Gladi POV.
GABI na nang bigla akong ginising ng isa sa mga tauhan ni Master M.
“Manong… anong oras na ba ngayon?” reklamo ko, halos hindi maimulat ang mga mata. “Hatinggabi na, tapos gigisingin mo ako dahil lang dumating si Master M?”
“Puntahan mo siya sa silid niya,” sagot niya, walang emosyon. “At huwag kang magreklamo. Pareho lang tayong tauhan na sinuswelduhan. Dalhin mo rin ang medical kit.”
Pagkasabi noon, tumalikod na siya at tuluyang umalis.
Naiwan akong nakatayo sa may pintuan, lutang sa antok.
Bakit ako?
Ang dami namang tauhan na puwedeng mag-asikaso sa kanya. Hindi naman ako doktor… ni nurse.
Pero…
Medical kit?
Ibig sabihin… may sugat si Master M?
Napailing ako.
Kahit naiinis, tinungo ko ang medicine cabinet. Kinuha ko ang medical kit at dali-daling tumakbo patungo sa silid ni Master M.
Pagdating ko roon, dalawang tauhan ang naka-duty sa pintuan.
Sa ganitong oras?
Hindi ba sila inaantok?
“Kuya Guard… pinapapunta raw ako ni Master M,” sabi ko.
“Pumasok ka na,” sagot ng isa. “Bilisan mo… baka maubusan na ng dugo si Master M.”
“Ha?” natigilan ako.
Biglang kumabog ang puso ko.
Mahigpit kong hinawakan ang medical kit bago tuluyang pumasok.
Pagbukas ko ng pinto…
Bumungad agad sa akin ang isang eksenang hindi ko inaasahan.
Si Master M.
Walang suot na pang-itaas.
Marungis ang katawan, at puno ng dugo.
Sa kabila ng lahat…
Hindi ko maitatanggi, gwapo pa rin siya.
At may katawan na parang hinulma , masarap sa matang pagmasdan.
“Pinagpapantasyahan mo ba ako?” bigla niyang tanong, may halong panunukso sa tinig.
“Aba, hindi ah!” mabilis kong sagot, sabay iwas ng tingin. “Bakit ko naman gagawin ‘yon?”
Tumaas ang isang kilay niya.
“Nakatitig ka sa katawan ko,” dagdag pa niya. “Parang naglalaway ka sa abs ko.”
Napairap ako.
“Ay grabe siya,” sagot ko. “Tumingin lang, naglalaway agad?”
Ngumisi siya nang bahagya, halatang aliw na aliw.
Hindi ko naman siya pinapansin.
“Ituon mo ang atensyon mo sa mga sugat ko,” utos niya, bahagyang tumigas ang boses. “Hindi kung saan-saan napupunta ang mga mata mo.”
Napakunot ang noo ko.
“Eh bakit ka kasi nakahubad?” balik ko agad.
“Hindi mo ba nakikita ang mga sugat ko?” sagot niya, may halong inis. “At nagtatanong ka pa kung bakit ako hubad?”
“Nakikita ko naman,” depensa ko. “Pero puwede ka namang magsuot ng sando… o kaya tinaas mo na lang sana ang t-shirt mo.”
“Tumahimik ka,” putol niya, malamig ang tono. “Gawin mo ang inuutos ko.”
Napabuntong-hininga ako.
Sa huli…
Sumunod pa rin ako.
Kahit pilit kong iniiwas ang tingin ko sa kanya, hindi ko maikakaila…
Na nakakainis kung gaano siya ka-komportable sa sitwasyon. At kung gaano ako… naaapektuhan.
“Master M… a-ano po pala ang tunay na nangyari sa inyo?” tanong ko, alanganing lumalapit. “Bakit may mga sugat kayo… at ang dumi ng katawan ninyo?”
“Lumapit ka,” utos niya, malamig ang tinig. “Linisin mo ang sugat ko.”
Napaatras ako nang bahagya.
