Mahimbing ang tulog ni Cyran. Nang gabing iyon ay napanaginipan niya muli ang babae sa kanyang panaginip. Hindi niya alam o hindi niya maitindihan kung nasaan silang dalawa ngayon. Pareho silang napapaligiran ngayon ng kadiliman o siguro ay makapal at itim na usok. May isang dipa silang pagitan sa isa’t-isa. Walang ibang nakikita ang binata kundi tanging ang dalaga lamang. Ang dalaga at ang dalaga lamang ang nakikita ng kanyang paniningin at wala ng iba.
Nababahala ngayon ang binata dahil sa unang pagkakataon ay nakikita niyang lumuluha ng dugo ang dalaga. Pagod na pagod ang itsura niya ngayon at nanghihina. Tila ba’y nawala ang kagandahan ng kanyang mukha dahil sa kirot at kalungkutan na nararamdaman niya ngayon. Malalim ang kanyang paghinga at hindi niya mawari kung uhaw ba siya o kinukulang sa hangin. Hindi niya alam kung paano pero nararamdam ni Cyran ang kalungkutan na dinaranas ng babae. Mabigat ang pakiramdam na ito na may halong desperasiyon at takot. Para bang may isang mabigat na bagay na pumatong sa kanyang mga balikat na hindi niya kayang buhatin. Katumbas ito ng pagkawala ng isang mahal sa buhay o ang paglimot sa memorya ng kaligayahan. Hindi niya alam kung bakit pero nararamdaman niyang konektado siya sa kanya. Sa bawat minuto na lumilipas ay hindi niya magawang makawala sa emosiyon ng babae. Maya-maya pa ay may tumulong luha sa mga mata ni Cyran.
“Tulungan mo ako,” pagmamakaawa ni Tris.
“Paano?” tanong naman ni Cyran. “Anong nangyayari sa’yo?”
Gusto niyang tulungan ang babae pero saan siya magsisimula? Anong klaseng tulong ang magagawa niya?
“Hanapin mo ako pakiusap,” naiiyak na sambit ng dalaga. “Nararamdaman ko malapit ka na sa akin.”
“Anong pangalan mo?” agad na tanong ni Cyran.
“Tris,” madaling sagot ng dalaga.
Inabot niya ang kanyang kanang kamay kay Cyran.
“Ako si Cyran,” wika naman ng binata. “Pangako hahanapin kita.”
Pagkatapos ay inabot naman ni Cyran ang kamay ni Tris. Hanggang magtagpo ang kanilang mga kamay.
Dito na nagising ang binata.
Sa pagmulat ng mga mata ni Cyran ay napansin niyang nasa isang malambot siyang kama. Nararamdaman niya ang kirot sa sugat sa kanyang balikat. Tumingin sa rito at napansin niyang may benda na ang kanyang sugat. Ganoon rin ang buong katawan niya basang-basa ng pawis. Wala na siyang anumang suot na damit pang-itaas. Nakita niya na may pumapatis pa rin na dugo rito. Nakaramdam siya ng pagkahilo kasabay ang pagkagutom. Hindi niya alam ngayon kung umaga ba o gabi na. Hindi niya alam kung gaano na siya katagal natutulog. Napansin niya rin ang mga luha sa kanyang mga mata.
Bumangon siya nang dahan-dahan.
Agad niyang nakita ang isang lalaki sa kanyang harapan na siguro ay nasa kuwarenta anyos o higit pa para kay Cyran. Hindi payat at hindi rin mataba ang lalaki. Pahaba ang kanyang mukha. Makapal ang buhaghag niyang buhok at medyo manipis ang kanyang mga kilay. Medyo singkit ang kanyang mga mata at kapansin-pansin na kumakapal na ang katarata sa mga ito. Lumalaglag na rin ang kanyang eye bags dahil siguro sa pagpupuyat o pagtanda. Higit sa maputla ang kompeksiyon dahil maputla siya. May balbas siya ngunit walang bigote. Unti-unti na rin itong nagiging kulay abo na hindi kalauna’y magiging kulay puti. Magkagayunman ay maaliwalas ang mukha ng lalaking ito para kay Cyran. Siguro ay noong kabataan niya ay masasabi niyang kaakit-akit ang lalaking nasa harapan niya ngayon.
Nakasuot siya ng isang puting t-shirt na sa tinagal ng panahon ay unti-unti na itong nagiging dilaw. Pagkatapos ay isang kupas na asul na pantalon at kulay itim na tsinelas. Nakaupo siya sa isang silya habang may hawak na isang kahoy na tungkod. Makintab at kulay itim na tila’y nakalimutan na ng panahon. Ang hawakan nito ay inukit sa ulo ng kabayo. Hindi pamilyar si Cyran sa ganitong hayop at hindi niya mapigilan na titigan ang tungkod. Katabi niya ngayon ang isang lamesa na may nakapatong na lampara at isang hiwa ng tinapay. Habang sa kaliwa nito ay isang metal na pinto. Kumalam ang sikmura niya habang pinagmamasdan niya ang tinapay sa lamesa.
“Kamusta na ang pakiramdam mo?” malumanay na tanong ng lalaki sa kanya.
“Nasaan ako?” tanong ng binata.
Sa pagmamasid ni Cyran ay nasa isang silid sila ngayon na gawa sa konkreto. Walang anumang pintura ang silid na ito habang ang tinatapakan naman niya ay isang maruming sahig. Punong-puno ng alikabok at lupa ang sahig na gawa sa mga tile. Kahit ang kama na hinihigaan niya ay marumi at luma na.
“Gusto mo bang kumain muna?” tanong muli ng lalaki.
Napalunok si Cyran ng maalala niya muli ang isang piraso ng tinapay sa lamesa.
Tumayo ang matanda at kinuha niya ang tinapay sa lamesa. Pagkatapos ay lumakad siya ng marahan gamit ang tungkod sa kanyang balanse. Paika-ika ang paglakad ng lalaki. Hindi niya masyadong itinituon ang kanyang kanang paa sa sahig. Nang makalapit siya ay sinunggaban naman ni Cyran ang tinapay at agad niya itong kinagat. Matigas ang tinapay at medyo may pait ito ng bahagya pero dahil sa matinding gutom nararamdaman niya ay hindi na ito mahalaga. Ang mahalaga ay ang mabusog siya ngayon. Hindi nakakaramdam ng takot si Cyran sa matandang lalaki. Kung sasaktan man siya nito ay marahil ay ginawa na niya noong tulog pa siya. Saka naniniwala siya na walang masamang tao ang nagaalok ng pagkain sa isang taong hindi niya kilala.
Ngumiti ang matanda sa kanya. “Ako nga pala si Eli.”
“Cyran po ang pangalan ko,” pagpapakilala ng binata.
“Anong nangyari sa’yo?” nagaalalang tanong ng matanda.
“May tatlong lalaking pumunta sa aming kuweba at isa sa kanila ang binaril ako,” nanginginig na sambit ng binata.
Dito na naalala ni Cyran ang kanyang ina. Agad niyang nabitawan ang tinapay na kinakain niya. Kasabay nito ang luha na pumatak sa kanyang mga mata. Hindi niya alam kung buhay pa ba ang kanyang ina o hindi na. Isipin pa lang niya na wala na ang kanyang ina ay nakapanghihina na sa kanyang kalamnan.
“Kailangan kong bumalik sa nanay ko,” agad na sinabi ni Cyran.
“Hind ko mapapahintulutan ‘yan sa ngayon Cyran,” malumanay na paliwang ni Eli. “Lalo na sa ngayon na ang kaligtasan mo ang mas mahalaga.”
“Nasaan ako?” tanong muli niya.
“Nandito ka ngayon sa siyudad ng Magwayen,” madaling sagot ng matanda.
“Pero kailangan ko siyang makita,” humihikbing sagot ng binata. “Gusto ko siyang makita. Kailangan kong bumalik sa bundok!”
Tumakbo si Cyran papunta sa pinto sa kaliwa. Walang makakapag-utos sa kanya sa mga bagay na gusto niyang gawin lalo na kung tungkol ito sa kanyang ina.
Lumakad ang matanda upang harangan ang pintuan. “Makinig ka muna sa’kin Cyran, pakiusap.”
Walang isang saglit ay nakarating si Cyran sa harapan ni Eli at ngayon ay sinusubukan niyang abutin ang hawakan ng pinto.
“Paraanin mo ako!” sigaw ng binata habang itinutulak niya si Eli.
“Makinig ka muna!” sigaw naman ni Eli.
Itinulak niya si Cyran sa kanyang kaliwang didbdib. Dito ay nakaramdam ang binata ng isang malakas na puwersa sa kanyang dibdib at wala siyang nagawa kundi ang matumba papunta sa lupa. Nabigla siya kung gaano kalakas anga pagtulak sa kanya ni Eli dahilan upang maramdaman niya muli ang kirot sa kanyang sugat.
Nagkaroon ng katahimikan sa pagitan nila.
“Naitindihan kita pero siguradong papatayin ka ng mga tao sa labas oras na makita nila ang marka sa likod mo,” mataas na pagkumbinsi ni Eli.
“Anong kasalanan ko sa kanila?” naguguluhang tanong ng binata. “Bakit nila ginagawa ito sa amin?”
Kumumot ang noo ni Eli na parang hindi siya makapaniwala sa kanyanga narinig.
“Hindi mo alam ‘no?” tanong niya kay Cyran. “Hindi mo alam kung bakit matagal na panahon kayong nagtatago sa bundok?”
“Sabi ni Nanay delikado ang mga tao rito para sa amin,” agad na sagot ni Cyran.
Tuminigin ang matanda sa mga mata niya. “Tama, pero alam mo ba kung bakit?”
Umiling si Cyran dahil hindi niya alam kung bakit. Ang tanging alam lang niya ay dito sa lugar na ito pinapanganak ang mga subhuman. Gusto niya sanang sabihin ito sa matanda pero nag alangan siya.
Huminga ng malalim si Eli. Hindi niya alam kung paano niya tatanggapin ang kasunod niyang sasabihin pero kailangana niyang malaman ngayon ang totoo.
“Isa kang Jinzo,” dahan-dahang sambit ng matanda.
Nanlaki ang mga mata ni Cyran. “Anong sinabi mo?”
Huminto ang mga luha niya dahil may takot siyang nararamdaman ngayon para sa kanyang sarili. Kung totoo man ang narinig niya, paanong nagawa ni Sariah na itago ang mahalagang impormasiyon sa katauhan niya? Pero itinago ba talaga? Kahit kailan ay hindi nagsinungaling si Sariah sa kanya. Kung may mga bagay man na gusto niyang malaman na sa tingin ni Sariah ay hindi pa dapat ay ipinagpapaliban niya ito. Sinasabi na lamang niya na sa takdang panahon ay malalaman niya ang lahat. Pero bakit naman niya itinago ang isang importanteng katotohanan na isa siyang Jinzo?
“Isa kang Jinzo, Cyran. Ito ang dahilan kung bakit ka itinitago ng Nanay mo sa mga tao,” paliwanag muli ni Eli.
“Pero papaano? Isa akong normal, walang mali sa akin,” depensa ni Cyran para sa kanyang sarili.
Ipinatong ni Eli ang kanyang tungkod sa lamesa. “Tama ka Cyran, walang mali sa’yo.”
Pagkatapos ay hinubad ni Eli ang kanyang suot na t-shirt. Tumalikod siya kay Cyran. Agad namang nakita ng binata ang bilog na simbolo na nakatatak sa ilalim ng kanyang batok. Ito ang simbolo ng Jinzo na parehong-pareho sa simbolo na mayroon si Cyran. Ang kaibahan lang ay naliligiran ng makakapal na peklat ang paligid ng simbolo kay Eli. Para bang pinaso o sinunog ang balat niya hanggang sa humupa at gumaling ito.
“Walang mali sa’tin Cyran,” mahinahong sambit ni Eli. “Ang mga tao lang ang nagsasabing mali tayo dahil sa kapangyarihan na tinataglay natin.”
“Takot sila sa atin kaya sinasabi nilang mali tayo.”
Pagkatapos ay itinaas niya ang kanyang kamay. Kasabay nito ang pag-angat ng lamesa, upuan at tungkod mula sa lupa. Maging ang tinapay at ang kama sa likuran ni Cyran ay umangat rin na tila ba’y nakasabit sa hangin. Ito ang unang pagkakataon na masilayan ng binata ang ganitong klaseng pangyayari. Ang ganitong klase ng kapangyarihan. Hindi niya mapigilan ang sarili niya na mamangha kasabay ng takot sa lalaking nasa harapan niya.
Buong buhay niyang kinamumuhian ang mga subuman dahil sinisisi niya ang mga ito sa pagbabago at paghihirap ng mundo. Sinisisi niya sila dahil ngayon ay marami siyang mga bagay na hindi na niya nasilayan. Dahil sa kanila ay kinakailangang bumaba ng kanyang ina sa bundok upang magnakaw ng makakain nila sa mga panahon ng Advent Season. Namumuo ngayon ang galit sa sarili niya ngayong unti-unti na niyang natatanggap ang reyalidad na isa siyang Jinzo. Paano niya tatanggapin ang ganitong katotohanan ngayon?
“Pero wala akong kapangyarihan ng katulad sa’yo,” sambit niya.
“Dahil hindi mo pa ito ginagamit Cyran,” sagot naman ni Eli. “Ito ang dahilan kung bakit hindi mo puwedeng sayangin ang buhay mo ngayon.”
Ibinaba na ni Eli ang kanyang kamay at dito ay sabay-sabay nagbagsakan lahat ang mga bagay na naglutang kanina.
“Pero hindi ko alam kung buhay pa ba ang nanay ko,” humihikbing sambit niya.
Masakit man sa kanyang kalooban na sabihin ito ay ginawa upang kahit papaano ay maitindihan siya ni Eli.
“Ipagpalagay nating patay na siya ngayon,” punto ng matanda. “Sa tingin mo ba gugustuhin niya na mamatay ka rin?”
“Kung isa naman akong panganib sa mga tao, bakit kailangan ko pang mabuhay?” tanong naman ni Cyran.
“Gusto mo bang sayangin ang pinaghirapan ng nanay mo upang maprotektahan ka lang?” dagdag niya.
Alam ni Cyran ang lahat ng kasagutan sa mga katanungan niya. Buong buhay ni Cyran ay minahal siya ng sarili niyang ina. Mas tumindi pa ang kahulugan nito lalo ngayon at nalaman na niyang isa pala siyang Jinzo. Paano niya nagawang mahalin at tanggapin ang isang katulad niya kung panganib siya sa sangkatauhan? Bukod rito ay naguguluhan siya para sa kanyang sarili. Kung ang isang katulad niya ay dapat mamatay sa mundong ito ay ano ang tadhana na naghihintay para sa kanya na gusto pang mabuhay at maging masaya?
“Ano ang dapat kong gawin?” umiiyak na tanong ni Cyran.
“Sa ngayon ay kailangan mong magpahinga at magpalakas,” agad na wika ng matanda. “Pero bago ang lahat ay kailangan kong malaman ang natatandaan mo.”
“Natatandaan mo pa ba ang itsura ng mga taong bumaril sa’yo?” nagaalalang tanong ng matanda.
Pinilit alalahanin ni Cyran ang tatlong lalaki na nakita niya. Masyadong malayo siya mga lalaki sa mga oras na iyon upang maalala nang detalye ang kanilang mga mukha. Pero kahit papaano namanay naaalala niya ang kanilang anyo.
“Tatlo sila. May isang matanda na lalaki. Mahaba ang balbas niya at bigote,” wika ni Cyran habang nakatulala. “Ang isa naman ay kalbo at mataba. Hindi ko na maalala ang isa.”
“Sorry, pero ito lang ang naalala ko sa kanila.”
“Ayos lang ‘yan Cyran. Ang mahalaga ay naalala mo sila,” mahinahong sagot naman ng matanda.
“Kailangan nating lumabas rito. May ipapakita ako,” utos niya.
Yumuko siya at kinuha niya ang kanyang t-shirt sa sahig. Dito pa lang napansin ni Cyran na kahit medyo may katandaan na si Eli ay nakahubog pa rin ang matikas niyang pangangatawan. Madali nitong sinuot ang kanyang damit. Kinuha naman niya ang kanyang tungkod at lumakad siya papalapit sa binata. Iniabot niya ang kanyang kanang kamay sa nakalugmok na binata.
“Saan tayo pupunta?” nagaalalang tanong ni Cyran.
“Gusto kong magtiwala ka sa’kin,” sagot naman ni Eli.
Walang ilang sandali ay iniabot ni Cyran ang kamay ng matanda. Bumangon siya kasama si Eli.