Simula nang malaman ko kung saang bansa nanggaling si Macky ay parang naging interesado na ako sa pagkatao nya. Sa unang pagkakataon may nakilala ako na galing din sa Luxembourg. Ang dami kong gustong itanong sa kanya.
Pagkatapos ng meeting namin ay hindi ako nag-aksaya ng oras para tanungin sya.
“Nakapunta ka na ng Luxembourg?” tanong ko
Naglalakad na kami palabas ng school nang tanungin ko sya. Tinititigan ko lang ang mukha nya.
Kaya pala asul din ang mga mata nya at pareho kami ng kutis at kulay ng buhok ay dahil sa parehong lahi lang ang mga pinanggalingan namin.
“Doon ako lumaki.” Maikling sabi nya
Napaawang ang mga labi ko. Ang galing naman. Pangarap kong makapunta doon. Pero, hindi para hanapin ang tatay ko, kundi para makita lang kung ano ang meron sa bansang Luxembourg, kung anong kultura ang meron sila. Sawang sawa na kasi ako kakasearch sa google. Gusto ko lang na puntahan mismo ang lugar.
“Pero magaling kang magtagalog. Parang ang tagal mo na dito sa Pinas?” Tanong ko pa
Nakapamulsa lang si Macky habang patuloy lang kami sa paglalakad.
“Tagalog ang usapan namin sa bahay. Filipina si Mama, tinuruan nya talaga ako.” Paliwanag nya
Kaya pala matatas sya magsalita ng tagalog ay dahil sa mama nya.
Talagang pareho kami na ang nanay ay Filipina at ang tatay namin ay Luxembourgers! Nakakamangha talaga! Iba talaga manggulat si destiny.
Nang malapit na kami sa gate ay nagpaalam na ako sa kanya.
Iniwanan na ako ng kuya Migz ko kaya magcocommute ako ngayon. Madami pa sana ako gustong itanong pero saka na lang siguro. Marami pa namang oras na magkakasama kami.
“Sige, dito na ako! Bye!” sabi ko na nakaturo sa daan papunta sa sakayan ng mga jeep.
Tinalikuran ko na sya at binuksan ko ang payong ko. Sobrang init pa din kahit hapon na, ayokong umitim ang maputi kong balat noh!
Ilang hakbang pa lang ang nagagawa ko ay bigla na lang akong tinawag ni Macky.
“Kate!”
Nagtaka ako sa pagtawag nya sa akin. Nang lingunin ko sya ay nakatitig lang naman sya sa akin. Tulala sya!
“Ano??” naiirita kong sabi
Ang init kasi tapos ang tagal pa nyang magsalita.
Tumingin sya sa bandang kaliwa nya at parang iniiwasan na nyang tumingin sa akin. Ano kayang problema ng lalaking to?
“Sumabay ka na, Ihahatid na kita!” sabi nya na hindi ako tinitignan.
Mas namilog ang mga mata ko sa sinabi nya. Bakit sya nag-aalok na ihatid ako? Ang lalaking ihahatid ang babae sa bahay nya ay simbolo ng..
Nang.. OMG? Ayoko nang mag-isip ng kung ano! Baka mahimatay ako sa kilig.
“Ayos lang, magtataxi naman ako!” sabi ko.
kahit hindi naman talaga ako magtataxi.
Sana nga may pangtaxi na lang ako para hindi na ako mahirapan at mainitan pa. Kaya lang wala eh, hindi ako nakaipon ng pera. Nakakairita!
Pero pinipigilan ko ang sarili ko sa nararamdaman kong kilig. Ayokong magpahalata sa kanya.
Saka ayokong malaman nya na hindi naman talaga kami nakatira sa isang exclusive na subdivision gaya ng pagyayabang ko sa kanila. Nakakahiya kapag nalaman nya ang totoo.
Tinalikuran ko na sya at nagsimula akong maglakad ulit.
Nararamdaman ko na ang pawis sa likod at noo ko, bakit naman kasi ganito kainit sa Pilipinas. Syet, buti na lang looking fresh pa rin ako.
Maya maya lang ay may biglang may bumusina sa likuran ko.
Parang tumalon ang puso ko sa sobrang gulat.
Umarko ang kilay ko at tinignan ko ang kotseng bumusina ng malakas. Ang kapal ng mukha nyang gulatin ako.
