“YUKI!"
Napahinto ang lahat sa biglaang pagdating niya. Nagimbal siya nang makita ang kalunos-lunos na hitsura ng kapatid. Agad niya itong dinaluhan. "Yuki..."
"Ate...Hindi ka dapat nagpunta rito..." puno ng pag-aalalang wika nito kahit nahihirapan.
Binalingan niya ang mga bumugbog dito. Hindi nga siya nagkamali. Mga kasamahan iyon ni Terajiko na nakita niya ng nagdaang gabi. Sinuyod niya ang buong lugar. Sa di-kalayuan, nakaupo ang isang lalaking naiilawan ng nakasisilaw na sinag ng araw sa tanghaling tapat.
"Kumusta, Kazumi?" tanong nito nang tumayo ito at unti-unting lumapit.
Kumulo ang dugo niya sa sobrang galit. Naglapat ang kanyang mga bibig. Nagngangalit ang kanyang mga ngipin.
She calmed herself at bumaling sa kapatid. "Umuwi na tayo," wika niya at tinulungan itong tumayo.
Subalit galit na sinipa sila ni Terajiko kaya nagkahiwalay silang magkapatid. Sumadsad sa semento si Yuki habang siya'y namilipit ang tiyan na napagulong din sa di kalayuan nito.
"Hindi kayo aalis nang buhay sa lugar na 'to!" matigas na wika nito sa kanila.
Subalit hindi pa rin siya pumatol. Gumapang siya palapit sa kanyang kapatid. "Tama na, pakiusap..."
"Hindi pa ako tapos, Kazumi. Lumaban ka! Ang gusto ko, lumaban ka!" galit na wika nito sabay bugbog sa kanya.
"Tama na!" hindi nakatiis na sigaw ni Yuki. "Tigilan mo na ang ate ko!" Sinubukan nitong tumayo para harapin si Terajiko.
"Yuki...h-huwag..."
Humarap si Terajiko dito. "Tigilan ko ang ate mo, ha? Pwes, tanggapin mo ang bigat ng kamao ko para sa ate mo!" Pagkawika noo'y walang-awang binugbog ni Terajiko si Yuki.
"Tingnan mo, Kazumi!" wika nito nang hablutin ang buhok ng kapatid at ipinaharap sa kanya. "Panuorin mo kung paano ko pahirapan ang kapatid mo. Hindi ka lalaban? Pwes, hayaan mong bugbugin ko siya hanggang ang katawan na niya mismo ang bumigay. Sa tingin mo, mapapatawad ka ng ama mo kapag may nangyaring masama sa kanya?"
Napaluha siya sa magkahalong sakit at galit. "Tama na...Ako na lang saktan mo. Pakawalan mo na ang kapatid ko. Yuki!"
Tumigil ito sa ginagawa at tumitig nang diretso sa kanyang mga mata. Unti-unti itong lumapit sa kanya. "Wala akong kilalang Kazumi Miyagami na nagmamakaawa!" at muli siya nitong sinipa sa sikmura.
"Hindi na siya si Kazumi." Sabay silang napalingon nang magsalita si Yuki sa kabila ng iniindang sakit. "Siya na ngayon si Misuke Odagiri, ang ate ko. Isang mapagmahal na kapatid, masunuring anak, tapat na kaibigan at huwarang estudyante. In short, hindi na siya isa sa inyo. Tigilan mo na ang ate ko. Tigilan mo na kami!"
"Iyon ba ang gusto mo, Kazumi, kaya mo kami iniwan?" may kasamang hinanakit ang sarkastikong tanong na iyon ng dating kaibigan.
"Gusto ko lang kayong protektahan lahat," mahinang sagot niya.
"At sa tingin mo sa ginawa mong pagtalikod sa amin, napoprotektahan mo kami laban sa malupit mong tiyuhin at maimpluwensya mong ama? Akala mo napabuti ang buhay namin nang umalis ka?" Namula ang mga mata nito sa sobrang galit kasabay ng pagtatagis ng mga bagang at mariing pagkuyom ng mga kamao.
