“Ate, hanggang kailan ba tayo ganito?”
Napatigil ako sa paglalagay ng bigas sa kaldero. Mabigat ang boses ni Vivian...
hindi galit, pero may kurot. Yung klase ng tanong na hindi mo kayang sagutin nang diretso kahit gusto mo.
“Anong ganito?” tanong ko, kahit alam ko na.
“Laging gipit. Laging may problema. Laging ikaw ang sumasalo.”
Huminga ako nang malalim. Sa likod ko, naririnig ko ang mahinang ubo ni Tiyo Ramil mula sa kwarto. Paulit-ulit. Parang sirang orasan na nagpapaalala ng oras na wala na kami.
“Viv,” maingat kong sabi, “temporary lang ’to.”
“Lagi mong sinasabi ’yan.” Tumawa siya, pero walang saya. “Temporary na isang taon na.”
Tahimik ang kusina. Si David ay nasa sulok, kunwaring abala sa homework, pero ramdam kong nakikinig. Laging ganon si David...
tahimik, pero buo ang pakiramdam sa bawat bitaw ng salita.
“Hindi mo kailangang mag-alala,” sabi ko. “Ako na bahala.”
Doon siya napatingin sa akin—diretso, walang takas.
“’Yan nga ang problema, Ate. Ikaw na lang lagi.”
Hindi ko agad nasagot. Dahil totoo. Dahil kahit kailan, hindi ko inisip kung may choice pa ba ako.
Naging routine na ang pagkwenta. Bawat gabi, may papel ako at ballpen. Kuryente. Tubig. Pagkain. Gamot. Tuition. Pamasahe. Parang walang katapusang listahan ng mga numerong mas mabilis tumaas kaysa sa sahod ko.
“Ate Daisy,” mahina ang boses ni David isang gabi, “hindi na ba ako sasali sa field trip?”
Napatingin ako sa kanya. Nasa mesa kami, may kalahating ulam, kalahating katahimikan.
“Bakit mo natanong?”
“Sabi ni Ma’am, deadline mag bayad daw next week.”
Nilunok ko ang laway ko. “Titingnan natin, ha?”
Tumango siya. Walang reklamo. Walang iyak. Doon ako mas nasasaktan...
sa katahimikan niya. Sa pagtanggap niya na parang sanay na.
Si Vivian naman, kabaliktaran. Mas madalas siyang wala sa bahay. Mas madalas siyang nakasimangot.
“Hindi kita nanay,” minsan niyang sigaw nang sabihan ko siya na umuwi nang maaga.
“Hindi rin kita anak,” nasabi ko pabalik bago ko napigilan ang sarili ko.
Pareho kaming natahimik. Pareho kaming nasaktan.
Isang gabi, nadatnan ko si Tiyo Ramil sa sala. May bote ng alak sa mesa.
“Tiyo…” mahina kong tawag.
Hindi siya tumingin agad. “Isa lang ’to, Daisy.”
“Hindi nyo pk kailangan ’yan.”
“Hindi mo rin kailangan akuin lahat.” Sa wakas, tumingin siya sa akin. Pula ang mata. Pagod. “Kasalanan ko ’to.”
Lumapit ako at inalis ang bote. “Hindi po.”
“Kung hindi ako mahina—”
“Tama na.” Naputol ang boses ko. “Huwag niyo pong sisisihin ang sarili niyo.”
Ngumiti siya, mapait. “Ikaw ang naging haligi ng bahay na ’to. Hindi dapat.”
Gusto kong sabihin na okay lang. Na kaya ko. Na sanay na ako.
Pero sa unang pagkakataon, napagod din ako sa sarili kong lakas.
Dumating ang sulat ng bangko. Past due. Final notice.
“Ate,” sabi ni Vivian habang hawak ang sobre, “ano ’to?”
Kinuha ko iyon. Binasa. Alam ko na ang laman, pero parang mas mabigat kapag may ibang nakakita.
“Wala lang.”
“Huwag mo akong gawing tanga.” Nanginginig ang boses niya. “Mawawalan ba tayo ng bahay?”
Tahimik si David. Hawak niya ang manggas ng damit ko.
“Hindi,” sabi ko agad. “Hindi mangyayari ’yon.”
“Paano mo alam?”
Doon ako natahimik. Dahil wala akong sagot na sigurado.
Maya- maya ay bigla na lang jami nakarinig ng malakas na kalabog sa kwarto ni Tiyo Ramil. At ng pumasok kami ay andu. na siya, nakahandusay at walang malay.
" David! Humingi ka ng tulong kay mang Mando, kailangan natin itakbo ang tatay niyo sa ospital!"
Kinabukasan, sa ospital.
“Severe liver disease,” sabi ng doktor. Diretso. Walang paligoy. “Kailangan ng operasyon.”
Parang may humampas sa dibdib ko. “Magkano po?”
Binigkas niya ang halaga. Isang numerong parang hindi totoo. Parang biro ng mundo.
“May ibang option po ba?” tanong ko, kahit alam kong wala.
Umiling siya. “Time-sensitive na ’to.”
Pagpasok namin ng kwarto, nakaupo si Tiyo Ramil sa patient's bed. Nakangiti pa rin. Parang siya pa ang magpapalakas ng loob namin.
“Okay lang ako, anak,” sabi niya. “Huwag niyo nang ipilit.”
“Huwag po kayong magsalita ng ganyan,” sagot ko. Nanginginig ang kamay ko.
Sa labas ng ospital, umupo ako sa bangko. Huminga. Umiyak. Tahimik.
Hindi sapat ang trabaho ko. Hindi sapat ang overtime. Hindi sapat ang pagiging matatag.
“So, anong plano mo?” tanong ni Vivian kinagabihan.
“Maghahanap pa ako ng trabaho.”
“Ilan na ba trabaho mo?”
“Kahit ilan, gagawin ko.”
“Ate, anong maitutulong namin?”
Tumingin ako sa kanya. “Alagaan niyo ang papa niyo pagkatapos ng klase niyo.”
Umiling siya. “Hindi mo pa rin gets.” Tumayo siya. “Ayoko nang umasa sa ’yo.”
Mas masakit iyon kaysa sa sigaw.
Si David naman, lumapit at niyakap ako. Walang salita. Pero sapat na.
Kinagabihan, binilang ko ulit ang pera. Nag-compute. Nag-minus. Nagdagdag.
Kahit anong gawin ko, kulang pa rin.
At doon ko unang naisip ang isang bagay na matagal ko nang iniiwasan.
Hindi sapat ang normal na buhay para sa hindi normal na problema.
Huminga ako nang malalim. Tumayo. Kinuha ang bag ko.
Sa likod ko, may mahinang boses.
“Ate, saan ka pupunta?”
Lumingon ako kay David.
Ngumiti ako kahit nanginginig. “Maghahanap ng paraan.”
At sa loob-loob ko, alam kong ang paraan na ’yon ay magdadala sa akin sa isang mundong hindi na ako sigurado kung makakabalik pa ako...
isang mundong puno ng ilaw, sugal, at mga matang nagmamasid...
Pero ito na ang pamilya ko at gagawin ko lahat para sa kanila.
“Kahit anong mangyari, hindi kita pipigilan… pero sana, bumalik ka pa rin.”