Bumagsak ang aking balikat nang pumasok ako doon. Inikot ko ang buong kwarto ngunit literal na bodega iyon. Ang pinagkaiba lang ay malinis iyon at wala gaanong alikabok dahil nakasara lang palagi ang pinto. Hindi ko maintindihan ang sarili ko. Nag-aksaya pa ako ng oras para mabuksan ito. Wala namang espesyal dito. Kung bodega lang naman pala ito, bakit isinasara pa ni Jake itong kwartong ito at itinago ang susi. Napailing ako. Matapos ikutin ang kwarto ay nagdesisyon akong lumabas na. Sigurado akong naghihintay na si Katherine sa akin. Habang palabas ay halos bumagsak ako sa pagkatisod. Bumaba ang tingin ko sa sahig at napansin ang nakaumbok sa manipis na carpet sa sahig. Lumuhod ako at kinapa iyon. Kumunot ang noo ko. Hindi ko iyon maigalaw at matanggal. Mukhang nakafix iyon sa sahig.

