Handang handa na si Franco sa pang-aakit sa dalawang babae. Kay Dianne, pagbubutihin niya ang trabaho para magkaroon siya ng seguridad na hindi siya matatanggal bilang driver-assistant nito. Nakatapos naman siya ng four-year course, puwede siyang maging lalaking sekretarya. At kay Lydia naman, ipapakita niya na hindi siya isang driver lang na tila ikinahihiya nito.
Deretso lang ang tingin niya nang maglakad sila sa hallway ng Romano Building. Naglilingunan ang mga nakakasalubong nila dahil ang iba ay ngayon lang nakita na may nakasunod na alalay sa magandang boss ng Romano Airlines. Pero nakataas ang noo niya. Wala naman siyang dapat na ikahiya. Nakadagdag sa confidence niya ang mamahaling suot at shades na hindi rin biro ang halaga. Puwede naman pala siyang makabili ng ganoon para sa sarili. Puro na lang kasi para kay Lydia ang inaatupag niya noon kaya't nakalimutan niyang paunlarin ang sarili.
Nagulat nga si Lydia sa istilo ng pananamit niya ngayon. Isa rin sa dahilan kung bakit siya nagsuot ng shades ay para puwede niyang tapunan nang tingin ang kasintahan nang hindi nito alam. Kunwari ay may inabot ito kay Dianne pagkatapos ay pasimpleng humarang sa kanya pero hindi niya pinansin. Tuloy-tuloy lang silang pumasok ng amo niya sa silid dala niya ang mamahalin nitong bag.
"Tell your girlfriend to come here in ten minutes, Franco," utos ni Dianne na kaagad niya namang sinunod. Pero pormal siyang nakipag-usap kay Lydia katulad ng kung paano siya nito kausapin kahapon.
"You look different now, Franco. Si Ma'am Dianne ba ang nagsabi na mag-business attire ka rin?"
"Yes," tipid niyang sagot.
"Hmmm... Galante na pala siya ngayon sa empleyado."
"She suggested it, pero ako ang nagbayad ng mga damit ko. Hindi ko kailangan ng babae para bilhan ako ng mamahaling damit. Anyway, make sure you come to her office in ten minutes." Tiningnan niya ang orasang pambisig. "You have nine minutes left."
Mabilis din siyang umalis sa harap nito kahit paawang pa lang ang labi na may balak pang sabihin sa kanya. Baka kasi nagbibilang din ng minuto si Dianne at isipin pang nakikipaglandian na naman siya sa kasintahan. Kailangang ma-impress niya na ang amo niya na sinimulan niya kanina sa pagluluto ng almusal nito.
Tumayo siya malapit sa pinto para mapagbuksan niya at ma-inspeksyon ang bawat empleyadong papasok. At ayaw niya namang paupo-upo lang doon dahil magmumukhang siya pa ang amo.
"Sit down, Franco, you are not a security guard."
"Wala ba akong puwedeng gawin? Baka may iba pa akong maitutulong sa 'yo?"
"Don't worry, may mga kailangan akong ipadala sa kliyente mamaya kaya uutusan kita. Pagbalik mo, bilhan mo ako ng lunch dahil wala ako sa mood lumabas ng opisina."
Makalipas pa ang siyam na minuto ay pumasok naman si Lydia at umupo sa swivel chair sa harap ng mesa ni Dianne. Ngayon niya napagmasdan ang pagkakapareho at pagkakaiba ng dalawa.
Obviously, Dianne was far more expensive and with class from head to toe. Katulad ng mga nakaraang-araw, mini skirt ulit ang suot nito na tinernuhan ng puting satin spaghetti strap. Chanel ang kwintas at hikaw nito at ang relo ay Hermes na alam niyang milyon ang halaga.
Kaya nga palaisipan sa kanya ngayon kung original na Louis Vitton ang nakita nyang dala ni Lydia na bag nito at ang suot na mga alahas. Maliban na lang kung mayaman ang isa pa nitong boyfriend at sinusustentuhan nito ng luho ang kasintahan niya. Pero iba ang dating ng pabango na naamoy niya kahapon bago ito umuwi. Amoy pang-mayaman. Amoy orihinal.
"Ang alam ko'y nagpapirma ka na sa 'kin ng ganito, Lydia. Please review your records and get back to me once you're finished."
"Sige ho, Ma'am Dianne."
"Sino ang nagpagawa ng voucher para sa repair ng aircon?" muling tanong ni Dianne sa kasintahan niya.
"Si Mr. Socorro ho."
"Has Patrick approved this?"
"Wala daw ho si Sir Patrick kaya hindi na daw po na-aprobahan. Pero sa baba daw po galing ang request na i-repair na ang mga aircon."
"Do you know when they were last repaired?"
"H-hindi ho..."
"Two months ago." Ito rin ang sumagot sa tanong. "At one hundred thousand kaagad ang pinakawalan natin doon, Lydia. So... no...This request is canceled because my brother has not approved it either."
