“IBA YATA ang pagkakangiti mo ngayon ah. May maganda bang nangyari?”
Mula sa ginagawang paghahasa ng patalim na hawak ay napalingon si Liam sa kapatid na si Laurens. Sa kanilang tatlong magkakapatid ay ito ang gitna. Kasunod nito sa likuran ang panganay nilang si Kuya Ludgi.
Palapit ang mga ito sa kanya at mukhang galing sa loob ng Hardin ang mga ito.
Mabilis na napalis ang pagkakangiti niya ng makita ang mga ito. Pumalit roon ang seryosong-seryoso niyang anyo.
“O bakit biglang nawala ‘yang ngiti mo. Parang daig mo pa ang nanalo sa sugal sa pagkakangiti mo kanina eh.” Hindi siya tinigilan ni Laurens. Lumapit ito sa kanya at siniko pa siya. “Sige na. Sabihin mo na kung bakit nakangiti ka kanina. Sabihin mo naman sa amin ni Kuya Lud at baka sakaling mapangiti rin kami.” Nunukso pang sabi nito sabay sulyap kay Kuya Ludgi.
Napailing naman nagsalita ang panganay nila. “Huwag mo nga akong idamay diyan. Nananahimik ako dito eh.” Pormal nitong sabi pero nang tingnan niya ang mukha nito ay mukhang interesado rin ito sa malalaman.
Mabilis niyang inalis ang tingin dito bago pa nito mabasa ang nilalaman ng utak niya. Sa kanilang tatlo ay ito ang pinakamagaling magbasa ng isip ng tao kahit wala naman talaga itong kapangyarihang gawin iyon. Sadyang malakas lang ang radar ng panganay nilang kapatid.
“Hindi ako nanalo sa sugal at walang nangyaring kahit ano.” blangko ang ekspresiyon ng mukhang sabi niya.
Pumalatak si Laurens. “Talaga? Parang hindi naman ako naniniwala. Iba ang kislap ng mga mata mo kanina eh. Para kang nakatanggap ng unang halik.” Namimilyong pahayag nito. Bumaling ito kay Kuya Ludgi. “Ano sa tingin mo Kuya Lud?”
“Heh! Tigilan mo ako!” sa halip ay singhal dito ni Lud.
Dahilan para bahagya siyang mapangiti. “Anong unang halik? Matagal ko ng natikman ang unang halik ano. Tsaka puwede ba Kuya Lau? Huwag kang masyadong ma-issue ano. Hindi ba puwedeng masaya lang ako ngayon? Magaan lang ang pakiramdam ko. Ngayon, ano ba ang kailangan niyo sa akin?” kunwa’y pagsusungit niya sa mga ito.
Hindi kaagad nagsalita ang dalawang kuya niya. Sa halip ay nang-uusig ang mga matang tiningnan siya ng mga ito. Muli ay agad siyang nag-iwas ng mga mata. Kunwa ay ibinalik niya ang atensiyon sa ginagawa.
“Makatingin kayo riyan, parang may ginawa akong kung ano ah.” Mahinang sabi niya pero sinadya pa rin niyang iparinig sa mga kapatid.
Pagtalikod niya sa mga ito ay agad nanamang sumilay ang ngiti sa kanyang labi. Pigil-pigil niya ang mapangiti ng maluwang dahil baka mahuli siya ng mga ito.
Nuncang sabihin niya ang totong dahilan kung bakit malawak ang pagkakangiti niya kanina. Nuncang sabihing niya na ilang beses na niyang nahalikan ang babaeng lihim niyang minamahal na walang iba kundi si Kasandra. Baka kapag nalaman ng mga kapatid ang ginawa niyang paghalik sa dalaga ay siguradong masasaktan siya ng mga ito. Baka masakal pa siya ng mga ito.
Ang halik na namagitan sa kanila ni Kasadnra nang nakaraang araw ay hindi siya pinatulog. Hindi na naalis sa kanyang isip ang imahe ng dalaga habang hinahalikan niya ito. Lalong hindi na naalis sa kanyang diwa maging sa pakiramdam at sa kanyang labi ang lambot at tamis ng labi ng dalaga. Inosenteng-inosente pa ang labi nito at alam niya iyon dahil hindi pa talaga ito marunong humalik. Ni hindi ito marunong tumugon. Pero ayos lang iyon dahil tuwang-tuwa siya sa kaalamang siya ang unang halik ni Kasandra. Ang totoo ay matagal na niyang gustong gawin iyon pero palagi na ay pinipigilan niya ang sarili. Pero kahapon ay hindi na talaga siya nakapagpigil pa.
