"K-kuya Rey?" tanong ko sa kaharap ko sa pautal na paraan dahil hindi yata pamilyar ang nakikita ko ngayon.
"Oh? Bakit parang nakakita ka ng multo diyan?" tanong ni Kuya Rey, pero imbis na sagutin ang tanong niya, mabagal kong inilibot ang aking paningin sa lugar kung nasaan ako ngayon.
Yung telebisyon na patuloy sa pagbabalita, yung mga tao sa paligid na kumakain habang may kanya-kanyang kausap, itong lugar na ito, ang kinauupuan ko ngayon, pati na ang mga pagkain na nasa harap ko at... ang taong nasa harap ko ngayon... parang... parang...
"Amber..." tinig ng taong kaharap ko ngayon, kaya unti-unti akong napalingon dito, pero kaba at takot ang nararamdaman ko. Nanginginig ang mga kamay ko sa baba ng aking hita.
".... Wala ka bang napapansin kay Cathy kanina?" pagkasabi niya ng mga salitang iyon ay nanlalaki ang mga matang napaatras ako at napatayo sa kinaupuan ko.
Nakita ko ang pagkunot ng noo ni Kuya Rey dahil sa reaksyon ko; hindi rin nakaligtas sa paningin ko ang mga taong napatingin din sa akin dahil sa pagtayo ko.
"Oh, anong nangyari sa iyo diyan? Kanina pa talaga akong nagtataka sa iyo." tanong ni Kuya Rey, pero hindi ko magawang sumagot.
Muli kong inilibot ang aking paningin dahil ako'y nagtataka.
Bakit ako nandito? Bakit parang... bakit parang bumalik ako sa nangyari nung nakaraan?!
Tandang-tanda ko itong resto na ito at ang sinabi ni Kuya Rey ay sinabi niya na rin nung nakaraang araw.
Nagmamadaling kinuha ko ang bag ko na nasa gilid ng lamesa katabi ng mga pagkain.
"Saan ka pupunta? Hindi mo pa naubos ang pagkain mo." nag-aalalang tanong ulit sa akin ni Kuya Rey.
"P-pasensya na Kuya, m-may p-pupuntahan lang ako." nauutal na sabi ko dito, tsaka mabilis na naglakad papuntang pintuan nitong resto.
Nang malapit na ako sa pintuan para sana lumabas, muli akong natuod at napahinto sa gitna ng pintuan... para akong binuhusan ng malamig na tubig... unti-unti akong napalingon sa bagay na iyon na nakasabit... tuluyan na akong naluha... dahil yung narinig kong balita... yung sa TV...
"Isang babae ang nakatakas mula sa Protacio Mental Hospital sa Laguna. Ayon sa mga nurses, nakatakas ang babae dahil sa palakol na hawak nito at ang bawat nurses at doctors na humarang dito ay walang pag-aalinlangan pinatay. Kasalukuyan nang hinahanap ng mga awtoridad ang suspek."
Hindi... hindi ito maaari... ayan din yung balita noong nakaraang araw!
Tuluyan na akong lumabas ng restaurant na iyon dahil natatakot na ako.
Ano bang nangyayari sa akin?! Bakit ako bumalik sa nakaraan? Bakit nangyayari ito? Anong ibig sabihin nito?
Habang naglalakad ako, kasabay na nanginginig ang katawan ko dahil sa takot. Hindi maaari ito. Paanong bumalik sa nangyari noon eh ang pagkakatanda ko ay nasa opisina ako noon? Nanghihina ang katawan ko kaya tinulungan ako ng kasamahan kong dalhin ako sa clinic. Nung nasa clinic na ako, iniwan niya ako mag-isa, tapos... t-tapos...
Napahinto ako sa paglalakad at napatakip sa bibig ko nang maalala ko ang nilalang na iyon.
Hindi kaya... hindi kaya ang nilalang na iyon ang may kagagawan nito?!
beep beep!
"Hoy, kung may balak ka magpakamatay, magbigti ka na lang!" Agad akong nabalik sa reyalidad dahil sa businang iyon pati na rin sa sigaw ng kung sino man.
Namalayan ko na lamang na nasa gitna ako ng pedestrian lane at marami nang napapatingin sa akin pati na rin mga kotseng nakahinto dahil nasa gitna ako.
Humingi ako ng tawad sa kahihiyan at kita ko ngayon na patungo ako sa Burnham... pa-wait!
Kung bumalik ako sa nakaraan, ibig sabihin ay makikita ko si Jeremy!
Si Jeremy ang makakatulong sa akin dahil pakiramdam ko ay may alam siya sa ganito.
Hinihiling ko lang na sana maniwala siya sa sasabihin ko.
