CHAPTER XV Mag-aalas nuebe na nang gabi ngunit wala pa ring Lenneth na dumarating. Kanina pa naghihintay si Ace sa sala dahil balak niyang kausapin ang dalaga tungkol s nangyari kaninang umaga. Wala na rin kasi iyang nagawa at hindi na rin niya naabutan pa ito dahil pagkatapos nitong makipag-usap sa mga anak nito ay nagmamadali na itong umalis. Hindi na nga nito napagtuunan ng pansin ang kaibigan nitong si Ian at mabilis lang na nagpaalam. Ganoon ba ka-importante ang trabaho nito at hindi man lang nito magawang asikasuhin ang isa sa pinakamatalik nitong kaibigan? Marahas siyang napabuntong-hininga at muling naalala ang nangyari kaninang umaga sa pagitan nila ni Ian. Hanggang ngayon ay hindi pa rin mawala sa isip niya ang mga sinabi nito at ang tungkol sa pinag-usapan nila.

