"Ang ganda niya, 'no?" Napalingon si James nang magsalita ang kaibigan niyang si Andy sa likuran niya. "Saan kaya siya nakatira? Ngayon ko lang kasi siya nakita rito sa lugar natin, eh. May ideya ka ba kung saan siya nakatira? Ang ganda niya kasi, eh."
"Mukha ba akong may ideya kung saan siya nakatira? Ano'ng akala mo sa akin babaero? At saka, may kasintahan na ako kaya wala akong interes sa ibang babae lalo na sa babaeng 'yon."
Kung makapagsalita ito akala mo ngayon lang ito nakakita ng magandang babae.
"Sobrang ganda niya talaga," paulit-ulit nitong sambit na akala mo nasisiraan na ng bait.
"Hindi naman siya ganoon kaganda," pagkontra niya sa sinabi nito dahilan para samaan siya nito ng tingin.
"Wala ngang sinabi ang girlfriend mo roon, eh," pambubuska nito sa kaniya. "'Yong babaeng nagpaayos sa 'yo ng sasakyan kahit walang kolorete sa mukha napakaganda pa rin. Samantalang 'yong girlfriend mo kahit puno na ng kolorete ang mukha, ganoon pa rin."
Inaamin niya na walang sinabi ang ganda ng girlfriend niya sa ganda ng babaeng tinulungan niya kani-kanina lang.
Pero nakasisiguro naman siya na mabait at maaasahan ang girlfriend niya kumpara sa babaeng tinutukoy ni Andy.
Ilang taon na rin silang magkasintahan ni Jessa kaya kilalang-kilala na nila ang isa't isa.
Eh, ang tinutukoy ni Andy ay halatang matapobre base sa pananalita nito at sa perang iniabot nito sa kanila.
Ang akala siguro ng babaeng 'yon lahat ng bagay ay nadadaan sa pera.
"Huwag kang tumingin sa panlabas na anyo lang, Andy. Ang tingnan mo ay 'yong kalooban," payo niya rito. "'Yong babaeng sinasabi mo na maganda, hitsura pa lang halatang mataray na. Baka nga kapag humingi ka ng saklolo roon hindi ka man lang no'n lingunin, eh. Lagi mong tatandaan na hindi lahat ng maganda ay maganda rin ang kalooban."
"May boyfriend na kaya siya?" tanong nito na para bang nahihibang na dahil hindi nito pinansin ang payo niya.
Kanina pa nakaalis ang babaeng pinag-uusapan nila pero itong kaibigan niya ay nakatingin pa rin sa kalsada kung saan ito dumaan.
Unang tingin pa lang niya sa babae alam niyang hindi ito basta-basta.
Halata kasi na galing ito sa prominenteng pamilya base sa gamit nitong sasakyan at sa suot nitong damit.
"Sayang naman! Hindi ko man lang naitanong kung ano ang pangalan niya!" puno ng panghihinayang na saad ng kaibigan niya.
"Hinding-hindi ka papatulan no'n kaya tigilan mo na 'yang kahibangan mo, Andy! Kahit walang boyfriend 'yon siguradong hindi ka pa rin no'n papatulan."
"Grabe ka naman! Ang sakit mo namang magsalita, James!" Ayaw niya lang na masaktan ang kaibigan niya kaya niya iyon nasabi. "Teka! Ano ba ang gagawin natin dito sa pera?" mayamaya ay tanong nito.
Nagkibit-balikat siya. "Ibili mo raw ng meryenda."
"Hindi kaya magtae-tae tayo rito?"
Kumunot ang noo niya. "Bakit naman?"
"Twenty thousand 'to, eh! Ibibili ko ba lahat 'to ng meryenda?"
"Kung kaya mong ubusin, bakit hindi?"
"Ibibili ko na lang 'to ng mga pagkain para makakain din ang mga kasamahan natin sa bukid. Ano sa tingin mo, Pare?"
"Matanda ka na kaya alam mo na siguro kung ano ang dapat mong gawin. Bahala ka na kung ano ang gusto mong bilhin basta't 'wag ka lang mambabae sa siyudad gamit ang perang 'yan," saad niya sa kaibigan niya. "Bigyan mo rin sina Mang Lucio at Mang Nilo dahil tumulong din sila." Tukoy niya sa dalawang matanda na kasama nila kanina.
"Anong akala mo sa akin babaero? Ang gusto kong maging girlfriend ay iyong babaeng tinulungan natin. Grabe sobrang ganda niya. Siya na yata ang pinakamagandang babae na nakita ko rito sa buong Bicolandia, eh."
Napailing-iling na lang siya dahil halatang nababaliw na ito. "Mauuna na ako sa 'yo, Andy."
"Saan ka pupunta?"
"Uuwi na dahil marami pa akong gagawin. Tag-ulan na kaya kailangan kong ayusin 'yong kubo ko."
"Bakit kasi hindi ka na lang magpatayo ng sarili mong bahay? Masyado mong tinitipid 'yang sarili mo kahit may pera ka naman."
