Ang mundo ay mahiwaga. Hindi natin alam kung anong nangyayari sa iba o kung anong iniisip ng isang tao. Bagamat maayos ang pakikitungo mo sa iba, hindi ibig sabihin na maayos din ang magiging pakikitungo nila sa iyo.
May mga tao talagang kahit pinakitaan mo na nga ng kabutihan, susuklian ka pa rin ng kasamaan. Pero hindi ibig sabihin nito ay gagayahin mo kung anong pinapakita nila sa iyo.
Naniniwala si Patricia sa kasabihang, huwag mong gawin sa iba ang ayaw mong gawin nila sa iyo. Kaya hanggat maaari ay iniiwasan ni Patricia gawin sa iba ang mga bagay na pinakaayaw niya.
Ngunit hindi nito garantiya na wala nang mangyayaring hindi mo gusto.
Asahan ang hindi inaasahan.
At nangyari na nga ang hindi inaasahan ni Patricia.
Ang nagiisang taong akala niya kakampi niya, ay nag balatkayo pala para gamitin siya. Masakit isipin na ang taong pinahalagahan mo ay wala naman talagang pakealam sa iyo. Ngunit may magagawa pa ba si Patricia?
Hindi niya hawak ang buhay ni Pamela. Wala siyang karapatang magalit dito. Dahil tama naman ito. Kasalanan niya ang lahat kung bakit siya nanatiling ganito. Kasalanan niya kung bakit napagiiwanan siya.
Tumingala si Patricia sa kisame. Nakahanda na ang tali. Naisabit na niya ito habang pinagiisipang mabuti ang desisyon niya. Siguro hangang dito na lang talaga siya.
Ito lang ang makakaya niyang abutin. Ang lupid na magtatapos sa buhay niya.
"Patawarin Mo po ako Panginoon sapagkat ako ay nagkasala," umiiyak na sabi niya habang nakapatong sa plastik na upuan. "Patawarin Mo po ako kung ito lang ang naiisip kong solusyon para wakasan ang paghihirap ko."
Isinuot niya sa kanyang leeg ang lupid at sa huling pagkakataon ay nagdasal siya.
"Sana mapatawad Mo pa ako Panginoon sa gagawin ko. Kung bibigyan Mo po ako ng ikalawang pagkakataon para mabuhay, nagmamakaawa po ako, huwag Mo pong iparanas ulit sa akin ang naranasan ko."
Saan ba mapupunta ang mga taong namatay? Saan ba pupulutin ang mga taong makasalanan? Tatangapin ba ng langit ang taong kinitil ang sarili nitong buhay?
Panginoon, gabayan Mo po ang kaluluwa ng isang taong wasak at nawalan ng pag-asa sa buhay.
Patricia... saan pupulutin ang ligaw mong kaluluwa?
HAPON, tahimik na naglalakad pauwi sa kanilang bahay ang isang lalaking edad nasa labing apat. Dumaan ito sa tapat ng bahay ng pamilya Gabrielle.
Ang mga alagang aso nito ay tahol ng tahol kahit nakalayo na siya sa bahay ng mga ito. Sinulyapan lamang ng binatilyo ang mga aso sa labas ng bahay ng kanilang kapitbahay. Nakakapagtaka at hindi lumalabas ang dalagang si Patricia para sitahin ang mga alaga.
Kibit-balikat na nagpatuloy siya sa paglalakad pauwi sa kanila.
Ilang sandali pa, nagmano ang binatilyo sa ama nito. Bumuka ang bibig niya para magsalita ngunit isang malakas na sigaw ang umalingawngaw na nagpagulat sa mga kapit bahay.
Ang sigaw ay nanggaling sa direksyon ng bahay ng mga Gabrielle.
Kinabukasan ay pumutok ang balita na ang dalagang si Patricia ay natagpuang nakasabit sa kisame at wala ng buhay sa loob mismo ng bahay nila.
MADILIM. Madilim ngunit maingay. Hindi maintindihan ni Patricia kung anong ingay ang naririnig niya. Nasaan siya? Ito ba ang langit? Hindi. Hindi siya mapupunta sa langit dahil makasalanan siya.
Nasaan siya?
Wala siyang maramdaman. Hindi niya makita ang sarili niyang katawan. Sinubukan niyang kapain ang mukha ngunit hindi niya maigalaw ang mga kamay niya.
Anong nangyayari?
Patay na siya. Iyon ang sigurado siya. Wala na siyang buhay ngunit bakit pakiramdam niya buhay na buhay siya?
Madilim. Ang ingay na naririnig niya ay unti unting lumilinaw sa pandinig niya. Mga boses. Mga boses ng mga tao. May matanda. May bata. Iba't ibang boses ngunit hindi niya maintindihan ang mga sinasabi ng mga ito.
Bakit? Anong nangyayari? Patay na ba talaga siya? Bakit may naririnig siyang mga boses? Iba't ibang tono. Iba't ibang lenguahe. May pagalit. May malumanay. May umiiyak. May kalmado. Wala siyang maintindihan sa mga sinasabi ng mga ito dahil sabay sabay silang nagsasalita.
Gusto niyang takpan ang tainga. Ngunit hindi niya maramdaman ang sariling katawan.
