Gladi POV.
HABANG nakatayo ako sa likuran ng malaking paso, dinig ko ang usapan nila. Ngunit napansin kong hindi na ako nakatuon sa pinag-uusapan nila.
Kanina, habang kausap ko si Ma’am Maggie, bigla kong naalala si Mommy.
Siguro kung nabubuhay pa siya, magkapareho sila ng kabaitan.
Ang swerte ni Master M, mabait ang buong pamilya niya. Swerte rin ang babaeng pakakasalan niya. Kahit may tinatagong masamang ugali, mabait pa rin siya pagdating sa kanyang pamilya.
Siguro ganun talaga siya, mapanakit sa babae. At marahil, normal lang iyon para sa isang lalaking kagaya niyang maraming pera.
Pero nagtataka pa rin ako.
Sa dami ng mga babaeng labas-pasok sa bahay-bakasyunan na ito…
Bakit kahit isa, parang wala siyang sineseryoso?
Sayang… gwapo pa naman siya at mayaman.
Kaya lang, nakakatakot din.
Dahan-dahan akong umatras, balak nang umalis. Hindi tama na nakikinig ako sa usapan nila.
“Sino ang tinitingnan mo diyan, Ms. Gladerious?”
Nanigas ako at hindi agad nakagalaw. Ibang boses ang narinig ko.
Agad akong lumingon.
Isang magandang babae ang nakatayo sa likuran ko.
“Ako ang asawa ni Mateo. Nakalimutan mo na agad ako?”
“Oh… sorry po. Nawala sa isip ko,” nahihiya kong sagot bago ako nagpaalam.
Nakalimutan ko tuloy itanong ang pangalan niya. Alam kong nasabi na iyon sa akin noon… ngunit nakalimutan ko rin.
Bata pa naman ako… pero bakit ang bilis kong makalimot?
Umakyat ako sa aking silid at dumiretso sa pribadong kuwarto.
Binuksan ko ang isang canvas na natatakpan ng puting tela.
Ito ang nakasanayan kong gawin matapos ang kasal namin ni Redentor Reyes.
Kailan ko kaya matatapos ang painting na ito?
Sana lang… huwag muna akong hanapin ni Master M.
Matagal ko na itong gustong tapusin.
Ano kaya ang magiging reaksyon niya kapag nakita niya ito?
Napabuntong-hininga ako nang malalim.
Sana… kapag natapos ko na ang painting na ito, iyon na rin ang araw ng kalayaan ko kay Master M.
Marami akong gustong gawin.
Gusto kong puntahan ang mga labi ng aking mga magulang.
Simula nang bilhin ako ni Master M, hindi na ako nakadalaw sa kanilang puntod.
Hindi dahil ipinagbabawal ni Redentor, kundi dahil natatakot akong makita ng mga tauhan ni Ate Remedios.
Matagal na akong hinahanap ng lalaking iyon.
Narinig ko mismo mula sa bibig ng mga tauhan ni Redentor ang balak nila sa akin, pagsasamantalahin ako, ipapasa sa iba, at gagawan ng video scandal upang ibenta sa mga porn site.
Kaya kahit nasasaktan ako kay Master M…
Mas pipiliin ko pa ring manatili sa poder niya…
kaysa mapunta sa mga kamay ng mga tauhan ni Ate Remedios.
Napabuntong-hininga ako.
“Hay, buhay…”
Dinampot ko ang brush at nagsimulang magpinta.
Mas gwapo pa yata ang painting ko kaysa sa totoong siya, parang nasobrahan yata.
Pero ayos lang. Akin lang naman ito.
Hindi pwedeng makita ni Master M. Kapag nakalaya na ako sa kanya, ito ang magiging alaala ng pagiging alipin ko.
Masakit man ang katotohanan… pero iyon ako.
Ay naku… heto na naman ako, nagiging emosyonal.
Dinampot ko ang tumbler ko at uminom ng maraming tubig. Hindi na ako dapat maapektuhan.
Nagpatuloy ako sa pagpipinta nang bigla akong makarinig ng mga yabag.
Agad akong tumayo, tinalikod ang canvas, hinila ito papunta sa loob ng malaking closet, at mabilis na lumabas ng silid.
“Gladerious! Kanina pa ako naghahanap sa’yo. Saan ka ba nanggaling, ha?” seryosong tanong ni Master M.
“Sorry po, Master M. Nag-ayos lang po ako ng mga damit. Pasensya na, hindi ko naalala na hindi pala ako dapat lumayo, para kapag kailangan n’yo, agad akong makalapit sa inyo,” sagot ko habang nakayuko.
Huwag ka sanang magalit…
Ayokong matulad kay Ate Remedios. Mabuti na lang at daplis lang ang tama ng bala sa mukha niya.
