Madaling natapos si Sariah sa kanyang pagsasampay at agad siyang pumasok sa kanilang kuweba. Nakaramdam siya ng gutom pero kailangan niyang itong tiisin. Kailangan nilang paabutin ng isa pang araw ang kanilang pagkain. Imbis ay uminom na lamang siya ng maraming tubig. Pinagmasdan niya ang kuweba pansamantala at naupo siya sa isang maliit na bato malapit kung nasaan ang kanilang damitan sa kaliwang pader ng kuweba. Maya-maya ay pipinawin niya na ang mga damit na sinampay niya dahil sa init ng panahon.
Hanggang ngayon ay hindi niya namalayan na kay bilis pala ng lumipas na panahon. Hindi niya akalain na mabubuhay niya si Cyran ng labing dalawang taon sa ganitong klaseng lugar. Marami siyang dinadanas na paghihirap na lahat ay nalampasan niya. Siguro ang pinaka-masakit na parte para sa kanya ng mga taon na iyon ay sa tuwing iiwanan niya si Cyran noong sanggol pa lamang siya para lang kumuha siya ng pagkain sa siyudad tuwing Advent Season. Wala siyang kasiguraduhan kung makakabalik pa ba siya kung sakaling mahuli man siya sa kanyang pagnanakaw. Magkagayunman ay naging matapang siya sa bawat taon na nagdaan dahil kailangan. Kailangan nilang mabuhay at wala nang ibang paraan.
May narinig siyang naglalakad papasok sa kuweba at ang buong akala niya ay si Cyran ito ngunit nagkakamali siya. Tumindig ang kanyang balahibo nang makita niya ang isang lalaki. Nasa edad kuwarenta na ito at may payat siyang pangangatawan. May mahabang puting buhok, balbas at bigote. Kulubot na ang mga balat nito sa mukha pero magkagayunman ay hindi siya mukhang mahina dahil sa edad. Ang mga mata niya ay matapang o siguro ay mapanganib para sa kanya. May suot siyang isang leather jacket at kupas na pantalon. May baril na nakasabit sa kanyang kaliwang baywang.
“”Wag kang gagalaw,” utos ng matandang lalaki sa kanya. “Kung gusto mo pang mabuhay.”
Dito na rin niya naalaala ang baril na nakatago sa ilalim ng kanilang damit. Kaya niyang abutin ito ng saglit. Ang problema lang ay mabubuhay pa kaya siya bago pa man niya mahawakan ang baril?
Hindi inasahan ni Sariah na sa loob ng maraming taon ay may makikita siyang ibang tao bukod sa kanyang anak. Pero ibang tao ba talaga? Pamilyar siya sa lalaking ito ngunit hindi niya alam ang pangalan. Alam niya ngayon kung ano at sino ang pakay at wala ng iba. Ang kanyang anak.
Pakiusap Cyran. Huwag ka munang babalik.
Dito na niya napansin na may dalawa pang lalaki na dumating na magkasabay na naglalakad. Halos ka-edad rin nang naunang lalaki ang mga ito. Pareho rin silang may dala-dalang baril. Ang nasa kaliwa ay may malaking katawan at kalbo. Halos wala na rin siyang mga kilay dahil masyado itong maninipis. May suot lamang siyang puting sando at kapansin-pansin ang malaki niyang tiyan. Basang-basa siya sa sarili niyang pawis ngayon. Habang ang nasa kaliwa naman ay isang lalaki na may katamtamang pangangatawan. Kulay itim ang manipis niyang buhok ngunit unti-unti nang nagiging kulay abo ang mahaba niyang mga patilya. Matangos ang kanyang ilong at bilugan ang kanyang mga mata. Mahaba rin ang kanyang dalawang ngipin sa unahan na medyo lumalabas sa kanyang mga labi. May suot siyang isang t-shirt na may tatak na nagsasabing We Love China. Nakasuot rin siya ng itim na pantalon at mataas na bota. Komikal ang itsura ng lalaki para kay Sariah.
“Akala mo ba talaga matatakasan mo kami habang buhay?” natatawang tanong ng matabang lalaki. “Akala mo ba talaga hindi ka namin mahahanap?”
Nanghihina ang katawan ni Sariah ngayon dahil sa takot. Takot sa panganib na dala-dala ng tatlong lalaki sa kanyang harapan. Naririnig niya ngayon ang t***k ng puso niya. Kailangan niyang kontrolin ang takot niya. Lumunok siya dahil pakiramdam niya natuyo na ang lalamunan niya.
“Anong kailangan niyo rito?” mabilis na tanong ni Sariah.
Ngumiti ang lalaking may mahabang buhok. “Sinong kasama mo rito?”
Alam nila kaagad na may kasama siya dahil siguro napansin nila ang mga nakasampay na damit sa labas.