Wala na akong sinayang na oras pa at naglakad patungo sa waiting chair kung saan nag-usap kami noon ni Jeremy.
Kung bumalik ako sa nakaraan, ibig sabihin ay magkikita kami ngayon.
Umupo ako doon sa mahabang silya na malapit sa bike section.
Nanginginig ako at pinagpapawisan kahit malamig ang panahon.
Feeling ko... feeling ko may nagmamatyag sa mga galaw ko.
Ni ayaw kong lumingon kahit saan at yumuko na lang dahil baka kung ano na naman ang maramdaman ko o makita ko ngayon.
Kinuha ko yung cellphone ko sa bulsa ko.
Nang tignan ko ang date ngayon, doon muli akong napaluha.
Hindi nga ako nananaginip; totoong bumalik ako sa nakaraan. Ito yung araw na hinatid ko si Cathy sa bus station pauwi sa Maynila, pero hindi ko rin maiwasang mapaisip dahil itong araw rin mismo, nakita ko ang k-
"Amber!" Agad akong napalingon sa tawag ng kung sino man sa pangalan ko.
Kilalang-kilala ko iyon.
Ako na mismo ang tumakbo papalapit sa kanya at yumakap.
Niyakap ko siya ng mahigpit at hindi naman siya tumutol; instead, yumakap din siya sa akin.
Umiyak ako sa bisig ni Jeremy.
"Thank God ayos ka lang!" rinig kong saad niya habang hinahagod ang aking likod.
"Jeremy, natatakot ako. Hindi ko alam ang nangyayari. Bakit ako nandito? Bakit ako bumalik sa nakaraan?" naiiyak na tanong ko dito habang nasa bisig niya pa rin ako.
It felt weird. Parang lahat ng takot ko ay natibag dahil sa yakap na ito. I feel safe.
"Huwag kang mag-alala, hindi lang ikaw ang bumalik. Nagpakita rin siya sa akin." Sa sinabi niyang iyon, kumalas na ako sa yakap at napatingin sa kanyang mga mata.
"Tama ka ng iniisip. Nagpakita rin siya sa akin pero hindi NIYA tayo kayang saktan dahil hindi pa siya tuluyang buo." Saad niya ulit dahilan para mapakunot na ang noo ko at tumigil na ako sa pag-iyak.
Sinong NIYA ang tinutukoy niya? Hindi ko siya maintindihan.
"Hindi ko alam kung anong pakay niya sa atin pero ramdam ko may isang tanong na kailangan ng tulong natin, Amber." Sabi niya pa kaya hindi ko na maiwasang magtanong.
"Anong tulong? Sinong may kailangan ng tulong natin?" tanong ko sa kanya.
Imbis na sumagot, iginaya niya ako sa inupuan namin noong araw.
Katulad noon, may dala siyang paper bag na bench ang tatak, pero hindi ko na pinagtuunan ng pansin iyon.
Nang makaupo kami, sinabihan niya akong kumalma muna at huminga ng malalim.
"Premonition ang tawag sa nangyayari sa atin ngayon, Amber." panimula niya nang kumalma na ang katawan ko sa panginginig.
"A-anong premonition?"
"Pinapakita sa atin ang magaganap, Amber. Ewan ko kung sino, pero sigurado akong may mamamatay. May nabalitaan ka ba bago tayo bumalik sa nakaraan?" sabi nito, pero umiling lang ako, dahilan para mapaisip siya at dalhin ang kamay sa kanyang baba.
"Kung wala, bakit ganoon? Anong dahilan ng nilalang na iyon at bakit niya tayo ginugulo?" tanong ulit nito, pero hindi ko naman masagot dahil hindi ko rin alam ang nangyayari.
"May iba pa bang nagpakita sa iyo? Like kakilala natin? Pamilya mo, ganon?" Sa tanong niyang iyon, doon ko naalala ang nakita ko noon.
Posible kayang siya ang humihingi ng tulong sa amin?
Si Kuya Ricky.
Ang nakakatandang kapatid ni Cathy.
Hindi ako pwedeng magkamali dahil nakita ko talaga ng dalawang mata ko na siya yung nasa likod ng dalawang nag-aaway na lalaki dito sa b-
"Eh gago ka pala eh, kita mong ikaw itong nakaharang, tas ako pa sisisihin mo!?" Imbis na mapalingon agad, muling nanumbalik ang kaba sa dibdib ko. Alam ko na kung ano iyon. Ayun yung dalawang nag-aaway doon sa gitna ng kalsada para sa mga bike. Unti-unti akong napalingon doon dahil nakita ko si Jeremy na seryosong nakatingin doon. Nang mapalingon ako, tama ang hinala ko.