Bata pa ako. Gusto ko pang mabuhay nang matagal.
“Hey! Bakit nakayuko ka? Kanino ka natatakot?”
“Hindi po ako natatakot, umm… ”
Napahinto ako nang bigla niya akong yakapin.
Kakaiba ang hatid sa akin ng yakap na ‘yon. Masarap sa pakiramdam ngunit mas nangingibabaw ang takot ko sa kanya.
Gusto ko siyang itulak, ngunit mahigpit ang hawak niya sa aking katawan.
Ang liit ko kumpara sa kanya, hanggang dibdib lang niya ako, at wala akong sapat na lakas para makawala sa kanyang bisig.
“Umm… b-bitawan mo na po ako. Ano po ba ang iuutos mo?” mahina kong sabi.
Hindi siya sumagot, ngunit pinakawalan niya rin ako. Hinawakan niya ang magkabilang balikat ko.
“Gladerious, tumingin ka sa akin.”
“Opo, Master M,” sagot ko, saka dahan-dahang tumingala.
Nakasalubong ko ang titig niya… walang kurap. Hindi ko kayang makipag titigan nang matagal.
“Hindi ako galit sayo. Kaya kumalma ka. Hindi kita sasaktan, okay?”
“O-Opo, Master M.”
“Kaya kita hinahanap dahil may pinadala si Mommy. Halika, tingnan mo.”
“Ano po iyon? Bakit ako pinadalhan ni Ma’am Maggie?”
“Hindi ko rin alam. Mas mabuti, ikaw na ang tumingin. Halika na, sigurado akong magugustuhan mo.”
Ang takot ko kanina ay biglang naglaho.
Ang babaw ko talaga… ang bilis kong matakot, pero ang bilis din mawala.
Kagaya ngayon, excited pa akong sumama sa kanya.
Humantong kami sa silid ni Master M.
“Nandoon, sa ibabaw ng kama. Sa’yo lahat ’yon.”
Lumapit ako sa napakaraming paper bag.
Nanglaki ang aking mga mata nang masilip ko ang mga laman ng mga paper bag.
May mga bag, sapatos, bestida, jeans, at marami pang iba.
Lumipat ang tingin ko sa mga paper bag na nasa ibaba ng kama.
“Mga pagkain ’yan. Tingnan mo, baka magustuhan mo. Hindi ako sigurado kung kumakain ka ng mga ’yan,” sabi ni Master M.
Hindi ako agad sumagot. Binuksan ko ang isa at mabilis ko iyong kinuha.
“Wow! Chocolate… ang sarap po nito! Akin po ba talaga ang mga ito?” masigla kong tanong.
“Yes, sa’yo lahat.”
“Bakit ang dami naman po nito? Baka ilang taon ko itong kakainin,” sabi ko na may malapad na ngiti. Paborito ko ang chocolate.
“’Wag mong paabutin ng taon. May expiration ang mga pagkain na ’yan.”
“Opo, Master M. Maraming salamat po sa lahat ng ito.”
Hindi na ako nakapagpigil. Agad kong binuksan ang isang bar ng chocolate at kinagat iyon.
Grabe… ang sarap.
Hindi ko mapigilang mapapikit. Ang tagal ko na palang hindi nakatikim nito.
Ngunit ang pikit kong mga mata ay biglang napadilat…
nang maramdaman kong ang aking labi ay nakadikit na sa labi ni Master M.
Hinahalikan niya ako.
Ngunit… bakit parang walang dahas?
Nakakapanibago.
Banayad ang paraan ng paghalik niya, ibang-iba sa mga nauna niyang halik sa akin noon, na halos lamunin ang aking labi sa diin at walang pag-iingat.
Ang halik niya ngayon… marahan.
Mainit.
At nakakalito.
Unti-unti, muling pumikit ang aking mga mata.
At sa hindi ko maipaliwanag na dahilan…
hinayaan kong namnamin ang halik na tila nakakalasing.
Ngunit bigla niyang binitawan ang aking labi, kaya napamulat ako.
“Masyado kang nasarapan sa halik ko, huh?” tudyo niya… na lalo lamang nagpainit sa aking mukha.
Nang makabawi ako, mabilis akong tumalikod upang maitago ang aking pagkapahiya.
Ngunit agad ko ring naramdaman ang kanyang bisig na pumulupot sa aking baywang. Niyakap niya ako mula sa likuran, saka yumuko at ipinatong ang kanyang baba sa aking balikat.
Hindi siya nagsalita… nanatili lamang siya sa ganoong posisyon.
“M-Master M… pwede po bang bitawan mo na ako? Dadalhin ko pa po kasi ang mga ito sa aking kwarto,” pagdadahilan ko.
Kakaiba na ang pintig ng puso ko. Baka mahalata niya, nakakahiya.
