Cathy Quezon
"Ate Cath?" Rinig kong tinatawag ako ng kung sino man sa likod kaya awtomatikong napalingon ako doon.
"Hmm?"
"Ikaw na ba ang magluluto ng ulam para sa hapunan o ako na?" tanong nito.
"Ako na, maghugas ka lang ng plato... Ganoon pa rin ba si Nanay?" kuwento ko dito.
Bagsak balikat naman ang naging sagot nito sabay dalawang tango. Isang buntong hininga na naman ang pinakawalan ko. Tumuloy na ito sa kusina kaya sumunod na rin ako pero ni-lock ko muna ang pinto.
Namataan ko na siyang naghuhugas ng plato, kaya naman inihanda ko na rin ang mga sangkap na gagamitin ko para magluto. Habang naghihiwa ako ng sibuyas, ay nagsalita si Kristel.
"Ate, ako na pala yung maglalaba ah. Pababa na lang mamaya ng labahin mo." sabi nito.
"Sige, sige, pero Kristel, may gusto akong tanungin sa'yo." sagot ko naman dito kaya napatigil ito sa paghuhugas at napatingin sa akin na kunot ang noo.
"Ano yun, ate?" tanong niya.
"Bakit hindi mo sinabi sa akin noon na galit ka kay kuya Ricky?" diretsahang tanong ko dito. Wala nang paligoy-ligoy pa.
"Ayon ba?" sagot naman nito at binalik ang atensyon sa paghuhugas ng plato. "Ayun, yung time na dinalaw ako ni Ericson dito, ate..." panimula nito. Tumigil muna ako sa ginagawa ko at taimtim na nakinig dito at nakatingin sa likod nito.
Hindi naman ikaw, Kristel, di ba?
"...totoong nagalit ako kay kuya noon, lalo na nung pinapili niya ako kung si Ericson ba o ang pamilya natin... totoong hiniling ko na sana mawala na lang siya, pero nung nalaman ko yung pagtataksil sa akin ni Ericson, ay doon ko naintindihan ang mga pinagsasasabi ng kuya, kaya..." Ramdam ko ang paghihinagpis niya at kahit nakatalikod ito sa akin, ay nakita kong nagpupunas siya ng luha. "...kaya sising-sisi ako sa hiniling ko noon... h-hindi ko naman gusto hilingin na mawala na siya ng tuluyan... g-gusto ko lang maintindihan niyo yung n-nararamdaman ko." At tuluyan na siyang naiyak. Agaran akong pumunta dito at pinatahan.
"Tama na, Tel. Hindi mo kasalanan ang nangyari. Walang may gusto kay kuya ng ganoon." pag-aalo ko dito.
Tama na, Cathy. Wala sa pamilya mo ang gagawa ng ganoong bagay. Pagsisita ko sa sarili ko.
"...S-sorry, a-ate, s-sorry t-talaga!"
"Sshh! Wala kang dapat ika-sorry. At least natuto na tayo sa katangahan natin noon, di ba?" tanong ko dito at tumango-tango ito. Humiwalay ito sa pagkakayakap at nagpunas ng luha. Hinawakan ko siya sa dalawang balikat.
"Makinig ka. Huwag na huwag mo sisisihin ang sarili mo dahil wala kang kasalanan sa nangyari, okay?" paliwanag ko dito. Tumango-tango na lang ito.
"Salamat, ate!" At niyakap na naman ako ulit. Medyo naiinggit lang ako sa mga kapatid ko kasi hindi hamak na mas matatangkad sila sa akin. Nanliliit tuloy ako kapag kasama ko sila lumabas.
"Tama na yan at ituloy mo na ang ginagawa mo. Baka pumangit pa yung anak ko dahil iyak ka ng iyak." biro ko sa kanya. Napalabi naman siya dahil doon.
"Si Ate talaga! Baka kasing ganda ko yan pag lumabas na yan sa tiyan mo eh."