Lalo siyang napaluha. Iyon ang ipinangako sa kanya ng tito niya at ng daddy niya kaya siya pumayag na umalis sa angkan nila. Ano ang nangyari? Ano'ng ginawa ng mga ito sa mga kaibigan niya habang wala siya?
"Wala kang alam, Kazumi. Wala kang alam!"
"Tera..."
"Tinalikuran mo kaming lahat para lang sa walang kwenta mong kapatid."
"Hindi totoo iyan..."
"Na tinalikuran mo kami o na walang kwenta ang kapatid mo? Alin ang hindi totoo, Kazumi?"
Hindi siya sumagot. Tinitigan niya lang ito nang diretso sa mga mata. She was slowly regaining her strength.
"Tapusin na natin ito," sa wakas ay wika ni Tera nang mainip sa kahihintay na magsalita siyang muli. Tumalikod ito sa kanya para muling lapitan ang kanyang kapatid.
"Kapag ginalaw mo ulit si Yuki, hinding-hindi kita mapapatawad," seryosong banta niya.
--
NAPANGITI si Terajiko nang marinig ang sinabing iyon ni Kazumi. That voice. He missed it for ten years.
Pumihit siya paharap dito. He wasn't surprised nang makita itong nakatayo nang tuwid sa harapan niya.
"Pakiulit ng sinabi mo?" nakangising tanong niya.
"Hindi ka pa rin nagbabago. Kinokontrol mo pa rin ang lakas mo sa tuwing nakikipaglaban ka sa akin. Kahit kailan hindi ka nagiging seryoso pagdating sa akin." Pinalagutok nito ang mga buto sa mga daliri at leeg bago matalim na tumitig sa kanya. That look he had never seen for years!
"Ibig sabihin ba nito, lalabagin mo na ang utos ng daddy mo na hindi ka na makikipaglaban ulit kahit kailan?"
"Kahit ano'ng utos kaya kong labagin para sa kapatid ko—kahit pa ang Sampung Utos ng Diyos!"
She was getting serious, at alam ni Tera na kapag hindi siya nag-ingat, maari niya itong ikapahamak. Si Kazumi ang kaharap niya. Nagiging halimaw ito kapag nakikipaglaban. But that was ten years ago. Who knew kung humina na ito gayong hindi na ito pinayagan ng ama na makipaglaban pa.
Nauwi na nga iyon sa one-on-one fight dahil hindi siya tumigil sa pagsugod kay Kazumi na palagi na lamang nitong nasasangga o naiiwasan. Wala namang nagtangkang makialam sa kanila.
"Huwag mong isipin na porke't nawala ako sa grupo, nakalimutan ko nang makipaglaban," wika nito nang mahuli ang isang kamay niya at ibinalibag ito sa semento.
"Tumahimik ka!" singhal niya rito at tumayong muli para suntukin ito.
Tumalim ang titig nito sa kanya. Sa isang iglap ay sinikmuraan siya nito nang medyo malakas na kanyang ikinabagsak sa semento. Sapo niya ang tiyan at namimilipit sa sakit.
"Sa susunod na guluhin mo kami, tatapusin kita at mga kasamahan mo," mariing banta nito sa kanya bago binalingan si Yuki. Nilapitan nito ang kapatid at inalalayang tumayo.
Shit! That was a wrong move out there, inaamin niya. Pero wala siyang pakialam. Masaya siya na nagbalik na ang kanyang kaibigan, o mas tamang sabihing, hindi ito nagbago. Pangalan lang nito ang nag-iba pero ito pa rin ang matibay at matapang na Kazuming nakilala niya—ang nag-iisang tagapagmana ng Miyagami Clan.
Welcome back, Kazumi!
"Tera, okay ka lang?" tanong ni Hikari nang lumapit ito sa kanya matapos makaalis nang tuluyan sina Kazumi at Yuki sa lugar na iyon.
"Ayos lang ako," sagot niya na kusang tumayo at inayos ang sarili.
"Kailangan na nating umalis. May paparating," wika ni Masukara sa kanila.
--
"UY, Kenji! Saan kayo nagpunta ni Misuke kagabi?" interesadong tanong ni Uchida.
