"YUKI!" pabulong na sigaw ni Misuke nang maalimpungatan siya at nang bumangon ay makita ang kapatid sa kanyang terrace. "Ano'ng nangyari sa iyo?" mahinang tanong niya rito habang pinagbubuksan ito. Puno ng pasa ang mukha at katawan ng kapatid, bagay na sumagot sa tanong kung bakit doon ito dumaan at hindi sa pintuan sa ibaba. Pareho kasi nilang alam na magtatanong at magagalit na naman ang daddy nila kapag nakita ang hitsura nito.
"Inatake ako habang papunta ako kina Yamato. Hindi na nga ako tumuloy doon," sagot nito nang pumasok sa silid niya.
"Mabuti naman at nakatakas ka." Iginiya niya ang kapatid paupo sa kanyang kama.
"May tumulong sa akin. Iyong naghatid sa iyo kagabi."
"Sina Kenji?" gulat na tanong niya. "Kilala mo ba kung sino ang umatake sa iyo?"
"Kurogane gang."
"Kurogane gang? Sila iyong umatake sa akin kagabi. Baka kung ano'ng gawin nila kay Kenji at mga kaibigan nito," nag-aalalang wika niya sabay tayo pero mabilis naman siyang pinigilan ni Yuki.
"Huwag kang mag-alala, may tumulong din naman sa kanila. Bago ako umalis, nakita kong may dumating na isang babae at siyang nagligtas sa kanila."
Napakunot ang kanyang noo. "Sino namang babae?"
"Hindi ko alam. Umalis na ako agad bago pa may makakita sa akin. Pero kung hindi ko pa alam na nandito ka, iisipin kong ikaw iyon."
Tumawa siya nang mahina. "Hindi ako iyon. Alam mo namang hindi na ako makakalabas dito kapag nakauwi na ako nang ganitong oras."
"I know."
"Maupo ka muna diyan. Gamutin natin iyang mga sugat mo." Tumayo siya at kinuha ang medicine kit sa kanyang cabinet. Tinabihan niya ito at dahan-dahang ginamot ang mga sugat nito. Subalit ang utak niya'y hindi mapakali sa kaiisip kay Kenji. Nag-aalala siyang baka kung ano na'ng nangyari sa binata at sa mga kaibigan nito.
"Kung nag-aalala ka sa kanila, puntahan mo na lang sila bukas para kumustahin ang kalagayan nila," anito na parang nahuhulaan ang kanyang iniisip.
Ngumiti lang siya.
Pagkatapos ng gamutan, tumayo na ito at tinungo ang pinto. Subalit natigilan ito nang pagkabukas nito ng pinto ay mabungaran sa labas ang kanilang ama.
"Dad?!" halos sabay na wika nila ni Yuki.
"Bakit ganyan ang hitsura mo? Napaaway ka na naman?" matigas na tanong nito sa kapatid niya.
Hindi sumagot si Yuki kaya siya na ang sumalo rito.
"Ah, nagkakulitan po kasi kami kanina. Nabunggo lang po sa kama ang mukha ni Yuki," pagsisinungaling niya.
Tumingin ito sa kanya bago bumaling sa kaharap na anak. "Totoo ba iyon?" hindi naniniwalang tanong nito kay Yuki.
Tumingin sa kanya ang kapatid. "Opo," sagot nito sa tanong ng ama.
Hinawakan nito ang mukha ng kapatid at sinuring mabuti. "Ayoko nang mangyari ulit ito," wika nito na tila nakumbinsi sa sinabi nila.
"Opo," mahinang sagot nilang dalawa.
"Dad, may kailangan po ba kayo?" pagkuwa'y tanong niya rito.
Tumingin ito sa paligid at huminga nang malalim. "Wala naman. Just checking on you, two," at umalis na ito.
Sabay silang napabuntong-hininga ni Yuki. Humarap sa kanya ang kapatid. "Salamat, Ate."
"Walang anuman."
Pagkuwa'y tuluyan na itong lumabas.
KINABUKASAN pagkatapos ng kanyang klase, agad na namang nagtungo si Misuke sa Shitori High upang abangan ang paglabas ni Kenji at ng mga kasamahan nito.
"Buti na lang talaga dumating si..." Hindi natapos ni Uchida ang sasabihin nang makita siya. "Teka, di ba ikaw iyong...?"
"Misuke!" wika ni Koji nang makilala siya.
"Hi! Kumusta na kayo?" aniya na isa-isang sinuri ang mga mukha nito. Nakumpirma niyang sila nga ang tumulong kay Yuki ng nagdaang gabi.
"Ayos lang kami," sagot ni Koji.
"Bakit ka nga pala nandito?" tanong naman ni Nobuta.
"Gusto ko lang personal na magpasalamat sa pagligtas n'yo sa kapatid ko kagabi."
"Kapatid?" halos sabay-sabay na tanong ng mga ito maliban kay Kenji.
"I mean, pinsan. Iyong iniligtas n'yong lalaki kagabi..."
"Iyong naghatid sa iyo kagabi sa bahay ninyo?" tanong ni Minaru.
"Ha? Nagpunta kayo sa bahay namin kagabi?" balik-tanong naman niya.
"Ah, eh..." Nahihiyang napakamot ng ulo ang mga ito.
"Sinundan ka nila kagabi hanggang sa bahay ninyo."
"Sinuguro lang namin na ligtas..."
"Yamiko!" gulat na sigaw ng apat nang biglang lumitaw ang isang babaeng naka-eye glasses at nakatali ang dalawang hati ng buhok.
"So, ikaw pala si Misuke? Ako naman si Kumichu Yamashiro, ang homeroom teacher nila. Just call me Yamiko for short," pakilala nito sa sarili.
"Yamiko? Ikinagagalak ko po kayong makilala," sagot niya.
"Huwag mo na akong po-po-in. Hindi pa naman ako ganoon katanda," tila nahihiya pang sabi nito.
"Hoy! Tumigil ka nga," sita ni Kenji dito. Umayos naman si Yamiko.
Muli niyang binalingan ang mga binata. "Bakit n'yo nga pala ako sinundan kagabi?"
"May kutob kasi kami na babalikan ka ng mga iyon," si Uchida ang sumagot.
"Ganoon ba? Maraming salamat. Pasensya na kayo kung nadamay ko pa kayo sa gulo ko."
"Naku, huwag mong isipin iyon. Balewala iyon sa amin. Di ba, Ken?" ani Koji.
Tumitig lang si Kenji sa kanya. Blangko.
Ilang sandali pa'y niyaya niya ang mga ito na kumain sa labas bilang pasasalamat niya. Pati si Yamiko ay pinasama na rin niya.
"So, pinsan mo lang pala iyong kasama mo kagabi? Akala namin boyfriend mo siya," tila nabunutan ng tinik na wika ni Minaru.
Natawa lang siya sa sinabi nito, subalit ang kanyang atensyon ay na kay Kenji. Hindi lang niya pinapahalata ngunit nasasaktan na siya dahil simula pa nang dumating siya sa eskwelahan nito, pakiramdam niya'y hindi ito masaya na makita siya at hindi rin ito interesado sa kanya.
"Anak ako ng malayong kamag-anak ni Daddy kaya pinsan ko siya, pero kapatid ang turingan namin sa isa’t isa. Kahit sinong hindi nakakakilala sa amin, mapagkakamalan talaga kaming mag-boyfriend. Maliban sa mas matangkad siya kaysa sa akin, overprotective din siya at sweet kumilos kapag magkasama kami," kwento niya tungkol kay Yuki.
Habang masaya silang kumakain at nagkukwentuhan, lihim naman niyang sinusulyapan si Kenji. May hitsura talaga ito kahit madalas ay blangko ang ekspresyon ng mukha nito. Hindi ito palatawa at minsan lang itong ngumingiti, subalit sa minsang pagngiti nito, napapangiti rin siya at labis na natutuwa.
"May problema ba?" untag nito sa kanya. Napahinto naman ang iba pa sa kani-kanilang ginagawa.
"Ha? W-wala," nahihiyang sagot niya. Pakiramdam niya'y nag-iinit ang kanyang magkabilang pisngi nang mga sandaling iyon. "Masaya lang ako at nakasama ko kayo ngayon. Sa totoo lang, hindi ako pinapayagan ng daddy ko na makihalubilo sa kung sinu-sino lalo na sa mga kilalang sanggalo. Pero mismo kapatid ko at mga kaibigan niya, mga sanggalo din tawag sa kanila, pero tulad n'yo, may mabubuti rin silang puso."
"Sanay na kaming napagkakamalang kriminal at pinag-iisipan ng masama ng ibang tao," sagot ni Uchida.
"Pero hindi nila kayo dapat hinuhusgahan sa panlabas na anyo lang."
"Iyon nga ang sinasabi ko sa mga kasamahan kong guro...na dapat nilang kilalanin nang maigi ang bawat isang estudyante nila bago nila ito husgahan," sang-ayon ni Yamiko.
"Ganoon ba? Mabuti naman at may mga guro pang katulad ninyo...Yamiko."
Napangiti lang ito. Pati ang mga kaibigan ni Kenji ay napangiti rin bilang pagsang-ayon sa kanya.
Ilang minuto pa'y tapos na sila at nagpasya nang lisanin ang restaurant na iyon.
"Grabe, sobrang nabusog ako," saad ni Nobuta.
"Ako rin," sang-ayon ni Koji.
"Ikaw ang pinakamaraming nakain. Inubos mo ang allowance ni Misuke," wika naman ni Uchida rito.
"Paano, mauna na ako sa inyo," paalam ni Yamiko. "See you, guys, tomorrow!"
"Bye Yamiko!!!"
"Ay, may pupuntahan pa pala rin ako," wika naman ni Minaru. Pagkuwa'y nagpaalam din ang tatlo pang kaibigan ni Kenji. Nagpatay-malisya lang siya pero alam niyang sinadya ng mga ito na mapag-isa sila ng binata. Lihim naman siyang nagpasalamat sa pagkakataong ibinigay ng mga ito sa kanya.
Nagpatuloy sila sa paglalakad.
"Mag-isa ka na naman bang uuwi ngayon?" pagkuwa'y tanong ni Kenji sa kanya. Natuwa siya. Sa wakas ay kinakausap na rin siya nito.
"Dadaanan ko muna ang kapatid ko kung hindi siya busy para ihatid niya..." Bago pa man niya natapos ang kanyang sasabihin, tumunog na ang kanyang cellphone. Si Yuki ang tumatawag. "Oh, Yuki! Napatawag ka?"
"Pauwi ka na ba? May lakad kasi kami ngayon, eh. Hindi kita mahahatid pauwi," sagot nito.
"Ganoon ba? Sige, okay lang. Maaga pa naman, eh."
"Sige, ingat ka."
"Kayo rin. Huwag masyadong magpapagabi nang uwi," sagot niya at pinatay na ang kanyang linya.
"Pwede kitang ihatid kung gusto mo," boluntaryo ni Kenji.
Gulat naman siyang napatingin dito at hindi makapaniwala sa narinig. "Ha? Huwag na. Nakakahiya naman sa iyo..." nag-aalangang tanggi niya kahit gustong-gusto niya iyon.
"Tara na!"
Hindi na nga siya nakatanggi. Napasunod na lamang siya rito. Lihim na kinikilig ang kanyang puso kahit wala silang imikan habang naglalakad.
"Kazumi!"
Napahinto siya. Hindi nakaligtas sa kanya ang pangalang kanyang narinig. Dahan-dahan siyang napalingon sa nagmamay-ari ng tinig na iyon.
"Kumusta na?" tanong ng naka-leather jacket na lalaki na hanggang balikat ang medyo magulong buhok. Maya-maya pa'y nagsulputan na ang iba pang mga kasamahan nito.
Tinitigan niya itong mabuti at inalala kung saan niya ito nakita at nakilala. Maya-maya pa'y nanlaki ang mga mata niya nang makilala ito. "Terajiko?"
"Mabuti naman at naaalala mo pa ako," nakangiting sagot nito na unti-unting lumapit sa kanya.
"A-Ano'ng ginagawa mo rito?" nag-aalangang tanong niya. Naalarma siya. Magkahalong tuwa at kaba ang naramdaman niya nang mga sandaling iyon. Tila nakaramdam siya ng panganib kahit alam niyang maling paghinalaan nang masama ang dating kaibigan niya. Oo natutuwa siya sa muling pagkikita nila ng kanyang pinsan at kababata, subalit kinakabahan din siya dahil baka may gawin itong hindi maganda sa kanila ni Kenji. Isa pa, bawal na siyang makipag-ugnayan sa mga ito.
"Bakit ganyan ang tanong mo? Parang hindi ka natutuwa na makita ako?" tila nagtatampong tanong nito. Sumulyap ito sa likuran niya. Napalingon din siya at nakita niya si Kenji na nakatayo lang doon at blankong nakatingin sa kanila. "Ahh...Wrong timing pala kami," tatangu-tangong wika ni Terajiko na parang naiintindihan ang kanyang ibig sabihin kahit hindi naman talaga si Kenji ang dahilan kung bakit parang ayaw niya itong makita. Ngumisi pa ito bago muling nagsalita, "Oh, sige na. Hindi na namin kayo iistorbohin. Mauna na kami," paalam nito sa kanya.
Binalingan nito si Kenji, "Pare, ingatan mo itong kaibigan ko, ha? Ingat kayo."
Tinapik pa nito ang kanyang balikat. "Alam mo kung saan ako hahanapin," bulong nito sa kanya bago umalis.
Maya-maya pa'y nawala na ang mga ito sa kanilang paningin. Napabuntong-hininga siya. Pagkuwa'y napakagat-labi siya nang lumingon at hindi makatingin nang diretso kay Kenji. Tumalikod na ito at nagpatuloy sa paglalakad. Napasunod naman siya rito.
"Pinsan ko siya," wika niya kahit hindi naman nito tinatanong.
"I see," ang tanging sagot nito.
Wala na silang imikan hanggang sa marating nila ang kantong hinintuan nila noong unang beses na hinatid siya nito.
"May problema ba?"
Napalingon siya nang marinig ang boses ni Yuki. Hindi niya namalayang umalis na pala si Kenji. Hindi niya matandaan kung nakapagpasalamat ba siya sa binata sa paghatid nito bago ito umalis. Masyadong inokupa ni Terajiko ang kanyang isipan.
"Wala," sagot niya at dumiretso sa taas.
Kinabukasan...
"HA?!"
Halos pare-pareho ang naging reaksyon ng mga kaklase niya at medyo napalakas ang boses ng mga ito sa restaurant na iyon.
"Shhh..." saway niya sa kanila. "Sekreto lang natin iyan, ha? Kapag may ibang nakaalam niyan siguradong lagot ako. Hindi iyan pwedeng malaman ng ibang kamag-aral natin. Alam n'yo naman ang iisipin ng mga iyon, at lalong hindi pwedeng malaman ng kahit sinong taga-Shitori High. Nakakahiya."
"Pero bakit naman taga-Shitori?" tanong ni Aya.
"Hindi ka maniniwala pero mababait sila. And this guy...he's my knight in shining armor. Pakiramdam ko kapag kasama ko siya, safe ako," kinikilig na sagot niya.
"I agree with Misuke," sang-ayon ni Ami. "Minsan na rin akong iniligtas ng isa sa kanila—si Koji. Hindi naman sila ganoon kasama. Nakakatakot lang talaga minsan ang dating nila," dagdag pa nito.
"Naku, Misuke! Masyadong delikado itong sekreto mo. Kapag nalaman ito ng daddy mo siguradong magwawala iyon," nababahalang saad ni Yuriko.
"Tama ka. Alam mo naman iyon, masyadong istrikto. Paano kapag na-in love ka nang todo kay Kenji at paghiwalayin kayo ng daddy mo," segunda naman ni Remi. "You and me against the world lang?"
"Kaya nga..." Hindi niya naituloy ang kanyang sasabihin nang mag-ring ang kanyang cellphone. "Hello?"
"Ate Misuke!" boses ni Takeru ang kanyang narinig.
"Take, bakit? Anong problema?"
"Si Yuki...dinala ng hindi pa namin nakikilalang grupo. Hinahanap pa namin siya ngayon," sumbong nito.
"Ano! Bakit?"
"Hindi namin alam kung anong nangyari. Basta't may nagsumbong lang sa amin na isinama siya ng mga ito."
"Sige, paalis na ako. Tawagan n'yo ako kapag may balita na kayo sa kanya," aniya sabay ligpit ng kanyang mga gamit.
"Misuke, bakit?" tanong ng mga kaibigan niya.
"Ah, iyong bagong bili naming aso nakawala raw. Hinahanap ngayon ng mga kasambahay namin," pagsisinungaling niya.
"Hindi ba allergic ka sa mga aso?" tanong ni Ami.
Napakat-labi siya nang maalala iyon. "Ah, eh, para kay Yuki sana iyon. Ireregalo ko sa kanya para sa birthday niya," palusot niya.
"Ay ganoon ba?" Tila nakumbinsi naman niya ang mga ito.
Tumayo na siya. "Sige, maiwan ko muna kayo. Tutulungan ko lang sila sa paghahanap. Babalik ako para sa afternoon class."
"Okay, ingat."
Nagmamadali siyang umalis sa lugar na iyon at sinuyod ang bawat sulok ng siyudad upang hanapin ang kapatid. Subalit halos kinse minutos na siyang nagpagala-gala sa lahat ng tunnel at mga iskinitang pwedeng pagdalhan ng kung sinumang gang na iyon sa kapatid niya ay hindi pa rin niya ito nakikita.
Napahinto siya sa pagtakbo nang sumagi sa isip niya si Terajiko.
"Alam mo kung saan ako hahanapin."
Agad niyang binilisan ang pagtakbo papunta sa dating hideout ng grupo nila—ang Terazumi building.
Terajiko... Sana mali ang kutob ko dahil hindi kita mapapatawad kapag may nangyaring masama sa kapatid ko!