"Tse! Maghugas ka na doon. Itutuloy ko na yung niluluto ko nang makakain na tayo." Tumalima naman ito agad at ayon. Ang tagal naming natapos dahil minsan ay nag-uusap kami tungkol sa kanya-kanya naming buhay nung nag-aral ako sa Baguio. Ikinuwento niya rin sa akin ang mga naganap dito sa bahay nung wala ako. Ang dami pa namin napagkwentuhan at minsan hinahaluan niya ng kaharutan, kaya para kaming bumalik sa pagkabata dahil nga puro bula yung mukha namin.
Nang matapos kami sa kusina, tinawag ko si Nanay para kumain na, pero hindi man lang nito nagawang sumagot, kaya sinabi ko na lang na lumabas na lang siya kung nagugutom siya at kumuha na lang sa ref. Hindi ko na hinintay na sumagot siya dahil alam ko namang hindi ito sasagot.
Namataan ko naman si Kristel na nakaupo na at hawak ang laptop. Nakahanda na rin ang mga pagkain. Simpleng hapunan lang. Sinigang na baboy tapos sinampalukang manok. Hinahanap kasi ng panlasa ko ang asim, kaya ayon na lang niluto ko. Gusto rin naman ni Kristel ang mga iyon.
Gusto niya kasi manood ng balita sa laptop. Hindi na kasi gumagana yung TV namin na LG ang tatak dahil lumang-luma na ito. Napatingin naman si Kristel sa akin.
"Ganoon pa rin ba si Nanay?" tanong nito.
Pilit naman akong ngumiti sabay tango, kaya napabuntong-hininga ito.
"Kain na tayo. Ilagay mo na yang laptop doon sa gitna para makapanood din ako." sabi ko na lang dito para malihis ang usapan tungkol kay Nanay.
Nagtabi kami at kamay na lang ang ginamit namin para kumain dahil sayang sa tubig kung pati yung mga kutsara ay huhugasan eh dalawa lang naman kami. Tahimik kaming kumakain habang nanonood ng balita nang may marinig kaming nag-doorbell.
Nagkatinginan kami ni Kristel at parehas kaming nakakunot ang noo.
Sino naman nag-doorbell gayong alam kong gabi na at ang pagkakaalam ko ay nakasarado yung gate?
"Ako na, ate!" sabi ni Kristel at hinayaan ko na lamang ito. Tumalima na ito at nagpatuloy ako sa pagkain. Tuloy-tuloy lang ako sa pagkain hanggang sa marinig ko ang sigaw ni Kristel.
"Ate, may bisita ka!" Kunot-noo ang naging reaksyon ko doon kaya sumagot din ako ng pasigaw.
"Sino daw?!" tanong ko dito. Paglabas kasi ng kusina ay dining room agad at kasunod na noon ay yung main door nitong bahay, pero sa kusina na kami ni Kristel kumain para less linis.
"Amber daw!"
***
Amber Lim
"Dito na yata iyon, Jeremy," sabi ko kay Jeremy na ngayon ay nagdadrive. Itinigil niya naman agad ang kotseng sinasakyan namin sa isang gate na halatang pinaglipasan na ng panahon.
Sa bahay nila Cathy.
Malaki ang kasalanan ko kay Cathy kaya heto ako ngayon. Gagawin ko ang lahat para matulungan sila ng pamilya niya. Humihingi ako ng tawad sa kanya. Sana mapatawad niya ako. At isa pa, bestfriend ko si Cathy; siya lang ang nagturing sa akin na pamilya, kaya lahat gagawin ko para sa kanya.
"Ikaw na ba ang kakatok o ako na?" tanong ng kasama ko pagkababang-pagkababa naming, pero agad ko siyang binatukan sa kabobohan niyang tanong.
"Aray naman! Bakit ba?" reklamo nito habang sapo-sapo ang ulo.
"Timang, paano tayo kakatok eh gate iyan?" sagot ko sa kanya at itinuon ko na ang pansin sa gate. May malaking bahay na medyo may kalayuan sa gate. Marahil ay iyon na bahay nila Cathy. May natatanaw din kami mula dito na isang punong pagkalaki-laki sa gilid, sa loob, malapit sa bahay. Nang titigan ko ang itaas nito, hindi naging maganda ang pakiramdam ko doon.
