INAYOS ni Misuke ang sarili at bumalik sa restaurant kung saan niya iniwan ang kanyang mga kaklase. Naroon pa rin ang mga ito, subalit laking gulat niya nang makita si Kenji.
"Kenji..."
Nagulat din ito nang makita ang hitsura niya lalo na ang mga pasang hindi naitago ng kanyang make-up. Hindi niya alam kung ano'ng ibig sabihin ng mga titig na iyon pero ang alam niya hindi niya iyon kayang tagalan. Binawi niya ang kanyang tingin. Paglingon niya'y nakita niya ang mga kaibigan nito. Bahagya siyang yumuko bilang pagbati. Pagkuwa'y pumunta na siya sa table ng kanyang mga kaibigan.
"Bwisit na tutang iyon. Pinahirapan ako," maarteng reklamo niya.
"Girl, saan ka ba nanggaling? Nabalitaan namin ang nangyari sa pinsan mo," tanong ni Aya.
"Dinala raw siya sa Terazumi building?" Yuriko.
"Ha? Anong Terazumi building? Nasa bahay na si Yuki pagdating ko roon. Napilitan nga akong sabihin na sa kanya ang tungkol sa tuta," pagsisinungaling na naman niya. Lihim na niyang pinagalitan ang kanyang sarili sa pamimihasa niya sa pagsisinungaling.
"Kung ganoon, mali ang sinabi sa akin ng kaibigan ko?" tanong ni Aya.
"Baka namamalik-mata lang siya. Basagulero nga ang pinsan ko pero hindi iyon duwag. Hindi siya sasama sa mga iyon nang hindi lumalaban," kumbinsi niya rito.
"Well, may point ka. Sabi ng kaibigan ko, kusa raw siyang sumama sa mga ito. So malamang nga hindi siya iyon," sang-ayon nito.
Nakangiti siyang tatangu-tango sa mga ito. Lihim siyang nakahinga nang maluwag. Ilang sandali pa'y tapos na ang mga itong kumain habang siya ay hindi pa dumarating ang in-order niyang dessert.
"Misuke, kailangan na nating bumalik sa school. Magsisimula na ang afternoon class natin," wika ni Ami.
"Sige, mauna na kayo. Susunod na ako," sagot niya rito. Naiwan siyang mag-isa sa table nila pagkatapos magpaalam ng kanyang mga kaklase. Ilang sandali pa'y dumating na ang in-oder niyang parfait. Hindi niya inintindi ang oras. Lumilipad ang isip niya sa nangyari sa kanila kanina sa Terazumi building.
"Sa kapapasok lang na balita, nahuli ng mga pulis ang puganteng si Terajiko Masako matapos ang ilang linggong pagtatago mula nang huli itong makatakas sa kulungan..."
Naantala ang kanyang pag-iisip nang marinig ang pangalang binanggit ng reporter. Napatingala siya at nanuod ng TV.
"Tera..."
Bigla niyang nabitawan ang hawak na kutsarita at nalaglag iyon sa sahig. Hindi niya iyon pinagkaabalahang pulutin. Para siyang tinakasan ng lakas sa kanyang napanood. Hindi siya makapaniwala sa napanood niya.
"Paalis ito ng kanilang hideout nang masakote ng mga pulis. Mabilis namang nakatakas ang mga kasamahan nito at kasalukuyan pang pinaghahanap ng mga awtoridad. Nahaharap si Masako sa iba't ibang kaso tulad ng theft, swindling, trespassing, homicide at iba pa..."
"Hindi. Hindi totoo iyan..."
Tatayo na sana siya para umalis nang biglang humarang ang mga tauhan ito ng daddy niya. "Miss Misuke..."
Biglang tumayo si Kenji para lumapit sa kanya, subalit napahinto rin nang senyasan niya itong huwag makialam.
"...pinasusundo po kayo ng daddy n'yo," wika ng lalaking nasa pinakaunahan.
Kasabay ng kanyang pagkagulat ay ang pagtataka."Bakit daw? May klase pa ako kaya hindi pa ako pwedeng umuwi," sagot niya.
"Nakapagpaalam na po ang daddy n'yo sa prinsipal ninyo at pumayag na ito."
