"Wala ka talagang initiative gumalaw!"
"Sana mamatay ka na lang! Bakit ba ako nagkaroon ng kapatid na tulad mo?!"
"Mamatay ka na! Anak ka ng demonyo! Mamatay ka na!"
"Putangina ka! Leche! Peste ka sa buhay ko!"
"Mabuti pa ‘yung iba! Ikaw, napakawalanghiya mo!"
"Walang silbi! Putangina ka! Peste!"
Umalingawngaw lahat ng binatong salita ng kanyang ate sa utak niya. Sumobsub siya sa unan at sumigaw ng walang tinig. Sunod sunod ang pag agos ng luha mula sa mga mata niya. Ang unan ay basa na ng luha niya.
Kailan pa ba ito matatapos? Pagod na pagod na po siya. Pinipilit niyang magpakatatag dahil gusto niyang makaalis sa pamamahay na ito, pero tila ayaw siyang tigilan ng lola niya lalong lalo na ng ate niya.
Ang sakit sa dibdib. Sobrang sikip sa puso. Lahat ng hinanakit niya iniipon niya pagkatapos ay iniiyak tuwing gabi. Palagi na lang bang ganito?
Wala siyang mapagsabihan ng problema. Ang kaisa isang kaibigan na meron siya ay lumuwas sa syudad. Naiwan siya dito sa probinsya, malungkot at wasak.
Palagi niyang hinihingi na sana ay mamatay na siya. Sana ay kunin na siya ng Diyos. Pero ang daya, bakit ayaw dinggin ng panalangin niya?
Dahil ba hindi matibay ang pananampalataya niya? Dahil ba hindi siya nagsisimba?
Gusto na niyang mamatay. Ayaw na niyang mabuhay. Kung sana ay katulad siya ng ibang kabataan na nageenjoy sa buhay at mahal na mahal ng pamilya. Pero ang malas niya! Sobrang malas niya!
Ilang beses na niyang naisipan magpakamatay. Ilang beses niyang gustong maglaslas. Pero parang may pumipigil sa kanya. Para saan pa ba? Hindi siya masaya sa buhay niya. Ang bigat na ng dinadala niya. Pagod na siya.
"Hoy, boba! Gising! Gising!"
Rinig niya ang boses ng ate niya. Naramdaman niya ang paa nito sa ulo niya at niyuyugyog ito. Nakakainsulto, pero wala siyang magawa.
Papungas-pungas na bumangon siya. Namamaga ang mata niya sa sobrang pag-iyak.
"Umiyak ka ba ha?! Napaka-OA mo! Bangon na diyan at aalis kami ni Nanay! Linisin mo ang kwarto ko, dapat wala akong maamoy na mabaho ha! Ano ba?! Ano pang tinutunganga mo diyan?! Galaw na!"
Ilang segundong tumulala siya. Bagong araw na naman, panibagong pakikibaka. Ang sarap matulog palagi, kahit sa tulog man lang ay malimutan niya ang masaklap na nangyayari sa buhay niya.
Paglabas niya ng kwarto, nasa pintuan na ng bahay ang lola at ate niya. Walang paalam na umalis ang mga ito at hindi lumilingon na iniwan siya.
Mag-isa na naman siya sa bahay nila. Ang papa niya ay hindi pa sumisikat ang araw ay umaalis na para sa trabaho. Naghilamos muna siya ng mukha at pagkatapos ay kumain ng almusal.
Okay na rin itong mag-isa siya. Kahit papaano ay nabibigyan siya ng kapayapaan kahit sandali. Pagkatapos niyang maghugas ng plato, maglinis sa kusina, ligpitin ang salas, at linisin ang magulo at maruming kwarto ng ate niya, pagod na humiga siya sa sopa nilang malapit nang mag-retire.
Napatitig siya sa kisame. Dinadalaw na naman siya ng kalungkutan. Bata pa lang sila ay iniwan na sila ng mama para mangibang-bansa. Sa mga oras na iyon ay nagkakalabuan ang mga magulang niya dahil bali-balitang may kabit ang papa niya.
Apat na taong gulang palang siya ng iniwan sila, at pitong taong gulang naman siya noong umuwi ang mama niya. Bumalik naman kaagad ito sa ibang bansa at mula noon hanggang mag onse anyos siya ay wala na silang komunikasyon ng mama.
