2

1400 Words
MAAGANG nagising si Vann Allen upang tulungan ang Ate Jhoy niya sa kusina. Nadatnan niya itong naghihiwa ng saging na saba. “Ang aga mo yatang magising?” puna nito sa kanya. Alas-tres pa lamang ng madaling araw. Nginitian niya ito. “Good morning, Ate Ligaya!” masiglang bati niya rito. Kaagad na kumuha siya ng kutsilyo at sangkalan. Nilagyan niya ng used cooking oil ang mga kamay niya bago siya dumampot ng saging upang balatan iyon. Mahirap tanggalin ang mantsa ng hilaw na saging kaya naglagay siya ng cooking oil sa kamay. Negosyo ng Ate Jhoy niya ang banana chips. Ibinebenta nito ang mga iyon sa mga kaklase nito sa halagang piso kada isang maliit na supot. Elementarya pa lang ay mahilig na itong magbenta ng kung anu-ano sa mga kaklase nito. Kapag hindi mura ang saging ay mani naman ang ibinebenta nito. Hindi ito nahihiyang magbenta kahit nasa kolehiyo na ito. Sa kanilang magkakapatid, ito ang hindi nanghihingi ng baon sa kanilang mga magulang. Kapag maganda ang benta nito, binibigyan pa siya nito ng pera. Kapag wala itong pasok, naglalagay ito ng maliit na mesa sa harap ng bahay nila at nagbebenta ng banana cue, kamote cue, at gulaman. Ito ang pinakamasipag sa kanilang magkakapatid. Nakikinita-kinita na niyang magiging mahusay na businesswoman ito balang-araw. Lima silang magkakapatid. Siya ang pangatlo at ang nag-iisang lalaki. Panganay ang Ate Jhoy niya; dalawang taon ang tanda nito sa kanya. Sumunod ang Ate Toni niya. Si Frecy ang sumunod sa kanya at si Armie naman ang bunso. Close silang magkakapatid sa isa’t isa. “Unang araw mo sa kolehiyo,” sabi sa kanya ng ate niya. “Dapat natulog ka pa. Kaya ko namang gawin `to lahat mag-isa. Sige na, maaga pa. Matulog ka na uli.” “Sobrang excited ko nga kaya hindi ako makatulog,” aniya habang ipinagpapatuloy ang ginagawa. Nais niya itong tulungan kahit sa maliit na paraan lamang. Hinayaan na nga siya nitong tumulong. Nagkuwentuhan sila habang nagpiprito ito ng mga nahiwa nilang saging. Inilalagay niya sa maliit na supot ang mga naluto at malamig nang chips. Mayamaya pa ay nagising na rin ang nanay at tatay nila. Nagkape ang mga ito habang nagluluto ng almusal at naglilinis ng kanilang bahay. Isa-isang nagsigising na rin ang ibang kapatid niya. Si Frecy ay agad na tumulong sa kanila. Si Armie ay tumulong sa nanay nila. Ang kanyang Ate Toni ay inatupag ang pamamalantsa. “Kumain na kayo para hindi kayo ma-late sa eskuwela,” sabi sa kanila ng nanay nila. Tumalima silang magkakapatid. Tinawag na rin niya ang tatay nila. Namamasada ito ng jeepney. Masipag ang mga magulang niya kaya naman may sarili silang bahay at jeepney. Nakakapag-aral silang magkakapatid dahil sa pamamasada nito. “Unang araw ni Vann sa university,” ani Frecy. “Huwag kang magpapa-cute masyado sa mga boys, sis,” tudyo nito. “Slight lang, sis,” tugon niya sa sadyang pinalanding boses. “Siyempre, priority ko ang studies ko. Saka na `yang ligaw-ligaw na `yan. Saka, strict ang parents natin. Baka ibitin ako patiwarik ni Daddy kapag nalaman niyang may boyfriend ako.” Nagkatawanan ang mga ito. “Loko ka, ha,” sabi ng nanay niya. “Umamin ka nga, anak. Bakla ka ba? Maiintindihan ko naman. Puro babae ang mga kapatid mo. Araw-araw mong nasasaksihan ang kaartehan nila. Hindi ka ibibitin ng tatay mo patiwarik, pangako. Umamin ka lang.” Nasamid siya. Kaagad na inabot niya ang baso ng tubig at uminom. “Correction, `Nay,” sabi ng Ate Jhoy niya. “Sila lang po ang maaarte,” anito, sabay turo sa tatlong kapatid niyang babae. Biglang sumeryoso ang tatay niya. Tiningnan siya nito nang masama. “Hindi kita ibibitin patiwarik. Itatakwil lang naman kita,” anito sa kanya. Natawa siya nang malakas. Hindi iyon ang unang pagkakataon na seryosong pinagdudahan ang p*********i niya. Kahit ang ibang tao ay binabae rin ang tingin sa kanya. Hindi naman siya malamyang kumilos. Siguro, dahil masyado raw siyang naging “maganda” para sa isang lalaki. Maganda rin ang kutis niya. Dinaig pa niya ang kutis ng mga kapatid niyang babae sa kaputian at kakinisan. Namana niya ang kanyang pisikal na anyo mula sa