Pero paglingon ko ay nakita ko si Macky na sakay ng napakagarang kotse. Nakababa ng kalahati ang bintana ng kotse nya. Namangha ako sa napakagandang kotse sa harapan ko.
Pero ang nakakainis dito ay nakangiti sya sa akin na parang hindi nya ako ginulat.
“Ano na naman ang gusto mo? Hindi nga ako sasabay sayo!” pagpapakipot ko
Pero pinasadahan ko ng tingin ang kotse nya. Sobrang mahal siguro ng kotseng yun. Mayaman ba talaga si Macky Peniss?
Nakakainlove naman ang kotse nya. Yung kotse nga lang ba? Syet!
Kasing ganda ng kotse ni Kuya Brent ang kotse nya. Napapangiti ako sa utak ko. Hindi ako pwedeng bumigay dahil lang sa kotse nya noh!
“Starbucks? Treat ko?” alok nya ulit
Napalunok ako sa alok nya. Syet. Sa Starbucks baka pwede pa akong bumigay? Kung hindi pa ako nilibre nila Kuya Brent at ate Liza ng frappe sa Starbucks ay hindi pa ako makakatikim ng masarap na kape nila. At simula nga nun ay nagustuhan ko na ang frappe ng starbucks, parang ang sosyal pang tingnan.
Ayos lang naman siguro kung sumama akong magkape. Saka gusto ko talagang sumakay sa kotse nya, pinipigilan ko lang ang sarili ko.
Ano ba self, ang rupok mo naman.
“Sure ka, treat mo?” tanong ko pa
Tumango sya at nginitian nya ako ng pagkaganda ganda. Sobrang puti at pantay pantay ang mga ngipin nya. Bigla na namang kumalabog ang puso kong lagi na lang kabado sa kanya.
I cleared my throat.
“Okay, pero saglit lang tayo ha?” sabi ko pa
Mas lalo kong nasilayan ang mga ngiti nya. Mas lumaki, mas lalong nakakaakit.
Binuksan nya ang kotse nya at inalalayan nya akong pumasok sa loob.
Tama nga ang nasa isip ko, kasing bongga, kasing yayamanin at kasing bango ng kotse ni Kuya Brent ang kotse nya.
“Manong, doon po tayo sa Timog.” Utos ni Macky sa driver nya.
Pero bakit parang naiilang ako sa kanya. Sobrang lapit kasi nya sa akin. Ang luwag luwag sa kabilang side pero dito sya sa akin sumisiksik. Ginawa ko na lang abala ang sarili ko sa pamamagitan ng pagreretouch.
Naglagay ako ng konting foundation at blush on, para magkakulay ang mukha ko.
“Maganda ka na, hindi mo na kailangan nyan!” sabi nya
Napatingin ako sa kanya. Nakita ko syang nakamasid sa bintana . Ni hindi man lang nya ako magawang tignan.
“Mukhang nagbago ang ihip ng hangin? Dati hindi ka nagagandahan sa akin?” tanong ko sa kanya. Naglagay din ako ng kaunting lipstick.
Napangisi lang sya sa akin.
Bahagya nya akong tinitigan . Mas lalo akong kinabahan sa mga titig nya. Nakakinis sya, ano bang ginawa nya sa puso ko? Sobrang nagtatalon dito sa loob ng rib cage ko?
“Paraan ko yun para mapansin ng babaeng gusto ko!” sabi nya
Biglang nanlamig ang kamay ko sa sinabi nya. Tama ba ang dinig ko? Paraan daw nya yun para mapansin ng babaeng gusto nya? Ang pagpapanggap na hindi sya nagagandahan sa akin ay isang paraan para mapansin ko sya?
At nagtagumpay naman sya kasi talagang napansin ko sya at kinainisan pa!
Ayoko nga palang mag-assume na gusto nya ako. Dahil kanina ay napahiya na ako sa mga lalaki, nung nag-assume lang naman ako, na ako ang magandang babae na pinag-uusapan nila. Sobrang sakit mapahiya kaya ayoko nang mag-isip pa.
Biglang nanahimik sa loob ng kotse nya. Parang nagkaroon ng awkward moment sa pagitan naming dalawa. Bigla na lang kasi syang nagsasabi ng mga ganung bagay. Pagkatapos nya akong asarin sa klase kanina, maglalambing sya ngayon.
Bahala sya, ayoko nang isipin pa ang mga sinabi nya. Kung may gusto man sya sa akin, well.. Maganda kasi ako!. Hindi na nga dapat ako nagtataka eh. Bahagya akong napahawak sa bibig ko habang nakatukod ang siko ko sa bintana ng sasakyan nya.
