Years later...
“IKAW ang magiging best man sa kasal ko, Clint. Ayoko kay Dave, eh. Lagi akong binabatukan niyan mula pa noong mga bata tayo.”
“Kahit hindi na lang,” tugon ni Clinton kay TQ na maagang-maaga pa ay nasa bahay na niya at inaabala siya.
Nagkaayos na ito at ang girlfriend nitong si Bianca kaya hindi mapakali ang loko sa paghahanda para sa kasal nito. Tila ito bata na sabik na sabik para sa birthday party nito sa Jollibee.
Hindi niya ito masisi. Talagang tinamaan ito nang husto kay Bianca at gustung-gusto na nitong makasama ang babae. Mas gusto niyang masaya ito kaysa maging malungkot ito dahil tinanggihan ito ng babaeng iniibig nito.
Habang kinakalabit niya ang kanyang gitara ay napapangiti siya. Hindi niya akalaing sa isang katulad ni Bianca iibig si TQ. Ngunit sa tingin niya ay bagay na bagay ang dalawa. Magiging maligaya ang mga ito sa piling ng isa’t isa.
Bago pa makahirit uli si TQ ay pumasok sa loob ng bahay niya si David. “Clint, mauuna akong ikasal dito kay TQ. Best man din kita,” sabi agad nito pagkaupo sa tabi niya.
“Bakit ba ako ang gusto n’yong best man? Bakit hindi na lang ang isa’t isa ang gawin n’yong best man? Alam naman ninyong hindi ako sanay sa mga ganyan.” Maligaya siya para sa mga kaibigan niya. Hindi magtatagal, bubuo na ang mga ito ng masayang pamilya.
Sino ang mag-aakala na ang mga dating batang palaboy—na namimilipit sa gutom kapag walang napulot na kapaki-pakinabang na basura—ay matatagumpay na tao na ngayon?
They’d always remained popular. Nagkaroon sila ng ilang problema sa career nila ngunit palagi silang nakakabangon at nakakabalik sa music scene. Isa sila sa iilang banda na nagtagal sa music industry na hindi nadi-disband. May lumisan mang isa, hindi naman iyon dahil nagsolo ito kundi dahil kinuha na ito ng Maykapal sa kanila.
“Ahm, ikaw lang kasi ang single sa amin,” sagot ni TQ. “Matandang binata ka na, `tol. Maghanap ka na rin ng pakakasalan. Masaya, promise.”
“Ipagdiinan bang wala akong love life?” natatawang sabi niya. “Hinahanap ba ang pakakasalan? Akala ko, kusang dumarating `yon?”
“Sa sitwasyon mo, parang mas maiging hanapin mo na lang,” suhestiyon ni David. “Dapat humanap ka na ng babaeng seseryosuhin mo. Baka pumuti na ang buhok mo sa paghihintay sa kanya.”
“Baka nga hindi na siya tumuloy sa pagpunta sa `yo kasi narinig niya sa daan na palikero ka raw at marami ka nang pinaiyak na mga babae,” dagdag ni TQ.
“Hindi ako magiging best man sa kasal mo,” sabi niya rito.
“Joke lang, ito naman,” bawi nito. “Sige na, ikaw na lang. Ililibre kita sa Jollibee mamaya. Pi-picture-an pa kita sa tabi ni Jollibee. Hindi kayang i-offer ni Dave sa `yo `yon.”
“Grow up, TQ,” natatawang sabi ni David.
Napahalakhak siya. Kahit kailan talaga ay parang bata kung umasta si TQ. “Si Tatay Eustace na lang.”
Hindi talaga siya komportableng maging best man sa kasal ng mga ito. Kapag pumayag siya, pakiramdam niya ay aasahan ng lahat na siya na ang susunod na ikakasal. Pipilitin siya ng lahat na maghanap na rin ng babaeng mamahalin at makakasama habang-buhay.
Alam naman niyang hindi na siya bumabata at dapat na niyang isipin ang paglagay sa tahimik. Ngunit hindi pa siya handa sa mga ganoong bagay.
“Ikaw ang gusto namin,” sabi ni David. “Kung buhay pa si Scott, kayong dalawa sana.”
“Tama,” sabi ni TQ. “Hindi ko makakalimutan na ibinibigay n’yo sa akin ang mga pagkain n’yo dati. Kinukumutan n’yo ako ng T-shirt kapag malamig sa gabi. Hindi `yon ginawa ni Dave sa akin. Kahit paano, gusto kong tumanaw ng utang-na-loob.”
“Kung magsalita ka, parang wala akong ginawang mabuti para sa `yo, ah,” reklamo ni David. “Pinapa-liguan kaya kita noon.”
