“Parang awa niyo na po.”
Iyon ang unang salitang lumabas sa bibig ko...
hindi dahil may kausap ako, kundi dahil kausap ko ang sarili ko sa salamin ng isang maliit at maduming opisina sa Quiapo. Isang lending office na halos kasing nipis ng pasensya ko.
Huminga ako nang malalim at inayos ang suot kong kupas na blouse. Paulit-ulit ko nang ginawa ang ritwal na ito ngayong araw: ayusin ang sarili, ngumiti nang pilit, magpaliwanag ng sitwasyon, at umasa—kahit alam kong sa dulo, babagsak pa rin ako.
“Miss, wala ka kasing collateral,” sabi ng lalaki sa harap ko, hindi man lang tumitingin sa mga papel na iniabot ko. “At hindi sapat ang income mo.”
“Sir, kahit maliit lang po,” mabilis kong sagot. “Kahit panimula lang. May sakit po ang tiyuhin ko—”
“Miss,” putol niya, malamig. “Hindi kami charity.”
Parang may bumagsak sa dibdib ko. Hindi bago ang mga salitang iyon, pero bawat ulit, parang may bagong sugat na binubuksan.
Tumango ako, marahan. “Salamat po sa oras ninyo.”
Lumabas ako ng opisina na parang hinabol ng bigat ng mundo. Pagbukas ng pinto, sinalubong ako ng ingay ng kalsada—busina, sigawan ng tindero, at mga matang sanay nang tumingin pero hindi umunawa.
Isa na naman ang nabura sa listahan.
Apat na lending service na ang napuntahan ko mula umaga. Lahat pare-pareho ang ending. Parang scripted. Parang may invisible na stamp sa noo ko: Not qualified.
Napaupo ako sa gilid ng bangketa, hawak ang envelope na halos wala nang laman. Sa loob nito, mga photocopy ng ID, barangay clearance, at medical abstract ni Tiyo Ramil. Para bang bawat papel ay unti-unting nawawalan ng saysay habang lumilipas ang oras.
“Daisy, think,” bulong ko sa sarili ko. “Hindi pwedeng sumuko.”
Kinuha ko ang cellphone ko at muling binuksan ang notes app—doon nakalista ang lahat ng pwede kong pasukan na sideline. Online selling, encoding, tutor, part-time waitress, kahit anong may salitang extra income.
Tumawag ako sa unang numero.
“Hello po, good afternoon. Nagtatanong lang po kung hiring pa kayo ng—”
“Ah, filled na po.” Click.
Sunod.
“May experience ka ba?”
“Wala po, pero willing po akong matuto—”
“Sorry, we need someone experienced.”
Sa bawat tawag, parang may kumukurot sa lalamunan ko. Hindi ako sanay humingi. Hindi ako sanay magmakaawa. Pero ngayon, halos ipagpalit ko na ang pride ko sa kahit anong perang papasok.
Bandang hapon, napadpad ako sa isang maliit na café na may karatulang Hiring: Part-Time Crew. Parang liwanag sa gitna ng dilim.
Pumasok ako, bitbit ang huling piraso ng pag-asa ko.
“Hi,” bati ko sa babaeng nasa counter. “Hiring pa po kayo?”
Tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa. Hindi mapanlait—mas parang pagod. “Resume?”
Inabot ko agad. “Yes po.”
Pinagmasdan niya sandali, saka umiling. “Night shift kami. Hanggang madaling-araw.”
Saglit akong natigilan. Naalala ko sina Tiya Elena, Vivian, at David. Si Tiyo Ramil na madalas magising sa gabi dahil sa sakit.
“Kaya ko po,” mabilis kong sagot. “Kahit anong oras.”
Nagkibit-balikat siya. “Tatawag na lang kami.”
Alam ko na ang ibig sabihin ng tatawag na lang kami. Pero tumango pa rin ako, nagpasalamat, at lumabas.
Lumalim ang hapon, at kasabay nito ang bigat sa dibdib ko.
Habang naglalakad ako pauwi, hindi ko alam na may dalawang lalaking nakasandal sa itim na SUV sa kabilang kanto. Hindi ko alam na bawat hakbang ko ay sinusukat ng mga matang sanay magbantay.
“Siya na ‘yon?” tanong ng isa, mahina.
Tumango ang kasama niya. “Confirmed. Daisy Samonte.”
“Mag-isa?”
“Oo. Mukhang naghahanap ng pera.”
Nagkatinginan sila, parang may tahimik na kasunduan. Isa sa kanila ang kumuha ng phone at nag-type ng maikling mensahe.
Boss, she’s desperate. Applying everywhere. Loans, sidelines. No luck.
Sa isang lugar na malayo sa akin—isang opisina na amoy leather at malamig na alak—may isang lalaking nakaupo sa likod ng mesa, nakatitig sa city lights.
Binasa niya ang mensahe.
Bahagyang kumunot ang noo niya.
“Desperate,” ulit niya sa sarili, mababa ang boses.
Isang mapanganib na salita.
Samantala, wala akong alam sa lahat ng iyon. Ang alam ko lang, pagod na pagod na ako.
Pagdating ko sa bahay, madilim na ang paligid. Tahimik—masyadong tahimik.
“Ate Daisy?” mahinang tawag ni David mula sa sala.
“Hi,” sagot ko, pilit na masigla. “Gising ka pa?”
Tumango siya, yakap ang isang lumang unan. “Si Ate Vivian nasa kwarto. Bad mood.”
Napangiti ako ng kaunti. “Normal.”
Umupo ako sa tabi niya. “Kumusta si Tiyo?”
“Natulog na po. Masakit daw tiyan niya kanina.”
Parang may kutsilyong humiwa sa dibdib ko. “Okay.”
Pumasok si Tiya Elena mula sa kusina, may dalang basong tubig. Kita ko ang pag-aalala sa mga mata niya.
“Nakahanap ka ba?” tanong niya, maingat.
Umiling ako. Hindi ko na kayang magsinungaling.
Lumapit siya at hinawakan ang kamay ko. “Anak…”
“Sorry po,” mabilis kong sabi. “Hindi pa po ngayon.”
Wala siyang sinabi. Hindi niya kailangan. Yung katahimikan sa pagitan namin ang pinakamaingay.
Sa kwarto, nadatnan ko si Vivian na nakahiga, naka-headphones, pero kita sa mata niyang gising siya.
“Viv,” tawag ko.
Hindi siya tumingin. “Ano.”
Umupo ako sa gilid ng kama. “Kumain ka na ba?”
“Hindi gutom.”
“Vivian—”
Bigla siyang umupo. “Alam mo ba kung gaano kahirap ‘to, Ate?”
Napaatras ako.
“Bigla na lang tayong nagtitipid. Bigla na lang bawal lahat. Tapos ikaw parang—parang ikaw na lang ang laging gumagalaw!”
Huminga ako nang malalim. “Ginagawa ko lang ang kaya ko.”
“E paano kung hindi sapar? Bakit ba kasj nagpapakalasing pa si papa,?” tanong niya, nanginginig ang boses.
Wala akong naisagot. Dahil iyon din ang tanong ko sa sarili ko.
Lumabas ako ng kwarto niya na mabigat ang loob. Sa sarili kong kwarto, naupo ako sa sahig, likod sa kama, at doon ko hinayaang bumagsak ang luha ko. Tahimik. Walang hikbi.
Hindi pwedeng marinig nila.
Kinuha ko ang phone ko at tiningnan ang notifications. Wala. Walang tawag. Walang email.
Napapikit ako. Ano pa ba ang pwede kong gawin?
Sa parehong oras, sa opisina ni Andrew Villamor, tahimik ang paligid. Tanging tunog ng yelo sa baso at mahinang huni ng lungsod sa labas.
“Anong tingin mo?” tanong niya sa lalaking nasa tapat niya.
“Malinis ang background,” sagot ng tauhan. “Pero she’s cornered.”
Sumandal si Andrew, dahan-dahan. “Cornered people make interesting choices.”
Ngumiti siya—isang ngiting walang init.
“Bantayan niyo lang,” utos niya. “At huwag niyong tutulungan.”
“Boss?”
“Gusto kong makita kung hanggang saan siya lalaban.”
Bumalik ang tingin niya sa city lights. Sa isip niya, malinaw na ang susunod na hakbang—kahit hindi pa alam ni Daisy na papalapit na ang mundo niya sa isang lalaking hindi marunong umatras.
Sa kwarto ko, huminga ako nang malalim at binulong ang tanging pangako na kaya kong ibigay.
“Makakahanap rin ako ng paraan,” sabi ko sa dilim. “kahit anong paraan.”