“Mamaya mo na dalhin ang mga ’yan. Dito ka muna… na-miss kita.”
Natamimi ako.
Unti-unti kong inihanda ang sarili ko.
Kapag ganito ang tono ni Master M, alam kong may balak siyang gawin.
Akmang haharap na sana ako sa kanya nang makarinig kami ng sunod-sunod na katok mula sa pinto.
Napansin kong napasimangot siya, kasabay ng isang buntong-hininga.
Nakahinga ako nang maluwag.
Buti na lang… timing ang pagkatok.
“Mommy? Bakit naririto ka?” tanong ni Master M, matapos buksan ang pinto.
Kinabahan ako nang marinig na si Ma’am Maggie ang dumating.
Agad akong naghanap ng mapagtataguan.
Sa ilalim ng kama ni Master M ang tanging naisip ko.
Mabilis akong nahiga sa carpet at gumulong papailalim ng kama. Sumiksik pa ako hanggang sa pinakadulo, malapit sa headboard.
Sigurado… hindi na niya ako makikita rito.
Ngunit agad ko ring naisip…
Paano kung makita ang bakas ko sa carpet?
“Where is she?” malamig na tanong ni Ma’am Maggie.
“Wala siya dito… kung si Gladerious ang hinahanap mo.”
“Sigurado ka? Wala talaga siya dito?”
“Yes, Mommy. Ano ba ang sasabihin mo at hindi mo ako nagawang hintayin sa baba?”
“Magbihis ka. Kailangan mong puntahan ang babaeng pinili kong makadate mo.”
“Ano?”
“Huwag ka nang magtanong. Hindi ka rin lang marunong humanap ng babaeng mapapangasawa mo, kaya ako na ang gagawa niyan para sa’yo,” matigas na pahayag ni Ma’am Maggie.
Parang na imagine ko na ang mukha ni Master M.
“Bakit mo ba gustong mag-asawa na ako?”
Parang agad kong pinagsisihan ang sinabi ko nang makita ko ang lungkot na dumaan sa mukha ng aking ina
.
“Okay, fine. Nasaan ba ang babaeng gusto mong i-reto sa akin?”
“Naroon siya sa isang five-star hotel.”
“Ayaw kong pumunta doon, Mommy.”
“Kung anu-ano na naman ang iniisip mo. Nasa loob siya ng restaurant… doon mo siya puntahan.”
“Oh… okay. Akala ko nasa isang kwarto siya at gusto mong puntahan ko,” sagot niya.
“Sige, maiwan na kita. Basta puntahan mo siya.”
“Oo, magbibihis lang ako. Lumabas ka na, at tatawagan na lang kita kapag magkasama na kami,” sagot ni Matias.
Nang makalabas ng pinto ang kanyang ina, nakita ko ang mga paa ni Master M, palakad lakad, marahil hinahanap niya ako.
Hindi ako kumikilos, gusto kong hanapin pa niya ako.
“Come out!” malakas na sigaw ni Matias.
Nakita ko ang mga paa niya na huminto sa tapat ng carpet na dinaanan ko… marahil doon niya napansin ang bahagyang bakas.
Akmang lalabas na sana ako mula sa ilalim ng kama nang makita kong nakahiga na siya sa carpet, nakatingin diretso sa akin.
Wala na akong choice.
Napilitan akong gumapang palabas.
“Dalhin mo na ang mga iyon sa kwarto mo. Aalis muna ako,” sabi niya.
“Pakakasalan mo ba ang babaeng napili ng mommy mo?” tanong ko.
“Hindi ko pa nga nakikita ang mukha ng babaeng ’yon. Paano ko sasagutin ang tanong mo?”
Oo nga naman…
Isa-isa kong dinampot ang mga paper bag at nagmamadaling lumabas ng silid ni Master M.
Pagkasara ko ng pinto, napasandal ako sa dingding.
Paano kung magustuhan ni Master M ang babaeng nirereto ni Ma’am Maggie?
Ibig sabihin… mag-aasawa na siya?
Bigla akong nakaramdam ng kirot sa dibdib.
Bakit ganito?
Bakit parang gusto kong umiyak?
Bago pa tuluyang tumulo ang luha ko, agad akong humakbang at binilisan ang lakad pabalik sa aking silid.
Pagkapasok ko sa aking silid, nanlambot ang aking buong pagkatao. Ang saya na kanina’y bumabalot sa akin ay biglang naglaho, at napalitan ng matinding lungkot na hindi ko maipaliwanag.
Kapag nag-asawa na si Master M… aalis na ako sa bahay na ito.
Aalis na rin ako sa buhay niya.
At sa simpleng isipin na iyon, bigla akong nasaktan.
Pero sandali…
Hindi ba iyon naman talaga ang gusto ko?
Ang makaalis sa poder niya?