“Ayos lang ba kayo? Wala bang nasaktan?” tanong ni Acutus nang tuluyan silang makalapag sa Infernum.
“Ayos lang kami. Humihinga pa naman. Hindi nga lang natin batid kung hanggang kailan ang paghingang ito lalo na at hindi kaaya-aya ang amoy na bumabalot sa lugar na ito,” sabi ni Ginoong Lux.
Kaagad namang naglabas ng bagong gamit si Immitis at pinakita ito sa kanila.
“Tamang-tama lang pala ang pagkakagawa ko nito e. Ito ang bago kong imbensyon. Ang maskarang ito ay tumutulong upang masala ang maruming hangin.”
“Maaasahan talaga ang aking kapatid sa ganitong mga bagay,” sabi ni Cres at saka nginitian si Acutus.
“Kailangan na nating magmadali. Nakalimutan kong sabihin na ang lagusan palabas ng Infernum ay tuluyang magsasara sa loob lamang ng tatlong araw,” paalala ni Quartum.
“Tatlong araw? Kinakailangan na nga natin magmadali lalo pa at tumatakbo ang bawat segundo,” untag naman ni Lux.
Nagsimula silang maglakad sa isang mabatong tulay at sa ilalim nito ay kumukulong lava. Makitid lamanf ito at walang makakapitan. Sa paligid naman nila ay tila dalawang bundok na bato na siyang pinagdurugtong lamang ng tulay na iyon. Hindi man nila tiyak ang kanilang tinatahak na landas subalit iisa lang naman ang kanilang layunin - ang mahanap ang susing magbubukas ng lagusan patungong kabilang daigdig.
Habang naglalakad sila sa kabilang bundok ay napapansin nilang tila pabigat nang pabigat ang kanilang mga hakbang. Hindi nila mapagtanto kung bakit tila bumabagal ang kanilang pag-usad.
“Hindi naman tayo paakyat hindi ba? Kung tutuusin ay pababa nga ang ating tinatahak ngunit bakit tila yata ang hirap lakarin ng daang ito?” tanong ni Lux.
“Eto ang lugar sa Infernum na sinasabing kabaligtaran ng kaayusan ng mundo. Dito lahat ng dapat sana ay magaan, taliwas ang nangyayari at nagiging mahirap,” paliwanag ni Quartum. “Matagal-tagal na rin mula nang lakbayin ko ang lugar na ito para lang pangalagaan ang yaman ng inyong angkan, Acutus.”
“Anong kinakailangan nating gawin, Ama?” tanong ni Cres.
“Wala tayong magagawa. Maliban na lang kung lalabas ang tagapagbantay ng lugar na ito at matatalo ninyo ito...”
Isang nilalang na nababalot ng itim na roba ang ngayo’y sumulpot sa kanilang harapan.”
“...siya ang tinutukoy ko, siya si Sacoma.”
“Bene venisti ad Infernum.”
“Ano raw?” tanong ni Immitis. Maging si Acutus at ang iba pa ay hindi maunawaan ang tinuturan nito. Ilang sandali pa ay sumulpot mula sa kanilang likuran si Nitidus na labis na ikinagulat ni Acutus.”
“N-Nitidus!”
Isang malakas na sampal ang kaagad na dumapo sa pisngi ni Acutus na labis na ikinagulat ng lahat.
“Hanggang kailan mo ba ako paglilihiman? Hanggang kailan mo kinakailangang umalis nang hindi ko nalalaman at iwan ako?”
Nagtataka naman sila Lux sa nangyayari kaya minabuti na lang nilang manahimik.
“Yaman lang din na nandito ka na, Nitidus, kinakailangan namin ang tulong mo upang makuha ang susi na magbubukas sa lagusan sa kabilang mundo,” wika ni Quartum.
“Hindi ninyo maaaring gawin iyon!” singhal ni Nitidus. “Nalalaman ba ninyong hindi iyon basta basta nahahawakan nang walang pahintulot ni Herus? Hindi iyon simpleng susi lang na kapag nakita n’yo na ay maaari n’yo nang kunin at alisin sa lugar na ito.”
Napakunot ang noon nilang lahat maging si Quartum dahil maging siya ay hindi batid ang tungkol dito.