"Ha? Hinatid ko lang naman siya pauwi," sagot niya.
"Nagkita ba kayo ng kapatid niya?" tanong naman ni Koji.
"Hindi. Kaya nga ako na ang naghatid sa kanya kasi hindi siya maihahatid nito."
"Kayo na ba?" namumungay ang mga matang tanong ni Minaru.
"Ha?" kunot-noong tanong na naman niya.
"Anong 'Ha?' ka diyan? Huwag mong sabihing mahina ka pagdating sa babae?" sagot nito.
"Ano ba'ng pinagsasabi n'yo?" Naguguluhan siya pero parang may ideya na siya kung anong ibig sabihin ng mga ito.
"Huwag mong sabihing hindi mo type si Misuke? Kung ayaw mo sa kanya, ako ang puporma sa kanya," wika naman ni Nobuta.
"O baka naman may iba na siyang babaeng nagugustuhan kaya hindi na siya tumitingin sa ibang babae."
"Tama..." tatangu-tangong sagot nila, ngunit biglang sabay-sabay na napakislot. "Yamiko?!"
"Ang aga-aga nagtsitsismisan kayo. Daig n'yo pa'ng mga babae," reklamo nito.
"Ano namang ibig sabihin sa ginagawa mo? Nakikitsismis ka rin naman," saway niya rito.
Napahiya ito at agad na umalis sa umpukan nila. "Okay, class! I'm checking your attendance now," pag-iiwas nito na agad pumunta sa harapan ng klase.
Lihim siyang napangiti pero isang ismid ang ipinakita niya. Habang busy ang mga kaklase niya sa kani-kanilang mga ginagawa, nagkaroon siya ng pagkakataong pagmasdan si Yamikonang mabuti na tila ba bawat detalye ng pagkatao nito ay tinatandaan niya. Hindi niya namalayang nakamasid pala sa kanya ang mga kaibigan niya.
"Ken," untag sa kanya ni Uchida. "Patawad sa itatanong ko, pero...May gusto ka ba kay Yamiko?"
"Haaaaa???" sabay-sabay na tanong ng ibang mga kaklaseng nakarinig kay Uchida. Lahat ay napatingin sa kanya. Napahinto naman si Yamiko sa pagsasalita at tumingin rin sa kanya.
"You wish," hindi direktang sagot niya at tumayo para lumabas.
"Hoy Kasahara! Ano'ng ibig mong sabihin, ha?" galit na sigaw ni Yamiko sa kanya. Lihim siyang natawa pero hindi na niya ito pinatulan. "Ang kapal ng mukha nito. Hoy! Akala mo naman kung sino kang gwapo..." hindi pa rin ito natigil sa kasisigaw hanggang sa hindi na niya marinig ang boses nito.
Sa rooftop niya inilabas ang kanyang tawa. Hawak-hawak pa niya ang kanyang tiyan na biglang sumakit dahil doon. Paulit-ulit niyang naaalala ang hindi maipintang mukha ni Yamiko dahil sa sinabi niya.
You wish.
Saan ba niya napulot ang sagot na iyon? Ah, ewan. Bigla na lamang iyong sumulpot sa utak niya at iyon na ang lumabas sa bibig niya.
Nahiga siya sa mga upuang naroon para magpalipas-oras. Inunan niya ang dalawang kamay at payapang ipinikit ang kanyang mga mata. Subalit mukha ni Yamiko ang kanyang nakita.
"You wish? You wish mo iyang mukha mo!"
Bigla siyang napabangon. "Yamiko..."
"As if naman papatulan kita!" bulyaw pa nito sa kanya.
"Bakit ka galit? Hindi ka naman pala affected," nalilitong tanong niya.
"Eh, bakit iyon ang sinabi mo? Sana diniretso mo na lang na wala para hindi na sila nag-react nang ganoon."
"Eh, sa tama naman sila!"
"Ano'ng ibig mong sabihin?"
"Kahit sabihin ko namang may gusto ako sa iyo noon pa, hindi naman magbabago ang tingin mo sa akin, hindi ba? Isa lang naman akong ordinaryong estudyante para sa iyo. Oh, your precious student! Estudyante pa rin!"
