Kanina pa naghihintay si Franco sa amo niyang si Dianne sa loob ng opisina nito. Pagbalik nila kasi ay trabaho kaagad ang inatupag nito hindi pa man niya nailalapag ang Hermes bag na bitbit niya. Mula sa mga pipirmahang kung ano-ano, kaliwa't kanang tawag sa telepono, at mga kasosyo sa negosyo na bumibisita sa Romano Shipping Line.
Bumukas ang pinto ng silid na akala niya'y si Dianne na pero si Lydia pala. Seryoso ang mukha nito na hindi siya nginitian man lang gayung silang dalawa lang naman ang tao sa silid.
"Hi, babe..." Tumayo siya kaagad pero iniharang ni Lydia ang kamay. Hindi naman na siya nagulat. Sa maghapom niya sa opisina ay ni hindi siya nito sinusulyapan na tila siya isang estranghero. Hindi pa nga lang niya tiyak kung dahil nandito ang lalaking kasintahan din nito o iyon din ang utos ni Dianne na huwag silang maglandian sa opisina.
"Hindi magandang tingnan na dito tayo sa opisina magyakapan, Franco. Sa labas na lang tayo mag-usap bilang magkasintahan, okay?" mataray pa nitong wika. Gusto tuloy niyang umalis na lang ito sa opisina ni Dianne. Ni walang lambing kung paano siya kausapin.
"Sige... Pauwi ka na ba?" tanong niya sa kasintahan. Wala naman siyang balak yakapin ito o halikan matapos makompirma na may ibang lalaki nga ang kasintahan niya. Ayaw rin naman niyang maabutan sila ni Dianne na naglalandian dito, baka masisante pa siya. Pero kung mahal pa siya ni Lydia ay hindi siya ganito kung kausapin. Magtatanong pa rin ito kung kumain na ba siya o may problema ba siya sa trabaho. Wala siyang natanggap na kahit anong mainit na pagtanggap. Desidido tuloy siyang lalo na alamin kung sino ba ang lalaking 'yun na ipinalit sa kanya.
"Maya maya lang nang kaunti. Wala pa ba si Ma'am Dianne? Kailangan ko sana ng pirma niya sa cheke bago ako umalis. Maaga kasi ang mangongolektang supplier bukas."
"Sayang, ihahatid sana kita para makapag-dinner tayo ulit. Baka puwede ako ulit matulog sa apartment mo." Hinintay niya kung kakagatin ni Lydia ang drama niya pero kaagad itong gumawa ng dahilan.
"Minsan six-thirty pa o alas syete umuuwi si Ma'am Dianne kaya hindi tayo puwedeng magsabay. Saan ka nga pala umuuwi? Sana sa apartment na lang na malapit dito o sa bahay ni Ma'am Dianne para hindi ka laging nali-late sa trabaho."
"Sa ngayon nag-stay in muna ako sa bahay nila Ma'am Dianne para makatipid. Gusto ko kasing makaipon nang mabilis nang naipagawa na natin ang dream house natin sa lalong madaling panahon."
"Gusto mo palang magpatayo tayo ng sarili nating bahay, sana bumalik ka muna sa Jeddah. Magkano lang naman ang sasahurin mo dito bilang driver?"
"Hayaan mo na..." Hindi niya ipinaalam kung magkano talaga ang sahod na ibinigay ni Dianne. "Ang mahalaga magkasama na tayo at hindi na maghihiwalay."
"Dadating din naman tayo d'yan eh. Masyado ka kasing nagmadali." Hindi nito naialis ang inis sa mukha.
"Ayaw mo bang kasama mo na 'ko ngayon?"
"Hindi naman sa ganun...."
Lumapit pa siya ng isang hakbang at hinawakan ang mukha ng kasintahan. Hindi na nakapalag si Lydia dahil hawak niya na ang mukha nito at nailapat niya na ang mga labi. Hindi na katulad ng dati ang pananabik na nararamdaman niya. Kailangan lang niyang magpanggap nang hindi makahalata na may pagdududa na siya.
"Ano ba, Franco. Sinabi ko nang hindi tayo puwedeng ganito kapag nasa opisina tayo eh," pagalit nitong sabi. Bumitiw naman siya pero nanataling nakatayo sa harap ni Lydia.