May kinalaman kaya ito kay Terajiko?
Agad siyang sumakay sa nag-aabang na sasakyan sa labas. Tahimik lang siyang nakaupo sa gitna ng dalawang bodyguards na tumabi sa kanya. Hindi niya alam kung uuwi ba sila o pupunta sa opisina ng kanyang ama. Nang mga oras na iyon, naisip niyang gusto niyang makausap ang kanyang ama tungkol kay Terajiko. Kung tama ang kutob niya, may alam ito tungkol sa pinaggagagawa ng kaibigan niya na hindi niya alam. Malamang ito rin ang unang nagpakulong dito.
Ilang minuto pa'y huminto na ang sasakyan sa tapat ng bahay nila. Bumukas ang gate at pumasok ang sasakyan sa garahe. Naunang bumaba ang dalawang bodyguards at hinintay siyang makababa.
"Hinihintay po niya kayo sa study room," wika ng bodyguard na kumausap sa kanya kanina.
Hindi siya sumagot. Dire-diretso siya sa study room ng ama. Nakatayo ito at nakatalikod sa kanya.
"Importante po ba ang kailangan ninyo at kailangan n'yo talaga akong ipasundo?" tanong niya rito, at wala siyang pakialam if she sounded like a disrespectful spoiled brat.
"Marahil napanood mo na ang balita tungkol sa dati mong kaibigan. Naisip ko lang na baka gagawa ka na naman ng isang bagay na maaaring ikapahamak..."
"Kung iyon ang ikinababahala ninyo, wala kayong dapat alalahanin. I know my limits," sagot niya.
Pumihit ito paharap sa kanya. "Mabuti naman kung ganoon," sagot nito. Huminga ito nang malalim bago nagsalita, "Hindi lahat ng taong nagpapakita sa atin ng kabutihan ay mabubuti at hindi rin lahat ng gumagawa ng kasalanan ay masama."
"Hindi masamang tao ang kaibigan ko," pagtatanggol niya kay Tera.
"Hindi ko sinasabing masama siyang tao, pero ang mga ginawa niya ay labag sa batas."
Huminga siya nang malalim at hindi na nakipagtalo pa sa ama."Kung wala na po tayong ibang pag-uusapan, magpapahinga na po ako," magalang na paalam niya rito para matapos na ang kanilang usapan. Hindi niya kayang marinig ang iba pang sasabihin ng ama lalo na kung hindi ito maganda tungkol kay Terajiko. Oo galit siya sa ginawa ng mga ito sa kapatid niya, pero ang paratangan ito ng kung anu-anong hindi maganda ay hindi niya matatanggap. He's still her friend, after all.
Dumiretso siya sa kanyang silid at nahiga sa kanyang kama. Nakaharap siya sa kisame pero nakatingin sa kawalan. Iniisip pa rin niya ang kanyang kaibigan at kung paano ito matutulungan o kahit makausap man lang. Malakas ang paniniwala niyang hindi magagawa ni Tera ang ibinibintang dito. It wasn't like him.
Ilang minuto rin siyang nasa ganoong ayos nang may kumatok sa labas ng kanyang pintuan.
"Bukas iyan," sagot niya.
Bumukas ang pinto at pumasok mula roon si Yuki. Napaupo siya sa kanyang kama. "Yuki! Ano'ng ginagawa mo rito?"
"Napanood ko ang balita kanina sa TV," anito na hindi sinagot ang tanong niya. "Pinuntahan kita sa school n'yo kaso sinabi sa akin ng kaklase mo nasa restaurant ka pa tapos nakita ko ang kotse natin..."
"Hindi ka na naman pumasok sa klase mo?"
"Ate..."
"I'm okay," payak na sagot niya na sinabayan pa ng simpleng ngiti. Hinaplos niya ang buhok nito bago ito marahang itinaboy. "Sige na. Hayaan mo na ako rito."
"Sige, magpahinga ka na," wika nito bago tumayo at lumabas.
Bumalik siya sa pagkakahiga. Litung-lito ang isip niya nang mga sandaling iyon. Matagal na panahong wala siyang kontak kay Terajiko at tila nga nakalimutan na niya ito, subalit hindi pa rin pala nawala ang pagiging kaibigan niya rito.