"Tao po!" sigaw ko, pero ilang minuto ang lumipas ay wala akong nakuhang sagot dahil medyo may kalayuan nga ang bahay. Pero siguro naman may tao dito dahil nakabukas ang ilang ilaw sa ilang parte ng bahay.
"Wala yatang tao, Ber," sabi ni Jeremy na nasa likod ko. "Mayroon iyan, maghintay ka lang," sabi ko dito. Sumigaw na naman ako muli at nilakasan ko pa talaga. Yung lakas na siguradong maririnig hanggang sa bahay nila. Ngunit lumipas ang ilang minuto, wala pa ring lumalabas na tao sa bahay nila, at kanina pa ako nilalamok dahil gabi na.
"Halika na muna. Gabi na oh, tsaka kanina ka pa nilalamok. Sa kotse na tayo maghintay," sabi ni Jeremy sa akin dahil napansin niya yata ang pangangamot ko sa legs ko. "Wait, baka bukas naman itong gate," saad ko sa kanya nang mapansin ko yung gate, pero nakalock naman ito mula sa loob kaya bagsak-balikat akong humarap sa kanya.
"Tawagan mo kaya?" suhestiyon naman nito sa akin, pero ilang beses ko na rin ginawa iyon. Sa Messenger man o sa phone call, hindi pa rin ako sinasagot. "Ilang beses ko ng ginawa 'yan eh, nonsense din," sagot ko dito kaya bagsak-balikat din siya at babalik na sana kami sa kotse, ngunit kakatalikod pa lang namin ay may narinig kaming nagsalita.
"Sino ho sila?" Kaya awtomatiko kaming napalingon muli sa gate. Isang babaeng alam kong mas bata pa sa amin. Balingkinitan ang katawan. May nunal malapit sa ilong, sa kaliwang pisngi. Saan naman siya nanggaling gayong hindi naming siya nakitang lumabas mula sa bahay?
Hindi rin nakaligtas sa paningin ko ang pasa nito sa leeg. Pasa ba o bakas ng kamay dahil para itong sinakal. Ewan, pero hindi na mahalaga iyon dahil mas mahalaga ang makausap ko si Cathy ngayon.
"Hello, ako nga pala si Amber at siya naman si Jeremy. Mga kaibigan kami ni Cathy," paliwanag ko dito dahil napansin kong sa tingin na ipinupukol nito sa amin ay iniisip yata nito na kawatan kami, pero nabaling din ng pansin ko ang mukha nito. Halatang puyat ito dahil maiitim ang ilalim ng mga mata nito. Parang ang itim rin ng labi niya o dala lang na gabi na ngayon at kaunting liwanag lamang ang nababato sa amin ng isang poste dito sa gilid, kaya ganoon na lang tingin ko sa mukha niya.
"Ay, sorry po. Sige po, pasok po kayo dahil hindi naman nakalock ang gate na iyan," pagpapaumanhin nito at iginaya na nga kaming pumasok. Sinabi nitong sundan lamang naming siya, kaya awtomatikong napasunod kami sa kanya. Nang balingan ko ang kasama ko, seryoso itong nakatingin sa likod ng babaeng sumalubong sa amin. Ano bang tinitignan niya?
Halos sabay kaming naglalakad ni Jeremy, at hindi ko alam, pero bigla na lamang akong nilamig ng malapit na kami sa bahay. Tumigil ang babae ng makapunta kami sa veranda ng bahay. "Hanggang dito na lang po ako. May pinapagawa pa po kasi sa akin sa labas, kaya kung maaari ay kayo na lang po ang kumatok," pormal na paalam nito sa amin sabay tango.
"It's okay, sorry nakaistorbo pa kami. Ano nga pala ang pangalan mo?" si Jeremy ang sumagot sa kanya.
"Grace po. Hala, katukin niyo na po ang pinto. May tao po d'yan," sabi nitong muli, kaya kahit gusto ko pa itong kausapin dahil may kakaiba sa kilos at katawan nito ay hindi ko na ginawa dahil mas natuon ang atensyon ko sa kagustuhang makausap ang bestfriend ko, kaya hinila ko na si Jeremy at ako na sana ang kakatok ng may mamataan akong doorbell sa gilid.
May doorbell dito sa bahay, pero sa gate wala? Nakakaloka itong bahay na 'to ah. Sasabihin ko sana kay Grace na iyon na may doorbell naman pala, pero paglingon ko ay wala na siya. Siguro ay ginawa na nito ang inutos sa kanya ng sino man sa bahay na 'to. Awtomatikong pinindot ang doorbell, at ilang minuto lang ay may nagbukas na ng pinto.
Isang medyo may katangkaran at balingkinitan ang katawan ang nagbukas ng pinto para sa amin. Morena at maganda ang mukha nito na ngayon ay nakakunot na ang nuo ng makita kami. "Sino po sila?" tanong nito sa amin.
"Ah... mga kaibigan kami ni Cathy, nandiyan ba siya?" sagot ko tapos ako naman ang nagtanong. "Ah, sige po, wait lang," sabi nito at niluwagan ng mas malaki ang pintuan. Pero ang ikinagulat ko ay walang babala itong...
"Ate, may bisita ka!" sigaw nito kaya medyo napangiwi ako dahil sobrang lakas ng boses niya. "Sino daw?!" ganting sigaw ng boses ng taong hinahanap ko, kaya napangiti ako. Lumingon muli ang babaeng nagbukas ng pinto para sa amin.
"Ano po name niyo?" tanong nito. "Amber and siya naman si Jeremy," sabi ko dito kaya ayon.
"Amber daw!" sigaw na naman niya, pero hindi ko talaga maiwasan mapangiwi dahil ang lakas ng boses niya at malapit lang kami sa kanya.
Pinapasok niya kami, kaya natanawan ko ang sala nila. Medyo malaki at sa harap kung saan nakalagay ang pintuan nila at kung saan kami nakatayo ay lumabas mula doon ang taong gusto kong makita at makausap, kaya walang babalang tumakbo ako sa kinaroroonan niya at niyakap siya.
"Amber!"
"Cath!"
Panabay na sigaw namin, pero na-shocked yata siya at hindi inaasahan ang pagdating namin. "I miss you, besh," sabi ko sa kanya.
Agad niya kaming iginaya sa kusina nila dahil kumakain pala sila ng dumating na kami. Sinabi nito sa akin lahat ng nangyari, pati na rin sa kuya niya, hanggang sa hindi na namamansin ang nanay niya. Nakaramdam naman ako ng awa dahil doon, at syempre, hindi niya maiwasang maluha. Pati ang babaeng nagbukas ng pintuan para sa amin kanina na napagalaman naming kapatid niya ay naiyak din. Si Kristel.
"Nga pala, besh, may iba pa kayong kasama dito maliban sa nanay mo?" tanong ko sa kanya ng matapos na kami kumain, at ngayon ay tulungan na kami sa pagliligpit dahil nakakahiya naman sa kanila.
"Kami lang, besh. Umuwi na kasi yung isa kong kapatid sa tatay niya. Yung isa naman naglakwatsa yata, tapos yung tatlo kong pamangkin ay umuwi na sa magulang nila. Bakit mo natanong?" sagot nito, at dahil sa sinabi niya ay bigla akong kinabahan at napatingin ako kay Jeremy na ngayon ay natapos na sa pagpupunas ng mga pinggan na ginamit namin at nakatingin din sa akin.
"B-besh, s-seryoso ka?" paninigurado ko pa dahil baka nagbibiro lamang ito or what, pero... "Oo, besh, wala naman kaming pera pambayad sa maid, no," sagot nito, tapos halata sa mukha nito na nagtataka na rin dahil nautal na lang ako bigla.
Sino yung babae kanina?! Sino yung Grace?!
"Bakit, besh? May problema ba? Numumutla ka?" may pag-aalang tanong sa akin ni Cathy.
Napalunok muna ako at pilit na pinapakalma ang sarili bago sumagot.