“`Yon na nga, eh! Ayokong maligo pero pinipilit mo ako.”
Halos mamilipit siya sa kakatawa. Hindi na nagbago ang dalawa. Makulit pa rin ang mga ito.
“Isusumbong kita kay Bianca,” banta ni David. “Sasabihin kong hindi ka naliligo. Ewan ko lang kung hindi siya umurong sa kasal n’yo.”
“Noon `yon, `no! Nagbago na ako. Naliligo na ako. Twice a week na!”
“Tama na,” humihingal na sabi niya. Pilit na sinusupil niya ang kanyang tawa ngunit hindi niya magawa. Hindi siya makaisip ng magandang hirit dahil natatawa siya nang husto.
He would terribly miss them. Hindi kailanman mawawala ang Stray Puppies ngunit mas magiging priority na nina Maki, Dave, at TQ ang bubuuing pamilya ng mga ito. He would miss playing and making good music with them.
Ngunit ganoon talaga ang kalakaran sa buhay. Ang mahalaga ay maging masaya ang mga ito sa buhay na pinili ng mga ito.
Inakbayan siya ni TQ. “Basta ikaw ang best man namin, ha?”
“Ayaw namin sa iba,” segunda ni David.
“Oo na, sige na. Ako na ang magiging best man sa kasal n’yo.”
“Magiging masaya ka rin, Clint,” sabi ni David.
“Masaya ako, Dave.”
“You’d be happier if you found your other half,” sabi ni TQ.
“Don’t go corny and mushy on me, Cutie,” he said in a dismissive tone. “Isusumbong ko talaga kay Bianca na tamad kang maligo,” banta niya nang hihirit pa ito.
Itinikom nito ang bibig nito. Natawa na naman siya. Siyempre, alam niyang hindi na ito tamad maligo katulad noong bata pa ito. Nakakatawa lamang ang ekspresyon ng mukha nito na tila takot talaga itong maisumbong.
Ano kaya ang mangyayari sa mga anak ng mga ito? Magiging normal na tao kaya ang mga iyon? Lalo siyang natawa sa naisip.
Ngunit sa kaibuturan ng puso niya ay nagsimulang tumubo ang inggit.
“MARAMING salamat,” ani Charlotte habang tinatanggap ang mga bulaklak niya isang araw ng Linggo. Nais sana niyang tanungin ang deliveryman kung sino ang nagpadala ng mga iyon ngunit pinigil niya ang kanyang sarili. Wala rin naman siyang mapapala. Maraming taon na siyang sumusubok ngunit palagi siyang nabibigo.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin niya kilala ang Scott na nagpapadala sa kanya ng mga bulaklak at teddy bear tuwing araw ng Linggo. Tila walang balak na magpakilala sa kanya ang kanyang guardian angel.
Bumalik siya sa loob ng apartment niya. Hinugot niya ang card at isang maliit na teddy bear na nakaipit sa mga bulaklak. Noong mga unang taon ng pagbibigay nito sa kanya, panay malalaking teddy bear ang ibinibigay nito. Pero habang tumatanda na siya ay paliit na nang paliit ang mga iyon. Siguro ay iniisip nitong hindi na siya gaanong natutuwa sa mga malalaking teddy bear katulad noong medyo bata-bata siya.
“Hanggang ngayon ba naman, Charlotte?”
Nilingon niya ang kanyang kapatid na nasa kanyang munting sala at binabantayan ang apat na taong gulang na anak nito na si Kane. Bisita niya ang mga ito dahil nag-out of town ang mga magulang nila, samantalang ang asawa nito ay may business seminar sa Singapore. Naiinip daw ang pamangkin niyang lalaki kaya bumisita ang mga ito sa kanya.
“Ayaw tumigil, Ate Viola,” aniya. Itinabi niya ang card at teddy bear bago niya inilabas ang isang magandang vase para sa mga bulaklak.
Dahil na rin kay Scott kaya naging ugali na niya ang pagbili ng magagandang vase hanggang sa naging koleksiyon na niya ang mga iyon.
Nilapitan siya nito at pinagmasdan ang mga bulaklak. “Ilang dekada ka nang binibigyan ng bulaklak? Kaya ka yata tumatandang dalaga ay dahil hinihintay mong magpakilala ang sinumang herodes na `yon.”
Napangiti siya. “Isa lang, `Te.” Minsan, ang hirap paniwalaan na halos thirteen years na mula noong una siyang makatanggap ng mga bulaklak mula sa isang taong hindi niya kilala. Minsan ay pumapalya ito sa pagpapadala ngunit hindi naman ito tuluyang tumigil. Naging patuloy ang pagpapadala nito ng kung anu-ano sa mga nakalipas na taon.
Kinse anyos siya nang unang beses siyang makatanggap ng bulaklak, beinte-otso anyos na siya ngayon. Bakit hindi pa rin ito nagpapakilala sa kanya? Minsan, nagsasawa na siyang magtanong niyon at hinahayaan na lamang niya ito sa gusto nito.
“Hanggang ngayon ay hindi ka pa rin natatakot sa stalker mo?” tanong ng ate niya habang napapailing.
“Hindi siya stalker,” aniya habang inaayos niya sa magandang plorera ang mga bulaklak. Ang ganda-ganda ng mga iyon. Hindi tuloy mabura ang ngiti sa mga labi niya.
Itinirik nito ang mga mata. “Yeah, right. Guardian angel mo siya.”
Tumango siya. “Tama. Sa palagay mo ba, magpapakita pa ang lalaking `yon sa akin?”
“Hindi naman nagpapakita ang guardian angel, hindi ba?”
“Mommy, ako rin ba may guardian angel?” tanong ni Kane.
“Oo, anak. Lahat ng tao, may guardian angel,” tugon ng kapatid niya.
“Di makakatanggap din ako ng flowers at teddy bears?” inosenteng tanong ni Kane. Nagsalubong ang mga munting kilay ng bata. Umusli pa ang mga labi nito. Ang cute-cute ng pamangkin niya. “`My, puwedeng pakisabi sa guardian angel ko, ayaw ko ng flowers at teddy bears? Mas gusto ko ng chocolates at cars.”
Nilapitan ng kapatid niya ang anak nito at nanggigigil na niyakap ito. “Don’t worry, Mommy will take care of it. You won’t receive any flowers or teddy bears from your guardian angel.”
Hinagkan ni Kane ang pisngi ng ate niya. “`Love you, Mommy.”
“I love you, too, anak.”
Natutuwa siyang pagmasdan ang dalawa ngunit nakakaramdam na naman siya ng inggit sa mga ito. Isang perpektong larawan ang dalawa ng masayang mag-ina. Ang kanyang kapatid ay halatang masaya sa buhay-may-asawa nito. Nag-resign ito sa trabaho nito bilang manager ng isang restaurant upang maging plain housewife. Hindi niya kailanman narinig mula rito na nagsisisi ito sa naging choice nito.
Mahal na mahal nito ang pamilya nito. Nakatagpo ito ng mapapangasawa na hindi lamang mayaman at galing sa disenteng pamilya, mapagmahal at hindi babaero ang bayaw niya. Malusog at bibo ang anak nito.
Hindi niya maintindihan kung bakit mailap sa kanya ang mga ganoong bagay.
Mayamaya ay tumunog ang cell phone ng kapatid niya. Kaagad na sinagot nito ang tawag.
“That was my mother-in-law, sis,” anito pagkatapos nitong makipag-usap sa caller. “Niyayaya niya akong mag-shopping. Gusto mong sumama?”
Umiling siya. “No, go ahead. Gusto kong magpahinga ngayong araw. Napagod ako sa trabaho buong linggo.”
Nagpaalam na ang mag-ina sa kanya. Hinagkan muna niya sa pisngi si Kane bago umalis ang mga ito.
Napabuntong-hininga siya nang mag-isa na uli siya. Inabot niya ang card na kasama sa mga bulaklak at binasa iyon:
Hey, I hope you had a wonderful week. Don’t tire yourself out that much in the laboratory. Always smile. Always be happy.
Always loving you,
Scott
Binitbit niya ang vase na pinaglagyan niya ng mga bulaklak at pumasok sa loob ng kuwarto niya. Binuksan niya ang laptop niya at nag-online. She checked her e-mail account. Nadismaya siya nang makitang wala siyang bagong mensahe mula kay Scott Palaboy.
Pinindot niya ang letter “N” ng keyboard and entered Scott’s e-mail address. Hindi nagtagal ay tila may sariling isip ang kanyang daliri na hindi matigil sa pagtipa sa keyboard.
Nag-umpisa ang palitan nila ng mensahe ni Scott sa e-mail noong nabigo siya sa pag-ibig. Wasak na wasak ang puso niya noong mga panahong iyon. Pakiramdam niya ay hindi na siya makakaahon.
No one could comfort her. Nakakulong siya palagi sa silid niya. Hindi siya kumakain, naliligo, at nagsasalita. Ni hindi niya matingnan ang mga bulaklak na ipinapadala ni Scott sa kanya.
Isang gabi ay naisip niyang magbukas ng Internet. When she opened her e-mail account, she was hoping to see a message from Lucas, her ex-boyfriend. Sa halip ay isang mensahe mula sa isang “Scott Palaboy” ang bumungad sa kanya. She opened the message.
