Sa pagapasok ng gate ni Heneral Naga ay bumungad sa kanya ang malaki at mahaba na hall way. Sinalubong naman agad ang heneral ng isang matandang sayantipiko na kanina naghihintay sa kanya.
Kilala ng heneral ang lalaki na ito at siya ay si Doktor Kiel ang Head Director ng gusali na ito. Nasa edad singkuwenta na ang doktor at may payat siyang pangagatawan. Kulay puti na ang maiksi niyang buhok maging ang kanyang kilay. Medyo mahaba ang hugis ng kanyang mukha. Kumukulubot na ang kanyang pisngi at malalim na ang kanyang mga mata. Nakasuot siya ng puting pantalon, sapatos at isang laboratorical coat.
Metal ang sahig na nilalalakaran nila sa loob ng gusali. May mga naglalakihang mga silid sa kaliwa at kanang bahagi ng gusali. Ang bawat silid ay mayroong mga metal na sliding door na may mga finger-printed lock. Sa dulo ng hall way na ito ay may isang malaking elevator.
“Ipagpaumanhin mo kung ginambala kita General Naga,” wika ng doktor habang naglalakad sila sa hall way.
“Walang anuman. Anong balita sa mga eksperimento niyo?” direktang tanong niya sa doktor.
“Habang tumatagal ang panahon ay nagiging mas mababa na porsyento ng threat nila sa atin dahil sa mga ginagawa namin dito,” masayang sagot ng doktor.
Kumunot ang noo ng heneral sa narinig niyang sagot. Para sa kanya ay matalino at talentado ang doktor at siyempre ito ang dahilan kung bakit nasa posisiyon siya ngayon. Pero madalas ay bilib siya masyado sa kanyang sarili. Naniniwala siya na ikakabagsak niya rin ito balang araw. Magkagayunman ay nandito pa rin ang respeto niya para sa doktor.
“Habang tumatagal ang oras napapagod rin ang mga investors mag pondo sa laboratoryo niyo,” sagot naman ng heneral. “Kaya ‘wag kang magmayabang sa’kin.”
Napalunok ang doktor. “Hindi nila basta-basta maagagawang mag-withdraw sa sarili nilang investments.”
“Ngayon pa ba na nasa atin na ang advancement kaysa sa ibang laboratoryo?”
“Naiinip din sila at kailangan nating maibigay ang gusto nila,” agad namang sabat ng heneral sa kanya.
“Naiitindihan ko ‘yan. Kailangan pa lang namin ng sapat na oras,” mahinahong sambit ni Kiel.
“Siguraduhin mo lang,” sagot ng heneral sabay tingin sa mga mata ng doktor.
Sa pagkakarinig ng doktor ay para bang nagbabanta sa kanya ang heneral. Alam niyang pareho silang may awtoridad sa lipunan na kanilang kinabibilangan. Kahit na mas nakakatanda ang doktor ay hindi pa rin niya maiwasang makaramdam ng pangamba kapag kausap niya ang heneral.
Lumunok muli ang doktor. “Makakaasa ka sa akin.”
Naging matahimik sila habang naririnig nila ang bawat yabag ng kanilang mga sapatos sa metal na sahig. Inabot ng ilang minuto bago sila nakarating sa dulo ng gusali.
Pumasok sila sa elevator at bumaba sila papuntang under ground.
Malayo rin ang lugar na pupuntahan nila na inabot ng dalawang minuto.
Nang bumukas ang pinto ng elevator ay bumungad sa kanilang dalawa ng heneral at ng doktor ang isang malaking laboratoryo. Halos sakop ng kabuuang sahig ang iisang pasilidad na ito. Nandito ngayon ang daan-daang mga sundalo, scientist, engineer, at technician na sabay-sabay ginagawa ang kanilang mga tungkulin. Pare-pareho sila nakatingin sa heneral habang ang mga sundalo ay nagbigay pugay.
“Ayokong magtagal dito Kiel,” sambit ng heneral. “Ipakita mo na kaagad ang ipapakita mo.”
Ngumiti ang doktor bilang sagot sa kanyang utos.
Naglakad na papasok ang heneral habang ang dalawa niyang kamay ay nasa kanyang likuran. Sumunod naman kaagad ang doktor sa kanya. Pinagmasdan niya ang kapaligiran kung may nagbago ba rito matapos ang anim na buwan na huling bisita niya. Katulad ng dati ay may matitingkad ang mga puting ilaw na masakit sa mga mata ng heneral.
Nahahati sa tatlong seksiyon ang underground floor na ito. Ang production room na nasa kaliwa kung nasaan ang iba’t-ibang aparatus, kemikal, metal at mga computer. Sa kaliwa ay ang opisina na paminsan-minsan ay nagiging meeting room. Nandito ang isang mahabang lamesa at may tig-sampung mga upuan sa kaliwa at kanan. Sa unahan ng lamesa ay may isang malaking monitor screen na naka kabit sa pader.