Yung puso ko hindi mapigilang ngumiti sa lahat ng iniisip ko.
Saglit kong tinitigan si Macky Peniss. Sobrang gwapo talaga nya at hindi ako tutol sa bagay na ito. Ang sarap lang mangarap.
Totoo ba talaga na ang University Crush na si Macky ay may gusto sa akin? Yung lalaking kinababaliwan ng madaming babae, sa akin may gusto?
Well, maganda kasi talaga ako!
What?? Ano ba tong iniisip ko? Ayoko na nga palang magassume. Erase lahat ng naisip ko! Ayoko nang masaktan at mapahiya.
Nakarating na kami sa coffeeshop na sinasabi nya. Inalalayan nya din akong makababa gaya ng pag-alalay nya sa akin kanina.
"Thank you!" Sabi ko
Pagpasok namin ng coffeeshop ay agad kaming pinagtinginan ng ibang mga customer. Lalo na na mga babaeng college student.
Halos mangisay sa sobrang kilig ng makita nila si Macky. Ang gwapo naman kasi ng tindig nya eh, talagang kapansin pansin ang pagkatisoy nya at kakaibang karisma.
Umarko ang kilay ko sa kanila.
Nakita kong nagbulungan ang mga babae at parang nahiya sa akin. Ayoko lang nang may kaagaw ako kay Macky! Naiinis ako sa mga babaeng parang higad sa kakatihan.
OMG! Nasabi ko ba na ayaw kong may kaagaw ako sa kanya? Syet! Bakit ko ba talaga naiisip ang mga bagay na ito!
Nagulat ako ng hawakan nya ang beywang ko at may itinuro sa menu.
Nasaksihan ko ang pagtalikod ng mga babaeng higad nang makita nila ang ginawang paghawak sa akin ni Macky. Alam na siguro nila kung sino ang nagwagi ngayon.
Alam na siguro nila na dapat magkaroon muna sila ng ganitong klase ng kagandahan bago sila makabingwit ng ganito ring kagwapong lalaki. Sorry mga higad girls.
Nang mapagawi ang tingin ko kay Macky ay nakatingin na sya sa akin. Syet! Eto na naman yung titig nyang nakakabaliw! Yung mga kamay nya ay nasa beywang ko pa din. Parang isang libong boltahe ang gumapang sa buong katawan ko.
"Mocha Frappe na lang sa akin!" Sabi ko
Mas bumilis ang t***k ng puso ko dahil hindi pa rin nya inaalis ang kamay nya sa bewang ko. Syet talaga! Bakit ba para akong estatwa at hindi makagalaw sa tabi nya.
"One order of mocha frappe tall, and coffee jelly tall!" Sabi nya sa counter
Nakita ko ang pagkislap ng mata ng barista. Aba! Isa pa ito! Kilig na kilig kay Macky Peniss.
"Anong name po?" Sabi ng barista sabay pagpapacute ng mga mata
Ngumiti lang si Peniss sa kanya na syang ikabaliw na ng barista dahil sa sobrang kilig!
"Macky and Kate. Thank you." Sabi nya
Naupo muna kami habang hinihintay ang order namin. Nabalot na kami ng hiya at kaba habang naghihintay. Nakakainis naman kasi, hindi ko alam ang gusto nyang iparating. Minsan magiging sweet sya akin, minsan naman parang walang pakialam
"Mocha Frappe and coffee jelly for Macky and Kate!" Sigaw ng barista
Tumayo si Macky para kunin ang order namin. Bumalik sya at hindi na nya inalis ang mga tingin nya sa akin. Para akong matutunaw sa mga titig nya talaga!
Sinimulan ko nang inumin ang frappe at sobrang tahimik pa rin naming dalawa. Meron pa rin syang nakakatunaw na tingin sa akin.
Syet naman! Ano bang gusto nya?
"So ano na? Wala ba tayong pag-uusapan?" Tanong ko na lang
Binigyan nya lang ako ng nakakabaliw na ngiti. Yung ngiti na syang nagpapabaliw sa mga babae. Yung ngiti nya na sobrang nagugustuhan ko.
"Ikaw ano ba gusto mong pag-usapan natin? About love ba.?" Parang nang-aakit ang tono nya.
Sabay sipsip sa straw ng iniinom nyang coffee jelly.
