KABANATA 6

2488 Words
“ANO ‘yan?” Mula sa ginagawa ay sumulyap si Kasandra sa mangkok na nasa harapan ni Liam. Hawak-hawak ni Liam ang mangkok. Kasalukuyan siyang nasa kusina sa bahay na tinitirhan nila na ilang metro lang ang layo sa simbahan ng Tres. Inaayos niya ang mga pinamili para sa supplies nila ng sumulpot ang binata. Agad itong tumabi sa kanya sa mahaba at mataas na bangko na kinauupuan niya. “Pagkain.” Matipid na sagot ng binata saka nitp ibinaba ang mangkok na hawaka sa ibabaw ng mesa. Mula sa mangkok ay itinuon niya ang tingin kay Liam. Nakangiti ito sa kanya. Hindi pala nakangiti kundi nakangisi. Inirapan niya ito at ibinalik ang tingin sa mangkok na naglalaman ng kanin at ulam. Ulam na hindi niya matiyak kung ano. Sigurado siyang adobo ang luto niyon pero hindi niya alam kung anong karne. Para kasing pinagpuputol na leeg ng manok ang itsura. “Alam kong pagkain ‘yan. Alam ko ring adobo ‘yan. Ang tanong, anong karne ‘yan?” “Sawa.” Muli ay matipid nitong sagot. Nagsalubong ang mga kilay niya at muling napatingin sa mukha ni Liam. “Sawa?” “Oo, sawa. ‘Yung ahas na kinatatakutan mo, niluto ko na. Para makaganti ka man lang sa pananakot niya sa iyo kanina.” Lumawak ang pagkakangisi nito sa kanya. Napangiwi siya at umasim ang mukha. “Sawa ‘yan?! Ngiiii! Ilayo mo sa akin ‘yan! Hindi ko kakainin iyan ano!” sabay alis ng tingin kay Liam at sa mangkok na hawak nito. Siniko siya nito. “Ito naman, nag-abala pa akong pumunta dito para bigyan ka nito tapos hindi mo kakainin?” “Ayaw ko nga niyan eh! Bakit ba kinatay mo pa ‘yan?” pakiramdam niya ay nagtataasan ang mga balahibo niya sa batok habang naiisip na kakain siya ng ahas. “Para nga makaganti ka. Tsaka kesa iba ang makinabang dito e di kinatay ko na. Halika na, kumain na tayo.” Saka hinila ang isang kamay niya. Nagpumiglas siya. “Ayaw ko, Liam! Hindi ako kumakain ng ahas noh!” “Talaga hindi ka kumakain ng ahas?” namimilyo ang mga matang tanong nito. “Sige ka. Hindi kumpleto ang buhay mo kapag hindi ka nakakain o kahit makatikim man lang ng ahas.” “Kahit hindi na makumpleto ang buhay ko basta hindi lang ako makakakain niyan.” minulagatan pa niya ito. “Grabe ka naman! Kung ayaw mo e di huwag. Ako nalang ang kakain.” Anito at mabilis na tumayo at tinungo ang lababo. Saglit lang itong naghugas ng kamay sa lababo pagkatapos ay bumalik na ito sa tabi niya saka humarap na sa mesa. Sinimulan nitong lantakan ang ahas gamit ang mga kamay. Pinanood niya ito at hindi niya mapigilang mapangiwi. Ano kaya ang lasa ng ahas na ito at mukhang sarap na sarap ang walang awang lalaking kumatay sa kinatatakutan niyang ahas. Ah! Kahit ano pang lasa ay hindi siya kakain ng ganito. Kahit sobrang sarap pa niyon base sa nakikita niyang pamamapak ni Liam sa walang muwang na ahas. “Manonood ka nalang ba riyan, Kiray? Heto tikman mo, pangako, masasarapan ka dito.” anitong iniumang pa sa kanya ang hawak-hawak nitong piraso ng karne ng sawa. “Eeeeee.” Nangaligkig siya. “Ilayo mo sa akin iyan.” “Ito naman, ikaw na nga ang dinalhan ng pagkain, ganyan ka pa. Ikaw na nga itong iginanti ko lang dito sa hayop na ito. Alam mo bang ikaw ang iniisip ko habang kinakatay ko ito. Tapos ganyan pa ang magiging reaksiyon mo. Mahirap magkatay ng ahas kala mo ba!” litanya ng binata habang namamapak ng karne ng ahas. Humalukipkip siya. “Bakit? Sinabi ko bang katayin mo ‘yan para sa akin? Tsaka mukhang sarap na sarap ka naman diyan eh kaya baka para sa iyo talaga ‘yan.” “Hindi. Pero baka kako matuwa ka kasi nakaganti ka na dito. Ayaw mo ba n’un? Concern pa nga ako