TEST CENTER

1237 Words
Nagising si Ralph pasado alas siyete na ng umaga. “Eloisa?” agad niyang tanong ngunit wala na siyang katabi ngayon. Masarap ang gising niya at naamoy niya ang mabangong almusal na ginawa ng kanyang asawa na lalong na nagpatindi ng kanyang gutom. Naamoy niya ngayon ang pritong itlog, sinangag at longganisa. Agad siyang bumangon, nagsuot ng kanyang pajama at lumabas ng kuwarto. Sa paglabas niya ng kuwarto ay bumungad sa kanya ang kanyang malaking salas. May dalawang puting sofa chair habang pinagigitnaan ito ng isang salamin na lamesa. Nakapatong sa lamesa ang isang eleganteng chess board na minana pa niya sa kanyang ama. Malawak ang salas na may pintuan papunta sa labas sa kaliwa. Sa unahan ni Ralph ay may isang malawak na glass wall kung saan nakikita ang kanilang hardin na sa ngayon ay tanging lupa at ang mga paso lamang. Nandito sa kaliwang kanto ang isang record player at isang aparador na naglalaman ng mga vinyl records. Mahilig sa musika si Ralph at ang kanyang asawa. Matagal nila itong kinolekta bago pa man sila ikasal. Ngayon ay marami ng taon na hindi na nila ito nagagamit. Lumakad ang heneral at umupo siya sa sofa. Pinagmasdan niya ang itinuturing niyang tanging yaman mula sa kanyang ama. Gawa sa matitibay na kahoy kung saan gawa ang hunta at mga piyesa nito. Ang mga piraso na nasa kanan ay nililok mula sa pulang narra na kasing lalim ng kulay ng dugo. Ang mga piyesa naman sa kaliwa ay nililok sa itim na kamagong na may makintab na kulay ng itim. Ang bawat piyesa ay perpektong inukit sa hugis ng Hari, Reyna, Obispo, Kabalyero, Tore at Piyon. Maging ang hunta nito ay mainam na inalagaan sa matagal na panahon at walang anumang gasgas o lamat. Ngayong extinct  na ang mga ganitong klase ng kahoy ay nagkakahalaga na ang mga ito ng mahal na salapi. Madalas ay naglalaro si Ralph at ang kanyang ama ng ahedres noong bata pa siya. Madalas ay palaging natatalo ang heneral sa larong ito at madalas napipikon siya sa kanyang ama. Hindi niya akalain na magdadala ito ng magagandang memorya hanggang sa pagtanda niya. Gusto rin sana niyang ipamana ang ganitong laro sa magiging henerasiyon niya pero ngayon ay mukhang imposible na ito. Lumapit sa kanya si Eloisa at may dala itong mainit na gatas na nakapatong sa isang platito. “Nagluto na ako ng agahan,” malumanay na boses ng kanyang asawa. “Kumain ka na habang mainit pa ang pagkain.” Kinuha ni Ralph ang gatas at ininom niya kaagad ito. Hawak pa rin ni Eloisa ang platito sa kanyang kanang kamay. “Magbihis ka mamaya,” sagot naman ni Ralph. “Dadalo tayo ng party sa kapitolyo.” Ngayon lang naalaala ni Eloisa na may magaganap na pagdiwang dahil sa pagtatapos ng Advent Season ngayong taon. Mahigit sampung taon na rin silang dumadalo ng ganitong engrande na selebrasiyon ngunit kahit kailan ay hindi siya nakaramdam ng kasiyahan mula rito. Paano naman niya magagawa maging masaya kung alam lahat ng mga tao sa kapitolyo na nagka-anak sila ng isang subhuman. “Sige, maghahanda ako mamaya.” Tumalikod na si Eloisa pero bago pa man siya makalakad ay hinawakan siya ng kanyang asawa sa kaliwa nitong kamay. Bumilis ang t***k ng puso ni Eloisa. “Maghanap ka na ulit ng bagong house servant,” utos ng heneral. “Ayokong ikaw ang nagtatrabaho ng gawain dito sa bahay.” “Pero kaya ko namang mag-isa Ralph,” sabat ng kanyang asawa. “Hindi na natin kailangan—” Hindi na natapos ang sasabihin ni Eloisa nang humigpit ang kapit ni Ralpha sa kamay. Sa higpit nito ay nararamdaman niya ang kirot sa mga naiipit niyang daliri. “Gawin mo na lang ang sinasabi ko,” malumanay na wika ni Ralph habang