Kagagaling lang sa taas ni Meredith at pagkababa niya ay dumiretso siya sa pinaka-head quarter ni Mang Eddie. Kasalukuyang wala sa bahay si Eros at Elton dahil sa may nilalakad sila— bagay na hindi alam ni Meredith. “May lakad po ba kayo, Ma’am?” tanong ni Mang Eddie sa kaniya nang lumapit siya rito. “Nariyan naman po ang isang sasakyan, maaari ko po kayong ipagmaneho.” “Hindi po, Mang Eddie. Wala po akong lalakarin,” pagpapaliwanag ni Meredith. “May mga bagay lang ako na itatanong sa inyo.” “Ganoon po ba? Sandali, may kukunin lang ako.” Pumasok sa maliit na quarter niya si Mang Eddie at ilang segundo lang ang lumipas, lumabas na ito at may dalang upuan. “Maupo ho kayo rito,” alok ni Mang Eddie matapos mailapag ang upuan. “Nag-abala pa po kayo,” nakangiting sabi ni Meredith at umupo.