“Ang susi ng porta ay isang mahalagang bagay na tanging si Herus lang ang may kakayahang kumuha. Bukod pa roon, sinisira ninyo ang mga plano ko!”
Tumalikod si Nitidus at tiningnan nang matalim si Acutus.
“Kung nais ninyong mamatay rito nang walang napapala, bahala kayo!”
Muli itong humakbang papasok sa isang portal at tuluyang naglaho.
“Ano nang gagawin natin?” tanong ni Immitis.
“Kinakailangan nating bumalik.” Tumalikod na sila at akmang aalis na nang magsalita si Sacoma sa kanilang likuran.
“Siste! Nemo discedit.”
“Hindi ko man nauunawaan ang kaniyang tinuturan ngunit batid kong hindi maganda ang kahihinatnan nito,” sabi ni Lux.
Sa isang iglap lang ay naglabas ito ng mga kadenang bakal at agad na tumama sa katawan ni Stella. Kaagad itong pumulupot at iginapos nang tila nakapako sa krus ang dalaga. Sa ilalim nito ay ang naglalagablab na lava.
“Stella!”
“Iwan n’yo na ako! Iligtas ninyo ang inyong mga sarili.”
Napapalatak na lang si Acutus sa mga nangyayari dahil nagpalinlang siya kay Libitina. Hindi nito nais na tulungan siya. Nais nitong mamatay sila.
“Hindi kami aalis dito nang hindi ka kasama, Stella,” puno nang pag-aalalang sabi ni Cres.
Tatlong bolang apoy ang kaagad na lumutang sa ere at bawat isa ay may numero.
“Oblatio.” Muling saad ni Sacoma.
“Oblatio? Humihingi ba siya ng alay?” tila naintindihan naman ni Immitis ang tinuran nitong salita.
“Subukan natin kaysa naman wala tayong gagawin,” pagsang-ayon naman ni Cres.
Naglabas ng mamahaling alahas si Lux at ibinato ito sa paanan ni Sacoma.
Unti-unting nalusaw ang bolang apoy na may numerong uno hudyat na tama ang kanilang ginawa.
Muli itong nagsalita sa lengguaheng hindi nila maintindihan, “Genua flecte.”
Dahil hindi nila batid ang sinasabi nito, tila nainip ito kung kaya lumipad ang bolang apoy at deretsong tumama sa kadenang nakagapos sa kaliwang kamay ni Stella. Dahil doon ay napalupaypay ang isang kamay nito na tila ba isang pagkakamali na lang nila ay lalamunin na ito ng kumukulong lava.
“Hindi na tayo dapat pang magkamali. Buhay ni Stella ang nakataya rito!” gigil na sabi ni Cres. “Kung alam ko lang na ganito ang mangyayari, hindi na sana kami sumana sa mapanganib na paglalakbay na ito!”
Dahil sa narinig ay hindi na naiwasan ni Immitis na hablutin ang kwelyo ng suot na damit ng kapatid.” Anong gusto mong gawin namin? Hindi nga natin maintindihan ang tinuturan ni Sacoma hindi ba? Kung ganyan lang kakarampot ang takbo ng utak mo, sana nga ay hindi na kayo sumama sa paglalakbay na ito.”
“Kakarampot ang utak ko? E paano naman itong anak ni Magnus? Pilit na gumagawa ng paraan para iligtas ang buhay ng babaeng minsan siyang ipinagpalit para sa kapangyarihan!” singhal ni Cres.
Hindi na nakapagpigil si Immitis at kaagad na sinuntok si Cres sa mukha. Kaagad namang umawat si Lux at Acutus at gayon din si Quartum na kanilang ama.
“Tama ka, Cres. Wala nga akong silbe. Pero masisisi mo ba ako kung gusto kong mailigtas ang buhay ni Nitidus? Kagaya mo lang din ako kay Stella. Ginagawa ko lang ang lahat ng ito upang mailigtas ang babaeng mahal ko. Mali ba iyon?”
Doon lang natahimik si Cres nang marinig ang tinuran ni Acutus.
Muling nagsalita naman si Sacoma.
“Adoratio!”
Nanlaki ang mata ni Acutus sa tinuran nito at doon unti-unting bumagsak ang kanilang tuhod sa lupa.