"Kenji..."
"Kenji!"
Bigla siyang napadilat nang maramdaman ang marahas na pagyugyog ng isang kamay sa kanyang balikat. Nagpalinga-linga siya sa paligid. Wala roon si Yamiko. Ang apat lang na kaibigan niya ang nakatayo sa kanyang harapan.
"Panaginip lang pala," wika niya sa kanyang sarili.
"Ano ba'ng nangyayari sa iyo?" tanong ni Koji.
"Siguro napanaginipan mo si Yamiko, ano?" tukso ni Nobuta sa kanya.
"Kilabutan nga kayo sa mga pinagsasabi n'yo," saway niya sa mga ito. Pilit din niyang pinapakalma ang sarili dahil sa kanyang panaginip. Nagtapat lang naman siya kay Yamiko. Mabuti na lang at panaginip lang pala. Pakiramdam niya kasi parang totoo.
"Siya, siya. Tama na iyan. Huwag n'yo nang ipilit si Yamiko kay Kenji. Para n'yo na ring sinabing walang taste ang kaibigan natin," wika ni Uchida.
"Ano'ng sabi mo?!"
Sabay-sabay silang napalingon nang marinig ang malakas na tinig na iyon ni Yamiko.
"Yamiko...?" nanginginig na nagsisiksikan sila sa isa't isa.
"Ah, eh... Ibig kong sabihin...hindi ba bawal magkaroon ng relationship ang isang guro at estudyante nito? So, hindi pwedeng magkagusto si Kenji sa iyo," nahihirapang palusot ni Uchida.
"Ah, oo. Tama," sang-ayon naman ni Yamikona biglang gumaan na ang mood.
"Teka, bakit ka ba naparito?" tanong niya rito.
"Ah! Dumating na ang examination results mo. Pumasa ka sa dalawang university. Congrats!" masayang balita nito sa kanya.
"Wow, Kenji! Ang tindi mo!" puri sa kanya ng mga kaibigan.
"The rest hinihintay ko pa. Since malapit na ang graduation day ninyo, sana naman huwag kayong gumawa nang kahit anong gulo na ikakapahamak ninyo. Tandaan n'yo, pwede kayong ma-expel kahit sa graduation day. Anyway, hindi ko naman din iyon hahayaang mangyari. Ingat lang, okay?"
Tumango lang sila.
"Oh, siya. Maiwan ko na kayo," paalam nito at tumalikod na.
"Ang dali talagang utuin nitong si Yamiko," wika ni Minaru.
"Ang dali ring mag-change mood," sagot naman ni Koji.
Napatingin siya sa kanyang mga kaibigan bago inihatid nang tingin si Yamiko. Napangiti lang siya.
"Ken, dapat ilibre mo kami ngayon, ha?" wika ni Koji.
"Dapat lang. It's a big celebration!" sang-ayon naman ni Nobuta.
"Okay, okay. Tara na."
Lunch break na kaya lumabas sila ng campus. Masayang nagkukulitan ang mga kaibigan niya habang nasa tulay sila nang mapalingon siya sa ibaba ng kanang bahagi niyon. Nagulat siya nang makita si Misuke na naglalakad. Medyo madungis ang hitsura nito at problemado ang mukha nito. Sa di-kalayuan ay nakita rin niya ang pinsan nito na nakatayo lang doon. Nakatalikod ang mga ito sa kanya.
"Kenji, gutom na ako. Bilisan mo nama— Huh? Si Misuke iyon, hindi ba?" tanong ni Koji nang mapatingin sa direksyong tinitingnan niya.
Napahinto naman ang iba at tumingin sa tinuturo ni Koji.
"Si Misuke nga. Ano'ng ginagawa nila ng pinsan niya sa ilalim ng tulay?" nagtatakang tanong ni Minaru.
"Baka sekretong tambayan nila iyan," biro ni Nobuta. Nagkatawanan ang mga ito.
Iniwas na niya ang tingin dito. "Tara na. Gutom na rin ako," yaya niya sa mga ito at nauna nang maglakad. Napasunod lang ang mga ito sa kanya.