Isa-isa pang sinipat ni Dianne ang mga chekeng nakahain sa mesa nito na dapat pirmahan. Hindi niya tiyak kung tama ang nakikita niyang inis sa mukha ng kasintahan nang ibalik dito ang ilang hindi aprobadong cheke.
"Ito hong pambayad sa apat na office table ang chairs, kakanselahin na rin ho ba?"
"Nandito na si Kuya Patrick bukas. Ibalik mo 'yan kay Mr. Socorro at sabihing kailangan munang pirmahan ng kapatid ko ang voucher bago ko aprobahan. Hindi naman 'yan nagmamadali. Kahit huwag mo na munang i-proseso."
"Wala na ho ba tayong ire-release ngayong araw? Apat na suppliers lang po ito. Paano na ang iba?"
"Yes, that's all for now. I need to review everything before I sign. Thank you, Lydia." Ibinalik ni Dianne ang mga hindi inaprobahan saka iniwan naman sa mesa ang ilan pa.
Mabilis namang nilisan ni Lydia ang silid. Si Dianne ay tila nasa malalim na pag-iisip. Maya-maya ay may tinawagan ito sa telepono.
"I’m not sure if I’m just being suspicious or if something’s actually happening, Pat. Gusto ko munang palitan si Lydia sa posisyon niya pero saan ko naman siya ilalagay?"
Base sa pakikinig niya ay pinagdududahan nito si Lydia na nag-i-issue ng ckeke na hindi dapat. Maya maya ay si Mr. Socorro naman ang pumasok sa silid na nakaharap niya sa unang pagkakataon.
May edad na ang lalaki bagama't makisig pa rin dala ng mamahaling kasuotan. Habang kinakausap ito ni Dianne ay hindi niya maiwasang ikumpara ang sarili sa matandang lalaki.
He is married. May wedding ring itong suot na una talagang hinanap ng mata niya. Di hamak pa ring maganda siyang lalaki kaysa rito. At malayo ang edad nito kay Lydia na pinagdududahan niya kung totoo nga ba ang sumbong sa kanya ng isang anonymous sender. Ang alam din niya ay hindi gusto ni Lydia na maging isang kabit dahil mataas ang pamantayan nito sa salitang dignidad.
"I need you to verify everything that Lydia is requesting for payment, Mr. Socorro. You know that we are strict about the company's expenses. Sa mga susunod na araw ay ililipat ko na rin siya sa ibang departamento dahil babalik na si Lindsay galing sa indefinite leave."
"Sure, Miss Romano. Sinita ko na rin siya sa mga walang approval ni Sir Patrick pero sabi niya'y siya na daw ang bahala. Ang alam ko'y close naman kayo kaya naisip ko na nagtitiwala kayo sa kanya."
"Kung ano ho ang company policy, walang magbabago. Lahat ay may approval muna ni Kuya Pat bago ko pirmahan. Thank you, Mr. Socorro."
Nang lumabas ang matandang lalaki ay sa monitor ng CCTV nakatitig si Dianne. Siya naman ay nakatitig sa magandang mukha ng amo na biglang umangat ang tingin sa kanya. Hindi niya tuloy alam kung paano iiwas ang mata dahil nakalimutan niyang isuot ang shades niya.
"D-do you want another coffee?" bigla niya tuloy naitanong kahit nagkape naman na ito sa bahay kanina.
"Gusto mo ba akong mag-palpitate?" Naningkit ang mata nitong nagtanong.
"Juice? Or cold water? Parang stress ka kasi," paliwanag naman niya. Sumandal ito sa swivel chair saka pumikit.
"Yeah, I am stressed. My head hurts."
Lumapit siya sa dalaga at pumwesto sa likod nito. Mapangahas ang gagawin niya. Puwede siyang palayasin ni Dianne at sisantehin sa trabaho kaya't kabadong-kabado siya.
"You need a soft massage..." bulong niya na inilapat ang dalawang kamay sa magkabila nitong sintido. Sandali itong umalma pero ibinaba niya kaagad ang dalawang hinlalaki sa ibaba ng batok nito at binigyan ng diin. Siguro ay naginhawaan ito kaya't hinayaan na siya.
"Mawawala ang pananakit ng ulo mo lalo kapag may eucalyptus oil."
Ibinalik niya ang kamay sa sentido nito saka minasahe nang marahan lang. Hindi niya puwedeng ibaba ang kamay sa likod nito dahil baka pag-isipan na siya nang masama.
"Feel good?"
"Yeah, thanks..."
Tumango lang siya bagama't nanatili sa gilid ng silya nito. Hinayaan niyang magsalita si Dianne pero nawalan yata ito ng sasabihin. Kahit siya ay walang masabi kaya't wala silang kibuan hanggang sa telepono nito ang bumasag sa katahimikan ng silid.