Nasa impyerno ba siya? Mapaparusahan ba siya? Siyempre. Ano bang iniisip niya? Paparusahan siya dahil makasalanan siya. Wala na siyang pag-asa. Pati ang Panginoon ay nandidiri sa kanya.
"Hindi totoo iyan."
Isang boses. Biglang nawala ang ingay at narinig niya ng malinaw ang sinabi ng boses na iyon. Wala pa rin siyang makita. Madilim. Ngunit may nararamdaman siyang presensya.
"Hindi totoong nandidiri ang Panginoon sa iyo," ulit nito. "Palagi Niya kayong binabantayan. Palagi Niya kayong ginagabayan. Ngunit ang mga tao ay hindi nakikinig sa Kanya. May ilan na hindi naniniwala sa Kanya."
"Sino ka?" parang may nakabarang bagay sa lalamunan niya. Tila nakalimutan na niya ang sarili niyang boses.
"Ako si Gabriel, isa sa mga Archangel," malamig ang boses nito. Malumanay. Hindi alam ni Patrcia kung bakit tila kaygaan sa pakiramdam ng boses nito.
Isang Archangel? Isang anghel. Patay na nga siya. Kinakausap siya ngayon ng isang anghel. Ang alagad ng Panginoon na ipinadala sa kanya para sa isang mensahe.
Wala siyang masyadong alam sa mga anghel dahil hindi siya nagbabasa ng bibliya. Ngunit base sa mga napapanood niya ay isang anghel si Gabriel na nagdadala ng mensahe galing sa Panginoon.
Hahatulan na ba siya? Ipapatapon ba siya sa impyerno?
Hindi niya alam kung anong gagawin niya ngayong nararamdaman niya ang presensya ng isang anghel at kinakausap siya nito.
Sa isang iglap, biglang nagliwanag ang lahat. Napasinghap si Patricia at nasilaw sa liwanag. Ngunit nakakapagtakang hindi niya kailangang ipikit ang mata at nakakayanan ang silaw ng liwanag.
"Patricia, may malaking kasalanan kang ginawa na siyang dahilan kung bakit nasasaktan ngayon ang Panginoon."
Napalingon siya sa boses at nakita niya ang isang liwanag. Kakaiba ang liwanag nito. Tila may gintong kinang sa palibot ng liwanag. Yumuko siya at hindi nakapagsalita.
Kung ano man ang magiging hatol sa kanya ay tatangapin niya. Nakahanda siyang pagbayaran ang kasalanan niya.
"Aminado ka sa kasalanan mo..." saad nito. "Patricia, alam mo ba kung bakit mo nararanasan ang mga iyon?" tanong ng anghel.
"Hindi ko po alam..."
Para pahirapan siya? Ngunit dahil saan? Wala siyang naaalalang ginawa niyang kasalanan noong buhay pa siya maliban sa kinitil niya ang sariling buhay.
"Para patatagin ka, para ihanda ka sa mas malaking hamon na darating sa buhay mo. Hinahanda ka ng Panginoon, Patricia. Hinahanda ka Niya dahil mahal ka Niya," saad nito. Walang maisagot si Patricia. "Pero sinukuan mo Siya. Nagawa mong kitilin ang sarili mong buhay."
"Wala na po akong makitang ibang paraan para matigil na ang pagdurusa ko," naiiyak na ani niya. "Hirap na hirap na po ako. Kung ganoon pa lang na hamon sa buhay ay hindi ko na kinaya, paano pa kaya ang darating pa?"
"Tandaan mong ang pagpapatiwakil ay hindi paraan upang makatakas ka. Hindi mo matatakasan ang nakatakda kahit pa anong takbo mo. Matuto kang harapin ito at pagkatiwalaan ang Panginoon pati na ang sarili mo." Mas lalong naiyak si Patricia sa mga narinig niya.
Alam niyang mali ang gagawin niya ngunit ginawa pa rin niya. Alam niyang kasalanan ngunit ito lang ang alam niyang solusyon. Patawarin Mo po ako, Panginoon. Patawad...
"Ang mga kaluluwa ng mga namatay sa isang estado ng biyaya ay inihanda para sa langit. Sa purgatoryo ay lilinisin sila bago nila malalasap ang walang hangang kasiyahan sa langit," saad muli ng anghel.
"Makasalanan ka, Patricia. Alam mo ang ginagawa mo ngunit itinuloy mo pa rin." Nakayuko lamang ang dalaga at hindi makatingin sa liwanag ng anghel. "Pero nagdasal ka bago mo isinagawa ang plano mo. Tangap mo ang magiging parusa ng Panginoon para sa iyo. Tama ba?"
Nakahanda siya sa maaaring mangyari sa kanya dahil sa kasalanan niya. Kaya nagdasal siya sa Panginoon. Humihingi ng kapatawaran at pabor. Bakasakaling bibigyan siya ng pangalawang pagkakataon upang mabuhay muli, hindi na sana niya maranasan ang sakit at pait na pinaranas sa kanya.
"Maghanda ka. Ikaw ay binibigyan ng misyon upang patunayan sa Panginoon na karapat-dapat ka ng ikawalang pagkakataon."