaki. Tutal ay wala sa mukha ng lalaki ang gagawa ng hindi mabuti.