"Saka na ako magpapagawa ng bahay kapag natubos ko na ang lupang isinangla ng tatay ko sa mga Madrigal. Sa ngayon, kailangan ko munang magtipid para mabawi ko na ang dapat na sa amin."
Bago mamatay ang ama niya ay ipinangako niya na babawiin niya ang lupang pag-aari nito.
Kung kinakailangan niyang magtipid ng doble ay gagawin niya dahil hindi siya papayag na mawala ang pinaghirapan ng mga ito.
"Kausapin na lang kasi natin ang mga Madrigal na bigyan pa nila tayo ng kaunti pang panahon para makabayad. Hindi naman siguro sila gipit para pilitin tayo na tubusin na ang lupa mo, 'di ba?"
Napabuga siya ng hangin. "Sa tingin ko hindi na sila papayag."
"Bakit naman?"
"Dahil sobra-sobra na ang palugit na ibinigay nila sa akin. Limang taon na ang nakalipas pero kahit isang kusing ay hindi man lang ako nakapaghulog sa kanila."
"Wala namang masama kung susubukan mo, eh. Hindi naman siguro 'yon gano'n kasama para palayasin tayo rito sa lupang sinilangan natin. At saka may pera ka naman, 'di ba? Eh, 'di 'yon muna ang ibigay mo tapos 'yong kulang saka na lang kapag nakaluwag-luwag na ulit."
"Bahala na." Tinapik niya ang balikat nito para magpaalam. "Andy, uuwi na muna ako. Magkita na lang tayo bukas sa bukid. Marami pa kasi akong gagawin sa bahay, eh."
"Sige, ingat ka pauwi, Pare."
"Salamat. Ikaw, hindi ka pa ba uuwi?" tanong niya.
"Pupunta pa ako sa bayan para mamili. Itong perang hawak-hawak ko ngayon ay ibibili ko lahat ng mga pagkain," tugon nito.
Halos kanina pa nito paulit-ulit na binibilang ang perang ibinigay ng estranghera.
"Sige, mag-iingat ka. Magpasama ka na lang kay Lito para hindi ka gaanong mahirapan. Sira rin kasi ang sasakyan ko kaya hindi kita masasamahan ngayon."
"Ayos lang, Pare. Kayang-kaya ko na 'to kahit wala akong kasama. Ako pa ba?"
Napangisi siya dahil minsan ay may kayabangan din talaga itong taglay.
Kahit gusto niya itong samahan ay hindi niya magawa dahil sira rin ang sasakyan niya.
Bukod pa roon ay inaabangan niya kasi ang pagdating ng taong pinagkakautangan nila.
Ayon kasi sa abogado ng mga Madrigal ay darating daw ngayon ang taong maniningil sa kanila.
Kaya dapat daw ay ihanda niya na ang pera.
Hindi niya tuloy alam kung ano ang gagawin niya lalo na't apat na milyon pa lang ang naiipon niya.
Habang naglalakad pauwi sa kubo niya ay naglalakbay din ang diwa niya. Ang lakas kasi ng kabog ng dibdib niya na para bang may hindi magandang mangyayari.
Pagdating niya sa kubo niya ay naabutan niya ang kasintahan niyang Jessa.
Nakaupo ito sa upuang kahoy habang nakasandal ang likod nito sa puno ng caimito.
Biglang nagliwanag ang mukha nito nang makita siya kaya bahagya siyang natawa. "Kanina pa kita hinihintay. Saan ka ba nanggaling, Honey?" tanong nito sa kaniya habang nakanguso. "Bakit puro grasa 'yang damit mo?"
"May nasiraan kasi ng sasakyan sa daan kaya tinulungan ko," saad niya. "Dapat sa loob mo na ako hinintay. May duplicate key ka naman, 'di ba?"
"I miss you, Honey," sa halip ay sabi nito sabay yakap sa kaniya na ginantihan naman niya naman ng isang mahigpit na yakap.
"I miss you, too," tugon niya sabay halik sa noo nito. Kasal na lang ang kulang sa kanilang dalawa ni Jessa. "Kumain ka na ba?"
Tumango ito.
"Kaya ako pumunta rito para ipaalala sa 'yo na linggo bukas. Sabay tayong magsisimba bago tayo pumunta sa bukid."
Napangiti siya dahil lagi siya nitong niyayayang magsimba. Ayaw daw kasi nito na maghiwalay sila kaya lingo-lingo silang nagtutungo sa simbahan para magpasalamat sa itaas.
"Alas-singko pa lang gumising na tayo, ha?"
"Sige."
"I love you, Honey ko."
"Mahal din kita," buong puso niyang saad sa kasintahan niya.
Sigurado siyang magiging mabuti itong asawa at ina ng mga anak nila sa hinaharap.
Kaya sa oras na maayos niya ang problema niya sa lupa ay agad niya itong yayayain ng kasal para tuluyan na silang magsama sa iisang bubong.