“Isang kaibigan,” mabilis na sagot ni Sariah.
Lumapit sa kanya ang lalaki, hinugot niya ang kanyang baril at hinampas niya sa ulo si Sariah gamit ang hawakan nito. Mabilis lang ang pangyayari kay Sariah at hindi niya kaagad naramdaman ang sakit at hapdi ng pagpalo sa kanya hanggang tumumba siya pakaliwa sa lupa.
“‘Wag na ‘wag kang magsisinungaling sa akin,” banta muli ng lalaki. “Huling beses mo ‘yan.”
“Nasaan ang anak mo ngayon?” tanong ng lalaking mataba.
May tumulong dugo sa noo ni Sariah pero hindi na ito mahalaga ngayon. Ang mahalaga ay ang kaligtasan ng anak niya at wala ng iba. Pero paano kung dumating kaagad si Cyran ngayon? Kung hindi man ay alam na alam niya ngayon na naglalakad na ito pabalik. Kailangan niyang gumawa ng paraan ngayon.
“Nagsasabi ako ng totoo,” nanghihinang sagot ni Sariah pagkatapos ay tumingin siya sa mga damit nila. “Matagal ng patay ang anak ko.”
Unti-unti siyang gumagapang papalapit dito. Tatlong hakbang na lang at mapapalapit na siya sa nag-iisang pagasa niya. Tatlong hakbang na lang.
Tumawa ang lalaking may mahabang buhok at itinutok niya ang baril kay Sariah.
“Alam naming buntis ka nang tumakas ka mula sa Magwayen,” bintang ng lalaking naka-bota. “Hindi mo kami maloloko.”
“At mali ang ginagawa mo sa pagtatago sa kanya dito,” dagdag niya.
“Ang anak mo lang ang kailangan namin,” paliwanag naman ng lalaking may mahabang patilya. “Sumunod ka na lang at hindi ka mamamatay.”
Tumawa si Sariah. “Paano kayo nakakasigurado na siya nga ang kailangan niyo?”
Nakatanggap ng sipa sa sikmura si Sariah. Namilipit siya sa sakit.
“Kasalanan ang ginawa mo! Tanga ka! Putangina mo!” sigaw ng lalaki sabay sipa naman sa dibdib ni Sariah.
Tumahimik silang lahat nang may narinig na tumatakbo palapit sa kanila. Alam ni Sariah na ang parating ay walang iba kundi anak niya. Tila ba’t huminto ang oras para sa kanya.
“ITIGIL NIYO YAN!” sigaw ni Cyran habang tumatakbo palapit sa kanilang lahat. “Huwag niyong sasaktan ang Nanay ko!”
Ngumiti ang lalaking may mahabang buhok dahil alam na niya ngayon na totoo ang hinala nila na kasama nga ng babae ang anak niya ngayon. Suwerte kung siya ang bata na matagal na panahon na nilang hinahanap. Mukhang sinusuwerte talaga sila ngayon.
Dito na humarap ang tatlong lalaki upang tingnan ang binata. Itinutok nila ang kanilang mga baril kay Cyran.
Nanginginig sa takot si Cyran ngayon dahil sa nakikita niya. Lalong-lalo na nang makita niya niyang dumudugo ang ulo nga kanyang ina.
Ito ang unang pagkakataon na makakita siya ng ibang tao at hindi niya inasahan na magiging malupit ito sa kanyang ina. Posible kayang nasundan ang kanyang ina ng mga tao sa siyudad dahil sa pagnanakaw niya? Posible kayang sa pagkakataon na ito ay sisingilin na siya ng batas dahil sa pagkakamali na ginawa niya? May luhang pumatak sa mga mata niya dahil hindi niya pala kayang maatim na nasa ganitong sitwasiyon si Sariah ngayon. Kung puwede niya lang ngayon pagpalitin ang sitwasiyon nilang dalawa ngayon ay gagawin niya.
Ito na ba ang panganib na sinasabi ng kanyang ina?
“Pakiusap, huwag niyong saktan ang Nanay ko,” nagmamakaawang sambit ni Cyran.
“Hindi ka masasaktan kung sasama ka sa amin bata,” utos ng lalaking mataba.
Kung iyon lang ang tanging paraan para malayo sa panganib ang kanyang ina, bakit naman hindi niya gagawin ito?
“Lumapit ka dito,” utos ng lalaking may mahabang buhok.
Kahit natatakot siya ngayon at kahit na parang wala siyang lakas ay ginawa niyang lumakad ng marahan papunta sa kanila. Kailangan niyang lakasan ang loob niya ngayon. Kailangan.
Dito na niya nakitang tumayo ang kanyang ina. Hawak-hawak niya ngayon ang baril na itinago nila sa ilalim ng mga damit.
“TUMAKBO KA CYRAN!” sigaw ng kanyang ina.
Pumutok ang baril.