Noong naglabing-apat na taong gulang na siya ay umuwi uli ang mama niya. Simula noon ay umuuwi na ito sa kanila tuwing natatapos ang kontrata nito sa amo at babalik din kaagad pagkatapos ng dalawang buwan.
Ang trabaho ng papa niya ay laborer ng isang kompanya. Sapat na sana ang kita nito sa pang araw-araw na pangangailangan nila pero halos inuubos naman nito ang pera sa bisyo.
Gayunpaman, mabait ang papa niya sa kanya. Ito lang ang naging mabait sa kanya.
Ang lola niya ay may maliit na negosyo sa palengke. Mga bigas ang binebenta ng lola niya at paminsan-minsan ay nagtitindera siya roon.
At ang ate niya naman ay college na. Criminology ang kursong kinukuha nito. Ang ate niya ang pinakamalupit sa kanya. Sinisigawan, sinasampal, tinatadyakan, at hinahampas siya nito ng kung anong mahawakan nito.
Pinunasan ni Patricia ang nakaalpas na luha sa mata. Suminghot siya. Inaamin niyang may kasalanan din siya, pero alam naman niya kung hanggang saan lang ang limitado niya.
Palaban naman siya at mataray. Marami ngang may ayaw sa kanya kasi masungit daw siya. Hindi naman niya iyong pinagkakaila, pero pagdating sa loob ng bahay nila ay para siyang tuta na bahag ang buntot.
"Tao po! Tao po!"
Sumilip siya sa bintana ng marinig na may tumawag. Laking gulat niya at tuwa ng makita ang kaibigang matagal din niyang hindi nakita. Dali-dali niyang binuksan ang pintuan at nakangiting sinalubong ang bagong dating.
"Pamela!" Tuwang-tuwang tawag niya. "Halika, pasok. Pasok ka, Pamela."
Hindi siya magkamayaw sa pag-asikaso sa tahimik na kaibigan. Pumasok ito sa bahay nila nang hindi hinuhubad ang maruming sapatos. Bumakat ang lupa sa kakalinis niya lang na sahig.
Binalewala niya lang ito at tumabi sa kaibigan.
"Uy, long time no see. Napadalaw ka?" ngiting tanong niya.
Asiwang umusog ito. "Ah, Oo. Kakauwi ko lang last week at naisipan kitang dalawin. Nakalimutan kong wala ka palang cellphone kaya hindi mo alam na nakauwi na pala ako."
"Ganun ba? Pasensya ka na, ha. Kumusta pala sa Davao? Ano, may nabingwit ka bang malaking isda doon?" natatawang biro niya.
"Ano? Ayusin mo nga ‘yang pananalita mo, Patricia. Huwag kang magpahalatang low class ka, ah." Umirap ito sa kanya.
Nasaktan siya sa sinabi ng kaibigan. Mukhang nag bago na ito simula noong makatungtong sa siyudad at nag aral sa pribadong paaralan.
Tiningnan niya ang kabuuan nito. Napakaarte na ng suot nito. Isang maikling palda na maong at naka-tuck-in ang fitted black sando nito na pinatungan ng magandang blazer. Ang sapatos nito na halatang branded ay kulay green na masakit sa mata.
Malayong-malayo ang hitsura nito sa Pamela noon.
Bigla itong tumayo. "Anyway, napabisita lang ako dito para tingnan ang kalagayan mo."
Napangiti siya. Kahit nag bago na ito ay concern pa rin pala ito sa kanya.
"Sa nakikita ko, hindi ka pa rin nagbabago. Isa ka pa ring cheap, low class, at manang manamit. I can't imagine na nasikmura kitang kaibiganin! Oh well, worth it naman kasi ikaw ang source of answer ko. May pakinabang ka pa rin."
Nawala ang ngiti niya. Hindi siya nakapagsalita.
"Aalis na ako, pumunta lang ako dito para alamin kung kalait lait ka pa rin ba. A piece of advice dear, kung hindi mo kayang baguhin ang buhay mo at forever ka na lang ganyan, mas better na magpakamatay ka na lang."