"W-wala n-naman, s-siguro dahil sa pagod lang ito," sagot ko dito.
Parang ayaw ko na tuloy lumabas ng bahay o di kaya ay magtatatakbo palabas.
Sino yung babae sa labas kanina?!
"Kasi naman hindi ka nagpasabi na pupunta ka pala dito, edi sana nasundo ko kayo ni Je," sabi nito. "I knew it," sabi ni Jeremy, kaya napatingin kaming lahat sa kanya na ngayon ay nakatayo sa pinto ng nagkokonekta sa dining room at kusina.
Nangunot ang noo ni Cathy at Kristel dahil doon.
Ako naman ay hindi makapaniwala sa mga nangyayari.
Ang lakas ng t***k ng puso ko at hindi ko maapuhap ang sasabihin ko.
Sasabihin ko lang naman kay Cathy dapat na mag-ingat siya at dito muna ako sa tabi niya hanggang sa masigurado kong ligtas siya, pero bakit kung ano-ano na lang ang nakikita ko? "What do you mean you knew it?" tanong sa kanya ni Cathy.
"Sa sala na kayo mag-usap, ate. Dadalhan ko muna ng pagkain si Nanay," sabi ng kapatid nito. "Sige, doon tayo sa sala, Je and Ber," alok nito sa amin.
Agad naman kaming tumalima tatlo at naupo sa sofa nila. Ang kapatid naman niya ay nagdala na ng pagkain sa nanay nila. Binuksan muna ni Cathy ang maliit na radyo nila bago naupo sa sofa.
Magkasama kami sa isang mahabang sofa ni Jeremy habang kaharap namin ang isang lamesa na hanggang tuhod ang height, at sa kabila non ay isa pang mahabang sofa kung nakaupo si Cathy na ngayon ay alam kong nagtataka na sa ikinikilos ko.
"You know what, Ber, kanina pa kita napapansin. Balisa ka. Is there something wrong?"
***
Cathy Quezon
"You know what, Ber, kanina pa kita napapansin. Balisa ka. Is there something wrong?" I said to her nang makaupo ako sa kabilang sofa kaharap nila. Kanina ko pa siya napapansin simula nung dumating siya. Ang likot ng mga mata niya at parang may gusto siyang sabihin sa akin.
"C-cathy—"
"Who's Grace?" Diretsahang tanong ni Jeremy sa akin, at hindi natuloy ni Amber ang sasabihin. Paano nila nakilala si Grace, or baka ibang Grace?
"G-grace?" Medyo nautal pa ako doon.
"M-may babae kasing nagpapasok sa amin kanina na C-cath, G-grace daw ang pangalan niya," lintaya ni Amber, at alam kong hindi ito nagbibiro pagdating sa mga bagay na ganito.
Nakaramdam ako ng kaba dahil doon.
How could it be? Si Grace ba talaga ang nakita nila?
"Balingkinitan ang katawan, may nunal sa kaliwang pisngi malapit sa ilong at halatang puyat," dagdag ni Jeremy.
Oh my God!
Tila nanigas ang buong katawan ko dahil sa sinabi niya.
Kinakabahan ako.
Akala ko ba nasa mental facility si Grace at Melody?
Don't tell me...si Grace ay...
"Ate! Si Nanay!" Sigaw ni Kristel kaya napatayo ako at pupunta na sana sa kwarto ni Nanay, pero nakita ko nang tumatakbo si Kristel papalapit sa amin at hingal na hingal, kaya nagsimula na akong kabahan.
"Anong nangyari?! Bakit ka humahangos?!" Tanong ko agad sa kanya. "Wala si Nanay sa kwarto niya, ate!" Nakahinga ako ng maluwag dahil sa sinabi niya. Akala ko naman kung ano na.
"Naman, Kristel eh!" Sabi ko sa kanya, tapos umupo ulit sa sofa. Pinakalma ko muna ang sarili ko.
"Kilala mo naman si Nanay, di ba? Hayaan muna natin, baka nandoon lang siya sa taas o baka nasa likod. Alam mo naman si Nanay eh. Makisama ka na lang sa amin dito," kuway lintaya ko sa kanya.