"Wala namang tao..."
"Kahit na." Kahit ang paghawak niya sa kamay nito ay iwinaksi ng kasintahan. "Huwag ka ngang makulit. Pareho tayong masi-sisante sa gingawa mo eh."
"Alam naman ni Ma'am Dianne na magkasintahan tayo."
"Kahit na... Hindi pa rin naman alam ng ilang empleyado dito."
"Hindi mo sinasabi sa kanila na kasintahan mo ang bagong driver ni Ma'am Dianne?"
"Bakit ko naman kailangang sabihin? Buti sana kung Supervisor ang posisyon na in-apply-an mo."
"Ikinakahiya mo ba dahil driver lang ako dito?" Siya naman ang hindi nakaiwas sa inis. Palagi na lang ay hindi maganda ang pinatutunguhan ng pag-uusap nila ni Lydia.
"Hindi naman sa ganun... Pero iba siyempre ang dating kapag driver ka lang. Parang wala ka nang mapiling ibang trabaho."
"Wala naman na talaga akong ibang mapiling trabaho, Lydia. Sino ba naman ang tatanggap sa 'kin hindi naman ako nakapag-take ng board. Tapos driver din ang work experience ko sa Jeddah. Marangal na trabaho naman 'to ah? Bakit mo ikinakahiya?"
"Hay naku, Franco, ewan ko sa 'yo. Wala pa rin ba si Ma'am Dianne?"
"Wala pa. Dito mo na lang hintayin para makasama naman kita kahit sandali lang."
"Ano ba, Franco!" Iwinaksi nito ang kamay niyang hahawak sana ulit sa kamay nito. Mabilis ang hakbang nitong nakalabas kaagad sa pinto ng opisina ni Dianne.
Nagrerebulosyon naman ang galit sa dibdib niya. Kung tratuhin siya ni Lydia ngayon ay para nang estranghero. Bukas ay gugulatin niya ito sa bagong porma niya gamit ang mga bagong damit na binili sa mall kanina. Babaguhin niya ang sarili at tatakamin niya ulit si Lydia hanggang bumalik ang pagtingin nito. Pagseselosin pa nga niya kapag tumagal-tagal lang siya sa opisina. Ang kaso ay baka mahirapan siya kung si Dianne ang gagamitin niyang babae gayung napakataray nito.
Pero wala namang iba na puwede. Wala pa siyang nakikilalang ibang empleyado dito sa kompanya dahil balak yata siyang ikulong ni Dianne para masigurong sulit ang trenta mil na ibabayad nito sa kanya. Gagawin siyang robot na isang pindot isang kilos. Kahit nga si Lydia na kasintahan niya'y pinagbawalan siyang lapit-lapitan dahil nandito daw sila para magtrabaho.
At isa pang dahiln ay dahil attracted din naman talaga siya kay Dianne. Paano namang hindi? Kaiksi-iski ng palda, ang hilig pang dumekwatro. Lalo tuloy lumilitaw ang makinis nitong hita.
"May ipapapirmahan daw si Lydia?" Walang kaabog-abog ay pumasok si Dianne sa opisina nito. Inalis niya muna ang bara sa lalamunan bago sumagot.
"Nariyan na ho sa table niyo. Pauwi na ho ba tayo?"
"Bakit? Naiinip ka na?" mataray nitong tanong habang nakatingin sa kanya. Ang sungit talaga. Pero nang kinagat ng labi nito ang ballpen na hawak ay hiniling niyang sana'y ballpen na lang siya ngayon.
"N-no, ma'am..." Muli siyang umupo sa sofa pero nakaharap na kay Dianne. Lihim siyang napamura pagkatapos. Mali pala ang napuwestuhan niya.
At dahil salamin lang ang nakaharang sa ilalim ng mesa ng amo, halos aninag niya ang puting cotton thong underwear na suot nito.
At hindi pala talaga ito nagsusuot ng pamatong na maiksing shorts man lang! Pinagpawisan yata siya nang malapot nang magtama ang paningin nila matapos niyang titigan ang pagitan ng hita nito.
Nababasa kaya ni Dianne ang nasa isip niya ngayon?