Fern Araojo
NAPAHALUKIPKIP si Madam sa akin at napaayos ng upo para sindihan ang sigarilyo niya. Ang nangyari kagabi ay alam kong malaking gulo at kahihiyan iyun sa kanya at club na ito. Akala ko makakalusot ako, pero hindi ko alam na ganun pala nakametikuluso si Rivenom Buenavista na mapapansin niya kaming babae.
“Alam mo ba ang ginawa mo?” seryoso niyang sambit kaya nakaramdam na ako ng tensyon ang bigat doon. Tila ba kay bigat ng aking kasalanan, pero siguro nga. “Kagabi ang huling gabi ni Mr. Buenavista sa atin dahil magpo-propose na siya sa nobya niya. At anong ginawa mo? At kaarawan pa ng batang Vargaz.”
Napakagat ako ng pang-ibabang labi.
“Pasensya na ho…”
“Pinagbigyan na kita, Fern!” napatalon ako sa bulyaw niya sa akin. Napayuko at tinatanggap ang kamalian ko. “Gusto mong mapabilang sa bachelor’s strippers pero ganyan ang gagawin mo sa unang gabi ng trabaho mo bilang VIP?”
Mariin akong napapikit.
“I was planning to include you because you wanted this so much. Pero pumalpak ka Fern, sa mga bigating tao pa. Hindi ko kailangang isama mo yang emosyon mo at nararamdamang paghanga kay Malcom Vargaz para mapahiya ako sa mga clients ko.”
Uminit ang pisngi ko at binalot ng hiya.
“Do you really like Malcom Vargaz? Or was it your excuse, Fern?” makahulugan niyang usal at napaangat ako ng tingin dito.
Seryosong natama ang mga mata namin at tila ba may alam siyang ginagawa ko sa likod ng kanyang trabaho rito bilang Madam naming mga babae.
“Ginagamit mo lang ba ang aking posisyon dito para makuha ang gusto mo?” tinaasan niya ako ng isang kilay.
Napailing ako dahil hindi totoo yan.
“Madam, nandito ako dahil ito lang ang alam kong kaya kong gawin. Nagtatrabaho ako rito para mapag-aral yung kapatid ko at ma-enrol siya sa magandang paaralan. Para hindi siya maging katulad ko,” paliwanag ko sa kanya na walang halong pagbibiro o kaplastikan sa mga sinabi ko. “Kung may alam lang ako, kung professional ako. Sana wala ako rito.”
“You can work as a waitress, marami pa riyang ibang trabaho, Fern. But you are using this club to have a connection with these elite people! Para ano? Makapangasawa ng mayaman? Tingin mo papatulan nila ang mga katulad natin?”
Hindi ako nakaimik at nakatitig lang sa kanya. Napatayo ito at tinikom ang mga labi na nilabanan ang titig ko.
"O may iba ka pang rason?” sa paraan ng pagkakasabi niyang yun ay tila ba marami siyang nalalaman.
“Kailangan ko ho ng trabaho, kailangan namin ni Mikay ng pera,” mahina kong sambit. “Gusto kong maging VIP stripper. Pangako, iyun na ang huling beses na papalpak ako. Binigyan niyo na ako ng pangalan, Madam Marigold. Ibigay niyo na ito sa akin,” pakiusap ko sa kanya.
Mataman niya akong tinignan at sinipsip ang sigarilyo tsaka napagkawala ng buntong hininga kasabay ang paglabas ng usok. Napangisi ako at malambing siyang tinignan. Pero nanatili ang lamig ng mukha at mga mata niya.
INABUTAN KO si Mikay ng pera pagkauwi ko ng nirerentahan naming maliit na kuwarto. Nahihiya itong napangiti sa akin at binilang ang pera na para sa kanya.
“Salamat, Ate Fern!” Pinakita niya ang pera tsaka maingat iyung nilagay sa wallet niya. “Kapag ako nakapagtapos ng hayskul, magtatrabaho na ako para makatulong sayo at sa pagbabayad ng mga bills natin sa bahay. Ipasok mo ako ate sa bar.”
Nawala ang ngiti sa labi ko at nanuyo ang lalamunan. Pabagsak akong umupo sa maliit na silya at tinaas ang isang paa tsaka siya pinaupo sa harapan ko.
“Mag-aral kana lang Mikay. Magtapos ka ng college at maghanap ng magandang trabaho.” Umiwas ako ng tingin at nahihirapang lumunok. Nagsimula na ako sa pag-abala sa sarili na kumain ng hapunan.
Suot pa niya ang uniporme niya.
“Sasayaw na lang ako, hindi naman ako matalino.”
Napatikom ako ng labi, linya ko iyan noon at hindi ko alam na nakakairita pa lang marinig ang salitang yan ngayon. Ngayon ay ayokong gayahin niya. Magpupursigi ako, gagapang para mapagtapos siya. Kaya kong gawin iyun, huwag lang siyang matulad sa akin.
“Gaga ka ba? Kaya nag-aaral ka diba para magkalaman yang utak mo. Siraulo ka talagang bata ka! Mag-aral ka!” sita ko sa kanya kaya sumimangot ito at nagsimulang kumuha ng pagkain para ilagay sa plato niya. “Alam mo ba ang trabaho ko?”
“Oo! Sayaw-sayaw tas konting hubad-hubad. Uupo ka lang sa hita ng lalaki tapos konting giling. Tapos may pera kana!” tuwang tuwa pa nitong sagot.
Seryoso at may kalamigan ko itong tinignan. Naglaho ang ngiti sa labi niya ng mapansin na hindi ko nagustuhan ang pagbibiro nito.
“Hindi ako nagtatrabaho rito para maging katulad mo lang ako.” Umiwas ako ng tingin at nagsimulang kumain, kahit may bara sa lalamunan ko. “Alam mo namang hindi ako nakapagtapos ng kolehiyo. Alam mo rin kung ano lang ang tingin ng tao sa akin.”
“Sorry, ate. Nagbibiro lang naman ako.” Pilit siyang ngumiti para mawala ang inis ko rito. Inirapan ko lang siya at nagpatuloy na sa pagkain ng hapunan. “Hindi ko gagawin ang ayaw mo. Kahit hindi tayo totoong magkapatid, mahal na mahal kita.” Matamis niya akong nginitian.
Hindi kami magkamukha ni Mikay. Morena siya at ako ay hindi, pareho lang ang tangkad namin. Ang katawan niya ay mas matured kung titignan at ikukumpara sa akin. May kaliitan at petite akong babae. Pero mabuti na lang ay maganda ang kutis ko at makinis, napagkakakitaan kahit papano. Mahirap na kung wala na nga akong pinag-aralan, gipit na sa buhay tapos wala pang ganda.
Makapagtapos lang siya, mangyari ang mga gusto niya sa buhay. Ayos na ako roon. Hindi na ako nangangarap pa ng higit. Eto ang simpleng pangarap ko sa buhay, ang aking kapatid… hindi man sa dugo.
MASUWERTE AT tinanggap ako muli ni Madam Marigold na magtrabaho hindi lang bilang stripper. Kundi mapabilang sa matagal ko ng pangarap na grupo. Sa ganung paraan ay mas madali na para sa akin pasukin ang mundo ng mga mayayaman. Pasukin ang mundo nila… at kumita ng malaking pera.
“Sino ang mga iyan, Ate?” sumiksik si Mikay sa aking upuan at tinitignan ang larawang hawak ko. Mabilis ko iyung tinago ngunit nahabot na niya at nakangiting tinitigan ang mga yun. “Ang guguwapo naman nila! Mukhang lumang larawan na ito. Sino ang mga lalaking ito?” pag-uusisa niya at kinikilig akong tinapunan ng tingin na tila.