Umiwas na lang ako ng tingin dahil hindi ko na kinaya ang tambol ng puso ko. Parang anumang oras ay sasabog na ito! Syet ka talaga Peniss tigilan mo na ang pagpapakilig sa akin!
Ilang minuto na namang nanahimik kaming dalawa. Pakiramdam ko nga ay hindi na ako kumikilos ng normal dahil sa matinding sulyap nya sa akin.
Bigla na lang nyang hinawakan ang kamay ko na nakapatong sa lamesa. Ikinabigla ko iyon! Ano ba talaga ang pinapahiwatig ng lalaking to?
Napakagat labi ako at halos hindi na makahinga sa mga nangyayari. Syet talaga!
"Hoy! Marikit!!"
Natakot ako nang marinig kong tinawag ako ng isang lalaki. Kilala ko ang boses na iyon! Lagot ako! Nakita nya na hawak ni Macky ang mga kamay ko?
Napalingon kami ni Macky sa pinanggalingan ng boses.
"Kuya Leighton?" Sabi ko
Nagsimulang magbutil butil ang pawis sa noo ko. Syet! Nahuli ako ni Kuya?
Nakita namin si kuya kasama ang bagong babae nya at papalapit na sya sa amin.
Alam kong galit si Kuya! Alam kong iba ang nasa isip nya.
"Anong kalokohan to Kate? Asan si Migz? Bakit nandito ka? Sino yang lalaki na yan?" Sunod sunod na tanong ni Kuya.
Nakatingin din si kuya sa kamay ko na hawak ni Peniss. Hindi na kasi ako makagalaw sa sobrang kaba ng naramdaman ko.
Pero pinilit ko! Tinanggal ko ang mga kamay ko mula sa pagkakahawak ni Macky.
Hindi ako makapagsalita. Nanginginig na ang buong katawan ko. Natatakot ako kay Kuya!
"I'm sorry po! After ng meeting namin ay niyaya ko munang magkape si Kate. So, kayo po ba ang brother nya? By the way I'm Macky." Pormal at walang kaba na sinabi ni Peniss.
Tinitigan sya ni Kuya at pinasadahan ng tingin mula ulo hanggang paa.
"Anong balak mo sa kapatid ko? Lalaki ako! Alam ko yung mga ganyang galawan!" Sabi ni Kuya
Gusto ko nang umiyak sa tensyong nangyayari ngayon. Galit si Kuya! At baka kung ano ang masabi at magawa nya kay Macky. Pero mali naman ang nasa isip ni Kuya. Magkaibigan lang kami ni Peniss?
Teka? magkaibigan ba kami? Ah, magkaklase lang pala kami. Yun lang.
Napatingin ako kay Macky at nasilayan kong muli ang napakagandang ngiti nya sa akin.
"Manliligaw po ako kay Kate. Gusto ko po sya. Gusto ko po ang kapatid nyo!" Sabi ni Macky
Mas bumilog ang mata at bibig ko sa mga sinabi nya!
What? Liligawan ako ni Peniss? Gusto nya ako?
Anong kalokohan ang sinasabi nya?
Nakita kong umigting ang mga panga ni Kuya Leighton. Galit sya? Galit ba sya dahil yung bunso nila ay may manliligaw na?
"Pumunta ka sa bahay ngayon at kausapin mo ang mga magulang namin! Yun ang dapat!" Utos ni Kuya.
"Sige po, ihahatid ko na po si Kate sa bahay!" Sabi naman ni Macky
"Sasama na kami sa inyo. May kotse ka ba?" Maangas na tanong ng kuya ko.
"Yes! Meron po!" Saad pa ni Macky
"Good!" Si kuya.
Parang gusto ko na lang na magpakain sa lupa sa mga nasaksihan ko ngayon. Syet! Pupunta si Macky sa bahay namin?
Paano kung malaman nya na hindi naman talaga kami nakatira sa isang exclusive subdivision?
Bahala na!
Totoo ba talagang liligawan ako ni Macky Peniss? Akala ko si April ang gusto nya? Bakit ako? Bakit bigla na lang nagbago ang ikot ng mundo. Yung dating mailap at masungit sa akin na lalaki ay may gusto pala sa akin? Nagpapanggap pa sya na hindi nagagandahan sa akin?
Ito naman ang gusto ko di ba? Sabi ko dati "I will make him fall deeply inlove with me." Hindi ko naman inaasahan na napakabilis ng pangyayari.
Syet!