kanyang ina. Napakaganda ng nanay niya. Ang kuwento ng tatay niya, ang nanay niya ang pinakamagandang dilag noon sa lugar nila. Marami raw itong mayayamang manliligaw. Halos sambahin na raw ng mga kalalakihan ang kagandahan ng kanyang ina. Marami ang nagtaka nang ang tatay nila ang piliin ng kanyang ina. Hindi naman masasabing pangit ang kanyang ama. So-so ang kaguwapuhan nito—tall, dark, and not-really handsome. Hindi rin ito galing mula sa mayamang pamilya. Undergraduate pa ito. Marami ang nagsabing napakatanga ng kanyang ina. Nasa harap na raw nito ang magandang buhay ngunit mas minatamis nitong magkaroon ng “so-so” na buhay. Mas pinili raw nito ang isang lalaking mukhang hindi pahuhuli ng buhay. Alam nilang magkakapatid na hindi kailanman pinagsisihan ng kanilang ina ang pinili nitong buhay. Their father was the bestest father of all the best fathers in the whole world. Naging maligaya ang nanay nila sa piling nito. May seguridad daw itong laging nadarama sa kanilang ama. Tila walang mangyayaring masama sa pamilya nila dahil ito ang haligi niyon. Kahit silang mga anak ay walang ibang nais mula sa kanilang ama. Palagi nilang nadarama ang pagmamahal nito para sa kanila. “`Tay, lalaki po ako,” aniya sa pinalaking tinig na katulad ng sa isang maton. “Bibigyan pa kita ng maraming apo na magpapatuloy ng lahing Balboa.” Tila nakahinga naman ito nang maluwag sa sinabi niya. “Siguruhin mo lang, Kuya,” hirit ni Armie. “Tama na muna ang kabaklaan na `yan,” sabi ng kanyang Ate Toni. “Sino ang mauuna sa banyo?” Nang mga sumunod na sandali ay naging abala na sila sa paghahanda para sa pagpasok sa eskuwela. Kailangan ay maaga siya dahil iyon ang unang araw niya sa kolehiyo. Baka mahirapan siya sa paghahanap ng kanyang building. Sa taong iyon ay tatlo silang sabay-sabay na magkokolehiyo. Sa sunod na taon ay magiging apat na sila. Nakikinita-kinita na niya ang sakit ng ulong pagdaraanan ng kanyang mga magulang dahil sa sabay-sabay na gastusin.   MADALING nahanap ni Vann Allen ang classroom niya para sa Zoology class niya. Pagkatapos niyon ay sa laboratory naman siya. Umupo siya sa bandang gitna. On the dot ang professor nila. Sa unang tingin pa lang, alam nang bakla at masungit ito. “Get one-fourth sheet of paper. In ten minutes, write down the things about yourself, why you are taking up Nursing, and your expectations from this subject,” masungit na sabi nito. Wala man lang “Good morning” na panimula. Kaagad na naghanda siya ng papel. Kinalkal niya ang bag niya nang hindi niya makita ang ball pen na inilagay niya roon nang nagdaang gabi. Sigurado siyang may inilagay siyang ball pen doon. Frecy, kakalbuhin kita mamaya! gigil na gigil na sigaw ng isip niya. Sa kanilang magkakapatid ay ito lamang ang mahilig manguha ng ball pen ng may ball pen. Aligaga siya. Unang araw niya sa kolehiyo ay wala siyang ball pen! Ayaw niyang masungitan ng propesor niya. Ayaw niyang maging sentro siya ng atensiyon. Napatingin siya bigla sa katabi niya nang may ilagay ito sa mesa ng armchair niya. Ball pen iyon. Babae pala ang katabi niya. Maaliwalas ang dating ng mukha nito. Palakaibigan ang ngiti nito. Gumanti siya ng ngiti. “Salamat.” “You’re welcome,” sagot nito. Nang mga sumunod na sandali ay naging abala na sila sa pagsulat sa papel. Pagkalipas ng sampung minuto ay ipinapasa na sa kanila ang mga papel nila. Nagkaroon sila ng recitation pagkatapos. Nakahinga siya nang maluwag nang matapos ang unang klase niya. Hanep sa katarayan ang propesor niya. Nagtungo na siya sa laboratory room. Tinabihan niya ang classmate niyang babaeng nagpahiram sa kanya ng ball pen. May kasama itong isa pang babae na ubod ng ganda. “Pahiram muna ng ball pen, ha,” aniya rito. “Mamaya ko na lang ibabalik kung okay lang sa `yo.” “Okay lang. Gamitin mo muna,” tugon nito. “Ako nga pala si Vann. Vann Allen Balboa,” pagpapakilala niya. “Janis. Janis Cezzil Delos Reyes. Ito ang best friend ko, si Peighton.” Itinuro nito ang babaeng kasama nito. Natuwa siya dahil may mga bago na siyang kaibigan.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD