Unti-unti ng bumabagal ang patak ng ulan. Naririnig ko iyon na humahalik sa itaas ng aking hawak na payong. Mabagal na humahakbang sa unahan ko si Ravin at gina-guide niya ako sa daan upang hindi madulas. Paminsan-minsan ay nahuhuli ko siyang lumilingon sa aking banda ngunit hindi ako nagre-react sa tuwing gagawin niya iyon. Kung ako ay nakapayong, kabaligtaran naman noon ang suot niya. Napilitan siyang magkapote dahil ani ng kanyang Lola ay iisa lang ang kanilang payong dahil ang iba ay nasira na at hindi pa sila muling nakakabili ng bago. Kabilin-bilinan din nito kanina bago kami umalis ay kailangang ibigay ko ito sa kanyang apo dahil kakailanganin nila ito. Kung nasa city lang kami, binilhan ko na sila ng payong bilang kapalit ng pagiging magandang loob nila sa akin. Natigil ako sa malalim na pag-iisip nang muli siyang lumingon, marahil ay naramdaman niya ang saglit kong pagtigil sa paghakbang.
“Bilisan mo, bago tayo abutin ng dilim ay kailangang naihatid kita sa mansion ng mga Claud.” hindi ko alam kung ako lang pero ang lamig ng pagkakasabi niya.
“S-Sandali lang, masakit na ang mga binti ko.” pagdadahilan kok na hindi alam kung papasa ba ito sa kanya. “Malayo pa ba tayo?”
Hindi siya sumagot. Binalewala niya ang katanungan ko na muling humakbang. Wala akong nagawa doon kung hindi ang humakbang na rin at sundan na siya. Maingay na kumakagat ang talampakan ng aming suot na bota sa malagkit na putik. Inayos ko ang yakap sa aking tagiliran ng hinubad at basang damit na nakalagay sa plastic. Hindi ako sanay maglakad sa putik, pero pilit kong kinakaya.
“Ravin, ilang taon ka na?” katanungan na biglang dumulas sa aking bibig. Nagbabakasakali lang naman akong sagutin niya iyon. “Parang ka-edad ka lang ng aking Kuya.” feeling close na dagdag ko sa aking litanya, “Saan ang school mo?”
Hindi niya pa rin ako pinansin. Ni hindi siya lumingon. Siguro ay hindi niya narinig ang boses ko o baka sadyang ayaw niya lang pansinin ang mga tanong ko.
“Tagadito ka ba o nagbabakasyon lang din na kagaya ko?” patuloy ko kahit wala pa rin siyang imik na patuloy na naglalakad sa aking unahan. “Sagot ka naman.”
Hindi niya pa rin ako pinansin. Hindi ko na napigilang mapahiya. Para akong sira na tanong nang tanong tapos wala naman siyang nagiging sagot. Pinili kong itikom ang aking bibig. Mukhang ayaw niya akong kausapin kaya titigilan ko na at nakakahiya. Tahimik na lang akong sumunod sa kanya. Panaka-naka ang tingin sa malapad na likod niya. Sa tantiya ko talaga ay ka-edad siya ni Kuya Timothy. Hindi naglalayo ang dalawa maging sa tikas ng kanyang katawan. Limang taon ang tanda sa akin ni Kuya, ngunit dahil sa tumigil siya ng ilang taon ay halos maabutan ko siya. Ngayong grade seven na ako sa pasukan, grade eight naman siya. Isang grade na lang ang aming pagitang dalawa. At pabor na pabor naman iyon sa akin.
“Narito na tayo.”
Nabangga ako sa likuran niya na naging dahilan upang mabitawan ko ang payong na hawak. Nang dahil sa malalim na naman ang aking iniisip kung kaya naman hindi ko namalayan na tumigil na pala siya sa paghakbang. Sinundan siya ng aking mga mata nang walang imik niyang pulutin ang payong at itapat niya iyon sa akin. Ilang pulgada na lang ang layo naming dalawa sa isa’t-isa at parang nailang ako bigla. Huminto na ang ulan pero may ambon pa. Maya-maya pa ay nahihiya akong napatungo. Myghad, Safiera mukha kang tanga! Alam mo ba iyon ha?
“S-Salamat.”
“Pumasok ka na sa gate niyo para makauwi na ako.”
Muli kong ini-angat ang aking mga mata sa kanya. Halos takipsilim na iyon at nasa harap na kami ng mismong gate ng mansion na pag-aari nina Lola. Mula sa labas nito ay mapapansin na nagkakagulo sila sa loob. Halatang natataranta pa rin sila sa paghahanap sa akin. Naisin ko man na huwag munang pumasok pero gabi na iyon.
“Sige. Maraming salamat ulit, Ravin.”
Kagaya kanina ay wala pa rin siyang anumang naging reaction. Inihakbang ko na ang paa ko papasok ng gate ngunit biglang natigilan nang maalala ang suot kong bota at ang damit na hiniram mula sa kanyang kapatid. Nilingon ko siya na unti-unti ng humahakbang papalayo. Akmang tatawagin ko na sana siya ngunit hindi ko na iyon nagawa nang bigla na lang malakas na sumigaw si Ate Luz na kakalabas lamang ng pintuan ng mansion. Nakarehistro sa kanyang mukha ang pag-aalala.
“Safiera! Jusmiyong bata ka, saan ka ba nagpunta? Alalang-alala kami sa'yo! Ang buong akala namin ay nawala ka na at may dumukot sa’yo. Ikaw talagang bata ka!” bulalas niyang padamba na akong niyakap nang mahigpit. “Alam mo iyon?!”
Ilang beses kong ibinuka ang aking bibig. Gusto kong ipaliwanag sa kanya kung ano ang nangyari, pero hindi niya ako binigyan ng pagkakataon nang bigla na alng siyang suminghot-singhot. Maya-maya pa ay walang pag-aalinlangan na akong binuhat kahit na gaano pa ako kabigat. Hindi ko mapigilan na makaramdam ng pagkakonsensiya, alam kong kanina pa siya tinalakan ng aking Lolo at Lola dahil nawala ako sa kanyang paningin. Batid kong hindi niya rin iyon sasabihin sa akin.
“May masakit ba sa’yo? Sabihin mo sa akin!” mangiyak-ngiyak pa nitong sambit na hindi ko alam kung nang dahil ba natutuwa siya at nakahinga na ng maluwag.
“Ate Luz okay lang po ako. Wala na po kayong dapat na ipag-alala pa.” haplos ko sa kanyang magkabilang pisngi upang pawiin doon ang kanyang mga luha, “Naligaw lang ako sa sagingan kanina tapos may nakita akong lalake at tinulungan niya ako. Sorry po kung lumabas ako ng bakuran ng walang paalam at wala ka.”
“Lalake? Sinong lalake?” tanong niya na halatang hindi pinansin ang ibang details na sinabi ko noong nawala ako, alam kong iba na naman ang iniisip nitong si Ate.
Ngumuso ako upang ituro si Ravin na malayo na sa aming banda. Agad niya itong nilingon pero hindi na nagkomento pa dahil marahil hindi niya na rin ito maaninag.
“Dinala niya ako sa bahay nila at pinahiram ako ng Lola at Lolo niya ng damit apo nilang babae. Look at my clothes now, Ate Luz. Basang-basa ako ng ulan kanina.”
Pinasadahan niya ako ng tingin at ganun na lang ang pandidilat ng kanyang mga mata. Hindi ko alam kung dahil ba iyon sa gumamit ako ng damit ng ibang tao. Kita kong kupas na iyon, pero kung hindi dahil dito ay baka magkasakit pa ako.
“Pasok na at magpalit ka na ng damit. Ibabalita ko sa grandparents mo na narito ka na. Kaunti na lang at tatawagan na sana namin ang iyong mga magulang, Safiera.”
Tumango lang ako at tinalikuran na siya. Hindi ako napansin nina Lola at Lolo nang dumaan ako upang magtungo ng silid. Ngunit alam kong alam nilang umuwi na ako. Paniguradong ibinalita na iyon ni Ate Luz sa kanila ora-orada.
“Naku Safiera, kung hindi ka pa umuwi ay tutungo na kami sa Baranggay at hihingi ng rescue. Kailangan ka naming mahanap dahil kung hindi ay paniguradong mananagot kami sa mga magulang mo. Iba pa namang magalit si Tony.” si Lola na bagama’t kalmado ang tinig ay alam kong may kinikimkim na sama ng loob ayon sa hilatsa ng kanyang mukha, “Sa susunod ay huwag kang basta na lang lalabas ng gate lalo na kung hindi mo kasama itong si Luz. Iba sa lugar na ito kumpara sa city. Maaari kang mapahamak sa loob lamang ng isang kisapmata.”
Nasa hapagkainan na kami at panay ang sermon nito kay Ate Luz nang kung anu-ano. Nakaka-guilty dahil tama akong siya nga ang pinagbubuntunan nila ng galit.
“Naku, maging aral na rin sana ito sa iyo Luz. Huwag na huwag kang magiging kampante na iiwanan itong si Safiera. Aba ay muntik ng mapahamak. Paano kung walang nakakita sa kanya? Saan siya magpapalipas ng gabi? Buti sana kung alam niya ang pasikot-sikot sa lugar na ito. Tingnan mo at nakaabot na ng boundary.”
Tanging tango at pagyuko lang ang ginawa ni Ate Luz. Ni isang pagrereklamo at pangangatwiran ay walang lumabas sa kanyang bibig. Nanatiling nakatikom iyon.
“Lola, pasensiya na po. Hindi ko na po iyon uulitin.”
Nais ko sanang igiit na nang dahil iyon sa asong biglang nagpakita, ngunit ayoko ng humaba pa. Baka mas lalo silang magalit kay Ate Luz kapag binanggit ko pa.
“Dapat lang hija, tingnan mo at ang Ate Luz mo ang siyang napapahamak. At panigurado na siya talaga ang masisisi oras na may masamang nangyari sa’yo lalo na kung nakarating pa ito sa mga magulang mo. Baka nga tanggalin pa siya sa kanyang trabaho.” si Lolo na uminom na ng tubig sa kanyang tangang baso, bagama't nakangiti alam kong hindi rin siya natutuwa sa naging asal ko. “Maliwanag ba iyon Safi? Kung paulit-ulit mo iyang gagawin, hindi na kita pagbibigyang magbakasyon pa dito sa amin.”
“Opo, Lolo.” tugon kong kinagat na ang pang-ibabang labi upang pigilan ang sarili doong umiyak at tuluyang mapahikbi.