"Gago ka rin!" sagot rin nung isa, sabay suntok doon sa unang lalaking maskuladong nagsalita, dahilan para tuluyan na silang mag-away at marami na ring umaawat. Ganito'ng ganito ang nangyari noon, pero ang kaibahan lang... wala si Kuya Ricky sa likod nung dalawang nagbabangayan na lalaki.
"Let's go." rinig kong sambit ni Jeremy mula sa likuran ko. Imbis na sumunod sa sinabi niya, nakatingin pa rin ako sa dalawang taong nagbabangayan.
Paanong nawala si Kuya Ricky sa eksenang ito?
Hindi ako pwedeng magkamali dahil nakita siya mismo na nakatayo doon habang nakatingin sa akin.
"Amber, let's go." rinig kong saad muli ni Jeremy kaya naman napasunod na ako sa kanya.
Ang daming katanungan sa utak ko.
Bakit nangyayari ito sa amin? Kung totoo yung sinasabi niyang may humihingi ng tulong sa amin, sino naman? Si Cathy lang naman...
Oh my God!
Hindi kaya... hindi kaya si Cathy ang...
"Oh my God! Si Liza Soberano 'yan, mga dzai, oh!" Agad akong napatingin sa sumigaw na babae.
Naglalakad na kami dito sa gilid ng boating section at, katulad ng inaasahan, nandoon nga si Liza Soberano, nagpipictorial.
Imbis na ma-amaze sa aking nakikita, mas lalo akong natakot. Nangyari na itong lahat; ang kaibahan lang ay ang pag-uusap namin ni Jeremy tungkol sa premonition na iyon.
Nagkatinginan kami ni Jeremy dahil doon. Binigyan niya lang ako ng nag-aalalang tingin, sabay naglakad na kami doon sa dulo kung saan nandoon ang parkingan ng mga kotse.
"Amber, wait for me here." Yun lang ang sinabi ni Jeremy at agad na umalis. Ni hindi na ako sumagot dahil lutang ang utak ko kakaisip sa nangyayari ngayon. May bumabagabag sa isip ko.
Sigurado akong hindi si Cathy ang nanghihingi ng tulong sa amin. Nawala si Kuya Ricky sa eksena. Possible kayang... posible kayang siya ang...
beep beep!
"Amber, come on!" Nabalik ako sa reyalidad dahil sa sigaw ni Jeremy na ngayon ay nakasakay na sa kotse habang nakababa ang bintana.
Wala sa sarili akong sumakay sa kotse niya dahil marami na ring nagbubusinang kotse na nakasunod sa kanya.
"Dito ka na lang matulog, tapos doon na lang ako sa sofa sa labas," sabi sa akin ni Jeremy.
Nandito na kami ngayon sa condo niya. Kasama niya dito ang nanay at kapatid niyang bunso. Hindi niya muna ako pinauwi sa amin dahil baka mas malala pa ang gawin sa akin ng demonyo na iyon.
Hindi ko sinabi sa kanya ang isa pang nakita ko nung isang araw, ang tungkol kay Kuya Ricky.
"D-doon na lang kaya ako sa sofa? Ikaw na dito matulog, nakakahi—"
"Huwag ka nang kumontra. Bisita ka dito, kaya dito ka na. Huwag ka nang makulit," sabi niya sa pautos na tono, kaya naman medyo kinilig ako na hindi ko maintindihan, pero napayuko na lang ako.
Rinig ko ang pagbuntong-hininga niya.
"It's past 9 PM na. You need to sleep na rin, kaya dyan ka na matulog. We will talk again tomorrow. Mag-file ka rin muna ng leave sa trabaho mo," sabi niya ulit at aalis na sana, pero hinawakan ko siya sa pulsuhan niya, kaya napalingon muli siya sa akin na may kunot na ang noo.
"What?"
"Pwede bang tabi tayo matulog?" pakiusap ko sa kanya, pero doon ko lang napagtanto ang sinabi ko nang tumikhim siya, at ako naman ay napaiwas ng tingin.
Agad akong napabitaw sa kamay niya dahil sa hiya.
"S-sige na, goodnight." Nahihiyang paalam ko na lang sa kanya at tinalikuran siya...
"Amber." Awtomatiko akong napalingon muli sa pagtawag niya.
"Wala ka na bang ibang nakita o nagpakita sa iyo maliban sa demonyong iyon?" Diretsahang tanong niya na agad ko ring sinagot.
"Wala." Sagot ko agad dito na tinanguan niya lang at nagpaalam na. Ako naman ay agad na dumiretso pahiga sa kama, patihaya.
Pumikit ako at huminga ng malalim.
Hindi ko sasabihin sa kanya na nakita ko si Kuya Ricky.
Dahil sigurado akong kay Cathy na naman mapupunta ang atensyon nilang lahat, katulad na lang noon.