nakatingin sa mga mata ng kanyang asawa. Tumango si Eloisa at dito na siya binitawan ni Ralph. Pagkatapos ay naglakad na siya palayo papuntang kusina. Hindi sa gusto ni Eloisa ng gawaing bahay pero dahil ayaw na lang niyang makakita ng bangkay sa kanyang pamamahay. Pag may hindi nagugustuhan ang heneral sa kanilang house servant o kahit may isa itong pagkakamali ay hindi siya nagdadalawang isip na patayin ito. Mapa lalaki man o babae ay wala siyang patawad. Mas masahol kung babae ang house servant nila dahil hahalayin niya muna ito bago niya patayin. Nasaksihan na niya ito ng maraming beses at kung puwede lang ay ayaw na niya itong maulit. Pero ngayon ay kailangan na naman niyang humanap ngayon ng bagong biktima na kanyang asawa. Kinamumuhian niya ang kanyang sarili sa parteng ito dahil siya pa ang kailangan pumili ng mga magiging house servant nila. Para bang siya ang nagbibigay ng huling destinasiyon sa mga taong pinipili niya. Bago pa man siya makarating sa kusina ay may bigla siyang naalala na kailangang malaman ng heneral ngayon. Humarap siya muli sa kanyang asawa. “Tumawag pala ang taga Test Center kanina,” wika ni Eloisa. “Kailangan mo raw pumunta doon ngayong maga.” “Para saan raw?” tanong naman ng heneral sabay higop ng gatas. “May mga trials raw silang gagawin para sa mga Akuma,” sagot ni Eloisa. “Anong mga trials ito Ralph?” Ngumiti si Ralph. “Trials na maaring pumatay sa mga Akuma kahit hindi na kailangang patayin ang mga Jinzo nila.” Nabitawan ni Eloisa ang platito. Nabasag ito at nagka pira-piraso sa sahig. Hindi inasahan ni Eloisa na magiging ganito siya kaapektado sa narinig niya. Gusto niyang umiyak ngayon pero kailangan niyang kontrolin ito. Hindi sa harapan ni Ralph dahil kung hindi ay masasaktan siya muli. Tumayo si Ralph. “Ipatawag mo ang driver at linisin mo yan Eloisa.” Pagkatapos ay ipinatong niya ang tasa sa lamesa kalapit ng chess board at naglakad na siya papunta sa kuwarto upang maligo. “Ipapasundo na lang kita mamayang alas singko,” paalala ng heneral. “Tandaan mo, hindi mo siya anak Eloisa.” Mainit ang panahon ngayon at maalinsangan. Mahigit kalahating oras rin ang lumipas bago nakarating ang heneral sa Test Center. Bumaba si Ralph ng sasakyan sa kulay puti niyang sasakyan. Nakasuot na siya ngayon ng pulang overcoat at peaked cup. Habang sa kanyang pambaba naman ay itim na pantalon at bota. Pinagmasdan niya ang istraktura ng gusali na nasa kanyang harapan. Malawak ang kabuuang konkreto na may mahigit isanlibong metro kuwadrado. May pitong palapag na walang anumang mga bintana. Kung pagmamasdan ng maigi ay may mga kuwadrado itong  mga metal na nakatapal at nakahanay bilang proteksiyon ng mismong istraktura. Sa itaas ng mismong gusali ay doon makikita ang nakaukit na ang simbolo ng Maharlika. Ito ay isang triangulo na nakapunto paibaba at sa loob ng tatsulok ay may simbolo ng isang araw na may walong sinag. Habang naliligiran ito ng tatlong bituin sa tatlong kanto ng tatsulok. Nag-iisa lamang ang hall way nito na daraanan papasok at palabas na may isang malaking metal na gate. Protektado ito ng maraming sundalo sa paligid na may mahahabang mga baril. Marahil ay ito ang isa sa pinaka mahalagang gusali sa siyudad na labis pinoprotektahan ng gobyerno. Nakakulong dito ngayon ang tatlong Akuma dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin nila nahahanap ang kani-kanilang mga Jinzo. Dalawang beses sa isang taon ay bumibisita siya rito upang makita ang kanyang anak. Lumakad na siya papasok nang gusali. Sumaludo ang mga sundalo sa kanya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD