MAKALIPAS ANG ANIM NA BUWAN
1986
Buwan ng Mayo
Panahon ng tagsibol... Maaliwalas na din ang panahon. Habang nagsisimula na ang isang bagong pag-asa.
Tahimik lang ang paligid sa isang bahay na gawa lang sa kawayan. Habang ang bubong naman nito ay mula sa hinabi na dahon ng nipa. Na nagsisilbing lilim nila sa init araw at sa ulan naman sa pahanon ng tag-ulan.
Habang ang naiwang pinsala ng bagyo ay hindi na mababakas pa sa istraktura ng kanilang maliit na bahay. Matapos din pagsumikapan ni Anton na muli itong maibalik sa dati nitong ayos, matapos ngang mapinsala ng husto ng isang malakas na bagyo, anim na buwan na ang nakakaraan.
Subalit hindi pa din nito kayang ikubli ang kanilang mga pangungulila, pagdadalamhati at kalungkutan.
Dahil sa pagkawala ng isa sa pinakamahalang parte ng kanilang tahanan. Ang isang Padre de Pamilya, na minsan din namang nagtiyagang mabuo ang tahanan na ito mismo. Ang itinuring din nilang matibay na haligi ng kanilang tahanan.
Ang isang katayuan na pilit namang pinagsumikan ni Anton. Subalit hanggang kailan nga ba nila maaring ikubli ang katotohanan?
Na habang tumatagal at tila lalo lang sumasakit... Na tila lalo lang ipinamumukha sa kanila ang isang kakulangan...
"Nay nakauwi na po ako..."
Magalang na sambit pa ni Anton sa kanyang Ina, habang nakaupo lang ito sa isang silya at tahimik na nakadungaw sa kanilang bintana at nakapangulumbaba.
Agad namang tumingin sa kanya ang ginang at ginawaran naman siya nito ng isang ngiti, bilang pagsalubong sa panganay na anak.
"Madami po pala kaming huli ngayon mula sa dagat, kaya naman medyo maganda ang kita, dahil mataas din naming naibenta ito sa Consignation. At nga pala nagtira ako ng mga ayungin at hasa-hasa upang maipangat ko naman sa sampaloc. Diba paborito mo ito Nanay?" Masiglang balita naman ng binata sa Mama niya.
Hindi naman kumibo ang kanyang Ina at nanatili lang nakatanaw sa malayo. Nakapangalumbaba sa pasimano ng bintana at sadyang tahimik lang.
Bagay na nakasanayan na ni Anton. Ang dating saya sa mukha ng kanyang Ina na kay tagal na niyang hindi nasilayan pa.
"Kung ganon Nay, ay ako na ang magluto nito. Magsisibak na din pala ako ng kahoy tuloy. At para din nga makahigop ka naman ng mainit na sabaw." Sambit pa nito sa Ina, bago naman niya tuluyang hinubad ang suot niyang sombrero at tsaka isinabit ito sa isang gilid ng kawayan na dingding.
Napapailing na lang siya bago muling lumapit sa Ina at hinawakan pa ito sa kamay.
"Basta Nanay, ipapangako ko sa iyo na hinding hindi kita pababayaan. At narito ako upang samahan ka at itaguyod pati na din ang mga kapatid ko. Gaya ng lagi kong sinasabi sa inyo.
Mabilis namang tinugon ni Tesa ng matamis na ngiti ang Anak. Subalit hindi kayang itago ng matamis na ngiting ito ang labis labis dalamhating ilang buwan na nga ba niyang pinagdadaanan.
Lalo pa nga at iniwan siya nito sa kanyang pagbubuntis.
At tama, nasa ikalawang buwan na pala siya ng pagbubuntis ng mangyari ang trahedya. Na hindi man lang nalaman ng asawa niya ng magkaka-anak na pala ulit sila bilang ikaapat na sana nilang Anak, bago ito lumisan...
"Nay, nakausap ko na din po pala si Mang Tasyo, at ang sabi ay maari ko namang mahiram ang tricycle niya upang madala kita sa Health Center sa bayan. Para din naman mapatingnan kung nasa ayos ba ang pagbubuntis mo." Masiglang paglalahad pa ni Anton sa Ina.
Masyadong napakalayo ng kanilang lugar. Isang coastal area ito sa parteng hilaga. Isang lugar na halos hindi na din naman napagtuunan ng pansin pa ng pamahalaan at tila napabayaan dahil sa kalayuan nito.
Kaya naman hindi nakakapagtaka na hanggang ngayon ay wala pa din silang kuryente sa lugar. At tanging mga lampara lang nagsisilbing liwanag nila sa gabi.
"Kailangan pa ba talaga iyan Anak? Masyado ka ng napapagod para sa amin ng kapatid mo..." malungkot sa sabi pa niya.
Bahagya namang ngumiti ang binatilyo at muling hinawakan ang kamay ng kanyang Ina."
"Okay lang sa akin Nay, ang mahalaga ay ang masigurado nating maayos ang kalagayan mo, At diba nangako na ako sa iyo, at paninindigan ko ito kahit ano pa ang mangyari."
Bahagya namang ngumiti ang kanyang Ina at himilig pa sa kanya.
"Salamat Anton, salamat sa pagmamahal at pag-aaruga. Na kung tutuusin ay hindi mo naman talaga obligasyon, ngunit ngayon ay eto ka imbes na nag-aaral ay napipilitang pumalaot sa dagat upang mangisda, para din naman sa amin." Halos mapaiyak na turan pa sa kanya ng Ina.
Tama naman ang kanyang Ina, hindi niya ito obligasyon. Subalit ngayong wala na ang Ama niya ay kaya pa nga ba niyang pabayaan sila?
Napailing siya at umakbay pa sa Ina.
"Nay, masaya akong ginagawa ito. At ipapangako kong hindi ako mag-aasawa hanggat hindi ko napapagtapos ang mga kapatid ko. Dahil naniniwala akong darating ang araw at makakaalis din tayo dito. At giginhawa din ang buhay natin. At ipinapangako ko ito sa iyo..."
Isang pangarap na marahil ay napakahirap para sa kagaya niyang hindi naman nakapagtapos. Subalit ang nag-aalab na determinasyon niya ang gagamitin niya upang magawa ito.
"Hindi naman ako papayag na hindi ka magkaroon ng sarili mong pamilya ng dahil sa amin Anak. Ngunit naniniwala akong makakayanan natin ito. At kung makapanganak na ako ay tutulong akong kumita tayo ng pera, kahit mamasukan akong labandera sa kabilang barangay ay gagawin ko, upang kahit papaano ay maging kabasawan sa mga pasanin mo. Ako ang Nanay niyo at dapat lang naman na ako ang magtaguyod sa inyo bilang mga Anak ko. Patawarin mo ako kung pati ang pagbubuntis ko ay nagiging dagdag pabigat pa sa iyo Anak." halos mapaiyak na sambit niya.
Napatitig naman si Anton sa magandang Ina, at bahagya pa itong ngumiti at umiling.
"Alam mo bang kahit kailan ay hindi ko inisip na pabigat kayo Nay? Dahil masaya akong gawin ito. Na masaya akong maitaguyod kayo sa abot ng aking makakaya. Marahil ay kulang pa ang kaya kong gawin dahil sa edad kong desisyete. Subalit ilang taon nalang ba at tatanda din ako at mas magiging malakas para sa inyo."
Tuluyan ng napaiyak si Tesa. Dala ang samut-saring damdamin. Isang napakalungkot na kalagayan para sa kanila. Na sa edad palang niyang 30 ay naging byuda na siya at ngayon ay tila nahulog sila sa kumunoy ng kahirapan.
Napakabatang nag-asawa ni Tesa, sa kabila ng pagtutol ng mga magulang niya. Dahil ang gusto ng mga ito ay makapagtapos siya.
Subalit mas pinili niya ang pagmamahal kaysa sa isang marangya at matiwasay na buhay sa Maynila. At imbis na sundin ang mga magulang niya ay nakipagtanan ito sa isang mangingisda at dahilan din naman upang tuluyan na siyang itakwil ng mga magulang nito at nanirahan na nga sa Maynila habang siya ay naiwan sa Probinsiya.
Ngunit kahit kailan ay wala naman siyang pinagsisihan ng piliin niya si Andoy, na ngayon ay biniyayaan pa nga sila ng tatlong Anak. At sa edad na 32 ay tila naranasan na niya ang lahat ng hirap sa buhay. At maging kung paano ba maiwan ng isang taong pinakamamahal niya.