"Koji, di ba si Ami iyon?" bulong ni Minaru nang pagpasok pa lang nila sa restaurant ay mapansin nito si Ami na crush ni Koji.
Napalingon naman sa direksyon nila si Ami at bahagyang yumuko bilang pagbati sa kanila. Nagpatuloy sa pag-uusap ang mga kasama nito. Pumwesto sila sa bakanteng table na di-kalayuan sa inuupuan ng grupo ni Ami. Tahimik lang siyang nakaupo roon habang lihim na pinagmamasdan ni Koji ang crush nito. Sina Minaru, Nobuta at Uchida ay iba rin ang pinag-usapan.
"Ang tagal namang bumalik ni Misuke. Hindi pa rin kaya nahahanap ang aso nila?" narinig niyang wika ng isang kasama ni Ami. Nakatalikod siya sa mga ito kaya hindi niya makita kung alin sa mga ito ang nagsasalita.
"If I know, ang pinsan niyang troublemaker ang pinuntahan niya. Lagi na lamang iyong napapaaway. Kawawa naman si Misuke, laging nadadamay," sagot naman ng isa.
Hindi niya ugaling makinig sa usapan ng may usapan pero may nag-udyok sa kanyang makinig pa sa usapan ng mga ito lalo na nang maalala ang nakita niya kanina.
"Wala tayong magagawa. Ganoon niya kamahal iyon, eh," boses ni Ami ang kanyang narinig.
Naantala ang kanya pakikinig nang dumating na ang kanilang order. Nagsimula na silang kumain, subalit ang utak niya'y busy sa pag-aanalisa sa mga narinig niyang impormasyon tungkol kay Misuke.
Nahinto ang kanyang pag-iisip nang may babaeng biglang nagsalita.
"Girl, mukhang tama ang sinabi mo kanina. Mukhang si Yuki nga talaga ang pinuntahan niya. Tumawag sa akin ang kaibigan ko ngayon. Nakita niyang dinala ito ng isang grupo ng kalalakihan sa Terazumi building..."
Halos sabay-sabay silang napahinto sa pagkain. Hindi niya alam na nakikinig din pala ang mga kaibigan niya sa usapan ng mga ito. Magkasunod nilang inilapag ang kani-kanilang bowl at chopsticks.
"Terazumi building? Di ba hideout iyon ng grupo ni Terajiko?" mahinang tanong ni Minaru.
"Terajiko?" tanong niya nang marinig ang pangalang binanggit ni Minaru.
"Oo, iyong lider ng Terazumi group. Grupo ng mga kriminal na galing Kugayama at doon namamalagi sa building na iyon. Ayon sa mga narinig ko, anak daw ng mga yakuza ang mga miyembro nito," mahinang sagot naman nito.
"Doon kaya galing sina Misuke bago pa sila naroon sa ilalim ng tulay?" nag-aalalang tanong ni Koji.
Walang sumagot. Pare-pareho silang natahimik at itinuloy na lamang ang pagkain, subalit ang isip niya'y busy sa pag-aanalisa.
Kazumi!
Terajiko?
Ano'ng ginagawa mo rito?
Alam mo kung saan ako hahanapin.
Pinsan ko siya.
Terazumi building.
Maya-maya'y tila nabuo ang isang puzzle sa isipan niya. Nabitiwan niya ang kanyang chopsticks.
"Bakit Ken?" sabay-sabay na tanong ng mga kaibigan niya nang mapansin ang kanyang reaksyon.
Agad siyang tumayo.
"Ken!"
Natigilan siya nang paglingon niya'y makasalubong niya si Misuke na papalapit sa table nina Ami.
"Kenji..." gulat na wika nito.
But he was more shocked nang makita ang hitsura nito at mga pasang hindi naikubli ng foundation at make-up. Ilang sandali niya itong tinitigan sa mga mata nito. Ito ang unang bumawi ng tingin. Napalingon ito sa mga kaibigan niya. Bahagya itong yumuko bilang pagbati at pumunta na sa mga kaibigan nito. Bumalik naman siya sa mga kaibigan niya.