Kabanata 4: Changed
Pavian's POV
NASA LABAS siya ng pintuan ng klinika ni Doktora Nerissa habang ginagamot si Onyx. Nanginginig ang kaniyang mga kamay sa pangamba. Natatakot siya sa puwedeng mangyari. Ayaw niyang may namamatay habang kasama siya dahil pakiramdam niya sa kaniyang sarili na wala siyang silbi at mahina. Hindi niya napigilang lumuha sa takot.
“Kung sana’y napaaga ako ng gising ay maagapan ko pa siya. . .” usal niya habang lumuluha. Napatingin din siya sa mga galos at tuyong dugo sa kaniyang balat. Ni-hindi nga niya ininda ang mga ‘yon dahil ang mas mahalaga’y nailigtas niya si Onyx mula sa kapahamakan. Nais din naman niyang makabawi rito katulad din ng ginawa nito sa kaniyang paglitas at pagkupkop sa mga panahong mahina siya at walang laban sa buhay. Napayukom siya ng kaniyang mga kamao dahil hanggang ngayon pa ba’y mahina pa rin siya.
Naramdaman niyang humawak sa kaniyang balikat at awtomatiko siyang napalingo do’n at nakita niya ang magandang mukha ni Doktora Nerissa. “Pavian, halika sa loob. Gagamutin ko pa’ng mga sugat mo.”
Tumango naman siya at tumayo na rin. Nakakahiya naman at nagambala niya ito dahil mukhang magpapahinga na ito ngunit pinagbigyan pa rin sila ng oras. Ipinaupo siya nito sa isang silya.
“Baka po marumihan ko ang upuan kahit tumayo na lang po ‘ko,” usal niya na ikinahagikhik naman nito.
“Huwag kang mahiya, Pavian. Hindi naman ako nang-aaway kapag narurumihan ang aking upuan. Simpleng bagay na puwede namang linisan kaysa daanin sa away,” saad nito.
Namula naman ang kaniyang mukha at umupo na lang. May kinalikot din ito mula sa isang magandang lalagyan na kulay pilak at nakita niya ang mga panglinis ng sugat. Lumapit ito sa kaniya at lumuhod dahil ang mga galos niya ay mas malala sa tuhod at binti. Kitang-kita niya ang ganda nito.
“Napakatapang mo talaga, Pavian. Kahanga-kahanga ka dahil iniligtas mo si Onyx sa oras ng trahedya. Mabuti na lang ay naidala mo siya rito para malunasan ang kaniyang sugat at matahi dahil baka kung hindi mo siya iniligtas ay baka nasunog na siya nang buhay do’n.”
Natigilan naman siya dahil do’n. Sa unang pagkakataon ay may pumuri sa kaniya at sinabihan din siyang matapang. Lumakas ang kabog ng kaniyang puso habang nakatitig dito.
“Matapang?” usal niya at nag-angat ito nang tingin sabay ngiti.
“Oo, napakatapang mo. Kung iba nga lang ‘yon ay baka iniligtas na lang ang sarili mula sa gano’ng trahedya,” sagot nito.
“Hindi ko maaatim na iwanan ang taong nagbigay sa ‘kin ng kalinga. Malaki ang utang na loob ko sa kaniya at kahit buhay ko’y handa kong buwisin basta’t maging ligtas lang siya,” aniya at pumatak ang kaniyang luha. Nagulat naman siya nang haplusin ng malambot nitong mga daliri ang kaniyang pisngi at pinaalis ang luha.
“Napakabuti mo talaga at napakasuwerte nila sa ‘yo. Huwag mong pababain ang tingin mo sa sarili.” Tila nag-iba ang tingin niya rito at lumakas ang kabog ng kaniyang dibdib. Kakatuwang ngayon lamang niya nadama ang gano’ng sensasyon. “May masakit pa ba sa ‘yo?” Sinalat nito ang kaniyang noo na ikinapaso naman niya kung kaya’t umilag siya.
“Wala, ayos lang po ‘ko,” sagot niya at umiwas nang tingin dito. Tumayo na ito at inayos ang mga gamit. Bumalik ulit ang tingin niya at napakagat siya sa kaniyang labi.
‘May sakit na ba siya? Bakit abnormal ang ritmo ng t***k ng kaniyang puso?’
“Puwede ka nang magpahinga sa isang kama rito. Pindutin mo lamang ang buzzer kung kailan ninyo ako,” saad nito. Mas mainam nga na magpahinga siya dahil kung anu-anong nararamdaman niya. Pagod lang ata siya kaya gano’n.
“Maraming salamat po, Doktora Nerissa,” pasasalamat niya na ikinangiti naman nito.
“Nerissa na lang sa tuwing tayong dalawa ang mag-uusap. Huwag ka na magpakapormal sa ‘kin, Pavian. Sige, magpapahinga na muna ako at ikaw din,” pagpapaalam nito at tumango naman siya.
Napalunok na naman siya ng laway at pakiramdam niya ay mahihimatay siya sa sobrang lakas ng kabog ng kaniyang dibdib habang nakatingin sa papalayong pigura nito. Napahawak siya sa kaniyang dibdib.
“Ano ba’ng nangyayari? Bakit ang lakas ng kabog ng aking puso kapag tinitignan ko si Doktora Nerissa? May sakit na rin ba ‘ko at kailangan kong magpakonsulta?” bulong niya sa sarili at parang tangang umiling-iling bago tumayo para magtungo sa bakanteng kama. Nang sumayad ang malambot na katre sa kaniyang likod ay unti-unti siyang nakaramdam ng antok.
“HUH? Ano’ng ipinagsasabi mo r’yan, Bata?” tanong ni Onyx sa kaniya habang nakaupo siya sa tapat ng hinihigaan nito.
“May sakit na rin ata po ‘ko dahil sa sobrang singhot ng usok,” sagot niya na ikinakunot ng noo nito at sinalat ang kaniyang noo.
“Hindi ka naman nilalagnat at galos lamang ang natamo mo. Lagi rin naman may nagsisiga sa ‘tin at bakit mo naman ngayon nadama ‘yan?”
Nagkibit-balikat naman siya dahil wala rin siyang alam sa nangyayari sa kaniyang katawan. Naalala niya sa tuwing nakikita lamang niya ang magandang ngiti ni Doktora Nerissa kumakabog nang mabilis ang kaniyang puso. Baka naman matulungan siya nito sa kaniyang problema.
“Basta na lang po lumalakas ang kabog ng aking dibdib sa tuwing nakikita ko po ang ngiti ni Doktora Nerissa. Abnormal na po ba ‘ko? Kailangan ko na rin bang magpaopera?” tanong niya at napatitig naman sa kaniya ito bago bumunghalit ng tawa hanggang sa kumirot ang sugat nito pero kahit gano’n ay tumatawa pa rin. May nasabi ba siyang nakakatawa? Seryoso naman siya sa kaniyang sinasabi. “Bakit ka naman po natatawa?”
“Seryoso? Pavian, ikaw ba ‘yan? Pasensiya na kung natawa ako pero hindi ko talaga mapigilan ang aking sarili,” sagot nito at nagpahid ng luha sa mga mata sa kakatawa.
“Ako naman po talaga ito. Kinakabahan na po talaga ‘ko kung ano po’ng nangyayari sa ‘kin. May malubha na po ba ‘kong sakit?” natatakot niyang turan.
“Nerissa, paki-tignan naman itong bata ko. Mukhang nagbibinata na,” tawag pansin nito kay Doktora Nerissa na may sinusulat at awtomatiko namang napatingin ito sa kaniya.
“Huh? Ano’ng nararamdaman mo ba, Pavian? Sabihin mo para malunasan ko agad,” saad nito na ikinatawa naman ni Onyx.
“Sabihin mo na kung ano’ng nararamdaman mo, Bata. Para mabigyan ka agad ng gamot ni Nerissa,” segunda ni Onyx at tumango naman bilang pagsang-ayon si Doktora Nerissa.
“Oo nga, Pavian. Kailangan kong malaman ang nararamdaman mo para mabigyan kita agad ng gamot.”
Sa hindi niya mawaring dahilan ay parang kinabahan ako habang nakatingin sa kaniya si Doktora Nerissa. Bigla na namang lumakas ang kabog ng dibdib niya.
“Ah. . . eh. . .” usal niya na ikinatawa naman ni Onyx.
“Ako na lang ang magsasalita para sa bata ko. Sa tuwing nakikita ka raw niya mas lalo na ang ‘yong mga ngiti ay lumalakas ang kabog ng kaniyang dibdib,” saad nito na ikinamaang naman ni Doktora Nerissa habang nakatingin sa kaniya. Napayuko siya at napakagat sa labi dahil kinakabahan siya.
“Pavian, gano’n ba’ng nararamdaman mo?” mahinang tanong nito na ikinatango niya. Biglang sumipol naman si Onyx.
“Mag-usap na muna kayong dalawa. Binata ka na, Bata. Huwag kang mag-alala dahil hindi malala ang karamdaman mo,” saad ni Onyx na ikinakamot niya naman sa kaniyang ulo.
“Pavian, mag-usap muna tayong dalawa sa labas,” anyaya ni Doktora Nerissa at tumango naman siya. Tumayo na ito at lumabas ng silid.
“Sundan mo na siya, Bata. Buhay pa naman ako kaya’t huwag mo ‘kong alalahanin,” singit ni Onyx. Napabuntonghininga naman siya at sinunod na lamang ito.
Pagkalabas niya ng silid ay iminuwestra ni Doktora Nerissa na magtungo sila sa opisina nito. Sumunod naman siya at pansin naman niya ang pamumula ng mga pisngi nito na ikinakunot naman ng kaniyang noo.
“Maupo ka muna, Pavian.” Umupo rin naman siya at tumikhim naman ito bago naupo rin. Pansin niya ang pagiging balisa nito.
“Ano’ng nangyayari sa inyo, Doktora Nerissa?” tanong niya.
“Wala naman. . . Hindi ko lamang inakala na gano’n pala ang nararamdaman mo sa ‘kin. Hindi ba’t sinabi ko na rin sa ‘yo na tawagin mo lang akong Nerissa sa tuwing magkasama tayong dalawa,” sagot nito na ikinakamot naman niya sa kaniyang ulo.
“Ah. . . Eh. . . Hindi ko rin naman po alam ang tungkol do’n kaya’t nagtanong po ‘ko kay Onyx at ang sabi naman niya po sa ‘kin na magsabi sa inyo ng aking nararamdaman.”
Kitang-kita niya ang pagkagat nito sa labi at ang mas pagpula ng mga pisngi nito. Halatang-halata kasi lalo na’t maputi ito. Umayos din siya ng upo dahil pakiramdam niya ay matatae siya na ‘di mawari.
“Ang hirap sa totoo lang na pigilan ang nararamdaman ko ngayon, Pavian.” Napakunot naman ang kaniyang noo sa sinabi nito.
“Bakit? Ano po ba’ng nararamdaman niyo?” tanong niya.
“Gusto kong kiligin. . .” sagot niya na ikinamaang naman niya. Biglang lumakas ang kabog ng kaniyang dibdib habang nakatingin dito. Nakakapanibago ang nararamdaman niya at hindi niya maintindigan ang sarili. Nagulat naman siya nang lumapit ito at kinuha ang kaniyang kamay sabay lapat no’n sa dibdib nito na ikinamula naman ng mukha niya.
“Nararamdaman mo rin ba ‘yan, Pavian. Lumalakas din ba ang kabog ng ‘yong dibdib?” mahinang tanong nito habang nakatitig sa kaniya. Tumango naman siya na ikinangiti naman nito.
“Doktora, may sakit ka rin po ba?” tanong niya na ikinahagikhik naman nito.
“Wala tayong sakit, Pavian. Tawagin mo ‘kong Nerissa simula ngayon. Akala ko pa nama’y ako lang ang nakakaramdam pati rin pala ikaw,” sagot nito.
“Hindi ko pa rin po maintindihan. Naninibago po kasi ako,” saad niya at hinimas naman nito ang kaniyang pisngi.
“Ang tawag d’yan ay paghanga. May crush ka sa isang babae. Gusto mo ba ‘ko, Pavian?” tanong nito.
‘Gusto niya ba si Doktora Nerissa? Marahil ay oo dahil may paghanga siya rito. Sino ba’ng hindi hahanga sa galing nito?’
“Humahanga po ‘ko sa inyo. . .” Nanlaki naman ang kaniyang mga mata nang inilapit nito ang mukha sa kaniya hanggang sa naramdaman niyang naglapat ang kanilang labi. Sa unang pagkakataon ay may nahalikan siyang babae at parang papanawan siya ng ulirat dahil do’n. Mukhang nagbago ang kaniyang pananaw sa unang pagkakataon.