Maging kanina nang puntahan niya ang dalaga at hinatiran ng pagkain ay hindi siya nakapagpigil na hatiran ito. Wala naman talaga siyang planong pakainin ito ng ahas. Inaasahan na niyang hindi nito iyon tatanggapin. Gusto lang niyang gawing rason iyon para makita ang magandang dalaga. Dahil pagkatapos ng halik na namagitan sa kanila ay mas lalong tumindi ang nararamdaman niya para rito at mas lalo siyang nasabik na makita ito. Dahil din sa sa halik na iyon kaya lalo niyang natanto na lalong lumalim ang pagmamahal na nararamdaman niya para kay Kasandra.
Wala rin talaga sa plano niyang halikan ito kanina kahit na gustong-gusto talaga niya. Basta gusto lang talaga niya itong makita. Pero ng makita niyang nakatanga ito sa kanya habang kumikibot-kibot ang nguso nito at nakapikit pa ay muntikan na niya itong sunggaban. Hindi niya alam kung ano ang itinatakbo ng isip ng dalaga ng mga sandaling iyon. Pero dahil sa inaasta nito ay nagkaroon siyang muli ng rason para mahalikan ito. Sinubukan niyang pigilan ang sarili subalit sa huli ay nagawa pa rin niya. Kahit saglit lang. At totoo ang sinabi ng Kuya Laurens niya, dahil daig pa niya ang nanalo sa sugal dahil sa nangyari. Ngayon ay masaya ang kanyang puso maging ang kanyang pakiramdam. At mas lalo niyang minamahal si Kasandra.
Muli niyang narinig ang boses ni Kuya Laurens pagkalipas ng ilang sandali.
“Kuya Lud. Ano sa tingin mo? Makakausap ba natin ng matino ngayon ang isang ‘to?” nagpakawala ng isang malalim na paghinga si Laurens. “Mukhang nasa ibang dimensiyon ang isip eh.” Sa halip ay ang panganay nila ang hinarap nito.
Muli siyang humarap sa mga ito.
Tumiim ang tingin sa kanya ni Kuya Lud. “May kung anong nangyari ba sa inyo ni Kasandra kaya ganyan kaganda ang aura mo ngayon?” patag na tanong nito sa kanya.
Itinago niya ang pagkabigla. Lihim din siyang napamura. Napakalakas talaga ng radar ng mga kuya niyang ito. Sa halip ay umamin ay sinimangutan niya ang mga ito.
“Huwag niyong sirain ang magandang araw ko ngayon mga Kuya. Magaan ang pakiramdam ko. Ngayon, ano ang kailangan niyo sa akin?” pag-uulit niya sa tanong kanina.
Tinitigan siya ng mga ito pagkatapos ay nagkatinginan. Nagkibit-balikat si Laurens habang si Ludgi ay sumenyas sa kanya.
“Hindi dito ang tamang lugar. Sumunod kayo sa akin.” Sumenyas pa itong sumunod sa kanila.
Hindi siya nagsalita at tumalima nalang sa mga ito. Kumilos na rin si Ludgi at nagpatiunang pumasok sa mas madawag na parte ng gubat. Sumunod silang dalawa rito ni Laurens. Nang makasigurong nasa ligtas na lugar na sila o ligtas sa mga taong maaring makarinig sa kanila ay saka pa lamang nagsalita ni Ludgi. Seryosong-seryo na ang anyo nito sa oras na iyon at ni bahid ng pagbibiro ay hindi na mababakas pa sa mukha nito. Gayundin si Laurens na mukhang tapos na sa pakikipagbiruan sa kanya. Maging siya ay sumeryoso na rin.
“Kailangan nating pag-usapan ang tungkol kay Saphira.” seryosong pahayag ni Kuya Ludgi sa kanila.
Nagkatinginan silang tatlong magkakapatid.
Nagpatuloy si Kuya Ludgi. “Kailangan din nating pag-usapan ang mga susunod nating gagawin. Sa tingin ko ay kailangan na nating lumabas ng Sitio. Masyado ng mainit ang tingin ng mga pulis sa atin dito sa Tres. Hindi ko gugustuhing mahuli tayo.”
Sumang-ayon silang dalawa ni Laurens. Nang sumunod na mga sandali ay naglalatag na ng plano si Ludgi. At gaya ng dati ay hindi nito nakakalimutang humingi ng ideya sa kanilang dalawa ni Kuya Laurens. Saglit pa at nawala na ang atensiyon niya kay Kasandra.