Muling bumalik sa akin ang sinabi nila ni Amber about kay Grace. How could it be?!
Pagkaupong-pagkaupo ko ay muling nagsalita si Amber.
"Besh, hindi na ako magpapatumpik-tumpik pa. It's about your Kuya's death," saad nito, kaya naman ang kabang nararamdaman ko ay nahaluan ng kalituhan.
"Anong mayroon sa pagkamatay ni Kuya?" Tanong ko dito.
"Nagpakita siya sa akin sa panaginip ko noon," sagot nito.
"What do you mean?" Tanong kong muli dahil hindi ko makuha ang gusto niyang ipahiwatig.
"Cath, si Kuya Ricky. Pinakita niya sa akin kung paano siya pinatay. Nakabigti ng patiwarik, binuhusan ng mainit na tubig, at tinanggalan ng ari. Nakita ko sa panaginip ko lahat ng iyon," mahabang lintaya nito.
Agad akong napatayo at nahaluan ng pagkairita ang aking nararamdaman.
"Huwag kang magsasalita ng ganyan, Amber. Hindi biro ang sinasabi mo. Paano kita papaniwalaan?! Lahat ng iyan ay nabalita sa telebisyon at nakasulat sa dyaryo kaya—" Ngunit hindi ko na natapos ang aking sasabihin ng sumabat siyang muli.
"Sa condo niyo!" Sigaw nito na nakapagtahimik sa akin. Ang dalawa ay nakikinig lamang habang si Amber ay napatayo na rin.
"Ang nag-iisang condo niyo sa Arezzo 503-18 ang numero. May isang banyo na makikita pagpasok dito. Sunod naman ang kusina na kalinya ng banyo, at sa dulo nito ang laundry room. Sumunod naman ang counter niyo. Ang sala at ang pinakahuli...ang nag-iisang kwarto sa condo niyo kung saan nakitang walang buhay ang kuya mo. Lahat ng iyon ay nakita ko sa panaginip ko. Gabi-gabi kong napapanaginipan ang mga iyon at paulit-ulit," paliwanag niyang muli kaya naman natameme ako at natulala sa mukha niyang halatang natatakot na may pag-aalala.
Hindi nakadetalye ang condo sa balita ni sa dyaryo.
Kung ganoon, ano ang ibig sabihin nito?
"Nanganganib ang buhay niyo, Cathy. Sigurado akong malapit na malapit sa pamilya niyo ang pumapatay," sabat ni Jeremy kaya naman napatingin ako rito.
"A-anong ibig mong sabihin?!"
"Naalala mo ba noong dinala mo ang kuya mo noong birthday ko? Walang mukha ang kuya mo noon kaya natakot ako sa kanya. Lingid sa kaalaman mo, nakakaramdam rin ako. Ang Mama ko mismo ang pumunta rito sa inyo para balaan kayo, pero hindi ko pa rin siya makontak." Si Ate Jen ang sinasabi niya. Ibig sabihin ay nawawala rin pati ang kanyang Ina?
"Nandito ang kaluluwa ng kuya mo, Cathy. Nandito sa lugar niyo, sabi ni Mama, at nararamdaman ko rin iyon. Kailangan nating makausap ang kaluluwa ng ku—" Ngunit napatigil siya sa kanyang sasabihin ng nag-static ang radyo namin. Isang balita ang sinabi rito kaya napatingin kaming lahat dito.
"Balita sa radyo: Isang bangkay ang natagpuang patay sa tabi ng Jamboree Lake. Walang saplot. Duguan ang mukha. Walang dila. At may nakapasok pang malaking kahoy sa pwetan nito. Base sa katawan ng biktima, lalaki ito. Kinikilala ang biktima na si Daryl Quezon ayon na rin sa nakuhang ID nito. Nananawagan po ang pulisya kung may nakakakilala sa biktima na ipaalam sa pamilya nito. Kasalukuyan ng hinahanap ng mga awtoridad ang suspek."