sa iyo.” Sumulyap ito sa kanya. Ang sira ulo at mukhang nagpa-cute pa sa kanya. Naiikot niya ang mga mata. Kung ano-ano ang nirarason nito e sa totoo lang naman ay hindi talaga iyon ang naging rason nito sa pagkatay ng kawawang ahas na nilalantakan na nito ngayon. “Concern ka pa sa akin sa lagay na ‘yan? E sino ba ang lumalantak sa ahas ngayon?” Nagkibit-balikat ito. “Sayang kasi. Tsaka nakatulong naman sa mga kasama natin sa hardin eh. Gustong-gusto nga nila. Ikaw lang ang hindi.” “Madikit nga sa ahas, takot na ako eh, ipapakain mo pa sa akin ‘yan.” “Tikman mo lang! Para kumpleto na ang buhay mo.” Anito at tumayo. Pilit nitong idinutdot ang karne ng sawa sa bibig niya. May pandidiring iniwas niya ang mukha at biglang tumayo at umalis sa tabi nito. “Ano ba Liam! Kung gusto mong ubusuin ‘yan, iyon nalang. Huwag mo ng ipilit pa sa akin.” “Ang arte-arte naman nito. Ikaw na nga ang sinusubuan, ayaw-ayaw ka pa. Ikaw lang kaya ang babaeng sinusubuan ko. Masuwerte ka!” bumalik ito sa puwesto kanina. Natigilan si Kasandra. Totoo kaya ang sinabi nitong siya lang ang babaeng sinusubuan nito? Imposible! Sa pagiging babaero nito ay siguradong nagsisinungaling lang ito. Lumapit ulit siya rito at naupo nanaman sa tabi nito. “Talaga lang ha! Parang maniniwala naman ako sa mga sinasabi mo e nuknukan ka ng pagiging babaero. Siguradong nagsusubuan kayo ng mga babaeng nagiging jowa mo ano.” “Sinong nagsabing babaero ako? Ubod lang ako ng guwapo Kiray pero hindi ako babaero. Hindi porke’t habulin ng chicks ay babaero na.” Umasta siyang tila aatakihin sa puso. “Hindi ka babaero? Talaga? E diba ang daming umaaligid sa iyo?” “Totoo. Maraming umaaligid sa akin pero hindi ko naman sila pinapansin. Kita mo naman hanggang ngayon wala pa rin akong girlfriend diba?” Muli siya nitong pinukulan ng tingin saka kumindat. “Malay ko?” iningusan niya ito pero unti-unti na siyang nadadala sa pakindat-kindat nito. Buwisit talaga ‘tong lalaking ito! Ang bilis akong pakiligin. Hmp! “Kiray, ako na ang nagsasabi sa iyo. Wala akong nobya. Ikaw ang unang makakakilala kapag nagkaroon.” Ibinalik nito ang tingin sa kinakain. Muli niyang naiikot ang mga mata. Okay na sana na wala nga itong nobya pero kung ipapakilala sa kanya ay huwag nalang. “Ikaw, bakit wala ka pa ring nobyo hanggang ngayon?” maya-maya’y tanong nito. “Himala! Tinanong mo yata ako ng ganyan ngayon sa tagal na nating magkakilala.” Nagkibit-balikat ito. Napatingin siya sa kamay nitong nagmamantika dahil sa adobong pinapapak. “Naitanong ko lang. Kung ayaw mong sagutin, e di huwag.” Napasimangot siya. Asa pa siyang interesado ito sa lovelife niya. Hindi nga niya ito sinagot. Nangalumbaba siya at tinungangaan si Liam na abalang-abala na sa pagkain. Ilang saglit na siyang nakatunganga rito at pinagmamasdan ang binata. Napakaguwapo talaga nito. Nakatutok ang paningin niya sa mga mata nitong tila palaging nangungusap. Iyon ang gustong-gusto niya sa buong parte ng mukha nito. Palaging nakangiti ang mga mata ni Liam. Parang palaging masaya. Iilang beses palang niyang nakitang nagseryoso ang mga mata nito. Iyon ay noong namatay ang mga magulang nito. Saglit na nanumbalik sa kanyang isip ang mga araw na nagluluksa si Liam kasama ang mga kapatid ng mamatay ang mga magulang ng tatlo. Bagamat palagi silang nag-aasarang dalawa ay hindi niya iniwan si Liam. Palagi niyang ipinaparating dito na naroroon lamang siya at handang dumamay sa kahit na anong bagay. Sa tingin niya ay na-appreciate iyon ng binata dahil hindi siya inaasar ng mga panahong iyon. O talagang wala