Bumangon siya at tinawagan si Ami. "Hello, Ami?"
"Misuke! Okay ka lang ba? Hindi ka bumalik sa afternoon class natin."
"Sumama kasi ang pakiramdam ko kaya nagpaalam akong umuwi na. Busy ka ba ngayon?"
"Hindi na. Palabas na kami ng school."
Tiningnan niya ang kanyang wall clock. Pasado alas singko na ng hapon."Pwede huwag muna kayong umuwi? Labas muna tayo."
"Sigurado ka?"
"Oo. Magpapaalam lang ako. Hintayin mo ako sa harap ng Katsu's Archade," at agad pinatay ang kanyang linya.
Mabilis siyang nag-shower, nagbihis at inayos ang sarili. Huminga siya nang malalim. Sinikap niyang maging maayos ang kanyang hitsura. Masyadong maraming nangyari nang araw na iyon. Kakalimutan muna niya ang problema at susubukang mag-enjoy kasama ang mga kaibigan niya, baka sakaling maging maayos na ang lahat paggising niya kinabukasan.
Iniba niya ang kanyang get-up, malayo sa mahinhin at girly-type na Misuke. Ewan niya kung bakit pero gusto niyang maging astig ang dating niya. Naka-tattered jeans at white spaghetti na tinakpan ng black hoodie jacket—ang mismong hood ng kanyang yumaong ina. Nakalugay lang ang buhok—walang clip or kahit anong tali.
"May lakad ka?"
Napalingon siya nang marinig ang boses ni Yuki. Kalalabas lang nito mula sa sariling kwarto nang papunta na siya sa hagdanan.
"Yup. Niyaya ko ang mga kaibigan kong lumabas. Pumayag naman kaya magkikita kami ngayon," masiglang sagot niya."Gusto mong sumama?"
"Hindi," anito na tiningnan ang kabuuan niya mula ulo hanggang paa.
"Pangit ba?" tanong niya na inunahan ang kapatid.
"Hindi naman. Nanibago lang ako."
"Well, para maiba naman," kibit-balikat niya. "See yah."
"AMI!" tawag niya kay Ami na matiyagang nakatayo sa labas ng pinag-usapan nilang lugar at naghihintay sa kanya.
Nagulat ito sa hitsura niya. "Bakit ganyan ang ayos mo? Hindi kita nakilala," wika nito.
"Wala lang. Nasaan na nga pala ang iba?" tanong niya nang mapunang si Ami lang ang naghihintay sa kanya.
"Ah, eh, nauna na silang umuwi," nag-aalangang sagot nito.
Napatingin siya rito. "May problema ba?"
"Misuke, pasensya na talaga pero kailangan ko rin kasing umuwi nang maaga ngayon. Malapit na kasi ang entrance exam sa Hindouji University. Nag-apply kasi ako do'n," mahinang sagot nito.
"Oh," aniya na parang napahiya. Pakiramdam tuloy niya'y iniiwasan siya ng mga kaibigan niya. May kinalaman kaya ito sa nangyari kanina? Mariin niyang iwinaksi iyon sa kanyang isipan. Nagkataon lang ang lahat. Graduating sila at lahat ng mga kaklase niya ay naghahanda para sa college entrance test ng mga kolehiyong papasukan nila.
"Sorry, hindi kita masasamahan ngayon. Iyon sana ang sasabihin ko pero nag-hang up ka na," hinging-paumanhin nito.
"Naku, sorry! Nakalimutan ko ang tungkol do'n. Ang tanga ko talaga! Sige na, umuwi ka na. Baka bumagsak ka pa sa exam mo. Hindi ko mapapatawad ang sarili ko kapag nangyari iyon," pabirong taboy niya rito kahit sa loob-loob niya'y nasasaktan siya. Pakiramdam niya'y nag-iisa na siya.
"Paano ka?" nag-aalalang tanong nito.
