TUWANG-TUWA si Iarah. Pumayag kasi ang kanyang ama na isama siya nito sa pagluwas nito sa Maynila. Bibisitahin nila ang Ate Janis niya. Missed na missed na niya ito.
Isang apartment ang tinutuluyan nito sa Maynila. Kasama nito si Peighton doon. Ayaw ng mga magulang ni Peighton na mag-boardinghouse ito kaya ikinuha ito ng apartment. Ayaw namang tumira ni Peighton mag-isa sa apartment kaya isinama nito ang Ate Janis niya. Siyempre, mas maliit kaysa sa karaniwang renta ang bayad ng kanyang ate.
Tuwang-tuwa ang ate niya pagdating nila sa apartment na tinutuluyan nito. Pati si Peighton ay tuwang-tuwa rin sa pagbisita nila. Malaki ang apartment para sa dalawang tao. Kahit apat ang tumira doon ay maluwang pa rin iyon. Maayos ang pagkakaayos ng lahat ng gamit. Wala ni isang kalat na makikita. Hindi na siya nagtataka dahil mahilig maglinis ang kapatid niya.
“Kumusta ka na?” tanong niya sa ate niya na abala sa pagluluto. Ang kanilang ama ay kasalukuyang nagpapahinga sa silid ng ate niya. Mamaya na lamang siya magpapahinga. Nais muna niyang makakuwentuhan ang ate niya.
“Okay lang,” tugon nito.
“Nahihirapan ka ba rito?” Napansin niyang medyo namayat ito nang kaunti. Hindi ba ito kumakain nang husto?
“Hindi. Okay lang. Okay rin ako sa eskuwela. Ikaw, kumusta ka naman?”
“Okay lang din. Ganoon pa rin. Halos walang nabago.”
“Baka naman lumalandi ka na,” panunukso nito. Pinisil nito ang ilong niya. “Malilintikan ka sa `kin kapag nabalitaan kong may boyfriend ka na. Kakalbuhin kita.”
“Para kang ewan, Ate. Alam mo naman ang mga tipo ko. Foreigner.”
“Eh, paano kung makakilala ka nga ng foreigner?”
“Bahala na. Kung tipo ko talaga, wala kang magagawa.”
Pinitik nito ang noo niya. “Loka.”
Bago pa man siya makatugon ay nakarinig sila ng katok. Binuksan ng ate niya ang pinto.
“Kumusta, Miss Beautiful?” narinig niyang sabi ng isang masayang tinig ng lalaki.
Lumabas siya ng kusina upang makita kung sino ang bisita ng kapatid niya. Isang napakaguwapong lalaki ang nakita niyang pinatuloy ng kapatid niya.
Halos mapatulala siya sa lalaki. Ito na yata ang pinakaguwapong lalaking nakita niya. Matangkad at maputi ito. Lalo yata itong kumisig dahil nakangiti ito.
“Nadalaw ka,” sabi ng ate niya sa bisita. May giliw sa tinig nito.
Pinilit niyang huwag masyadong humanga sa lalaki. Mukhang manliligaw ito ng kapatid niya. Kinalimutan niya ang inisyal na paghanga niya. Ang galing manermon ng ate niya, ito naman pala ang lumalandi. Pero may taste ang kapatid niya. Ang guwapo talaga ng lalaki.
Tumikhim siya upang makuha ang atensiyon ng mga itong patuloy na nagngingitian sa isa’t isa. Napatingin sa kanya ang lalaki. Napatitig ito sa kanya, at unti-unting napangiti. Hindi nito itinago ang paghanga sa mukha nito.
Muntik na siyang mapangiti dahil doon.
“Vann Allen, kapatid ko, si Iarah. Iya, si Vann, kaibigan ko,” pagpapakilala sa kanila ng kapatid niya.
“Kaibigan lang ba talaga?” tudyo niya sa mga ito.
“Mahiya ka nga, Iarah,” saway sa kanya ng kapatid niya.
Marahan siyang natawa. Napansin niyang hindi humihiwalay ang mga mata ni Vann Allen sa kanya.
Loko `to, ah. Mukhang nagka-crush sa `kin. Nais niyang mapahagikgik sa kanyang naisip.
Muling bumukas ang pinto at pumasok si Peighton. Kanina ay nagpaalam itong lalabas sandali at may bibilhin. Marami itong mga bitbit at mukhang pagkain lahat.
“Nandito ka pala, Vann,” ani Peighton.
Agad na kinuha ni Vann Allen ang mga dala nito. “Nainip ako sa bahay, eh,” sagot nito. “Naisip kong magpatulong ng assignment kay Janis.”
Umupo siya sa sofa habang pinakikinggan ang pag-uusap ng tatlo. May mga sinasabi ang mga ito na Nursing terms na hindi niya maintindihan. Nagtuloy ang mga ito sa kusina at doon nagpatuloy sa pag-uusap. Mayamaya ay lumabas si Vann Allen at sinamahan siya sa sala.
Nginitian niya ito. Gumanti ito ng ngiti. Lalo itong gumagandang lalaki habang tinititigan nang matagal. Ramdam din niyang mabait na tao ito. Hindi ito kakaibiganin ng kapatid niya kung hindi.
“Ikaw pala ang kapatid ni Janis na lagi niyang ikinukuwento sa `kin,” panimula nito ng usapan.
Tumango siya. “Hindi ka ikinukuwento sa `kin ni Ate sa mga sulat niya.”
“Ganoon? Hindi yata ako ganoon kasayang kasama.”
“May gusto ka ba sa ate ko?” prangkang tanong niya rito.
Natawa ito nang malakas. “`Palagay mo?”
Lumabi siya. “Ang labo nito. Tinatanong kita nang maayos, eh. Nasa kuwarto lang ang tatay namin. Isusumbong kita sa kanya.”
Tila lalo itong na-amuse sa kanya. “Magkaibigan lang kami ng ate mo. `Swear.”
“Ows? Doon naman lagi nag-uumpisa, eh. Maganda naman si Ate, ah.” Awang ang bibig na napatingin siya sa mukha nito. “Huwag mong sabihing si Ate Peigh ang gusto mo at ginagamit mo lang ang ate ko?”
Natawa na naman ito. Tumabi ito sa kanya at pinisil ang ilong niya. May tenderness sa mga mata nito habang nakatingin sa kanya. “Magkakaibigan lang kami, promise. Hindi kami talo,” anito na natatawa pa nang bahagya.
Inilapit niya ang mukha niya sa mukha nito. Ang kinis-kinis ng mukha nito. Tila hindi pa iyon kailanman tinubuan ng pimples. “B-bakla ka ba?”
Nanlaki ang kanyang mga mata nang bigla siya nitong halikan sa mga labi niya! Sindak na sindak siya. Hindi niya akalaing magagawa nito ang kapangahasang iyon. Kung tutuusin, hindi naman talaga matatawag na halik ang ginawa nito. Tila pakpak ng paruparo ang dumampi sa mga labi niya. Pero mga labi nito ang dumampi sa mga labi niya at hindi pakpak ng paruparo. Halik pa rin iyon.
May first kiss na siya!
“Iyan ang napapala ng mga babaeng sinasabihang bakla ang isang straight guy,” anito.
Halos hindi niya mawawaan iyon. Nakatulala lamang siya. Tulala pa rin siya nang tumayo na ito.
“Peigh, Jan, uwi na `ko,” sabi nito kapagkuwan.
Lumabas si Peighton mula sa kusina. “Ha? Dito ka na lang kumain.”
“Hindi na. Nakakahiya sa mga bisita n’yo. Aalis na `ko para makapag-bonding kayo.”
“Paano ang assignment mo?” tanong ng Ate Janis niya.
“Kakayanin kong sagutan mag-isa. Sige.”
“Teka, bibigyan kita ng bagnet at suka,” ani Peighton. “Pinadalhan ako nina Lolo.”
Tulala pa rin siya kahit nakaalis na ang guwapong lalaking nanghalik sa kanya. Natauhan lamang siya nang pitikin ng kapatid niya ang ilong niya.
“Hoy! Ano’ng nangyari sa `yo? Kanina ka pa nakatulala riyan,” sabi nito sa kanya.
“Ewan,” tanging sagot niya.