“Naku… mas mabuti utusan n’yo na lang po ang ibang tauhan n’yo,” sabi ko, halatang kinakabahan. “Hindi po ako marunong… saka baka mahimatay ako. Takot po ako sa dugo.”
“Tumahimik ka!” mariin niyang sigaw. “Lumapit ka dito. Bilisan mo… isa pa wala naman na dugo.”
“O-opo…” wala akong nagawa.
Dahan-dahan akong lumapit at lumuhod sa carpet sa harap niya.
“Wala nang bala ang sugat ko,” dagdag niya. “Linisin mo na lang at lagyan ng gamot.”
“Bakit po ba kayo nasugatan?” hindi ko napigilang magtanong. “Sino po ang bumaril sa inyo?”
“Wag kang maraming tanong,” malamig niyang putol. “Gawin mo ang utos ko. At huwag na huwag mong ikukwento sa iba ang kalagayan ko… kung ayaw mong mapahamak.”
Napalunok ako.
“O-opo, Master M…”
Kahit nanginginig ang mga kamay ko, sinimulan kong linisin ang sugat niya.
“Ouch!” napaigik siya. “Dahan-dahan naman! Parang sinasadya mo, alam mong sugat ‘yan, dinidiinan mo pa!”
“Hindi ko po sinasadya…” depensa ko. “At huwag po kayong masyadong maingay para makapag-focus ako.”
“Aba’t sinasaway mo pa ako?”
“Napapadiin po kasi kapag nagsasalita kayo…” sagot ko.
Sa pagkakataong iyon, sinadya kong bahagyang dinagdagan ang diin, sakto nang bumuka ang bibig niya para magsalita.
“Ano ba! Nananadya ka na talaga!” singhal niya, napapangiwi sa sakit.
“Alin po ba dito ang gamot na ilalagay?” tanong ko, kunwari’y inosente.
“Basahin mo. May nakasulat diyan para sa sugat.”
Tahimik akong tumango at isa-isang binasa ang mga label. Nang makita ko ang tamang gamot, agad ko iyong inilagay bago binalutan ng benda ang sugat.
“May iuutos pa po ba kayo?” tanong ko. “Kung wala na… matutulog na sana ako, inaantok na po ako.”
“Stay,” utos niya. “Baka biglang dumugo ulit ang sugat ko. Mamaya, papalitan mo ang benda.”
“Hindi po ba puwedeng bukas na lang?” pilit kong tanong.
“Hindi,” mariin niyang sagot. “Dito ka lang.”
“Master M… inaantok na po talaga ako. Marami naman kayong tauhan…”
“Isang salita mo pa,” putol niya, “at parurusahan kita.”
Napabuntong-hininga ako.
“Sige po… pero matutulog muna ako bago ko palitan ulit ang benda.”
“Fine,” sagot niya. “Humiga ka doon sa sofa.”
“Salamat po, Master M.”
Halos tumakbo ako papunta sa sofa. Pagkahiga ko, agad kong ipinikit ang mga mata ko.
Ilang segundo pa lang…
Unti-unti na akong hinihila ng antok.
Bago tuluyang lamunin ng tulog ang aking kamalayan…
May naramdaman akong marahang paglapag ng unan sa ilalim ng ulo ko.
At isang kumot, ang maingat na itinakip sa aking katawan.
-
Nagising ako sa malakas na boses.
Unti-unti kong iminulat ang aking mga mata, sabay pikit muli dahil sa silaw ng liwanag.
“Anong oras na… nakanganga ka pa riyan?”
Napakunot ang noo ko.
Akmang sasagot na sana ako, pero biglang bumalik sa alaala ko ang nangyari kagabi.
Agad akong napalingon kay Master M.
Nakatitig siya sa akin, nakaupo sa tapat ko. Salubong ang makapal niyang kilay, matalim ang tingin.
Parang… galit.
Ano na naman ang nangyari sa kanya?
“Hindi ka pa rin babangon?” may diin ang boses niya, parang may nagbabadyang mapanganib.