"Ako? Kakain lang ako sandali tapos uuwi na rin ako agad. Baka kasi magutom ako pag-uwi ko sa bahay," sagot niya. Again, that was a lie. Hindi niya alam kung saan siya pupunta. Basta ayaw muna niyang isipin ang problema niya at lalong ayaw niyang umuwi sa mansyon.
"Sige, alis na ako. Pasensya na talaga," paalam ni Ami sa kanya.
"Ingat ka. Bye!" Nakangiti siya sabay kaway habang inihahatid ng tingin ang kaibigan. Nang mawala na ito sa paningin niya'y nalungkot na siya.
Nagsimula siyang maglakad. Hinayaan lang niya ang kanyang paa kung saan siya dalhin ng mga ito.
"SORRY," wika niya sa taong nakabunggo niya kasabay ang bahagyang paglingon at pagyuko. Saglit na nagtama ang paningin nila ng isang binata. Bigla siyang kinabahan subalit sa loob-loob niya'y iwinawaksi niya ang iniisip. Hindi si Kenji iyon. Naalala lang siguro niya ito.
Nagpatuloy siya sa paglalakad habang lumilipad ang kanyang isip kung saan-saan—kay Terajiko, sa daddy niya, kay Yuki at kay Kenji. Dahil wala siya sa kanyang sarili, hindi niya masyadong napagtuunan ng pansin ang kanyang dinadaanan kaya muli na naman siyang nabunggo ng kanyang kasalubong. Tulad ng nauna, humingi siya ng paumanhin bago tumalikod at nagpatuloy sa paglalakad.
"Sandali!" sigaw ng lalaki.
Para siyang natauhan. Huminto siya at napalingon dito. "Ha?"
Tatlong pares ng mga mata ang nakatingin nang masama sa kanya. Hindi niya kilala ang unipormeng suot ng mga ito, pero sigurado siyang mga high school students pa ang mga ungas.
"Hindi ka ba marunong tumingin sa dinadaanan mo?" tanong ng lalaking nasa gitna na tumawag sa kanya.
"Nag-sorry na naman ako, di ba?" kunot-noong sagot niya.
"Aba'y ang yabang nito, ah," napipikong wika ng isang kasama nito.
At siya pa ngayon ang mayabang? Siya na nga itong humingi ng tawad.
"Hoy, Miss! Hindi porke't babae ka, palalampasin ko ang ginawa mo," wika ulit ng kanyang nakabunggo na unti-unting lumapit sa kanya habang nakasunod lang sa likuran nito ang dalawa nitong kasama.
Huminga siya nang malalim. Sa loob-loob niya'y unti-unti na rin siyang naiinis sa mga ito. Please lang, huwag n'yo akong gagalitin dahil wala ako sa mood ngayon at kanina pa ako naba-bad trip sa araw na 'to.
"Pasensya na talaga. Hindi ko sinasadya," buong pagpapakumbabang wika niya rito na yumuko ulit. Hangga't kaya pa niya, kinontrol niya ang kanyang damdamin.
Pinalibutan siya ng mga ito. Tinitigan siyang mabuti ng lalaki. "Well, madali naman akong kausap. Hindi naman ako basta-basta nananakit lalo na sa mga babaeng kasingganda mo," wika nito na sinuyod nang tingin ang kabuuan niya. "Kung talagang nagsisisi ka sa ginawa mo, bakit hindi ka sumama sa aming makipag-inuman?"
"Sorry, hindi ako umiinom at hindi rin ako sumasama sa mga hindi ko kilala," marahang tanggi niya kahit diring-diri na siya rito at gustong-gusto na niya itong sapakin.
"Huwag ka nang pakipot," wika pa nito na tinangka siyang hawakan ngunit agad niyang naitakwil ang kamay nito. Medyo naging marahas ang ginawa niya kaya nabigla ito. Galit itong tumitig sa kanya. "Aba'y lalaban ka pa, ha?"
Akma siya nitong susuntukin ngunit hindi iyon natuloy dahil may kamay na pumigil dito. Isang lalaking hindi niya kilala ang may hawak ng pulso ng lalaking gustong manakit sa kanya. Galit na napalingon dito ang sanggalo at tulad niya'y nagulat din ito.
"Azuki? Ano'ng ginagawa mo rito?" wika nito sa binata.
"Yoshida...Pati ba naman babae pinapatulan mo? How pathetic!" nanunuyang sagot nito.
"Ano'ng sabi mo?" tila nag-init sa galit si Takeru sa sinabing iyon ni Azuki. Ilang sandali pa'y nagsidatingan ang ilang mga kalalakihan na mukhang kasamahan nito.
"Ah, excuse me. Pwede na ba akong umalis? Mukhang may importante kayong meeting, eh," paalam niya sa mga ito.
Aalis na sana siya ngunit hinarang siya ng isang kasamahan ni Takeru. "Saan ka pupunta?" tanong nito sabay hawak nang mahigpit sa kanyang braso.
Napapikit siya at huminga na naman nang malalim. Matalim siyang tumitig dito. "How dare you! Huwag mo akong hawakan!!!" Pagkuwa'y marahas niyang binawi ang kanyang kamay at sinuntok ito sa mukha. Bumagsak ito sa semento. Gulat na napalingon ang lahat. Hindi makapaniwalang napatitig si Azuki sa kanya.
"Wow!" namamanghang wika nito.
"Pangahas ka!" sigaw ni Takeru. Susugod na sana ito ngunit nasangga ito ni Azuki.
Hanggang sa ang dalawa na ang nagkasuntukan. Sumugod naman ang iba pa nitong mga kasama upang tumulong kaya nauwi sa rambolan ang lahat—sila ni Azuki laban sa mahigit sampung kalalakihan. Hindi tumagal ang kanilang laban dahil pinatumba niya agad ang mga kalaban. Ni hindi nga niya hinayaang makalapit ang mga ito sa kanya o ang mapuruhan si Azuki. Nainis pa nga siya sa pagpapasikat nito imbes na magpasalamat sa pagtulong nito sa kanya.
"Miss, okay ka lang?" tanong nito sa kanya pagkatapos magsitakbuhan ang mga kalaban nila.
"Di ba dapat ang sarili mo ang tinatanong mo niyan? Pa-hero-hero ka pa kasi. Hindi ko naman kailangan ng tulong mo," mataray na sagot niya. Hindi niya intensyong bastusin ito pero talagang inis na inis siya nang mga oras na iyon. Malas lang siguro nito at ito ang napagbuntungan niya.
"Eh, kung alam ko rin namang ganyan ka kayabang, sana hinayaan na lang kitang bastusin ng mga iyon," inis na sagot nito.
"Sa tingin mo ba hahayaan ko sila...?" Hindi niya naituloy ang sasabihin nang tumunog ang kanyang cellphone. Si Yuki ang tumatawag. "Oh, Yuki! Napatawag ka?"
Ilang sandali rin ay may tumawag kay Azuki kaya tumalikod na ito sa kanya. Lumakad na ito palayo habang kinakausap ang nasa kabilang linya. Hinayaan na lamang niya ito bagama't medyo nakonsensya rin siya.
"Nasaan ka?" tanong ni Yuki sa kanya.
Tumingala siya at sinuyod nang tingin ang kinaroroonan niya. "Andito ako isang kanto ng Shitori Town malapit sa isang bowling alley," sagot niya rito.
"Sino'ng kasama mo?"
"Ako lang mag-isa. Hindi kasi sumipot ang mga classmates ko kasi kailangan nilang mag-aral para sa college entrance test nila. Si Ami naman umuwi nang maaga dahil din doon kaya naglakad-lakad lang ako."
"Susunduin na lang kita diyan," wika nito na kahit kalmado ay halata namang nag-aalala sa kanya.
"Huwag na. Mapapagod ka lang. Hindi naman ako masyadong magtatagal, eh. Teka, 'asan ka ba?"
"Sa dating tambayan," sagot nito.
Napatawa siya nang mahina. "Sus! Akala ko pa naman nasa bahay ka. Pupuntahan na lang kita."
Pagkapatay niya ng kanyang linya, lumakad na siya papunta sa bilyarang tinatambayan ni Yuki. Subalit hindi pa man siya nakakapangalahating kilometro ay naramdaman niyang may lihim na sumusunod sa kanya. Lumiko siya sa isang hindi mataong iskinita at huminto roon.