lang ito sa mood para mang-aasar. Mula sa mga mata ay bumaba ang kanyang tingin sa ilong nitong ang ganda-ganda ng pagkakatangos. Diretso pababa sa labi nitong manipis. Mala-rosas ang kulay ng labi nito. Nakakainggit dahil kalalaki nitong tao ay ang pula-pula ng labi nito. Mamasa-masa ang labi ng binata dahil sa kinakain nitong adobo. Tila naging slow motion ang paggalaw ng labi nito habang ngumunguya sa kanyang paningin. Dagling nanumbalik ang mga eksena nila sa gubat kahapon. Ang ginawa nitong paghalik sa kanya. Ang totoo ay madaling araw na siyang nakatulog kakaisip sa halikang naganap sa kanila. Ilang beses niyang nadama ang labi dahil pakiramdam niya ay nakadikit pa rin ang labi ng binata sa kanya. Gusto niyang saktan ang sarili dahil gusto niyang maulit ang tagpo nilang iyon sa gubat. Pero siyempre ay hinding-hindi niya iyon sasabihin o aaminin kay Liam. Siguradong mamamatay siya sa kahihiyan sa mga magiging panunukso nito. Nakatitig siya sa labi nito ng linungin siya ng binata. Napansin niya ang kalat sa sulok ng labi nito. Wala sa loob na umangat ang isa niyang kamay at naglanding sa mukha ni Liam. Gamit ang daliri ay nilinis ang kalat sa labi nito. “Kas…” anas nito. Hinuli nito ang kamay niya sabay titig sa kanya. Mula sa labi ay sinalubong niya ang titig nito. “Hmmmnnn…” Ewan niya pero bigla ay parang napunta sila sa ibang lugar na walang ibang naroroon kundi sila lamang dalawa. Nawala rin sa isip niyang nagbibiruan lamang sila kanina. At nag-aasaran. Kahit nararamdaman niya ang malagkit nitong kamay ay hindi niya iyon pinansin. Ngayon ay nakapagkit na ang mga mata niya sa binata. Paano ba naman ay tila hinihipnotismo siya ng mga tingin nito. Hindi niya magawang kumalas sa tingin nito. “Kung uulitin ko ‘yung ginawa ko kahapon, magagalit ka ba?” nanulas na tanong nito habang hindi binibtawan ang kanyang kamay at tingin. “Alin sa ginawa mo kahapon?” wala sa loob na balik-tanong niya. “Uhm… ‘yung ganito…” saka unti-unting lumapit ang mukha ni Liam sa kanya. Habang palapit ang mukha ni Liam ay nagpalipat-lipat ang tingin niya sa mata nito at sa labi. Alam na niya ang gusto nitong mangyari. Gusto siya nitong halikan. At wala siya ngayon sa huwisyo para tumanggi. Gusto rin naman talaga niyang halikan siya ng binata kaya hindi siya kumilos. Hinintay niya ang labi nitong dumikit sa kanyang labi. At sa wakas ay muling naglapat ang kanilang mga labi. Awtomatikong napapikit siya. Naramdaman niya ang malambot na labi ni Liam. Mainit iyon at…. masarap. Padampi-dampi lang ang halik nito na parang iniingatan ang kanyang labi. Okay sa kanya iyon. Ang sweet nga eh. Maya-maya ay nagsimulang kumilos ang labi nito at naramdaman niya ang dila nitong gustong pumasok sa kanyang bibig. Ibinuka niya ang bibig at pinapasok ang dila ni Liam. Nagsimulang uminit ang halik sa kanya ng binata. Maya-maya pa’y sumusunod na ang labi niya sa ginagawa nito. Pakiramdam niya ay mauubusan siya ng lakas sa intensidad na nararamdaman niya. Nang bigla niyang marinig ang pagtawag sa kanyang pangalan. “Kiray!” Nagmulat siya ng mga mata. Ang salubong na mga kilay ni Liam ang sumalubong sa kanyang paningin. Seryosong-seryoso ang mukha nito at mukhang kanina pa siya pinagmamasdan. Saglit niyang iprinoseso ang sitwasyon dahil sa pagkakatanga nito sa kanya. Kanina lang ay naghahalikan sila pero bakit ngayon ay mukhang hindi naman iyon ang nangyayari? “Ayos ka lang?” takang-tanong nito. “Bakit?” balik-tanong niyang nakamaang pa rin dito. “Anong bakit? Para kang timang diyan. Kanina ka pa nakatanga sa akin. Tapos ‘yang nguso mo, nakanguso pa. Nagpapasubo ka ng pagkain? Gusto mo na bang matikman ang sawa ko?” “Anong sawa mo?” tumaas ang pitch niyang nagsalubong ang mga kilay. “Sawa ko ba ang nasabi ko? Itong sawa pala.” nakakalokong nginisihan siya nito. Tumaas ang isang kilay niya. Bumaba ang tingin niya sa sariling nguso. At oo, nakanguso nga siya. Tinamaan ng lintek! Nananaginip siya ng gising! Timang ka Kasandra! Para kang sira ulo! Ano bang nangyayari sa iyo?! Nag-iimagine ka sa harap ng lalaking ito. Baka gusto mong mamatay sa kahihiyan sa ginagawa mo! Sita niya sa sarili. Mabilis niyang binawi ang nguso mula sa pagkakanguso. Kapagkuwan ay malakas na tumikhim. Umayos din siya ng upo at inalis ang tingin sa binata bago pa nito malaman kung ano ang nangyayari sa kanyang isip. Naramdaman niya ang pagtapik nito sa kanyang balikat ng hindi siya sumagot. “Hoy! Ano bang nangyayari sa iyo?” “Wala! Kumain ka lang diyan.” Humalukipkip siya. Narinig niya ang mahinang pagtawa ni Liam. Nang ibalik niya ang tingin dito ay namimilyo na ang ngiti nito. “Bakit?” taas kilay niyang tanong. “Mukhang kung saan ka na nakarating sa panaginip mo ah. Ang aga-aga pa oh. Mamaya mo na ituloy ‘yang pagtulog mo. Kay aga-aga eh nag-iimagine ka na diyan.” Nakakalokong tumawa ito. Sinimangutan niya ito. “Wala kang pakialam kung managinip ako ng gising. Pinapakialaman ba kita sa pagkain mo ng sawa diyan?” papunta na sa bumbunan niya ang pagkakataas ng isang kilay niya. Nagsisimula na siyang mainis dahil mukhang may ideya ito sa imahinasyon niya. Pero nuncang aminin niya iyon. “Baka puwede mong sabihin sa akin kung ano ‘yang napapanaginipan mo.” Tuluyan siya nitong hinarap. Siya naman ay tinalikuran ito. “Hmp! Napapanaginipan kong minumulto ka raw ng ahas na kinakain mo!” Malakas na tumawa si Liam. Inirapan naman niya ito. Lalo siyang nainis. “Kumokota ka na sa akin sa kakairap, Kasandra. Baka gusto mong halikan ulit kita diyan.” May bahid pananakot-panunukso na sabi nito. Umawang ang bibig niya at nanlaki ang mga mata niya. “Subukan mo lang! Subukan mo!” kunwa’y naiinis niyang sabi pero sa loob-loob ay bigla siyang kinabahan. Umiling-iling itong lalong lumawak ang pagkakangisi. “Saka na. Kapag wala tayo rito sa simbahan. Baka mapagalitan ako ni Father Anton kapag naaabutan niya tayong hinahalikan kita.” Sabay kindat nito sa kanya. Lalong nanlaki ang mga mata niya sa tinuran nito. Napasunod ang tingin niya dito ng tumayo na ito at binibitbit ang mangkok na kinalalagyan ng adobo kanina. “Saan ka pupunta?” nanulas niyang tanong. “Matutulog muna ako at baka makapunta rin ako sa napuntahan mo habang nananaginip ka.” Tinungo nito ang lababo at naghugas ng kamay. Napangangawa nanaman siya. Nakasunod nalang ang tingin niya rito hanggang sa lagpasan siya nito at magtungo sa pinto palabas ng kusina. “Teka may nakalimutan ako.” bumalik ito palapit sa kanya. At bago pa siya makahuma ay nahalikan na siya nito ng mabilis sa labi. Napakurap-kurap. Ni hindi nakakilos. “Hindi ko matiis.” Anitong nagningning ang mga mta. “Hayan, siguradong mananaginip na ako kagaya ng panaginip mo.” At tuluyan na itong naglakad palabas ng kusina. Nasa pinto na ito ng tila magising siya. “Liam!!!” malakas niyang tawag pero ang malakas nalang nitong halakhak ang narinig niya. Hindi na siya nag-abalang habulin pa ito. Napatanga nalang ulit siya at dinama ang labing muling naramdaman ang labi ng binata. Naisahan nanaman siya nito. Saka siya unti-unting napangiti. Kinikilig na talaga siya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD