Ysabelle Cuevas (Ysa) Nagising ako sa tunog ng talon. Hindi yung tunog na nakakaistorbo—yung tunog na parang constant na paalala na may mundo sa labas ng iniisip ko. Ragasa. Bagsak. Parang heartbeat ng Floresta. Umupo ako sa kama, kinapa ang tuhod ko. Mas maayos na ang bandage na ginawa ni Steven kagabi. May kirot pa rin, pero hindi na yung tipong mapapangiwi ka sa bawat galaw. Huminga ako nang malalim at tumayo. Sa salamin, nakita ko ang sarili ko—nakasuot pa rin ng maluwag na long sleeves na halos lampas hita. Kahit anong gawin ko, parang hindi ko pa rin maalis yung pakiramdam na hindi ako bagay sa ganitong lugar. Masyadong malinis. Masyadong tahimik. Masyadong… mahal. Pero kahit gano’n, may maliit na parte sa’kin na gustong magpanggap na normal. Kaya lumabas ako ng kwarto.