Isang malaking smiley ang bumungad sa kanya. Sa ibaba niyon ay isang mensahe na nagpatigil sa kanya sa pag-iyak: I honestly don’t know what to tell you to ease the pain. I don’t know how to help you carry the burden. I want to be beside you to wipe your tears away. I want to take you in my arms and assure you that everything will be all right, that the pain would also fade. It’s just so sad I’m not around to do those things anymore.
Lahat ng sugat ay naghihilom sa tamang panahon kapag inalagaan mo at ginamot. Alam kong mas madaling sabihin kaysa gawin. Pero hindi imposible basta susubukan mong gawin. Kung hindi ka babangon, hanggang diyan ka na lang. Dapat, mas mahal mo ang sarili mo kaysa sa kanya.
It was his loss. Hindi siya ang lalaking nararapat para sa `yo. Darating ang araw na iibig ka uli. Mas mamahalin mo siya. Magpapasalamat ka pa sa lalaking nanakit sa iyo na hindi ikaw ang pinili niya na makasama habang-buhay.
Alam kong gasgas na itong mga sinasabi ko sa `yo. Alam kong narinig mo na ang mga ito sa TV o sa pelikula. Siguro ay nabasa mo na rin sa ibang mga libro. It’s just so hard to comfort you this way. Flowers and cute bears don’t affect you anymore.
Always remember this: I love you. I will always love you. I guess it’s okay to cry for now, but promise me you would eventually stop. Promise me that you would pick up the broken pieces of your heart.
Siguro, iniisip mo kung ano ang karapatan ko para humiling sa`yo ng mga ganitong bagay. Wala akong karapatan. Nahihirapan lang akong makita kang nahihirapan. It’s so hard to breathe. I feel like I wanna cry with you.
So please be okay so that I can be okay, too.
Can you smile for me?
Always loving you,
Scott
Memoryado niya ang mensahe nitong iyon kahit ilang taon na rin mula nang matanggap niya iyon.
Mula noon ay sinikap niyang maging normal uli. Hindi na niya ininda ang pag-iwan sa kanya ni Lucas na ipinagpalit siya sa dancer sa isang exclusive men’s club. Pinakasalan kaagad nito ang babae.
Matagal na niyang napatawad si Lucas. Pero pagkatapos ni Lucas ay hindi na uli siya umibig. Natatakot siyang mabigo. O sadyang hindi pa tumitibok uli ang puso niya. Mula nang mabigo siya sa pag-ibig ay mas pinagtuunan niya ng pansin ang kanyang career. Isa siyang medical technologist sa isang tertiary hospital.
Nang maging maganda ang kita niya ay bumukod na siya ng tirahan. Labis ang naging pagtutol ng kanyang mga magulang ngunit ipinilit niya ang kanyang gusto. She wanted to live independently. Hindi naman mag-iisa ang mga magulang niya dahil doon pa rin nakatira ang ate niya kasama ang pamilya nito. Ipinaayos ng bayaw niya ang bahay nila upang maging mas malaki iyon.
Ngayong stable na siya, tila nakakaramdam siya ng boredom sa buhay. Nais niyang maiba ang routine niya. Tuwing nakikita niya ang kapatid niya, hindi na talaga niya maiwasan ang mainggit. Nais din niyang maranasan ang nararanasan nito. Simple lang naman ang nais niya: She wanted to find the right one, fall in love, marry, have kids, and be happy.
Minsan lang siya umibig pero nabigo pa siya. Wala siyang maramdamang kakaiba sa mga lalaking nakikilala niya. Wala siyang nararamdamang magic o spark. Pero kahit makaramdam pa siya niyon ay wala ring halaga dahil wala namang nanliligaw sa kanya.
Sometimes, she felt that life was unfair. Ang isang kaibigan niyang hindi naman kagandahan ay nakapangasawa ng isang guwapo at mayaman. Hindi siya ganoon kaganda ngunit hindi naman siya pangit. Baka iyon ang problema sa kanya. She never stood out in the crowd, so to speak. She was never special.
Bakit hindi pa dumarating ang right one? Naligaw kaya ito o nasilo na ng ibang prinsesa?
Napapabuntong-hiningang binasa niya ang mensaheng nais niyang ipadala kay Scott Palaboy bago niya iyon tuluyang ipinadala. Sana ay sumagot ito.
Pagkatapos ay nababagot na nagluto siya ng pagkain. Pagkakain ay saglit na nanood siya ng TV bago siya bumalik sa kuwarto niya upang matulog.
Her life was the most boring of all.