Ang sentro ng lugar na ito ang pinaka-mahalaga sa lahat. May tatlong malaking cylindrical chamber sa unahan ng heneral. May taas ito ng sampung talampakan at may isang dipang lawak. Ang tatlong lalagyan na ito ay gawa sa kulay pilak na metal. May mga numero itong pintado na 001, 002, at 003. Nakatayo ito sa sentro na pasilidad habang napapalibutan ito ng mga matitibay na salamin na pader at konkretong kisame na kumukulong sa tatlong lalagyan. Sa kisame ay may may mga metal na tubo kung saan lumalabas ang mga malalamig na usok na gawa sa iba’t ibang kemikal na tinatawag nilang cryogenics. Sa paligid naman ng salamin na istrakturang ito ay may metal na bakod ang nakapalibot at may isang tarangkahan. Naglipana ang mga computers at technicians sa paligid nito kung saan nila puwedeng i-monitor ang mga nasa loob nito.
Habang lumalapit ang heneral ay nararamdaman niya ang galit sa kaibuturan ng kanyang diwa dahil alam niya kung ano ang laman ng tatlong chambers na iyon. Ang tatlong lalagyan na ito ay mga kulungan ng tatlong Akuma. Ang nasa unang lalagyan ay si Magenta, tatlumpo’t siyam na taon. Ang pangalawa ay si Ansel, Tatlumpo’t tatlong taon. Habang ang nasa pangatlo naman ay si Tris, labing dalawang taon at siya ang nagiisang babaeng anak ng heneral. Hanggang ngayon ay hindi pa rin matukoy kung kung nasaan ang kani-kanilang mga Jinzo.
Labing limang taon na rin ang nakakalipas ng madiskubre ng sangkatauhan ang cryogenics bilang tanging paraan upang mapigilan nila ang kapangyarihan ng mga Akuma. Nadiskubre ng mga sayantipiko na nakakagawa ang mga Akuma ng sarili nilang apoy bago pa man sila sumabog at maging panganib sa ibang tao at sa paligid. Nag iinit ang kanilang katawan hanggang umabot ito sa mainit na temparatura katulad ng araw. Lumalakas ang mga Akuma habang nagkaka-edad sila dahil habang tumatagal ay mas nakokontrol nila ang kanilang kapangyarihan at nagiging mas malakas ang kanilang pagsabog.
Sa pamamagitan ng pagpapalanghap sa mga Akuma ng usok na gawa sa cryogenics hanggang pumasok ito sa sistema nila ay madali silang maninigas at magyeyelo. Dahil sa ganitong paraan ay nahinto panganib ng mag Akuma sa mundo. Ang kaibahan lang ay hindi nito kayang patayin ang mismong buhay nila. Kung tutuusin ay imortal ang mga Akuma para sa iba. Hindi sila nasasaktan o nasusugutan. Walang anumang bagay sa mundo ang puwedeng sumira sa kanila dahil mas matigas pa sa diyamante ang kanilang mga balat.
Hanggang ngayon ay nakadepende pa rin sa kamatayan ng mga Jinzo ang magiging kamatayan ng mga Akuma.
Hindi humiwalay ang mga mata ng heneral sa pangatlong chamber hanggang makarating sila sa unahan nito na may anim na metro ang layo.
“Kanino mo gustong subukan ang ekspiremento?” tanong ng doktor sa kanya.
“Sa pangatlong chamber,” mabilis na sagot ng heneral.
“Masusunod General,” mabilis niyang sagot.
Pagkatapos ay tumalikod siya upang humarap sa ibang mga sayantipiko.
“Humanda na kayo,” malakas na boses ni Doctor Kiel Flores. “Ihanda niyo ang Extraction test four three seven!”
Lumakad muli papalapit ang heneral hanggang pumasok siya sa gate. Nararamdaman niya ngayon ang lamig na nanggagaling sa kulungan ng mga Akuma. Gusto muli niyang makita ang buong detalye ng kanyang at mga bagay na mangyayari sa kanya.
Ang lahat ay nakaabang ngayon sa kasunod na mangyayari. Ang karamihan ay kinakabahan at nagdarasal sa mga isip nila ngayon na walang mangyayaring masama sa kanila. Habang ang iba naman ay dala-dala ang pagasa na ang eksperimento nila ngayon ang magiging kasagutan sa hindi nila matatawarang pagod upang makagaw alamang ng lunas. Lunas para sa kamatayan ng mga Akuma.
Ang mga sundalo ay nakahanda na rin. Nakapalibot sila ngayon sa salamin na kulungan habang nakatutok ang kanilang mga bazooka na may mga balang gawa sa cryogenics. Sa totoo lang ay hindi na naman nila kailangan nilang gawin ito. Ito’y isa lamang bahagi ng kanilang protocol dahil kahit kailan naman ay hindi pa nagawang makalabas ng mga Akuma sa kanilang kulungan. Bukod sa matibay ang mga salamin na nakapalibot sa kanila ay may kakayanan itong dumepensa sa matataas na temperatura ng pagsabog. May mga nakahanda na ring mga daan-daang tubo sa kisame nito na mabilis na magpupusit ng parehong kemikal sa Akuma na nasa loob.
“Buksan ang ikatlong chamber!” sigaw ng matandang doktor.