“Gaga! Mga matatanda na yan!” agaw ko sa kanya ng larawan. “Bata pa sila rito nung kinuha ang larawang ito.”
Napasinghap siya.
“Matanda ang gusto mo ate?”
Napangis ako at hindi na lang siya sinagot. Tumayo na at inayos ang lamesa para makapaghapunan na kami at makapasok na rin ako sa trabaho.
“Kung ganun may mga asawa na yan. Dapat mas mag-ingat ka, Ate. Ilang beses kanang napahamak dahil sa trabaho mong iyan. Tsaka, akala ko ba bachelor’s stripper kana? Dapat walang mga asawa yun diba?” mahabang sambit nito habang naglalagay ng plato sa lamesa.
Napanguso ako at hindi na lamang umimik pa.
NUNG MAGSIMULA na ang gabi ko bilang ganap na stripper ay nagsimula na rin makilala ako bilang Lilac sa bar. Hanggang sa tumagal at kahit papaano ay nakakadalo na ako sa mga pagtitipon ng mga prestihiyosong tao sa syudad. Ang pagdikit sa mga mayayamang bachelor ang nagdala sa akin doon.
“Fern, she is my date tonight.” Pakilala sa akin ng isa sa mga naging clients ko sa bar. Dinaluhan ako ng mga iilang bisita para makilala. “We met in a bar,” tanging sambit nito habang hawak ako sa baywang. Nginitian ko sila at sinuyod ng tingin ang mga bisita.
Akala ko ba dadalo ang mga Vargaz? Bakit wala naman sila ngayon?
“Okaaay…” ani ng matanda at bahagyang natawa. “Are you a college student iha?” she smiled sweetly at me.
“Opo! Student po,” pagsisinungaling ko.
“I see, you really look young. Anong kurso mo kung ganun?”
Napaayos ako ng tindig nung makita ang panganay na Vargaz na pumasok mag-isa at agad dinaluhan ng maraming bisita. Kahit isa sa mga kumakausap sa akin ay umalis para puntahan ang bagong dating.
“Malcom Vargaz is here!” masayang pahayag ng matanda at pinagsiklop ang dalawang palad tsaka nagmamadaling nilapitan ito.
Naiwan ako kasama ang date kong lalaki.
“Malcom Vargaz. Anak nina Nicholas at Gianna Vargz,” sambit nito at mas lumapit sa akin. “May dugong Ferrier, isa sa pinakamayaman sa bansa ang pamilyang Ferrier. Her mother came from a very wealthy family. Plus, the father also established a name at a young age.”
Napalunok ako at hindi na siguro maitago ang pagliwanag sa aking mukha at ngiti.
“Hindi ka papatulan niya.” Bitter nitong pahayag.
Mabilis ko siyang hinarap at hinaplos sa dibdib.
“Ano bang sinasabi mo. Hindi ko type yan, ikaw ang gusto ko.” Malambing ko siyang tinignan habang hinahawakan ang dibdib niya. Napakagat ito ng labi at bumagsak ang tingin sa aking labi.
Lihim kong sinulyapan ang gawi ni Malcom na sobrang pormal ng suot at ayos. Pati galaw ay tila kalkulado, maski ngiti na ibibigay ay para bang mahal at kailangang paghirapan. Ang galaw ng mga kamay ay parang robot, hindi ko alam. Sobrang tipid ng galaw at nasa ayos. Sabagay, lahat ng mga tao rito sa party ay parang mga robot. Bawat galaw ay kalkulado, hindi ako sanay ng ganito.
“Hindi ba tayo babati sa kanya?”
Kumunot ang nuo ng kasama ko at malamig akong tinignan. Napanguso lang ako at sumimsim sa wineglass ko. Sayang naman, nandito na ako. Ang hirap lapitan ni Malcom, madaming taong nakapalibot sa kanya.