Bigla akong napabangon.
“Babangon na po, Master M… good morning po pala,” alanganin kong bati.
“Walang maganda sa umagang ito,” mariin niyang sagot. “Bilisan mo. Linisin mo ang sugat ko.”
Napabuntong-hininga ako.
“Pwede po bang maghilamos at mag-toothbrush muna ako?” maingat kong tanong.
“Hindi.”
Isang salita.
Pero sapat para patahimikin ako.
“Kanina pa ako naghihintay na magising ka,” dagdag niya, may bahagyang singhal. “At kanina pa rin sumasakit ang sugat ko.”
Napakamot ako sa batok.
“Oh… okay po,” napipilitan kong sagot. “Papalitan ko na muna ang benda.”
Wala na akong nagawa.
Kahit gusto ko pang magreklamo… mas pinili kong manahimik.
At sumunod.
Lumuhod ako sa harap niya at sinimulang alisin ang benda sa kanyang katawan.
Habang ginagawa ko iyon, hindi ko maiwasang malanghap ang pabango niya.
Napakunot ang noo ko.
Kagabi… marungis siya, puno ng dugo at pawis.
Pero bakit ngayon…
Mabango pa rin siya?
Imposible namang naligo siya kagabi… may sugat siya.
“Sabi ko na nga ba… pinagpapantasyahan mo ako.”
Napapitlag ako.
“Heto,” dagdag niya, sabay abot ng tisyu. “Punasan mo ang tumutulo mong laway.”
Agad akong napaatras.
“Aba, hindi po ah!” depensa ko. “Bakit ba naiisip mo lagi ‘yan?”
Napairap ako.
Oo, gwapo siya.
At oo, mabango.
Pero…
“Master M,” diretsahan kong sabi, “matanda na po kayo… bakit ko naman kayo pagpapantasyahan?”
Biglang tumalim ang tingin niya.
“Anong sabi mo?” dahan-dahan niyang tanong. “Matanda na ako?”
“Opo,” inosente kong sagot. “Parang forty na po yata kayo… samantalang ako, twenty-one pa lang.”
“Tangina…” bulong niya sa sarili.
Napakunot ang noo ko.
“Ano po ‘yon, Master M?”
Bigla siyang sumandal, matalim pa rin ang tingin sa akin.
“Hintayin mong gumaling ang sugat ko,” mababa ngunit mapanganib niyang sabi, “at patutunayan ko sa’yo na hindi pa ako matanda.”
Napaisip ako saglit.
“Magpapabanat ka po ng mukha?” tanong ko.
Napakunot lalo ang noo niya.
“Ano’ng ibig mong sabihin?”
“Eh sabi n’yo po, patutunayan n’yo na hindi kayo matanda,” paliwanag ko. “Ibig sabihin… magpaparetoke kayo? Magpapa-injection para mawala ang wrinkles?”
“Anong pinagsasasabi mo?” singhal niya. “Iniisip mo bang magpaparetoke ako?”
“Opo,” diretso kong sagot. “Para bumata ang mukha n’yo.”
Saglit siyang natahimik.
Pero ramdam ko…
Na lalo lang siyang nainis.
“Bilisan mo na nga ang ginagawa mo,” mariin niyang utos. “Bago ko pa hindi mapigilan ang sarili ko… at maparusahan kita.”
Napabuntong-hininga na lang ako.
At tahimik na ipinagpatuloy ang pag-aalaga sa sugat niya…
Habang pilit pinipigilan ang sariling mapangiti.
Matapos kong malagyan ng gamot at benda ang kanyang sugat, bigla siyang tumayo.
Wala man lang sinabi.
Hindi din lumingon.
Diretso siyang naglakad palabas ng silid.
Napakurap ako.
Parang… galit siya.
O baka naman...
Napikon sa mga sinabi ko kanina.
Bahagya akong napangiti.
Mukhang tinamaan ko ang ego niya.